2009
Ang Panalangin Ko sa Kural
Marso 2009


Ang Pagdarasal Ko sa Kural

Dahil tagtuyot, kinailangan namin ng asawa kong si John na ipagbili ang aming mga baka nang palugi o ilipat ang mga ito sa Melba Valley, sa timog-kanlurang Idaho, USA. Mabuti na lang, nakakita si John ng mapagpapastulan sa panahon ng tag-init sa bukid ng pamilya ng pinsan niya, na nasa Preston, mga 300 milya (480 km) ang layo.

Umarkila kami ng trak para dalhin ang 40 baka sa isang kargahan, pero ayaw niya sa baku-bakong daan ng rantso papunta sa pastulan ng mga baka, na 20 milya (32 km) pa ang layo. Laking panlulumo namin nang idiskarga niya ang mga ito sa kalapit na mga kural. Naroon kami, magtatakipsilim kasama ang 40 bakang ibibiyahe at wala kaming magawa.

Kinausap ni John ang isang magsasaka, ipinaliwanag ang nangyari sa amin, at nagpatulong. Ilang minuto pagkaraan sinundan kami ni Bishop Steve Meeks at ng kanyang batang anak sa kural para alamin kung ano ang maaaring gawin.

Hindi na mapakali ang mga baka. Nang makakita sila ng sirang bahagi ng bakod sa kural, nagtakbuhan sila papunta roon, sa kagustuhang makalaya. Nakalusot ang lahat ng baka papunta sa kabilang kural—maliban sa isa. Muntik na itong makalusot, pero naipit ang isang paa nito sa pagitan ng dalawang tabla ng bakod. Kaya mabuway itong nakabitin sa bakod, na halos di maitapak sa lupa ang isang paa sa harapan. Galit na isinikad nito ang isang paa niya sa likod para makawala.

Kailangan ng isang pang-angat para mapawalan ang baka. Kapag nabalian siya ng paa, kailangan namin siyang katayin. Malaking pera ang mawawala kapag nawalan kami ng isang baka.

Mahigit sa 1,000 libra (455 kg) ang timbang ng baka, at hindi namin ito malapitan, ni matulungan kahit malapitan namin ito. Natakot ang ibang mga baka sa kaguluhang nangyayari sa bakod.

Inisip kong wala na kaming magagawa, ngunit sa sandaling iyon naalala ko ang payo ni Amulek sa Aklat ni Mormon: “Magsumamo kayo sa kanya kung kayo ay nasa inyong mga bukid, oo, para sa lahat ng inyong mga kawan” (Alma 34:20). Humiwalay ako sa iba, lumuhod, at nanalangin nang taos-puso. Sa katapusan ng aking dalangin, isinamo ko, “Ama sa Langit, tulungan po sana Ninyo ang baka.”

Bumalik ako sa kural, na umuusal pa rin ng dalangin. Sa oras na iyon medyo tahimik na ang mga baka, pati na ang nasa bakod.

Bigla, humiwalay sa nag-uumpukang mga hayop ang pinakamalaking baka. Nilabanan nito ang pagsisikap naming ibalik siya, sa halip ay dumiretso ito sa bakang nakabitin. Nagtungo ito ng ulo, lumuhod, pilit na pumailalim sa naipit na baka, at unti-unting umusad. Itinaas nito sa ere ang naipit na baka at saka ito ibinaba. Nakalaya ang baka! Hindi ito magagawa nang gayon kahusay ng anumang pang-angat.

Nang patakbong bumalik sa kawan ang dalawang baka, hindi makapaniwala si Bishop Meeks sa kanyang nasaksihan. Umagos ang luha ko habang bumubulong ng, “Salamat po, Ama sa Langit.”

Sinumang maalam sa mga baka ay sasabihin sa inyo na hindi nag-iisip ang mga ito. Ngunit may paliwanag para sa pangyayaring ito. Dinirinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin. Sinagot Niya ang akin—sa isang kural sa Preston, Idaho.

Inisip kong wala na kaming magagawa para pawalan ang baka, pero sa sandaling iyon naalala ko ang payo ni Amulek sa Aklat ni Mormon.