Pagtuon sa Gawaing Pang-kaligtasan ng Panginoon
Ang interbyung ito ay isinagawa ni LaRene Porter Gaunt ng staff ng magasin ng Simbahan.
Sa isang interbyu ng mga magasin ng Simbahan, ibinahagi ni Julie B. Beck, Relief Society general president, ang kanyang patotoo tungkol sa Relief Society.
Ano ang tungkulin ng Relief Society sa pagsusulong ng gawain ng Tagapagligtas?
Sister Beck: Bilang mga kababaihan ng Relief Society, ang una at pinakamahalaga ay nagkakaisa kami dahil sa aming pananampalataya kay Jesucristo. Siya ang aming pinuno at huwaran. Pinatototohanan ko na totoo ang Kanyang Pagbabayad-sala. Pinatototohanan ko na Siya ay buhay at tunay ang Kanyang kapangyarihan.
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, nais nating lumapit kay Cristo. Nang buuin ni Propetang Joseph Smith ang Relief Society, sinabi niya na ang mga kababaihan ay hindi lamang mangangalaga ng mga dukha kundi magliligtas din ng mga kaluluwa.1 Ito pa rin ang aming layunin. Tutulungan natin ang Panginoon sa gawaing pang-kaligtasan, na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Makapagsisimula tayo sa pagpapalakas ng ating sarili sa espirituwal sa pamamagitan ng panalangin at pag-asa sa sarili sa kaalaman sa banal na kasulatan. Lubos nating tinatanggap ang mga ordenansa, tipan, at utos na ibinigay sa atin ng Panginoon.
Sa gayo’y makakatulong tayong tipunin ang kumalat na Israel. May tungkulin tayong tumulong na maihanda ang mga misyonero, maibahagi ang ebanghelyo, at mapanatili ang mga nabinyagan. May responsibilidad tayong ihanda ang ating sarili at mga kapamilya para sa templo. Masasaliksik natin ang kasaysayan ng ating pamilya at matutulungan ang mga anak ng Panginoon na mabuklod nang walang hanggan sa kanilang pamilya.
Sa paisa-isang hakbang, sa Relief Society matutulungan natin ang isa’t isa na lumapit kay Cristo sa paggawa ng gawaing siyang dahilan kaya tayo binuo.
Paano ito magagawang lahat ng abalang kababaihan ng Relief Society?
Sister Beck: Higit pa rito ang kayang gawin ng mababait na kababaihan ng Simbahang ito—hindi lang namin ito mapagsasabay-sabay. Kaya nga napakahalagang magpriyoridad at gamitin ang aming kabuhayan at panahon kung saan magagawa ang pinakamainam—sa pagtulong sa gawain ng Panginoon.
Bawat babae ay dapat hangaring gabayan siya ng Espiritu Santo. Kung tumutulong siya sa Panginoon sa Kanyang gawain, nararapat siya sa Kanyang tulong.
Ano ang nakatulong sa iyong malaman ang kahalagahan ng Relief Society?
Sister Beck: Noong bata pa ako, naglingkod ang aking ama bilang pangulo ng kaisa-isang misyon sa Brazil. Hindi umabot sa 4,000 ang mga miyembro—na karamihan ay puno ng potensyal subalit hindi handang mamuno. Iilan branch lang ang may Relief Society.
Natawag ang aking ina para magbuo ng mga Relief Society sa misyon. Hindi siya nagsasalita ng Portuges at walang mga manwal noon. Ang mayroon siya ay patotoo sa ebanghelyo at sa Relief Society. Nagsimula sila ng kanyang mga tagapayo sa pagtulong sa mga kababaihan na matutong maging mga visiting teacher.
Sinimulan nila ang training sa isang maliit na branch sa São Paulo. Pitong mapakumbabang kababaihan ang dumalo sa miting. Ang tagapayo ng aking ina, na isang Brazilian, ang bumati sa kababaihan. Matapos manalangin, tumayo siya na nanginginig ang mga kamay at binasa ang mensaheng nagpapaliwanag sa visiting teaching. Pagkatapos ay tumayo ang aking ina. Apat na pangungusap ang alam niya sa Portuges: “Alam ko na ang Diyos ay buhay. Alam ko na si Jesus ang Cristo. Alam ko na tayo ay may buhay na propeta. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.” Natapos ang miting. Niyakap niya ang mga babae at nagpaalam.
Napakaabang simula sa napakadakilang gawain! Kalaunan, isang Relief Society ang itinatag sa bawat branch sa Brazil. Pinagsikapan ng mga kababaihan na maghanda para sa isang stake at sa unang templo sa South America. Nalaman nila ang tungkol sa mga ordenansa at tipan at kung paano magligtas ng mga kaluluwa.
Sa isang banda, dahil tumulong ang mga kababaihan ng Relief Society na maisulong ang gawain ng Panginoon, mahigit isang milyon na ngayon ang mga miyembro ng Simbahan sa Brazil. Gaya ng mga kababaihang ito sa Brazil, dapat nating gawin ang ating tungkulin. Walang makakagawa nito para sa atin. Hindi natin maipapasa sa iba ang ating responsibilidad na itatag ang kaharian. Ito ay gawain natin. Tanggapin natin ito at magpakahusay sa pagbubuo ng pananampalataya, pagpapalakas ng mga pamilya, at pagtulong.
Ano ang mga pagpapala ng pagtutuon ng mga aktibidad ng Relief Society sa gawaing pang-kaligtasan ng Panginoon?
Sister Beck: Habang isinasagawa natin ang gawain ng Panginoon na magligtas at magpala ng buhay, nagkakaisa tayo at nakakahingi ng mga pagpapala ng langit. Nakikita kong nagkakaisa ang mga kababaihan ng Simbahang ito sa mabibisang paraan. Naniniwala ako na kapag nagtuon tayo sa mahalaga at kinalimutan ang kalokohan, nagkakaroon tayo ng tiwala at sumisigla ang ating espiritu. Higit natin itong napangangasiwaan at nababawasan ang pasanin. Siyempre pa, magiging abala pa rin tayo, pero abala sa gawaing pang-kaligtasan.
Paano makakatulong ang Relief Society na mapanatiling wasto ang ating pananaw sa magulong mundong ito?
Sister Beck: Nagiging tanggulan ang Relief Society sa lubhang mapanganib na mga panahong ito. Ginagawa natin ang gawain ng Panginoon sa mga lesson tuwing Linggo, mga aktibidad at miting sa Relief Society, at visiting teaching at lumalakas ang bawat isa at pamilya.
Kahit nahaharap tayo sa mga isyung tulad ng diborsyo, pagsuway, utang, kalungkutan, kawalan ng interes, at adiksyon, hindi natin malilimutan na nabubuhay rin tayo sa isang panahong ang Espiritu ng Panginoon ay ibinuhos sa atin. Ito ay panahon na ang ebanghelyo ay ipinangangaral sa buong mundo, ang mga anak ng Israel ay tinitipon, ang mga templo ay nasa daigdig, at protektado tayo ng mga tipan at ordenansa ng priesthood.
Dapat nating hilingin na palawakin ang ating pananaw para makita ang nakikita ng Panginoon. Ang gawaing ito ay mas malawak kaysa inaakala natin. Maaari tayong magtagumpay laban sa mapanlinlang at determinadong kaaway. Ang ating mga tahanan ay maaari at dapat maging mga kanlungan.
Ano ang nagagawa ng mga lesson sa Relief Society tuwing Linggo?
Sister Beck: Ang layunin ng mga miting natin tuwing Linggo ay para sama-samang pag-aralan ang mga doktrina ng ebanghelyo. Ang mga babaeng natawag na maglingkod sa Primary, Young Women, at iba pa ay natututuhan din ang mga doktrina ng ebanghelyo sa kanilang mga tungkulin. Dahil napakahalaga ng ating kurikulum, dapat nating panatilihing maikli at mapitagan ang pambungad na bahagi ng Relief Society para mapasaatin ang Espiritu sa pag-aaral ng ebanghelyo.
Sa Relief Society pinag-aaralan natin ang Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan, na isang serye ng mga manwal na naglalaan ng mga turo ng propeta at isang personal na aklatan ng mga turong iyon sa mga lalaki at babae ng Simbahan. Ang mga salita ng mga propeta ay malinaw at inspirado. Hindi tayo maaari—hindi tayo dapat—magsawalang-kibo at magwalang-bahala sa pag-aaral natin ng mga ito.
Pinag-aaralan natin ang mga salita ni Propetang Joseph Smith mula sa pinakamagandang nabuong tipon ng kanyang mga gawa. Ang manwal na ito ang resulta ng mga taon ng pagsasaliksik at maingat na pagrerepaso. Samantalang pagyayamanin ng mga banal na kasulatan at mga magasin ng Simbahan ang isang talakayan, hindi natin kailangang dagdagan ng ibang sanggunian ang mga salita ng mga propeta, lalo na ng mga sangguniang hindi gawa ng Simbahan.
Nananawagan kami sa ating mga guro na magbigay ng mga tanong na nakapupukaw ng kaisipan at maghikayat ng malayang pagpapalitan ng kuru-kuro. Ang Espiritu ang guro, at dapat tayong maghanda sa paraang dadalo Siya sa bawat lesson tuwing Linggo.
Ano ang nagagawa ng mga miting ng Relief Society sa karaniwang araw?
Sister Beck: Sa mga miting ng Relief Society sa karaniwang araw, ipinamumuhay natin ang mga doktrina ng kaligtasan. Magiging natural ang ating pagkakaisa at kapatiran bunga ng pagtutulungan. Halimbawa, matututuhan natin ang mga kasanayan sa pagbabahagi ng ebanghelyo at paghahanda ng mga misyonero. Makikilala natin ang bawat isa sa paggawa ng family history. Habang nagpapahusay tayo ng mga kasanayan sa tahanan tulad ng paglilinis, pag-oorganisa, pagluluto, pananahi, at paghahalaman, natututo tayong lumikha ng kapaligiran na nangangalaga at espirituwal na pag-unlad sa ating mga tahanan.
Dapat din tayong matutong umasa sa sarili sa mga bagay na temporal tulad ng pag-aaral, pag-asenso sa trabaho, at pag-aaral ng kasalukuyang teknolohiya. Dapat tayong mag-imbak ng suplay na pagkain, at dapat nating alamin kung paano badyetin ang pera natin. Dapat din nating sikaping mapaigi ang kalusugan ng ating katawan at isipan.
Kapag nagpaplano ng mga miting at aktibidad na ito, kailangan nating suriin ang mahahalaga nating oras, lakas, at nakalaang pondo. Gamitin lang ang mga ito para tulungan tayong maipamuhay ang ebanghelyo sa ating mga tahanan at isulong ang gawain ng Panginoon.
Paano natin matutulungan ang mga dalagita na tunay na maging bahagi ng Relief Society?
Sister Beck: Nagdadalaga na ang ating mga dalagitang puno ng talento, at tungkulin ng mga kababaihan sa Relief Society na tiyaking walang isa man sa kanila ang mawala.
Naturuan na ang mga dalagita na tuparin ang kanilang mga tipan sa binyag, at sa Relief Society matutulungan natin silang maghanda para gumawa ng mga tipan sa templo. Maaaring mangulo ang mga kababaihan sa Relief Society na labingwalong-taong-gulang sa mga komite, magturo ng mga kasanayan, tumulong sa gawaing misyonero, maglingkod bilang mga visiting teacher, lumahok sa family history at mga proyekto sa templo, at ganap na lumahok sa gawaing magligtas ng mga kaluluwa.
Ano ang nagagawa ng visiting teaching?
Sister Beck: Ang mga visiting teacher ay naglilingkod alang-alang sa Tagapagligtas. Ang ating mga kamay ay Kanyang mga kamay, ang ating pagmamahal ay Kanyang pagmamahal, at ang ating paglilingkod ay Kanyang paglilingkod.2 Kilala ng mabubuting visiting teacher ang mga kababaihang kanilang binibisita. Sila ay kanilang minamahal, pinaglilingkuran, at tinutulungang matutuhan ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu. Nagtutuon sila sa pagpapatibay ng mga tahanan at buhay. Wala nang mas dakilang pribilehiyo kaysa subaybayan at palakasin ang ibang tao—tunay ngang ito ay ukol sa kaligtasan.
Paano gumagawa ng kaibhan sa mundo ang Relief Society?
Sister Beck: Kinausap ko ang isang grupo ng mga babaeng ministro ng kabinete at parlamento mula sa West Africa na nagtanong sa akin kung paano natin tinutulungan ang mga Aprikana. Ipinaliwanag ko na sa kanilang mga bansa marami tayong organisadong grupo ng mga kababaihan, na tinatawag na Relief Society. Nagpapadala tayo ng Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan sa pangulo ng bawat grupo. Madalas magtipon ang mga babae para mag-aral ng ebanghelyo at matuto kung paano pangalagaan ang kanilang pamilya.
Pinagpapares-pares ng pangulo ang mga kababaihan ng Relief Society na bibisita sa bahay ng mga babae, kung saan sinusuri ang kanilang mga pangangailangan. Mayroon bang maysakit? Sapat ba ang kanilang pagkain at pananamit? Nakatapos ba sila ng pag-aaral na kailangan nila? Matapos bumisita inuulat ng mga babae ang kanilang natuklasan. May nangangailangan ng sapatos, may manganganak, at kailangan ng trabaho ng isa. Itinatanong nila kung mayroon ang grupo nila ng kanilang mga kailangan. Karaniwan ay mayroon. Iyan ang ginagawa natin para sa ating kababaihan sa Africa.
Habang nagsasalita ako, tumatango at nakangiti ang mga babaeng ito. Sabi sa akin ng isa, “Uubra ang huwarang iyan sa kababaihan namin.”
Naniniwala ako na ang Relief Society ay isang huwarang akma sa buong mundo at ang kababaihan natin ang pinakamagaling, pinakamahusay, pinakamalaking puwersa sa kabutihan sa daigdig ngayon. Tiwala ako sa ating kakayahang sama-samang isulong ang gawaing pang-kaligtasan ng Panginoon.