2009
Ang Una Kong Pakikibaka
Marso 2009


Ang Una Kong Pakikibaka

Noong 17 taong gulang ako, nagpalista ako sa Royal Canadian Army Reserve. Ipinadala ako sa isang training base, at sa unang pagkakataon sa buhay ko, ako lang mismo ang magpapasiya ng landas na aking tatahakin. Nagsuspetsa ako na matutukso akong hindi manatiling aktibo sa Simbahan at masusubukan ang aking patotoo.

Pagdating ko sa base, inilibot ako ng isang course sergeant sa iba’t ibang gusali at simbahan. May nag-udyok sa aking itanong kung nasaan ang LDS branch. Natigilan ang sarhento. Pagkatapos ay sinabi niya na walang Simbahang LDS sa base, pero kung gusto kong dumalo, puwede akong sumama sa kanilang mag-asawa. Kailan lang siya nabinyagan sa Simbahan at masaya siyang isama ang sinumang may gusto. Natuwa akong mabigyan ng opsyong dumalo, kahit hindi pa ako desididong dumalo sa Linggong iyon. Kunsabagay, nag-iisa ako at malayang makapagpapasiya sa sarili ko ngayon. Ngunit may nagbulong sa puso ko na kailangan kong dumalo.

Ang Sabado ng gabing iyon ay isa sa pinakamahirap sa buhay ko. Mula noon ay tinawag ko na itong karanasan ko sa “punungkahoy ng buhay.” Nagsimula ito noong gusto akong isama ng mga kaibigan ko sa kapiterya. Alam ko na mag-iinuman lang sila, at sinabihan ko sila na kailangan kong matulog dahil maaga akong gigising para magsimba. Natawa sila sa pasiya ko at nag-alisan na.

Pagkaalis nila, malungkot akong humiga. Mula roon, tanaw ko sa bintana ang mga kaibigan ko sa balkon ng kapiterya, na nag-iinuman at nagtatawanan. Naalala ko ang panunudyo nila nang hindi ako sumama sa kanila. Nadama ko ang maaaring nadama ni Lehi nang tumingin siya sa malaki at maluwang na gusali, kung saan pinagtatawanan din siya ng mga tao (tingnan sa 1 Nephi 8:26–27). Bumaling ako paharap sa mesa ko, at agad kong napansin ang aking mga banal na kasulatan. Sabik ko itong binuksan at sinimulang basahin. Ito ang aking gabay na bakal, at tulad ng napanatiling ligtas ng salita ng Diyos ang pamilya ni Lehi, alam ko na poprotektahan din ako nito.

Hindi ko naaalala kung ano ang nabasa ko noong gabing iyon, pero naaalala ko ang Espiritung nadama ko. Nadama ko itong muli nang magsimba ako kinabukasan. Sa pagsisimba tuwing Linggo habang nasa base ako, nagkaroon ako ng walang hanggang patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Mula noong training camp ko, nagkaroon na ako ng pagkakataong ibahagi ang aking patotoo sa iba bilang full-time missionary sa California Sacramento Mission.

Ang una kong Sabado ng gabi sa hukbo ay isa sa pinakamahirap sa buhay ko. Kinailangan kong gumawa ng isang pasiyang aapekto sa aking kinabukasan.

Paglalarawan ni Steve Kropp