Digital Lamang
Pakikilahok sa Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta, Apostol, at Iba pang mga Pinuno ng Simbahan
Tingnan kung ano ang naituro kamakailan ng mga pinuno ng Simbahan sa social media tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan.
“Ang layunin ng doktrina at mga patakaran nitong ipinanumbalik na Simbahan,” sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “ay ihanda ang mga anak ng Diyos para sa kaligtasan sa kahariang selestiyal at para sa kadakilaan sa pinakamataas na antas nito.”1 Madalas nating banggitin ang gawaing ito—ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan—pero ano ang ibig sabihin nito?
“Habang lumalapit tayo kay Cristo at tinutulungan ang iba na gayon din ang gawin, nakikibahagi tayo sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos. Ang gawaing ito ay ginagabayan ng dalawang dakilang utos na mahalin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa (tingnan sa Mateo 22:37–39). …
Ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ay nakatuon sa apat na responsibilidad na ibinigay ng Diyos. …
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan.
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo.
-
Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa [ka]walang-hanggan.”2
Tingnan kung ano ang naibahagi kamakailan ng mga pinuno ng Simbahan sa social media kung paano tayo maaaring mamuhay, magmalasakit, mag-anyaya, at magkaisa.
Ipagdasal na Patnubayan Kang Tulungan ang mga Nangangailangan
“Ngayong Pambansang Araw ng Panalangin, pinagninilayan ko ang lumilitaw na kahulugan sa ating lipunan ng pariralang ‘mga kaisipan at panalangin.’ Para sa marami, tapat na pagpapahayag pa rin ito ng pakikiramay at pagmamalasakit. Para sa iba, pinaghihinalaan itong hindi pagkilos sa harap ng trahedya.
“Matibay ang paniniwala ko na ang pagdarasal para sa mga nangangailangan ay kasiya-siya sa Diyos; sa katunayan, inuutusan Niya tayong bumaling sa Kanya at ipagdasal ang iba! Gayunman, naranasan ko mismo na kapag nanalangin ako para humingi sa Diyos ng patnubay kung ano ang magagawa ko para makatulong na paglingkuran, pasiglahin, mahalin, at suportahan ang mga nangangailangan, sinasagot Niya ang mga dalanging ito sa mga partikular at simpleng bagay na talagang magagawa ko para mapagpala ang isa sa Kanyang mga anak.
“Inaanyayahan ko kayong isipin kung paano maaaring maging dahilan ang inyong mga iniisip at dalangin para bigyang-inspirasyon at gabayan kayo ng Diyos tungo sa pagpapakita ng kabaitan, habag, at pagiging bukas-palad. Isipin kung gaanong kabutihan ang magagawa mo sa mundo—at sa sarili mong pamilya, paaralan, at pinagtatrabahuhan. Kapag hinangad nating maging Kanyang mga kamay na nagpapagaling at tumutulong, tiyak na dadakilain natin ang Panginoon.”
Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Mayo 5, 2022, facebook.com/russell.m.nelson.
Patawarin ang Iba at Ituring Silang mga Kapatid
‘Ama, patawarin mo sila; sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa’ (Lucas 23:34).
“Ang mga salitang ito, na sinambit ng Tagapagligtas na si Jesucristo habang nakabayubay Siya sa krus, ay nagbibigay sa atin ng huwarang susundan sa sarili nating buhay. Itinuro Niya sa atin na mahalin ang ating mga kaaway, gawan ng kabutihan ang mga namumuhi sa atin, at ipagdasal pa nga ang mga umaapi sa atin.
“Kapag ipinasiya nating patawarin ang iba, binibigyang-daan natin ang Panginoon na alisin ang lason mula sa ating kaluluwa. Pinahihintulutan natin Siyang payapain at palambutin ang ating puso upang makita natin ang iba, lalo na ang mga nagkasala sa atin, bilang mga anak ng Diyos at bilang ating mga kapatid.
“… Inaanyayahan ko kayong isipin nang may panalangin kung mayroon kayong dapat patawarin o dapat hingan ng patawad. Ipinapangako ko na papawiin ng Tagapagligtas ang inyong galit, hinanakit, at pasakit. Ang Prinsipe ng Kapayapaan ay maghahatid sa inyo ng kapayapaan.
“… Nawa’y bumaling tayo sa nagbangong Panginoon habang tinutulungan Niya tayong maranasan ang kagalakan at himala ng pagpapatawad.”
Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Abr. 2, 2023, facebook.com/russell.m.nelson.
Ibahagi ang Iyong Liwanag
“Bilang isang young adult na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, maaari kang makaranas ng mga sandali na iniisip mo kung ano ang magagawa mo para makaimpluwensya sa mundo. Maaga pa, nalaman ko nang kung gusto ninyong baguhin ang mundo, kailangan muna ninyong baguhin ang sarili ninyo.
“Gustung-gusto ko ang karanasan ni Gordon B. Hinckley noong bata pa siyang missionary nang sabihin sa kanya ng kanyang ama, ‘Kalimutan mo ang sarili mo at magtrabaho ka.’ Kailangan ng mundo ang inyong kasigasigan, inyong lakas, inyong pananampalataya, inyong patotoo. Maraming paraan para maibahagi ninyo ang inyong liwanag at gawing mas magandang lugar ang mundo. …
“Paano man ninyo ipasiyang ibahagi ang liwanag na mayroon kayo, makikinabang ang iba sa inyong mga karanasan. Mas mapapalapit kayo sa Tagapagligtas kapag gumagawa kayo ng makabuluhang mga aktibidad at naglilingkod sa iba. Ipinapangako ko na mas mapapabuti kayo at ang mundo.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Peb. 3, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Alamin ang Ating mga Responsibilidad
“Dalawang beses naging mga refugee ang pamilya ko. Noong una ay apat na taong gulang pa lang ako; noong ikalawa ay 11 taong gulang ako. Pinagnilayan ko ito nang magkaroon ako ng pribilehiyong magsalita sa mga chaplain na Banal sa mga Huling Araw mula sa buong mundo. …
“Napupuspos ng kalungkutan ang puso ko kapag iniisip ko ang daloy ng mga refugee at imigrante sa buong mundo at ang pagdurusa ng napakaraming pamilya at walang-malay na mga bata. Sila ay mga kapatid natin. Dapat nating malaman ang ating mga responsibilidad bilang mga Kristiyano.
“Kailangang masunod ang mga batas ng bansa, at kailangan ding makita sa mga batas ang ating kahandaan bilang mga Kristiyano na tulungan ang mga maralita at nangangailangan, na maging handang makidalamhati sa kanila, aluin sila, manalanging kasama nila, bukas-palad na ibahagi ang ating mga kabuhayan at posibilidad sa kanila, at tiyakin na maging kaibigan nila.
“Ang pagtatalaga sa ating sarili sa ganitong uri ng paglilingkod ay lubos na magpapahayag ng dalisay na pag-ibig ni Cristo sa ating kapwa kalalakihan at kababaihan. Babaguhin tayo ng habag at pagdamay na katulad ni Cristo sa ating kapwa kalalakihan at kababaihan. Maghahatid ito ng positibong pagbabago sa kinabukasan ng mundo. Ang ating hangarin at ating pagkilos para tulungan ang isang taong maysakit, nagugutom o may problema ay maghahatid ng kapayapaan sa sarili nating buhay. Pagpapalain nito ang inyong mga komunidad at maghahatid ng kapayapaan ni Cristo sa mga bansa ng mundo. Samakatwid, bawat araw ay maaari at nararapat na maging araw ng bagong simula.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Okt. 10, 2021, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Hayaang Pagmamahal ang Mag-udyok sa Inyo
“Pagdating sa pagbabahagi ng ebanghelyo, ang simpleng huwarang ‘magmahal, magbahagi, at mag-anyaya’ ay naghahatid ng mas matinding tuon sa lahat ng aspekto ng gawain ng Panginoon. Ang likas na pagsasabuhay ng mahahalagang alituntuning ito ng ebanghelyo ay magbibigay sa atin ng kakayahang tulungan ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan. Maaaring ni hindi natin matanto na ibinabahagi na natin ang ebanghelyo, dahil ang pagbabahagi at pag-anyaya ay likas na pagpapahayag ng ating tunay na pagmamahal sa iba. Bahagi talaga ito ng ating pagkatao!
“Sinasabi sa mga banal na kasulatan na ‘ang pag-ibig ay matiisin’ at ‘tinitiis ang lahat ng bagay’ (1 Corinto 13:4, 7). Ang pagmamahal ay walang takdang panahon o expiration date. Kapag ang ating pagbabahagi at pag-anyaya ay udyok ng pagmamahal, hindi tayo naiinip. Patuloy tayong nagsisikap, at nagtitiwala tayo sa Panginoon habang tumutulong tayo sa iba.”
Elder David A. Bednar, Facebook, Ago. 2, 2021, facebook.com/davida.bednar.
Isulong ang Plano ng Kaligayahan ng Ama
“Marami sa inyo na nagbabasa nito ang bahagi ng Generation Z. Lumaki kayo na may likas na kaalaman tungkol sa internet, mga smart device, social media, at iba pang kaugnay na mga teknolohiya na kailangang pagsikapan nating mga nakatatandang henerasyon na matutuhan. Para sa inyo, ang ‘pag-like,’ ‘pag-share,’ at ‘direct messaging’ ay karaniwan na tulad ng pagtawag, pagkatok, at pagsulat ng liham para sa mga henerasyong nauna sa inyo. Pero kaakibat ng inyong malawak na kaalaman tungkol sa mundo ng digital sa paligid ninyo, may isang bagay kayong taglay na mas dakila pa riyan—may pundasyon kayo na maging henerasyon na may pinakamalaking kakayahang isulong ang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang anak. At kailangan namin ang tulong ninyo.
“Ibinabahagi ko sa inyo ang [isang] paanyaya …: Tandaan na mahalaga ang inyong mga pagpapasiya. Sa araw-araw ninyong pagpili na tularan ang halimbawa ni Jesucristo, makahahanap kayo ng tagumpay, kaligayahan, at layunin na magpapala sa inyong buhay sa di-mailarawang mga paraan.”
Elder Quentin L. Cook, Facebook, Ene. 26, 2023, facebook.com/quentin.lcook.
Paghahanda sa Pagpasok sa Bahay ng Panginoon
“Hindi pa nagsisimula ang pagtatayo sa [Monrovia Liberia Temple], pero ibinahagi ko sa isang malaking pagtitipon sa Liberia na ang panahon para sa indibiduwal na paghahanda para sa templo ay nagsisimula na ngayon.
“Noon, ang mga indibiduwal na naghahandang sumamba sa bahay ng Panginoon ay maaaring naisip na kung anong uri ng alay ang dapat nilang gawin para makapasok sa banal na bahay na ito.
“Gayunman, ngayon, ang mga miyembro ng Simbahan sa Liberia—pati na ang mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo—ay dapat tularan ang halimbawa ni Jesucristo at mag-alay ng ‘bagbag na puso at nagsisising espiritu’ (3 Nephi 9:20). Tayo na nagtutuon sa paghahanda ng ating sarili sa ganitong paraan ay magiging mas banal na mga tao dahil may pagkakataon tayong makibahagi sa paglilingkod sa templo.”
Elder D. Todd Christofferson, Facebook, Mar. 10, 2023, facebook.com/dtodd.christofferson.
Magkaroon ng Malaking Pananampalataya at Tapang
“Hangang-hanga ako sa mga young adult at kabataang nakilala ko rito [sa Tokyo]. Ang Japan ay isang bansa na may 125 milyong katao. Tanging 1% lamang ng populasyon ang Kristiyano, at wala pang 10% ng mga Kristiyano ang mga miyembro ng Simbahan. Nangangailangan ng malaking pananampalataya at tapang ang mamuhay bilang mga alagad ni Jesucristo at ibahagi ang kanilang pananampalataya sa iba.
“Kinausap ko sila tungkol sa hayagang pagbabahagi na naniniwala sila at sumusunod kay Jesucristo. Ipinahayag ko sa kanila ang pagmamahal natin sa kanila at sa kung sino sila. Sinabi ko sa kanila na kailangan sila ng Panginoon sa pagpapanatili sa matatapat na disipulo ni Jesucristo sa gitna ng napakaganda at kahanga-hangang mga taong ito.”
Elder Neil L. Andersen, Facebook, Mayo 27, 2022, facebook.com/neill.andersen.
Mahalin ang Diyos
“Ang Josue 22:5 ay naglalatag ng apat na magkakahiwalay na hakbang na nagtuturo sa atin kung paano natin mamahalin ang Diyos, na tumutupad sa unang dakilang utos:
-
Tularan ang lahat ng Kanyang halimbawa. Tinutularan natin ang Kanyang mga halimbawa kapag nagmamalasakit tayo sa mga bagay na pinagmamalasakitan Niya. Nagmamalasakit Siya sa inyo, kaya bakit hindi rin natin pagmalasakitan ang Kanyang mga anak?
-
Sundin ang Kanyang mga utos. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, ‘Ang mga batas ng Diyos ay lubos na inuudyukan ng Kanyang walang-hanggang pagmamahal sa atin at ng Kanyang hangarin na maging katulad tayo ng makakaya nating kahihinatnan’ (‘The Love and Laws of God’ [debosyonal sa Brigham Young University, Set. 17, 2019], speeches.byu.edu).
-
Kumapit sa Kanya. Kapag kumapit kayo sa Diyos, mananatili kayong malapit sa Kanya at mas mapakikinggan ninyo Siya.
-
Paglingkuran Siya nang buong puso at buong kaluluwa mo. Ang paglilingkod sa aking pamilya at sa Simbahan ay isa sa pinakamalalaking pagpapala sa paghuhubog sa aking pagkatao.
“Mangako ngayon na mahalin ang Diyos. Ipinapangako ko na lahat ng iba pa ay magiging maayos kung uunahin ninyo Siya. Pagmamahal sa Diyos ang susi sa kaligayahan at maghahanda sa inyo na harapin ang anumang darating.”
Elder Ronald A. Rasband, Facebook, Peb. 13, 2022, facebook.com/ronaldarasband.
Dapat Ninyong Malaman na Nakikibahagi si Jesucristo sa Kanyang Gawain
“Ang isa sa mahahalagang alituntunin ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ay na Siya ay ganap na nakikibahagi sa gawain ng kaligtasan.”
Elder Dale G. Renlund, Facebook, Mar. 2, 2021, facebook.com/DaleGRenlund.
Naglilibot na Gumagawa ng Mabuti
“Ang pagharap natin sa mga kapakinabangan at kawalan ay bahagi ng pagsubok sa buhay. Hindi tayo gaanong hahatulan ayon sa sinasabi natin kundi ayon sa paraan ng pagtrato natin sa mahihina at walang-wala. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, hangad nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas, na maglibot na gumagawa ng mabuti. Ipinamamalas natin ang ating pagmamahal sa ating kapwa sa pagsisikap na matiyak na mayroong dignidad ang lahat ng anak ng Ama sa Langit. Habang tayo ay nagiging higit na katulad ng Tagapagligtas, tayo ay nagiging mas mahabagin, maunawain, at mapagmahal sa kapwa.”
Elder Dale G. Renlund, Facebook, Hulyo 19, 2021, facebook.com/DaleGRenlund.
Maging Matibay na Kawing sa mga Henerasyon ng Pamilya
“Sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay Jesucristo, nawa’y maging matibay na kawing tayo sa ating mga henerasyon. Nawa’y kumonekta tayo sa ating mga ninuno at pagpalain ang ating kasalukuyan at magiging pamilya—mga pamilyang mayroon tayo at mga pamilyang nais natin.”
Elder Gerrit W. Gong, Facebook, Mar. 21, 2023, facebook.com/gerritw.gong.
Magtrabaho sa tabi ng Panginoon
“Noong nakaraang buwan sa pandaigdigang debosyonal, inanyayahan ko kayong maging mas mabuting ‘kayo’ habang nagtatrabaho kayo sa tabi ng Panginoon.
“Bilang mga disipulo ni Jesucristo, ang ating pakikipagtipan sa Diyos at sa isa’t isa ay naghihikayat sa atin na maging mabuti at gumawa ng mabuti. Tulad ng alam ninyo, tumutulong ang ating Simbahan sa kahit anong lahi, relihiyon, o nasyonalidad. Nakikipagtulungan tayo sa lahat ng relihiyon o walang relihiyon. Tumutugon tayo sa agaran at pangmatagalang mga pangangailangan. Nadarama natin ang mga pagpapala ng langit kapag ipinakikita natin ang ating pagmamahal sa Diyos sa paggawa ng lahat ng posibleng gawin para sa ating mga kapatid, na Kanyang mga anak, saanman sa anumang paraang makakaya natin.
“Kung naghahanap ka ng mga paraan para maging mas mabuting ‘ikaw,’ isiping i-download ang JustServe.org app para makahanap ng mga oportunidad na malapit sa iyo.”
Elder Gerrit W. Gong, Facebook, Peb. 12, 2021, facebook.com/gerritw.gong.
Alamin Kung Sino Ka
“Habang hinahangad ninyong matuklasan at maipasa sa iba kung sino kayo, at kung saan at kanino kayo nanggaling, malalaman ninyo kung sino Siya—ang inyong Tagapagligtas na si Jesucristo; at ipinapangako ko sa inyo na makasusumpong kayo ng kadalisayan at kapayapaan, pananaw at layunin, at makasusumpong kayo ng kapangyarihan at puwang sa pamilya ng Diyos.”
Elder Ulisses Soares, Facebook, Mar. 5, 2022, facebook.com/soares.u.
Tuklasin ang mga Kuwento ng Pamilya
“Anong mga kuwento ng pamilya ang pinaghuhugutan ninyo ng lakas? Anong mga tradisyon ang pinananatili ninyong buhay? Kung walang pumapasok sa inyong isipan, huwag panghinaan ng loob. Hinihikayat namin kayong tuklasin ang mga ito; at tandaan, ang family history ay hindi lamang tungkol sa malayong nakaraan. Ito ay isang kumbinasyon ng nakaraan at ng kasalukuyan na siyang dahilan kaya kayo natatangi.”
Elder Ulisses Soares, Facebook, Mar. 2, 2022, facebook.com/soares.u.
Sama-samang Magsanggunian tungkol sa Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan
“Ang Relief Society ay dapat maging ligtas na lugar kung saan maibabahagi ng kababaihan ang kanilang mga karanasan, sama-samang magsanggunian, mag-ambag sa makabuluhang pagtuturo ng ebanghelyo, at madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. …
“Ang Pangkalahatang Hanbuk ay inaanyayahan tayong gumugol ng oras sa bawat Relief Society meeting na sama-samang nagsasanggunian tungkol sa mga paksang nauugnay sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan, na maaaring kabilangan ng anuman mula sa sama-samang paglilingkod sa ating komunidad hanggang sa pag-unawa sa isang paksa ng ebanghelyo o pagharap sa isang partikular na hamon—na laging nakatuon sa ating Tagapagligtas.
“Umaasa kami na mapanalanging pipiliin ng bawat lokal na Relief Society presidency ang mga paksang kailangan ng kababaihan sa kanilang pangangalaga. Ang panahong ito ay maaaring maging mahalagang resource para matuto mula sa isa’t isa at maglingkod sa isa’t isa tulad ng gagawin ni Jesucristo.”
Pangulong Camille N. Johnson, Facebook, Ene. 8, 2023, facebook.com/RSGeneralPresident.
Maka-access at Makahugot ng Lakas sa Kapangyarihan ng Priesthood
“Mga kapatid, may access kayo sa kapangyarihan ng priesthood! Ang mga pagpapala ng kapangyarihan ng priesthood ay para sa lahat ng miyembro ng Simbahan na tumutupad sa kanilang mga tipan—mga babae, lalaki, at bata.
“Natututuhan ko na upang makahugot ng lakas sa kapangyarihan ng priesthood, kailangan kong gumawa ng higit pa kaysa sumunod lang sa mga kautusan. Kailangan kong isantabi ang mga bagay ng mundong ito at ilaan ang aking mga talento, panahon, at pagmamay-ari sa Diyos. Ito ay isang uri ng katapatan ng puso, kakayahan, isipan, at lakas sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan—ang pagtitipon ng Israel—na binibigyan ako ng kakayahang humugot ng lakas sa kapangyarihan ng priesthood na naipagkaloob sa akin.
“Ipinangako na ni Pangulong Russell M. Nelson na ‘yaong mga tumanggap ng endowment sa bahay ng Panginoon ay tumatanggap ng kaloob na kapangyarihan ng priesthood ng Diyos dahil sa bisa ng kanilang tipan, at ng kaloob na kaalaman upang malaman kung paano gagamitin ang kapangyarihang iyon.’ (‘Mga Espesyal na Kayamanan,’ pangkalahatang kumperensya, Okt. 2019).
Bilang tugon sa kanyang pangako, nagsikap akong suriin ang buhay ko. Gumawa ako ng listahan: ‘Ano ang gagawin ko sa isang araw/linggo/buwan?’ Pagkatapos ay itinanong ko ang sarili ko, nang may taos-pusong panalangin, ‘Ano ang hindi na karapat-dapat sa aking oras at lakas?’ Tulad ng nabanggit ng propeta, ang mga bagay na dating tila mahalaga ay nawala sa prayoridad, at ang ilan pang aktibidad ay tuluyan nang nabura sa listahan ko, dahil bagama’t tila hindi nakasasama, nakagagambala ang mga iyon.
“Ang pagsusuri ko sa sarili ay hindi lang isang beses kong ginawa. Natutuhan ko na ang masusing pagsusuri sa aking panahon at lakas, tulad ng sinabi ni Pangulong Nelson, ay ‘habambuhay [na paglalaan ng aking] buhay sa Panginoon’ (‘Mga Espirituwal na Kayamanan,’ pangkalahatang kumperensya, Okt. 2019) at nagpabago sa aking pang-unawa tungkol sa kailangan kong gawin para makahugot ng lakas sa kapangyarihan ng priesthood kung tutuparin ko ang aking mga tipan.
“Sasamahan ba ninyo ako sa paghahangad na ma-access at makahugot ng lakas sa kapangyarihan ng priesthood?”
Pangulong Camille N. Johnson, Facebook, Nob. 13, 2022, facebook.com/RSGeneralPresident.
Magdasal at Makinig
“Ginagawa ng Tagapagligtas ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng bawat isa sa atin. Kaya ipagdasal natin ang isa’t isa at pakinggan kung paano Niya nais na pagpalain natin ang mga nasa paligid natin. Sasagot Siya dahil mahal Niya ang inyong butihing puso, at mahal Niya ang mga taong nasa inyong landas. Nawa’y madama ninyo ang Kanyang pagmamahal sa inyo habang nakikita at pinagpapala ninyo ang iba na tulad ng gagawin Niya.”
Sister Kristin M. Yee, Facebook, Peb. 8, 2023, facebook.com/RS2ndCounselor.
Tulungan ang mga Bata na Makilahok sa Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan
“Kapag bumibisita ako sa iba’t ibang grupo ng Primary sa buong mundo, lagi akong nabibigyang-inspirasyon sa kahandaan at kakayahan ng mga bata na makilahok sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan. Ang mga batang nabinyagan na ay ipinamumuhay ang kanilang mga tipan sa binyag!
“Ang inaasam namin bilang isang panguluhan ay na maunawaan at maipamuhay ng lahat ng bata ang mga tipang ginagawa nila sa binyag—at makapaghanda rin para sa iba pang mga ordenansa sa landas ng tipan ng Tagapagligtas.
“Natutuwa kaming magbahagi ng bagong mga sanggunian para sa mga magulang at mga Primary leader para maipaunawa sa mga bata at kabataan ang mga pagpapala at pribilehiyo ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan. Sana’y mahanap at mabasa ninyo ang mga sanggunian na ito sa manwal na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa Gospel Library app o sa ChurchofJesusChrist.org.”
President Susan H. Porter, Facebook, Okt. 28, 2022, facebook.com/PrimaryPresident.
“Masdan ang Inyong mga Musmos”
“Nang payuhan ng Tagapagligtas ang mga tao sa sinaunang Amerika na ‘masdan ang [kanilang] mga musmos” (3 Nephi 17:23), inanyayahan Niya silang huwag lamang silang tingnan kundi pagtuunan sila. Tingnan sila sa kanilang mga mata at masdan ang kanilang banal na kahalagahan, kakayahan, at potensyal. Naipaabot sa atin ngayon ang paanyaya ring iyon tungkol sa ating minamahal na mga musmos. Inanyayahan na ng isang propeta ng Diyos ang ating mga anak na tumulong sa pagtitipon ng Israel. Pinatototohanan ko na may kakayahan silang gawin iyon. Nabigyang-inspirasyon ako ng mga batang nakilala ko kamakailan nang bumisita ako sa Pilipinas nang ibahagi nila ang kanilang magagawa para makatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
“Paano ninyo nakita na ipinamumuhay ng mga bata ang ebanghelyo ni Jesucristo, pinangangalaan ang mga nangangailangan, inaanyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo, at pinagkakaisa ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan na sakop ng inyong impluwensya?”
Sister Amy A. Wright, Facebook, Ene. 18, 2023, facebook.com/Primary1stCounselor.