2023
Ang Kaamuan ng Babae na Taga-Canaan
Setyembre 2023


“Ang Kaamuan ng Babaeng Taga-Canaan,” Liahona, Set. 2023.

Ang mga Himala ni Jesus

Ang Kaamuan ng Babaeng Taga-Canaan

Ano ang papel na ginagampanan ng pananampalataya at kaamuan sa paghahangad ng mga himalang kailangan natin?

Si Jesus at ang babaeng taga-Canaan

The Woman of Canaan [Ang Babaeng Taga-Canaan], ni Harold Copping, Bridgeman Images

Sa napakaraming interaksyon ni Jesucristo noong Kanyang mortal na ministeryo, may isang madaling laktawan dahil maikli ito at kung minsan ay mali ang pagkaunawa: ang babaeng taga-Canaan na inilarawan sa Mateo 15:21–28.

Gayunman, gamit ang ilang karagdagang konteksto, matututuhan natin ang magagandang katotohanan tungkol sa pagtitiyaga at pagkahabag ni Jesucristo kapag naging pamilyar tayo sa madalas banggitin na babaeng ito na may pambihirang pananampalataya at kaamuan.

Ang Konteksto

Sa Mateo 14, nalaman natin na alam ng Tagapagligtas ang pagkamatay ni Juan Bautista, na pinugutan ng ulo dahil sa panunulsol kay Herodias. Nang malaman niya ang pagkamatay ng Kanyang pinsan, tinangka ni Jesus na umalis sakay ng barko papunta sa “ilang na lugar,” marahil ay para magdalamhati, pero sinundan Siya ng maraming tao na naglalakad (tingnan sa Mateo 14:13). Sa pagpapakita ng malaking habag, ginugol ni Cristo ang araw kasama ang mga tao at isinagawa pa nga ang isa sa Kanyang mga makapangyarihang himala—ang pagpapakain ng libu-libong mga tao gamit ang limang tinapay at dalawang isda (tingnan sa Mateo 14:15–21).

Nang gabing iyon, isinagawa ng Tagapagligtas ang pangalawang dakilang himala. Nagpunta Siya sa bundok, “hiwalay” sa Kanyang mga disipulo, upang manalangin. Sumakay sa isang barko ang kanyang mga disipulo, na napaliligiran sa Dagat ng Galilea, na hinahampas ng mga alon at hangin. “At … si Jesus ay lumapit sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat,” na nag-udyok sa mga disipulo na sabihing, “Sa katotohanan ikaw ang Anak ng Dios.” (Tingnan sa Mateo 14:23–25, 33.)

Pagkatapos ay naglakbay si Jesus pahilaga mula sa Galilea papunta sa mga baybayin ng Tiro at Sidon, na nasa makabagong Lebanon. Siguradong nais Niyang “magpahinga, mapag-isa, o magkaroon ng sapat na pagkakataong turuan ang Labindalawa,” na umiwas sa Kanya.1 Doon “isang baba[e]ng [taga-Canaan] na mula sa lupaing iyon ang lumabas at nagsimulang sumigaw, Mahabag ka sa akin, O Panginoon, Anak ni David; ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo” (Mateo 15:22).

mapa at mga larawan ng Sidon at Tiro

Ang pagpapagaling sa anak na babae ng babaeng taga-Canaan ay naganap sa isang lugar sa pagitan ng Sidon at Tiro, sa hilaga ng Galilea.

Sidon (tingnan sa paglalarawan sa itaas): Kilala rin bilang Zidon. Noong unang panahon, isa ito sa pinakamahahalagang lungsod sa Phoenicia dahil sa komersiyal na kalakalan dito.

Tiro (tingnan sa larawan sa itaas): Isa pang mahalagang komersyal na lungsod, na matatagpuan mga 22 milya sa timog ng Sidon. Sa kanyang ministeryo, binisita ni Apostol Pablo ang mga miyembro ng Simbahan dito (tingnan sa Mga Gawa 21:3–7).

Paglalarawan ng Sidon ni Balage Balogh

Ang Babaeng Taga-Canaan

Kahanga-hanga na nilapitan ng babae si Jesus. Ang babae ay taga-Canaan, na “pagano o isinilang na hindi relihiyoso,” ang mga taga-Canaan ay “itinuring na kasiraan ng mga Judio.”2 Gayunman ang kanyang pananampalataya sa kapangyarihan ni Jesucristo at ang pagmamahal niya sa kanyang anak ay nagtulak sa kanya na hingin ang tulong ng Tagapagligtas. Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang katotohanan na tinawag niya si Jesus bilang Anak ni David ay nagpapakita ng kanyang paniniwala na Siya ang Mesiyas ng Israel.”3

Bagama’t kaunti lamang ang alam natin tungkol sa inang Gentil na ito, masasabi natin na ang kanyang pananampalataya ay katulad ng sa iba pang kababaihan na binanggit sa Bagong Tipan. Tulad ng babaeng “inaagasan ng dugo” (Marcos 5:25), sina Maria at Marta ng Betania, at si Maria Magdalena, ang babaeng taga-Canaan ay lubos na nagtiwala sa Tagapagligtas. Matatag at tiwala siya na nauunawaan niya kung sino Siya.

Noong una, hindi tumugon si Jesus sa kanya. Hinikayat Siya ng mga disipulo na paalisin ang babae dahil binabagabag sila nito, at nahiwatigan nila na binabagabag niya si Jesus sa Kanyang paghahanap ng katahimikan.4

Sa huli ay sumagot si Jesus. Ipinaliliwanag ang Kanyang katahimikan sa simula, sinabi Niya, “Ako’y hindi sinugo maliban sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel” (Mateo 15:24).

Dahil sa pahayag ng Tagapagligtas, lalong nakakamangha na humingi ang babaeng Gentil na ito ng basbas para sa kanyang anak. Hindi siya babaeng Israelita, pero kahit paano ay alam niya na si Jesucristo ang Mesiyas, isang Hari. At kahit nilinaw Niya na ang Kanyang misyon ay sa mga Judio na nasa Israel, nanampalataya ang babae na pagagalingin ni Jesus ang kanyang anak. Sa kaamuan, nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus bilang pagkilala sa Kanyang pagiging hari at kapangyarihan (tingnan sa Marcos 7:25), “sinamba siya,” at muling sumamo, “Panginoon, tulungan mo ako” (Mateo 15:25).

Kaamuan at mga Himala

Sa isang tugon na tila marahas sa mga makabagong disipulo, sumagot si Jesus, “Hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak, at itapon ito sa mga aso” (Mateo 15:26). Ipinaliwanag ng mga iskolar ng Biblia na sa analohiyang ito ang “mga anak” ay ang mga Judio at ang “mga aso” ay ang mga Gentil.

Sa madaling salita, ang pangunahing obligasyon ni Cristo ay sa mga Judio. Pakakainin Niya sila—o bibigyan muna sila ng ebanghelyo—at pagkatapos ay pakakainin o tuturuan nila ang iba pa sa mundo. Ipinaliwanag ni Elder Talmage: “Ang mga salita, bagamat parang marahas kung pakikinggan, ay naunawaan niya sa diwa ng layunin ng Panginoon. … Tiyak na hindi nagdamdam ang babae sa paghahambing.”5

Muli, ang tugon ng butihing babaeng ito ay nakakaantig at kagila-gilalas at maamo: “Oo, Panginoon. Subalit maging ang mga aso ay kumakain ng mga mumo na nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga panginoon” (Mateo 15:27).

Ang babaeng ito na puno ng pananampalataya ay hindi nahadlangan. Sa halip na piliing magdamdam, pinili niya ang pananampalataya. Ang sagot niya ay pagpapakita ng pag-asa kahit sa mga mumo. Ang pambihirang pananampalataya na maniwala na ang mumo mula sa hapag ng Tagapagligtas ay sapat na upang madaig ang anumang nagpapahirap sa kanyang anak. Ang sagot ng matapat na inang ito ay nagpapakita ng pagpapakumbaba at kaamuan.

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kaamuan bilang “malakas, hindi mahina; aktibo, hindi naghihintay lamang; matapang, hindi mahiyain.”6 Ang babaeng taga-Canaan ay tunay na malakas, aktibo, at matapang sa pagpapahayag ng kanyang pananampalataya na kahit na katiting na kapangyarihan ng Tagapagligtas ay sasapat na.

platong may mga mumo

Ang babaeng taga-Canaan ay malakas, aktibo, at matapang sa pagpapahayag ng kanyang pananampalataya na kahit na katiting na kapangyarihan ng Tagapagligtas ay sasapat na.

Sa huli, sumagot si Jesucristo nang may nakapagbibigay-lakas at pamilyar na sagot: “O babae, napakalaki ng iyong pananampalataya: mangyari sa iyo ang sinasabi mo.” Ang pagpapakitang ito na mahalaga at tanggap Niya ang bawat isa sa atin sa ating paglalakbay para lumapit sa Kanya ay sinundan ng tala sa banal na kasulatan ng katiyakan na “gumaling ang kaniyang anak sa oras ding iyon” (Mateo 15:28).

Ano ang Matututuhan Natin?

Sinabi ni Elder Talmage, “Ang kapuri-puring pagtitiyaga ng babae ay batay sa pananampalataya na nakadaraig sa mga balakid at nagtitiis kahit pinanghihinaan-ng-loob.”7

Ang gayong uri ng matibay na pananampalataya kay Jesucristo ang siya mismong ipinayo ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson na dapat nating paunlarin: “Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pinakadakilang kapangyarihan na maaaring makamit natin sa buhay na ito. Ang lahat ng bagay ay posible sa kanila na nananampalataya.”8

Ipinagdiriwang ko ang babaeng taga-Canaan na malakas, aktibo, matapang, at matiyaga sa kanyang pananampalataya kay Jesucristo bilang Tagapagligtas, Mesiyas, at Hari. Isa siyang halimbawa ng pananampalataya at kaamuan sa Bagong Tipan na kailangan sa lahat ng disipulo ni Jesucristo. Hindi natitinag, patuloy nating hangarin ang gayong uri ng pananampalataya sa “dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating” (Mga Hebreo 9:11).