Bakit Tayo Nagbibinyag para sa mga Patay?
Mula sa isang pananalita sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2000.
Matagal nang pinag-iisipan ng mga Kristiyanong nag-aaral sa relihiyon ang tanong na, Ano ang maaaring maging tadhana ng bilyun-bilyong nabuhay at namatay nang walang alam tungkol kay Jesus? Kaakibat ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ay dumating ang pang-unawa sa kung paano natutubos ang mga patay na hindi nabinyagan at paanong ang Diyos ay “isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos” (Alma 42:15).
Noong nabubuhay pa sa lupa, nagpropesiya si Jesus na mangangaral din Siya sa mga patay. Ayon kay Pedro nangyari ito sa pagitan ng Pagkakapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas (tingnan sa I Pedro 3:18–19). Nasaksihan ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) ang pangitain na dinalaw ng Tagapagligtas ang daigdig ng mga espiritu at “mula sa [espiritung] mabubuti, kanyang binuo ang kanyang lakas at nagtalaga ng mga sugo, na nadaramitan ng kapangyarihan at karapatan, at inatasan silang humayo at dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa kanila na nasa kadiliman. …
“Sa kanila ay itinuro ang pananampalataya sa Diyos, pagsisisi mula sa kasalanan, pagbibinyag alang-alang sa iba para sa kapatawaran ng mga kasalanan, [at] ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay” (D at T 138:30, 33).
Ang doktrina na ang mga buhay ay makapagpapabinyag at makapagsasagawa ng iba pang mahahalagang ordenansa alang-alang sa mga patay ay muling inihayag kay Propetang Joseph Smith (tingnan sa D at T 124; 128; 132). Nalaman niya na ang mga espiritung naghihintay ng pagkabuhay na mag-uli ay hindi lamang binibigyan ng sariling kaligtasan kundi maaari na silang mabuklod sa langit bilang mga mag-asawa at mabuklod sa kanilang mga ama at ina ng mga nakalipas na [henerasyon] at sa kanilang mga anak sa mga [henerasyong] darating. Tinagubilinan ng Panginoon ang Propeta na ang mga sagradong ordenansang ito ay nararapat lamang isagawa sa bahay na itinayo sa Kanyang pangalan, sa isang templo (tingnan sa D at T 124:29–36).
Hindi dapat maging kakaiba sa kahit sinumang Kristiyano ang alituntunin ng paggawa alang-alang sa iba. Sa pagbibinyag para sa nabubuhay na tao, ang nangangasiwa ay kumikilos bilang kahalili ng Tagapagligtas. At hindi ba pangunahing doktrina ng pananampalataya natin na ang sakripisyo ni Cristo ang nagbayad sa ating kasalanan sa pamamagitan ng pagtugon Niya sa mga hinihiling sa atin ng katarungan? Tulad ng ipinahiwatig ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Sa palagay ko ang paggawa ng gawain para sa mga patay ang pinakamalapit sa ginawang sakripisyo ng Tagapagligtas Mismo para sa atin kaysa anumang gawain. Ibinigay ito nang may pagmamahal, nang hindi naghihintay ng kabayaran, o kapalit o anumang kauri nito. Tunay na napakaluwalhating alituntunin ito.”1
Hindi nauunawaan at inaakala ng ilan na ang mga namatay “ay binibinyagan sa relihiyon na Mormon nang hindi nila alam.”2 Ipinapalagay nila na mayroon tayong kapangyarihan na ipilit sa isang kaluluwa ang mga bagay ukol sa relihiyon. Siyempre, hindi natin ginagawa iyan. Ibinigay ng Diyos sa tao ang kalayaang pumili noon pa man. Hindi sila isinusulat ng Simbahan sa listahan nito o isinasama sa bilang ng mga miyembro.
Ang kagustuhan nating tubusin ang patay at ang oras at salapi na ginugugol natin sa gawaing iyan, higit sa lahat, ay pagpapahiwatig ng ating patotoo kay Jesucristo. Taglay nito ang makapangyarihang pahayag na maaari nating magawa hinggil sa Kanyang banal na pagkatao at misyon. Una, pinatototohanan nito ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo; ikalawa, ang walang hanggang impluwensya ng Kanyang Pagbabayad-sala; ikatlo, na Siya ang tanging pinagmumulan ng kaligtasan; ikaapat, na itinatag Niya ang mga kundisyon para sa kaligtasan; at, ikalima, na Siya ay paparitong muli.
Ang Kapangyarihan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo
Hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli, itinanong ni Pablo, “Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay, kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay? bakit nga sila’y binabautismuhan dahil sa kanila?” (I Mga Taga Corinto 15:29). Binibinyagan tayo para sa mga patay dahil alam natin na magbabangon sila. “Ang kaluluwa ay magbabalik sa katawan, at ang katawan sa kaluluwa; oo, at bawat biyas at kasu-kasuan ay magbabalik sa kanyang katawan; oo, maging isang buhok sa ulo ay hindi mawawala; kundi lahat ng bagay ay magbabalik sa kanilang wasto at ganap na anyo” (Alma 40:23). “Sapagka’t dahil dito ay namatay si Cristo at nabuhay na maguli, upang siya’y maging Panginoon ng mga patay at gayon din ng mga buhay” (Mga Taga Roma 14:9).
Napakahalaga ng ginagawa natin hinggil sa mga namatay na, sapagkat nabubuhay sila ngayon bilang mga espiritu at mabubuhay na muli bilang mga kaluluwang walang kamatayan, at iyan ay dahil kay Jesucristo. Naniniwala tayo sa mga salita Niya nang sabihin Niyang, “Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya” (Juan 11:25). Sa mga pagpapabinyag na ginagawa natin alang-alang sa mga patay, pinatototohanan natin na “kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. …
“Sapagka’t kinakailangang siya’y maghari hanggang mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga talampakan ang lahat niyang mga kaaway.
“Ang kahulihulihang kaaway na lilipulin ay ang kamatayan” (I Mga Taga Corinto 15:22, 25–26).
Jesucristo, ang Tanging Pinagmumulan ng Kaligtasan
Ang pag-aalala nating masiguro na ang mga ninuno nating namatay ay nabinyagan sa pangalan ni Jesus ay isang saksi sa katotohanan na si Jesucristo “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” at “sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan [Niya]” (Juan 14:6). Ang ilang makabagong Kristiyano, na nagmamalasakit sa walang hanggang kapakanan ng maraming namatay nang walang alam tungkol kay Jesucristo, ang nagsimulang magtanong kung totoo ba na may “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo” (Mga Taga Efeso 4:5). Ang maniwalang si Jesus ang tanging Tagapagligtas, sabi nila, ay kayabangan, kakitiran ng isip, at hindi nagpaparaya. Gayunman, sinasabi naman natin na ito ay mali. Walang hindi makatarungan sa pagkakaroon ng Isang pagmumulan ng kaligtasan, kapag ang Isang iyon at ang Kanyang pagliligtas ay inialok sa bawat kaluluwa, nang walang itinatangi.
Mga Kundisyon ng Kaligtasang Itinakda ni Cristo
Dahil naniniwala tayo na si Jesucristo ang Manunubos, tinatanggap din natin ang karapatan Niya na magtakda ng mga kundisyon para matanggap natin ang Kanyang biyaya. Kung hindi ay hindi natin aalalahanin pang magpabinyag para sa mga patay.
Pinagtibay ni Jesus na “makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay” (Mateo 7:14). Sinabi Niya, lalo na, na “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5). Ibig sabihin kailangan tayong “mangagsisi, at mangagbautismo ang bawa’t isa … sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng [ating] mga kasalanan; at tatanggapin … ang kaloob ng Espiritu Santo” (Mga Gawa 2:38).
Bagaman wala Siyang kasalanan, si Jesucristo Mismo ay bininyagan at tumanggap ng Espiritu Santo. Sabi Niya, “Siya na nabinyagan sa aking pangalan, sa kanya ay ibibigay ng Ama ang Espiritu Santo, katulad sa akin; samakatwid, sumunod sa akin, at gawin ang mga bagay na nakita ninyong ginawa ko” (2 Nephi 31:12).
Walang pagtatangi; hindi ito kailangan. Gaano man karami ang maniwala at magpabinyag—pati na sa pamamagitan ng proxy—at mananatili sa pananampalataya, ay maliligtas, “hindi lamang yaong mga naniwala [kay Cristo] pagkatapos niyang pumarito sa kalagitnaan ng panahon, sa laman, kundi lahat ng yaong mula pa sa simula, maging kasindami noong bago pa siya pumarito” (D at T 20:26). Ito ang dahilan kaya ipinangaral ang ebanghelyo “maging sa mga patay …, upang sila, ayon sa mga tao sa laman ay mangahatulan, datapuwa’t mangabuhay sa espiritu ayon sa Dios” (I Pedro 4:6).
Pagpapalaya sa Patay mula sa Bilangguan
Ang mga ordenansa para sa mga patay na ginagawa natin sa mga templo, simula sa pagbibinyag, ay ginagawang posible na magkaroon ng walang hanggang ugnayan sa pagitan ng mga [henerasyon] na tutupad sa layunin ng paglikha sa mundo. Tunay, kung wala ang mga ordenansang ito, “ang buong mundo ay lubusang mawawasak sa [pagparito ni Cristo]” (D at T 2:3).
Sa mga banal na kasulatan, tinutukoy kung minsan ang mga espiritu ng mga patay na nasa kadiliman o bilangguan (tingnan sa Isaias 24:22; I Pedro 3:19; Alma 40:12–13; D at T 38:5). Sa pagmumuni-muni sa maluwalhating plano ng Diyos para sa kaligtasan ng mga ito, na Kanyang mga anak, isinulat ni Propetang Joseph Smith ang kathang ito: “Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak. Bumulalas ang mundo sa pag-awit. Magsalita ang mga patay ng mga awit ng walang hanggang papuri sa Haring Immanuel, na nag-orden, bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, na yaong makatutulong sa atin upang matubos sila mula sa kanilang bilangguan; sapagkat ang mga bilanggo ay makalalaya” (D at T 128:22).
Ang tungkulin natin ay kasinglawak at kasinglalim ng pagmamahal ng Diyos upang masakop ang lahat ng Kanyang mga anak sa bawat panahon at pook. Ang mga kilos natin sa kapakanan ng mga namatay ay nagpapatotoo na si Jesucristo ang banal na Manunubos ng buong sangkatauhan. Ang Kanyang awa at mga pangako ay sumasaklaw maging sa mga tao na hindi nakatagpo sa Kanya rito sa lupa. Dahil sa Kanya, tunay ngang makalalaya ang mga bihag.