Ang Talinghaga ng Sampung Dalaga
Sa talinghagang ito, itinuro sa atin ng Tagapagligtas kung paano maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Sa mga huling araw na ito, sinabi ng Panginoon, “Maging matapat, nananalangin tuwina, taglay ang inyong mga ilawan na tinabasan at nagniningas, at may langis na dala kayo, upang kayo ay maging handa sa pagparito ng Kasintahang lalaki” (D at T 33:17). Ang payong ito ay tumutukoy sa talinghaga ng sampung dalaga, na nagpapakita kung paano tayo maghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Cristo (tingnan sa Mateo 25:1–13). Narito ang ilang paliwanag na makakatulong sa pag-aaral ninyo ng talinghagang ito at pagbubulay sa kahulugan nito.
Sampung Dalaga
Kaugalian ng mga Judio na pumunta ang kasintahang lalaki sa bahay ng kanyang kasintahan sa gabi, kung saan naroroon din ang mga abay nito. Nang ipaalam na ang pagdating ng kasintahang lalaki, lumabas ang mga dalaga dala ang mga ilawan para tanglawan ang kanyang daan papasok sa bahay para sa pagdiriwang.
Sa talinghagang ito kinakatawan ng mga dalaga ang mga miyembro ng Simbahan, at kinakatawan ng kasintahang lalaki si Cristo. Ipinaliwanag ng Panginoon kay Joseph Smith na ang matatalinong dalaga ay yaong mga “nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang” (D at T 45:57).
Kasintahang Lalaki
Sa Biblia, ang paglalarawan sa isang kasalan ay ginamit para ilarawan ang pagparito ng Panginoon (tingnan sa Isaias 62:5; Mateo 22:1–14). Kasama sa mga kasalang Judio ang pagbabalita ng pagdating ng kasintahang lalaki sa bahay ng kasintahan. Karaniwang nagsisimula sa gabi ang mga kasalan, na may sindi ang mga ilawan sa dapit-hapon. Kaya ang hatinggabi ay malayo sa inasahan ng sampung dalaga na pagdating ng kasintahang lalaki—at biglaan ang dating ng balita.
Hindi natin alam kung kailan ang Ikalawang Pagparito ni Cristo, ngunit dapat tayong maghanda para dito na tila ba darating ito anumang oras—sa malao’t madali.
Mga Ilawan
Ang mga ilawang langis na gamit ng mga Judio sa panahon ni Jesus ay tinawag na mga ilawan ni Herodes, na ipinangalan kay Haring Herodes.
Ang katawan ng ilawan ay yari sa putik at hinubog ng magpapalayok.
Ang bunganga o nguso ay niyari sa isang hulmahan.
Ang hawakan ay hinubog ng kamay at ikinabit sa ilawan.
Isang mitsa na yari sa sinulid o isang tangkay ng halaman ay inilagay sa bunganga, at saka pinuno ng langis ng olibo ang ilawan. Kapag nasipsip na ng mitsa ang langis, sisindihan na ang ilawan.
Dahil sa mga ilawang ito natatanglawan ng mga tao ang daan nila saanman sila magpunta. Sa gayon ding paraan, dadalhin natin ang ilaw ng ebanghelyo (tingnan sa Mateo 5:14–16).
Langis
Inilulubog muna sa tubig ang mga olibo para malinis ito at maalis ang pait, at saka sila dinudurog para mapiga ang kanilang langis. Ang langis ng olibo, na gawa sa buong rehiyon ng Mediterranea, ay maraming gamit noong unang panahon: pagkain, mantikang panluto, pampalasa, gamot sa sugat, sangkap sa kosmetiko at sabon, at langis para sa ilawan.
Ang langis sa talinghaga ay kumakatawan sa ating pananampalataya at patotoo, ating kadalisayan at katapatan, ating mabubuting gawa, at pagtupad sa ating mga tipan—lahat ng paraan na ating “tinanggap ang Banal na Espiritu bilang [ating] patnubay” (D at T 45:57).
Hindi maibahagi ng matatalinong dalaga ang kanilang langis sa mga hangal na dalaga dahil “hindi maibabahagi ang langis ng espirituwal na kahandaan” (Marvin J. Ashton, “A Time of Urgency,” Ensign, Mayo 1974, 36).
Mga Lalagyan
Ang mga lalagyan sa talinghaga ay mga lalagyan ng sobrang langis. Ang ibig sabihin ng maging matalino ay maging handa para sa hindi inaasahan na may dagdag na pananampalataya, patotoo, at Espiritu sa ating buhay. Kung minsan nagiging kampante tayo, sa pag-aakalang may sapat tayo para makaraos sa buhay. Ngunit ang kahulugan ng pagsunod sa Tagapagligtas ay higit pa sa makaraos sa buhay. Nangangahulugan ito na laging magpunyaging mapalapit sa Kanya, maghanda para sa mga panahong susubukan ang ating pasensya, pananampalataya, at patotoo.