Oras ng Pagbabahagi
“Ang Aking Bahay ay Isang Bahay ng Kaayusan”
“Isaayos ang inyong sarili; ihanda ang bawat kinakailangang bagay; at magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalanginan, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pagkakatuto, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos” (D at T 88:119).
Sabi ng Panginoon, “Ang aking bahay ay isang bahay ng kaayusan” (D at T 132:8). Ang templo ay bahay ng Panginoon, pero ang bahay natin ay maaari ding maging bahay ng kaayusan. Ang isang bahay ng kaayusan ay isang tahanan kung saan natin sinisikap sundin ang turo ni Jesus. Ito ay isang tahanan kung saan makadarama tayo ng pagmamahal at kapayapaan.
Binigyan ng Ama sa Langit ang mga magulang ng responsibilidad na turuan at pangalagaan ang kanilang mga anak nang may pagmamahal at kabaitan. Binigyan Niya ang mga anak ng responsibilidad na sundin at igalang ang kanilang mga magulang. Nais ng Ama sa Langit na magtulungan ang lahat ng miyembro ng pamilya na gawing masaya at payapa ang kanyang tahanan na tatahanan ng Espiritu.
Ikinuwento ni Elder Glenn L. Pace ng Pitumpu kung paano natulungan ng kanyang bunso ang kanilang pamilya na gawin ang mga bagay sa paraan ng Panginoon. Sabi niya: “Siya ang nagpapaalala sa amin noon na magdasal bilang pamilya. Siya ang nagsumikap na kasabikan namin ang family home evening. Gumagawa siya ng mga treasure hunt; naghahanda ng merienda; gagawin niya ang lahat para kasabikan ng pamilya ang family home evening” (“Friend to Friend,” Friend, Peb. l997, 7).
Aktibidad
Pilasin ang pahina K4 mula sa magasin, at idikit ito sa makapal na papel. Gupitin ang mga piraso ng puzzle. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:119, at buuin ang puzzle sa tamang pagkakasunud-sunod ng mga salita, na tugma sa talata. Kapag nabuo na ninyo ang puzzle, bigkasin ang banal na kasulatan nang ilang beses at sikaping isaulo ito.
Isipin ang mga bagay na magagawa ninyo para matulungan ang inyong pamilya na magkaroon ng tahanang nais ng Ama sa Langit para sa inyo—isang tahanan kung saan makadarama kayo ng pagmamahal at kapayapaan, at ng presensya ng Kanyang Espiritu.
Isaayos ang inyong sarili;
ihanda ang bawat kinakailangang bagay;
at magtayo ng isang bahay,
maging isang bahay ng panalanginan,
isang bahay ng pag-aayuno,
isang bahay ng pananampalataya,
isang bahay ng pagkakatuto,
isang bahay ng kaluwalhatian,
isang bahay ng kaayusan,
isang bahay ng Diyos.
Mga Ideya sa Oras ng Pagbabahagi
-
Magpakuwento sa isang lider ng Primary tungkol sa isang panahong sinunod niya ang kanyang mga magulang. Ipabahagi sa kanya ang mga bunga nito. Ipabuklat sa mga bata ang Mga Taga Colosas 3:20. Ipaliwanag na ang talatang ito ay isinulat ni Pablo, na isang Apostol ni Jesucristo. Bago basahin nang sabay-sabay ang talata, ipahanap sa mga bata ang mga sagot sa mga tanong na ito: Sino ang kausap ni Pablo? Ano ang ipinagagawa sa kanila ni Pablo? Basahin ang banal na kasulatan, at hingan sila ng mga sagot. Pagkatapos ay itanong: Ano ang ilan sa mga paraan na nakatulong sa inyo ang pagsunod sa inyong mga magulang para kayo manatiling ligtas o makapili ng tama? Maghagis ng beanbag sa ilang bata, at magpasabi sa kanila ng isang bagay na ipinagagawa sa kanila ng kanilang mga magulang na masusunod nila. Patotohanan ang kahalagahan ng pagsunod sa mga magulang.
-
Pagtatanghal ng awit: “Walang Hanggang Pamilya” (2009 Outline para sa Oras ng Pagbabahagi at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting). Iparinig sa mga bata ang musika nang ilang beses. Pagkatapos ay patugtuging muli ang musika, at pasabayin ang mga bata sa ritmo ng himig sa mahinang pagpukpok ng isang kamao nila sa kabilang palad para kumatawan sa pagmamartilyo ng isang karpintero. Maghanap ng mga larawang kumakatawan sa mahahalagang salita sa unang talata (tingnan sa Primary 1 pakete ng mga larawan). Iteyp o idikit sa isang kahon ang bawat larawan. Isulat ang mahalagang salita sa kabilang panig ng kahon. Ituro muna ang awitin sa pagpapakita ng mahahalagang salita. Kapag natutuhan ng mga bata ang isang taludtod, isalansan ang kahon na para kayong nagtatayo ng bahay sa building blocks. Kapag kaya nang awitin ng mga bata ang taludtod nang buung-buo gamit ang mahahalagang salita, ilinya ang mga kahon nang hindi sunud-sunod na nakaharap ang mga larawan. Awitin ang bawat taludtod, at papiliin ang mga bata ng isang larawan na inaakala nilang tugma rito. Kung tugma ito, ipabalik sa bata ang kahon sa tamang lugar para makapagtayo ng bahay na kita ang panig na may larawan. Tuwing aawitin ng mga bata ang mga titik na “patatatagin,” ipapukpok nang mahina ang mga kamao nila sa kabilang palad nang sabay sa ritmo.
Ituro ang ikalawang talata sa pamamagitan ng paggugupit-gupit ng larawan ng pamilya para maging puzzle. Sa likod ng bawat larawan sumulat ng isang mahalagang salita mula sa bawat taludtod ng ikalawang talata. Ituro ang taludtod gamit ang mahalagang salita. Kapag alam na ng mga bata ang taludtod, ilagay sa pisara ang piraso na kita ang panig na may larawan. Ulitin ito sa bawat piraso hanggang sa mabuo nila ang puzzle ng pamilya. Ituro ang koro.