Kaibigan sa Kaibigan
Tapang na Ipamuhay ang Ebanghelyo
Mula sa interbyu kay Elder Erich W. Kopischke ng Pitumpu, na naglilingkod bilang Unang Tagapayo sa Europe Area Presidency; ni Hilary M. Hendricks
“Huwag kang matakot, … sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo” (Josue 1:9).
Ang aking ama, si Kurt, ay bata pa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Poland. Madalas siyang magutom, ginawin, at matakot. Pagkatapos ay may magandang nangyari. Pinasama siya ng 10 taong-gulang na kaibigan niyang si Otto Dreger sa Sunday School kasama ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa Sunday School, napag-aralan nina Kurt at Otto na sila ay mga anak ng Diyos. Kumanta sila ng mga awitin. Natuto silang magdasal. Nagustuhan ni Kurt ang nadama niya nang magsimba siya: panatag at masaya. Pinasama niya sa kanya ang kanyang mga magulang at kapatid. Di nagtagal nabinyagan ang tatay ko at pamilya niya. Natulungan sila ng ebanghelyo ni Jesucristo na maging matapang sa mga panahon ng paghihirap.
Napakatalino ng aking ama, at gusto niyang mag-aral sa isang unibersidad. Sa panahong iyon ang gobyerno kung saan siya nakatira ang pumipili kung sino ang makakapag-aral sa unibersidad at sino ang hindi. Ayaw ng gobyerno na maniwala sa Diyos ang mga tao. Sinabihan si Itay na makakapag-aral lang siya sa unibersidad kung ihihinto niya ang pagiging kasapi sa Simbahan at pagsasalita tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Alam ng tatay ko na hindi niya kayang isuko ang kanyang relihiyon. Sa halip, nagpasiya sila ng aking inang si Helga na lisanin ang kanilang tahanan. Sumakay sila ng tren patungong West Germany, na ipinagdarasal na payagan silang makapasok sa bansang iyon. Sa hangganan hindi tiningnan ng mga pulis na nagsisiyasat sa mga tren ang kinalalagyan ng aking mga magulang. Kaya nakapagsimula sila ng bagong buhay sa isang bansa kung saan masasamba nila ang Diyos. Dalawang buwan pagkaraan ay isinilang ako.
Tulad ng aking mga magulang, kinailangan ko ng tapang na ipamuhay ang ebanghelyo. Isang taon akong naging sundalo sa hukbong Aleman. Karamihan sa mga sundalo ay nagsasalita nang masama, naninigarilyo, at gumagawa ng mga bagay na alam kong hindi ko dapat gawin. Kung minsan damdam ko’y nag-iisa ako, pero sinikap kong laging sundin ang mga pamantayan ng Ama sa Langit. Iginalang ng mga opisyal ko ang aking paniniwala at binigyan ako ng oras na makibahagi sa mga aktibidad sa Simbahan.
Sa huling gabi ng paglilingkod ng isang sundalo, naglalasingan sila ng kanyang mga kaibigan at magulong nagkakasayahan. Inisip ko at ipinagdasal kung ano ang dapat kong gawin pagdating ng huling gabi ko. Pagdating niyon, sinabi ko sa grupo ng mga sundalong kasama ko sa serbisyo, “Gumawa tayo ng isang bagay na hindi pa nagagawa kahit kailan.” Isinuot namin ang aming pinakamagandang damit at tahimik na nagpaalam sa mga lider ng hukbo namin. Hindi makapaniwala ang major namin. Nadama kong ginabayan ako ng Ama sa Langit para makita ang sagot sa problema ko. Kapag ginugunita ko, nakikita ko na ang pinakamalalaking pagpapala sa buhay ko ay nagmula sa pagsunod sa payo ng mga propeta at pagtupad sa mga utos ng Diyos.
Kung minsan may mga bagay na nais ipagawa ang mga kaibigan ninyo sa inyo na alam ninyong hindi tama. Huwag kalimutan kailanman ang pangako ninyong ipamuhay ang mga pamantayan ng Ama sa Langit. Habang sinisikap ninyong sundin ang Kanyang mga utos, pagpapalain Niya kayong malaman ang dapat ninyong sabihin at gawin. Tutulungan Niya kayong huwag matakot. Tulad ni Otto na kaibigan ng aking ama, maibabahagi ninyo sa inyong mga kaibigan ang alam ninyo tungkol sa Ama sa Langit at ang mga paraan na nadarama ninyo ang Kanyang pagmamahal. Ang inyong tapang na gawin ang tama ay gagawa ng kaibhan!