Sulyap sa Isang Council Meeting
Linggo ng umaga, at nakaupo sa council ang 45 kababaihan ng Bugambilias Ward sa Guadalajara, Mexico. Pagkatapos ng pambungad na himno, inanyayahan ng Relief Society president na si Yara Ramirez ang ilan sa kanila na magbahagi ng mga karanasan mula sa kanilang lesson noong nakaraang linggo.
Matapos ibahagi ng kababaihan nang ilang minuto ang kanilang mga karanasan, isinulat ni Sister Ramirez sa pisara ang isang salita bago siya bumalik sa kanyang upuan sa bilog.
“Pagkakaisa,” nakasaad doon.
Sa ilalim ng pamamahala ni Sister Ramirez, binuklat nila ang Mosias 18:21 at binasa, “… ang kanilang mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa.”
“Ano ang magagawa natin bilang Relief Society para maipamuhay ang talatang ito?” itinanong niya.
Nag-isip sandali ang kababaihan. “Hindi makakapunta ang mga kabataan sa templo,” sabi ng isang sister. “Hindi sapat ang adult sisters na sasama sa kanila.”
“Hindi ko alam iyon,” sinabi ng isa pa, na mukhang nagulat. “Kung hindi mo alam na may pangangailangan,” itinanong niya, “paano ka makakatulong?”
“Kaya nga tayo narito,” sasagot si Sister Ramirez. “May mga pangangailangang katulad nito na nalalaman ko sa ward council kung saan ay makakatulong tayo.”
“Bakit hindi tayo gumawa ng isang kalendaryo?” mungkahi ng isa. Naging mas interesado na ang grupo ngayon. “Palagay ko nakaiskedyul ang mga kabataan sa templo isang Huwebes kada buwan.”
“Nahihirapan akong pumunta nang mag-isa sa templo,” pag-amin ng isang bata pang ina sa grupo. “Matagal na akong hindi nakakapunta roon, at pakiramdam ko medyo sarili ko lang ang iniisip ko. Gustung-gusto kong pumunta at maglingkod,” sabi niya.
Tumango ang iba pa. Hirap na hirap silang dumalo nang kasindalas ng gusto nila.
Iminungkahi ng isang batang ina na magpalitan sila sa pag-aalaga ng bata at maghalinhinan sa pagpunta sa templo.
Pagkatapos, nagsimula ang mga kababaihan na magtanungan kung saan nakatira ang bawat isa at kung sino ang nakatira na malapit sa kanila. Tinalakay nila kung paano sila makakapaghalinhinan para makapunta ang mga kabataan sa kanilang mga aktibidad.
“Kakailanganin din nating kilalanin ang isa’t isa,” sinabi ng isa. “Dapat ay may mga aktibidad tayo!”
Patuloy na nagkomento ang kababaihan, nagbibigay ng mga mungkahi at nagtatanong.
Sa pagtatapos ng council, ipinabuod ni Sister Ramirez sa kanyang secretary ang mga napag-usapan. “Ano ang nadama ninyong lahat sa council?” tanong niya.
Sumagot sila na mas nalaman nila ang mga pangangailangan ng lahat, na kailangan ang kanilang paglilingkod, at na mga kaibigan ang kasama nila.
“Batay sa naranasan natin ngayon, ano ang partikular na gusto nating pagtuunang gawin sa buwang ito bilang Relief Society?” tanong niya.
Bilang isang grupo, nagpasiya silang magkaroon ng potluck sa Linggong iyon pagkatapos ng simba, magsimulang maglaro ng volleyball tuwing Huwebes ng gabi, magkalendaryo ng pagpunta sa templo, at magplano kung paano tutulungan ang mga kabataan na makapunta sa mga aktibidad.
“Nakaranas tayo ng pagkakaisa ngayon,” pagtatapos ni Sister Ramirez, na inanyayahan ang bawat miyembro na mag-isip ng mga paraan na makapaglilingkod sila sa buong linggo. “Patuloy tayong bibigyan ng Espiritu Santo ng mga pahiwatig kapag kumilos tayong mag-isa at bilang isang Relief Society. Inaanyayahan ko kayo na maghandang ibahagi ang inyong mga karanasan sa susunod na Linggo.”