2023
“Nais Kong Inyong Pakatandaan”
Setyembre 2023


“Nais Kong Inyong Pakatandaan,” Liahona, Set. 2023.

“Nais Kong Inyong Pakatandaan”

Mosias 5:12

Bawat isa sa atin ay binigyan ng personal na mga paalala tungkol kay Cristo. Tingnan ang mga ito at alalahanin Siya.

painting ng mukha ni Jesucristo

Detalye mula sa Christ and the Rich Young Ruler [Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno], ni Heinrich Hofmann

Bilang bahagi ng ating mortal na karanasan, tayong lahat ay sumasailalim hindi lamang sa tabing ng pagkalimot kundi maging sa isang kalagayan ng pagkalimot. Ang tabing ng pagkalimot ay nagiging dahilan para makalimutan natin ang mga tagpo at katotohanang nalaman natin sa ating premortal na kalagayan. Ang ating kalagayan ng pagkalimot ay nagdudulot sa atin na makalimot at lumayo sa mga katotohanang natutuhan natin o muling pinag-aralan sa buhay na ito. Maliban kung madaig natin ang ating nahulog na kalagayan ng pagkalimot, likas tayong magiging “mabilis sa paggawa ng kasamaan, subalit mabagal sa pag-aalaala sa Panginoon [nating] Diyos” (1 Nephi 17:45).

Mga Paalala tungkol kay Cristo

Sa bawat kautusang ibinibigay Niya, nangangako ang Diyos na “maghahanda ng paraan para sa [atin] upang maisagawa [natin] ang bagay na kanyang ipinag-uutos” (1 Nephi 3:7). Upang masunod natin ang Kanyang utos na makaalala, naghanda ang Panginoon ng mga paalala.

Tunay na ang lahat ng bagay ay nilalang at ginawa upang magpatotoo at magpaalala sa atin tungkol kay Cristo (tingnan sa Moises 6:63; tingnan din sa Alma 30:44). Halimbawa, nilayon na alalahanin natin Siya “sa kakahuyan at sa kagubatan, at naririnig ang matamis na awit ng mga ibon sa mga puno.”1 Ang mga bato ay maaari pa ngang sumigaw bilang patotoo at paalala tungkol kay Jesus (tingnan sa Lucas 19:40). Sa katunayan, ang buong mundo, kapwa sa paraang naririnig at nakikita, ay kahanga-hangang nagpapatotoo at nag-aalok ng kamangha-manghang mga paalala tungkol sa Lumikha nito.

Ang tila mga biglaang paalala sa lahat ng nilikha ay dinaragdagan ng mas maraming pormal na paalala na nakikita natin sa mga sagradong ordenansa. Itinuro ni Abinadi na ang sinaunang Israel ay binigyan ng mahigpit na ordenansang isasagawa upang “mapanatili sila sa pag-alaala sa Diyos at sa kanilang tungkulin sa kanya” (Mosias 13:30). Gayundin ang itinuro ng mga propeta sa panahong ito. Ipinahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), “Palagay ko ay walang mag-aapostasiya kailanman, hindi magkakaroon ng krimen, kung talagang maaalala ng mga tao, ang ginawa nilang mga tipan sa gilid ng tubig o sa hapag ng sakramento at sa loob ng templo.”2

Ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay kapwa para sa lahat at sa indibiduwal. Gayon din ang Kanyang mga paalala. Kaya, bukod sa mga ordenansang ibinibigay sa lahat, binibigyan Niya tayo ng magkakaiba at personal na mga paalala tungkol sa Kanya. Halimbawa, ang ordinaryong luwad o putik ay malamang na hindi magiging dahilan para alalahanin ng maraming tao si Jesus o mag-umapaw ang damdamin at pasasalamat para sa Kanya. Gayunman ang lalaki na ang paningin ay naipanumbalik nang pahiran ni Jesus ng luwad ang kanyang mga mata ay malamang na naaalala si Jesus sa tuwing titingin siya sa luwad—putik! (Tingnan sa Juan 9:6–7). Ni hindi rin malamang na tingnan ni Naaman ang isang ilog, lalo na ang Jordan, nang hindi iniisip ang Panginoon na nagpagaling sa kanya roon (tingnan sa II Mga Hari 5:1–15). Bawat isa sa atin ay binigyan ng isa o higit pang personal na mga paalala tungkol kay Cristo. Tingnan ang mga ito at alalahanin Siya.

Nagpapatotoo tungkol kay Cristo

Ang mga talaan at kasaysayan ay mga karagdagang bagay na iniutos ng Panginoon na ihanda para tulungan tayong sundin ang Kanyang utos na makaalala. Ang mga banal na kasulatan—mga talaan ng pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga anak—ay madalas magbanggit tungkol sa pagsaksi, o “pagpapatotoo,” tungkol sa Kanya (tingnan sa II Mga Taga Corinto 8:3; I Ni Juan 5:7; 1 Nephi 10:10; 12:7; Doktrina at mga Tipan 109:31; 112:4).

Ang mga sagradong talaan, kabilang na ang mga personal journal, ay tumutulong sa atin na magpatotoo. Ang taimtim na mga sandali na kasama ang Espiritu ay regalo na naniniwala tayo na hinding-hindi natin malilimutan sa sandaling iyon. Ngunit ang kalagayan ng ating pagkalimot ay nagiging sanhi para kumupas ang kasiglahan maging ng pinakamatitinding karanasan sa paglipas ng panahon. Ang isang journal entry, larawan, o talaan ay makakatulong sa atin hindi lamang para maalala ang malalim na mga sandali kundi ibinabalik din ang damdamin at ang Espiritung nadama natin. Hindi nakakagulat, kung gayon, na ang unang kautusan matapos maorganisa ang Simbahan sa dispensasyong ito ay, “May talaang iingatan sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 21:1). Ang tamang pag-iingat ng mga talaan ay magpapalawak ng ating kaalaman at magpapaniwala sa atin sa ating mga kamalian at magdadala sa atin sa Diyos (tingnan sa Alma 37:8).

Sa huli, siyempre, sumasaksi tayo sa katotohanan dahil tumanggap tayo ng patotoo sa katotohanan mula sa Espiritu Santo, na Siyang “[talaan] ng langit” (Moises 6:61). Sa tungkuling ito, itinatala ng Espiritu Santo ang katotohanan sa “mga tapyas ng [ating mga] puso” (II Mga Taga Corinto 3:3). Tinutulungan Niya tayong alalahanin si Cristo at ang lahat ng itinuro Niya sa atin (tingnan sa Juan 14:26).

Ang kaugnayan sa pagitan ni Jesus, ng mga talaan, ng Espiritu Santo, at ng pag-alaala ay nakasaad sa Moroni 10:3–5. Pinangakuan tayo na kung babasahin natin ang Aklat ni Mormon, isang sagradong talaan, sa diwa ng pag-alaala at pagtatanong sa Diyos sa pangalan ni Cristo nang may matapat na puso, na may tunay na layunin at pananampalataya kay Cristo, ipapakita sa atin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng talaan. At kung ang partikular na talaang iyon ay totoo, kung gayon si Jesus ang Cristo.

Si Alma at ang mga anak ni Mosias na dinalaw ng isang anghel

Alma Arise [Bumangon si Alma], ni Walter Rane

Kailangang Makaalala para Matubos

Ang pag-alaala kay Jesus ay humahantong sa pagtubos at kaligtasan. Isipin ang papel na ginampanan ng alaala sa pagkatubos ng batang si Alma. Nang magpakita ang anghel kay Alma, ibinigay niya ang utos kay Alma na “huwag nang hangarin pang wasakin ang simbahan.” Ngunit bago pa man ipalabas ang utos na iyon, ipinahayag ng anghel, “Alalahanin ang pagkabihag ng inyong mga ama … at pakatandaan kung gaano kadakila ang mga bagay na ginawa [ni Cristo] para sa kanila; sapagkat sila ay nasa pagkaalipin, at kanyang … pinalaya sila” (Mosias 27:16; idinagdag ang diin).

Ang utos ng anghel na makaalala ay hindi lamang matalinong bilin na may malaking aplikasyon. Para kay Alma, ito ay isang partikular na clue, isang magiliw na pahiwatig, kung paano niya malalagpasan ang bingit ng kamatayan na mararanasan niya.

Makalipas ang dalawampung taon o higit pa, ikinuwento ni Alma sa kanyang anak na si Helaman, sa madamdaming detalye, ang pinagdaanan niya habang nakahiga siya na paralisado at hindi makapagsalita sa loob ng tatlong araw, na “halos mamatay sa pagsisisi” (Mosias 27:28). Nang umalis ang anghel, nakakaalaala naman si Alma ; pero ang tanging naaalaala niya ay ang mga kasalanan niya.

“Ako ay giniyagis ng walang hanggang pagdurusa,” paggunita ni Alma. “…Oo, naalaala ko ang lahat ng aking kasalanan at kasamaan, kung saan ako’y pinarusahan ng mga pasakit ng impiyerno” (Alma 36:12–13). Ang ideya ng pagtayo sa harapan ng Diyos ay lubos na nagdulot kay Alma ng “hindi maipaliwanag na masidhing takot” kaya inisip niyang tumakas, hindi lamang sa pamamagitan ng pagkamatay kundi sa pamamagitan ng “pagkawasak ng kapwa kaluluwa at katawan” (Alma 36:14–15).

Dapat tayong tumigil sandali at unawain ito: Hindi lamang nagbabayad si Alma sa kakila-kilabot na tatlong araw na parusa na itinalaga bilang tamang ibubunga ng kanyang mga kasalanan. Hindi, siya ay nasa unahan—sa unang tatlong araw—na “napalilibutan ng mga tanikala ng walang hanggang kamatayan” (Alma 36:18; idinagdag ang diin).

Tiyak na nanatili sana siya sa kakila-kilabot na kalagayang ito nang mahigit sa tatlong araw—kung hindi dahil sa katotohanan na, sa awa, kahit paano, sa kung saan, ay naalala niya na ang kanyang ama na nagpropesiya “hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.” Pagkatapos ay sinabi niya:

“Ngayon, nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako, na nasa kasukdulan ng kapaitan, at napalilibutan ng walang hanggang tanikala ng kamatayan.

“At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan” (Alma 36:17–19).

Sinunod ni Alma ang utos ng anghel na makaalala. Naalala niya si Jesus. At tulad ng pagligtas ni Jesus sa mga ninuno ni Alma mula sa kanilang pagkabihag, iniligtas Niya si Alma mula sa kanyang pagkabihag.

Kamangha-manghang magiliw na awa at makapangyarihang pagkaligtas! Napakagandang pagbabago ng puso’t isipan! Si Alma, na ilang sandali pa lamang ay nag-isip na makatakas sa kinaroroonan ng Diyos sa pamamagitan ng pagkamatay, ngayon ay nakikinita na ang Diyos at ang Kanyang mga banal na anghel at “nag-asam na maparoon” (Alma 36:22).

Ang mahimalang pagbabagong ito ay nagsimula dahil sa simpleng pag-alaala. Ang karanasan ni Alma ay nagbibigay ng literal na kahulugan sa huling sermon ni Haring Benjamin: “At ngayon, O tao, pakatandaan, at huwag masawi” (Mosias 4:30).

Naaalala Niya Tayo!

Sa pagsisikap nating laging alalahanin si Jesus, mahalagang tandaan na lagi Niya tayong inaalala. Inanyuan Niya tayo sa mga palad ng [Kanyang] mga kamay (tingnan sa Isaias 49:16). Pag-isipan ito—ang napakabuting si Jesus ay hindi gagawin at hindi magagawang kalimutan tayo, gayunman madali at handa Niyang kalimutan ang ating mga kasalanan na nagdulot sa Kanya ng maraming pasa sa katawan.

Iyan ay nararapat na tandaan.

Mga Tala

  1. Dakilang Diyos,” Mga Himno, blg. 86.

  2. The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball (1982), 112.