2009
Ang Mismong Kailangan Ko
Marso 2009


Ang Mismong Kailangan Ko

Dahil sa dami ng gagawin ko, maaga akong umalis ng bahay, at halos mamutok ang backpack ko sa mga libro, uniporme sa martial arts, sapatos na pangsayaw, baon sa tanghalian, at baon sa hapunan na kailangan ko para makayanan ang isa na namang abalang araw sa kolehiyo. May dalawa akong pagsusulit na damdam ko’y hindi ko napaghandaan, babasahing hindi ko natapos, at wala akong sapat na oras para puntahan ang lahat ng dapat kong puntahan sa araw na iyon.

Suot ang paldang kailangan ko sa pagsusulit sa sayaw, naasiwa ako sa laki ng backpack ko at kinabahan na baka hindi ako umabot sa oras ng unang klase ko. Nang matapilok ako at bumagsak sa gitna ng mataong sangandaan sa harap ng maraming estudyante at sasakyan, napaiyak ako sa hiya at inis, at nabutas pa ang bagong stockings ko. Alas-siyete pa lang ng umaga, at umiiyak na ako.

Nang tumayo ako at paika-ikang lumakad papasok sa eskuwela, taimtim akong nagdasal sa Panginoon na magsugo ng taong magpapasaya sa akin. Mabuti sana kung makikita ko ang nanay ko, pero dalawang estado ang layo niya. Marahil masasagot ng Panginoon ang dalangin ko sa pamamagitan ng isa sa mga kakuwarto kong bibisita sa isa sa mga klase ko. O kaya’y isugo Niya ang binatilyong gustung-gusto ko sa ward.

Umaasang inilibot ko ang aking tingin habang nagmamadaling pumunta sa unang klase ko pero wala akong nakitang kakilala ko. Tinapos ko ang unang pagsusulit ko, na umiiyak pa rin, at humangos sa ikalawang klase ko, at nahuli ako ng dating. Inis pa rin ako nang takbuhin ko ang ikatlong klase ko at madalian akong naghanda para sa susunod kong pagsusulit. Mas nadalian ako sa pagsusulit na iyon kaysa inaasahan ko at pakalma na ako nang makita ko ang isang tahimik na pasilyo kung saan puwede kong kainin ang tanghalian ko habang nag-aaral. Nakasubsob ako sa aking mga libro nang marinig kong may tumawag sa pangalan ko.

Tumingala ako at nakita ko ang aking visiting teacher, na noon ko lang nakita sa loob ng kampus. Umupo siya sa tabi ko, at nag-usap kami nang halos isang oras—hindi tungkol sa mga hinagpis ko sa araw na iyon kundi sa magagandang nangyari sa akin, sa mga plano namin, at sa mga bagay na lumiligalig sa kanya.

Pag-alis niya saka ko lang naalala ang nagsusumamo kong panalangin sa umagang iyon. Mangyari pa sasagutin ng Panginoon ang panalangin ko sa pamamagitan ng babaeng tinawag para bantayan ako. Ninais kong may magpasaya sa akin sa umagang iyon, pero alam Niya na kalaunan pa sa araw na iyon ako magiging handang makita ang isang kaibigan—kapag kalmado na ako nang sapat para tumanggap ng pag-alo at mag-alo rin sa ibang may sariling mga hamon.

Kilala ako ng Panginoon at isinugo Niya sa akin ang mismong kailangan ko sa mismong oras na kailangan ko ito.

Taimtim akong nagdasal sa Panginoon na magsugo ng taong magpapasaya sa akin.