Digital Lamang
15 Paraan para Magalak Kapag Nalulumbay Ka
Nalulumbay? Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng maraming paraan para madama ang Kanyang liwanag at pagmamahal upang matiis natin ang mahihirap na panahon.
Ilang taon na ang nakararaan, binanggit ng isang kaibigan na tuwing mahirap ang kanyang araw (o linggo) at kailangan niya ng kaunti pang liwanag sa kanyang buhay, naghahanap siya ng kautusang susundin. Siyempre nagsusumikap siyang sundin palagi ang mga kautusan dahil sa pagmamahal niya sa Diyos. Natuklasan din niya kamakailan na maaari pa siyang makadama ng kaunti pang liwanag—sa sandaling iyon mismo—sa pamamagitan ng sadyang paghahanap ng isang taong paglilingkuran o sa higit na paggawa ng family history o higit na pagbabasa ng mga banal na kasulatan o higit na pagpapahayag ng pasasalamat para sa mga pagpapalang ibinigay sa kanya ng Ama sa Langit. Natanim sa aking isipan ang sinabi ng kaibigan ko, at ipinapaalala nito sa akin na “kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay” (Doktrina at mga Tipan 130:21). Iyon na rin ang nasasaisip ko tuwing kailangan ko ng dagdag na pag-asa, kapanatagan, kapayapaan, o kagalakan.
Kapag gusto nating mas magalak1 sa ating buhay kung nalulumbay tayo (o kahit kailan!), maaari tayong kumilos ayon sa mga paanyaya ng Panginoon dahil sa ipinangakong pagpapalang iyon. Narito ang 15 halimbawa ng mga paanyayang iyon na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga Apostol na nakapaghatid ng dagdag na kagalakan sa buhay ko at maaari ding maghatid ng higit na kagalakan sa buhay ninyo!2
1. Magtuon sa mga Koneksyong Mayroon Kayo
Madalas tayong malumbay dahil sa kawalan ng isang partikular na koneksyon na hinahanap natin. Ngunit tandaan na laging may isang taong mahihingan ng tutulong. Maaaring ito ay pamilya, mga kaibigan, mga katrabaho, mga ministering brother at sister, o iba pang mga lider ng Simbahan. Isipin at kausapin ang mga taong inilaan ng Panginoon sa inyong buhay para pasiglahin at pagpalain kayo.
Tulad ng itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Pahalagahan at palawakin ang mga koneksyon ninyo sa pamilya. … Pahalagahan ang inyong mga kaibigan at pagkakataong matuto at maglingkod, sapagkat ang mga pagsisikap na iyon ay maaari ding humantong sa kagalakang walang hanggan.”3 At tulad ng paanyaya sa atin ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hinihikayat ko kayo na huwag magtuon sa mga taong wala kayong koneksyon—kundi sa halip ay magtuon sa mga koneksyon sa pamilya na mayroon kayo. Kapag ginawa ninyo ito, bibiyayaan kayo ng higit na pagkamalapit at kagalakan sa piling ng inyong mga mahal sa buhay.”4
2. Tumulong at Maglingkod
Ang pagtutuon sa iba ay makatutulong sa atin na madaig ang kalumbayan. Maaaring mahirap tumulong sa mga panahong ito, o maaaring iniisip natin kung gugustuhin ng mga tao ang tulong natin. Ngunit maaari tayong manalangin sa Ama sa Langit para malaman kung sino ang nangangailangan ng ating tulong, at gagabayan Niya tayo sa mga taong mapagpapala natin (at tiyak na pagpapalain din tayo bilang kapalit), dahil laging may isang taong nangangailangan ng ating mga kamay na tumutulong.
Ipinaalala sa atin ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Nabubuhay tayo sa isang mundong puno ng kawalang-katiyakan, kaguluhan, at kalituhan. Ang mga pangangailangan sa pang-araw-araw na buhay ay maaaring magpahina sa atin. Naniniwala ako na may isang simple ngunit malalim na alituntuning makakatulong sa atin para mapalaya ang ating sarili mula sa nakalilitong mga hamong ito para makasumpong ng kapayapaan ng isipan at kaligayahan: paglilingkod sa isa’t isa.
“Maraming maliliit at simpleng paraan at sitwasyon kung saan maaari nating paglingkuran at mahalin ang iba sa tahanan, sa simbahan, at sa ating mga komunidad.
“Ang mga dakilang bagay ay ginagawa sa pamamagitan ng mga simple at maliliit na pagpapakita ng kabaitan at paglilingkod. Naiipon ang mga iyon at nagiging isang buhay na puspos ng pagmamahal sa Ama sa Langit, katapatan sa gawain ni Jesucristo, at isang diwa ng kapayapaan at kagalakan tuwing nagtutulungan tayo.”5
3. Magpatotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo
Personal man, sa social media, o maging sa mga journal o FamilySearch Memories para sa darating na mga henerasyon, mapapatotohanan natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Ang paggawa nito ay magpapadama sa atin ng sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na: “Ang isa sa mga pinakamalaking kagalakan sa buhay ko ay ang patotohanan ang ating Manunubos at anyayahan ang iba na tularan Siya. Inaanyayahan ko ang lahat na matuto tungkol kay Jesucristo at lumapit sa Kanya.”6
Ibinahagi rin ni Alma ang gayon ding karanasan nang itala niya, “Baka sakaling ako’y maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang madala ang ilang kaluluwa sa pagsisisi, at ito ang aking kagalakan” (Alma 29:9).
4. Kumanta ng Isang Himno
Tulad ng itinuro ng Unang Panguluhan:
“Ang mga himno ay may malaking maitutulong sa atin bilang mga indibiduwal. Ang mga himno ay maaaring bigyang-sigla ang ating mga kaluluwa, bigyan tayo ng tapang, at himukin tayong gumawa ng kabutihan. Mapupuno [nito] ng makalangit na [kaisipan] ang ating mga kaluluwa at makapagdudulot sa atin ng espiritu ng kapayapaan. …
“… Atin [itong] kabisaduhin at pag-isipan, bigkasin at awitin, at makibahagi sa idinudulot [ng mga ito na] espirituwal na lakas.”7
Alam din natin ang dakilang pangako sa Doktrina at mga Tipan 25:12: “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso; oo, ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo.”
Matatagpuan ninyo ang iba’t ibang musikang magpapasigla sa inyo sa bahaging “Musika” ng Gospel Library app.
5. Magtiwala sa Diyos at na Alam Niya ang Inyong Nadarama
Ang mga panahon ng ating kalumbayan ay maaaring hindi lumipas kaagad, ngunit lalagi sa piling natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. At sa piling Nila, hinding-hindi natin talaga kailangang madama na nag-iisa tayo. Kapag nagtitiwala tayo na kilala Nila tayo at alam kung ano ang nadarama natin, maaaring sumigla ang ating Espiritu. Ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:
“Ang kadilimang dumarating kapag nahihirapan tayo ay maaaring magpadama sa atin na nakahiwalay tayo at nag-iisa. Gayunman, nang magbayad-sala si Jesucristo para sa atin sa Halamanan ng Getsemani, hindi lamang Niya ginawa iyon para sa ating mga kasalanan. Nadama rin Niya ang sakit at kalumbayang nadarama natin kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok. Gaano man kahirap ang landas na nasa ating harapan, laging nariyan Siya na nakatahak na sa landas na iyon at maaari tayong akayin.
“Nababatid ito, ipinapangako ko na madarama natin kapwa ang kagalakan at magandang pananaw sa ating mga pagsubok—hindi lamang dahil umaasa tayo na magiging mas mabuti o mas madali ang mga panahon, kundi dahil nagtitiwala tayo sa Kanya. Sapat ang tiwala natin sa Kanya para manalangin at humingi ng tulong. Nagtitiwala tayo na lubos Niyang nauunawaan ang nadarama natin sa mga panahong ito. Bibigyan tayo nito ng tiwala na kahit paano, magiging maayos ang lahat.”8
Ganito rin ang ibinahaging pangako ni Elder Bednar: “Lubos na nauunawaan ng Tagapagligtas ang ating pagdurusa. Dahil pinasan na Niya ang ating mga kabiguan, kahinaan, at dalamhati, masusuportahan at mapalalakas Niya tayo. Palalakasin Niya ang ating isipan at espiritu. Palalakasin Niya tayo sa pisikal at sa bawat kinakailangang paraan para magawa ang mga bagay na kailangan nating gawin. Kapag bumaling tayo sa Kanya, hinding-hindi tayo nag-iisa.”9
6. Hangaring Magbago at Lumago
Kung minsa’y pinagpapala tayong madaig ang ating kalumbayan sa pamamagitan ng paglahok sa bagong pag-aaral at mga aktibidad. Kasama rito ang tinawag ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang galak na dulot ng araw-araw na pagsisisi”10 at gayundin ang habambuhay na pagkatuto ng mga bagong kasanayan.
Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson: “Tanggapin natin ang perpekto at mahalagang kaloob ng Diyos. Ilagay natin ang ating mga pasanin at kasalanan sa paanan ng Tagapagligtas at damhin ang kagalakang nagmumula sa pagsisisi at pagbabago.”11
Ibinahagi rin ni Elder Cook ang mga pakinabang ng paglago sa iba pang mga paraan:
“Ang Tagapagligtas, sa pagbabayad para sa kaparusahan ng ating mga kasalanan, ay hindi inalis ang pananagutan natin kung paano tayo mamumuhay. Ang kahalagahan ng trabaho, kasipagan, paggawa sa abot ng ating makakaya, pagpapahusay ng ating mga talento, at pagtustos sa pangangailangan ng ating mga pamilya ay nasa mga banal na kasulatan noon pa man.
“Ang hamon ko sa inyo ngayon ay suriin ang mga mithiin ninyo at alamin kung alin ang magtutulot sa inyo na magampanan ang inyong mga responsibilidad sa pamilya, magpapanatili sa inyo sa landas ng tipan, at magbibigay-daan para matanggap ninyo ang kagalakang nais ng Panginoon para sa inyo. Tandaan, sa pagkakaroon ng mga mithiin, makakatipid kayo sa oras at lakas sa pamamagitan ng pagpaplano nang maaga at hindi ninyo makakaligtaan ang mahahalagang bagay na kailangang gawin at tapusin.”12
Maging ang Tagapagligtas ay ipinakita sa atin ang kahalagahan ng patuloy na pag-unlad, sapagkat Siya ay “lumago … sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Lucas 2:52).
7. Magtuon sa Inyong mga Tipan
Maging sa ating pinakamahihirap na panahon, maaari tayong magtuon sa mga walang-hanggang pagpapalang nasa atin, na wala pa sa napakaraming tao sa mundo, sa pamamagitan ng ating mga tipan. Isipin ang mga pagpapala at kapangyarihan ng priesthood na maaari nating mapaghugutan ng lakas, kabilang na ang paglahok sa sakramento linggu-linggo at pag-access sa kapangyarihang natanggap natin (o maaaring matanggap) sa bahay ng Panginoon. Itinuro ni Elder Bednar ang dakilang pagpapala at kagalakang ito:
“Ang pagtupad at pagmamahal sa mga pangako sa tipan ay lumilikha ng koneksyon sa Panginoon na lubhang personal at espirituwal na makapangyarihan. Kapag tumutupad tayo sa mga kundisyon ng mga sagradong tipan at ordenansa, dahan-dahan at unti-unti tayong napapalapit sa Kanya at nararanasan natin sa ating buhay ang epekto ng Kanyang kabanalan at katotohanan na Siya ay buhay.
“Pinatototohanan ko na ang kaugnayan sa tipan sa nabuhay na mag-uli at buhay na Anak ng Diyos ay posible, tunay, at ang pinakadakilang pinagmumulan ng katiyakan, kapayapaan, kagalakan, at espirituwal na lakas na nagtutulot sa atin na ‘[sumulong]’ at ‘[huwag matakot,] ang kalaba’y harapin.’”13
Itinuro pa ni Elder Stevenson: “Ang ‘mahalagang perlas’ ay ang mga ordenansa, tipan, pangako, at tagubiling natatanggap [sa templo]. Ito ang kaligayahan at kagalakang nadarama ng mga tao sa magkabilang panig ng tabing kapag natatanggap nila ang mga pagpapala ng templo at lumalapit sila kay Cristo.” At inanyayahan niya tayong “pagnilayan ang kapayapaang nagmumula sa pagsamba at paglilingkod sa templo.”14
8. Pag-aralan ang mga Salita ng Tagapagligtas para Mapalapit sa Kanya
Ibinahagi ni Pangulong Eyring:
“Habang pinag-aaralan ko ang mga salita ng Tagapagligtas at ang Kanyang buhay, nakikilala ko Siya at minamahal ko Siya dahil sa nagawa Niya para sa bawat isa sa atin. …
“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).
“Ang kaloob na Anak ng Diyos ay walang katumbas na kaloob. Siya ang kaloob na gumagabay sa ating daan at tumutulong sa atin. Siya ang kaloob na sumusuporta sa atin sa mahihirap na araw ng ating paglalakbay sa buhay na ito. Siya ang kaloob na nagbibigay ng banal na pagmamahal, walang-hanggang pag-asa, at tunay na kagalakan.”15
Kapag mas marami tayong natututuhan tungkol sa Tagapagligtas at mas napapalapit tayo sa Kanya, lalo nating madarama ang Kanyang tunay na kagalakan. Ibinahagi ni Lehi kung paano siya pinagpala nito nang, habang binabasa niya ang mga banal na kasulatan, “siya ay napuspos ng Espiritu ng Panginoon” (1 Nephi 1:12).
May pangako rin sa atin kapag binasa natin ang Aklat ni Mormon, tulad ng itinuro ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Inaanyayahan ko kayong basahin ang Aklat ni Mormon at sundin ang mga turo ni Jesucristo na nakapaloob sa banal na aklat na ito. Kapag ginawa ninyo ito, makasusumpong kayo ng dagdag na kagalakan at kapayapaan sa buhay na ito at sa buhay na darating. Alam ko na ito ay totoo.”16
9. Purihin ang Iba
Ang pagbabahagi ng magagandang salita tungkol sa iba ay magpapagaan din sa ating pakiramdam! Itinuro ni Pangulong Eyring, “Nangangako ako na madarama ninyo ang kapayapaan at galak kapag maingat kayong nagsalita tungkol sa iba sa Liwanag ni Cristo.”17
10. Magpasalamat
Ang saloobin ng pasasalamat ay maaaring pagandahin palagi ang araw! Tulad ng ibinahagi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Anuman ang ating kalagayan, anuman ang ating mga hamon sa buhay o pagsubok, may isang bagay sa bawat araw na ikatutuwa at itatangi. May isang bagay bawat araw na mapasasalamatan at ikagagalak kung makikita lang natin ito at pahahalagahan.
“Palagay ko dapat nating hanapin ito na mas ginagamit ang puso kaysa mata. Gustung-gusto ko ang mga katagang: ‘Tanging sa paggamit lamang ng puso makakakita nang tama. Anumang bagay na mahalaga ay hindi nakikita ng mga mata’ [Antoine de Saint-Exupéry, The Little Prince, isinalin ni Richard Howard (2000), 63].
“Inutusan tayong ‘magbigay-pasalamat sa lahat ng bagay’ [Mosias 26:39]. Kaya hindi ba mas mabuting tingnan gamit ang ating mga mata at puso ang kahit maliliit na bagay na maaari nating ipagpasalamat, sa halip na pagtuunan ang di-maganda sa kasalukuyan nating kalagayan?”18
11. Magkaisa
Marahil ay maaaring magmula ang iyong kalumbayan sa pakiramdam na hindi nauunawaan ng iba ang iyong mga iniisip at ideya. Kung magkagayon, tandaan ang pangakong ito mula kay Pangulong Eyring:
“Nalaman natin mula sa karanasan na masaya tayo kapag tayo’y nagkakaisa. Nasasabik tayo bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit sa kagalakang iyon na minsa’y nadama natin sa piling Niya bago tayo isinilang. Hangad Niyang ipagkaloob ang sagradong pangarap nating iyon na magkaisa dahil mahal Niya tayo.
“Hindi Niya ito maipagkakaloob sa atin nang hiwa-hiwalay tayo. Ang galak sa pagkakaisa na gustung-gusto Niyang ibigay sa atin ay hindi sa pag-iisa. Hangarin natin ito at maging marapat para dito na kasama ang iba. Hindi nakakagulat kung gayon na hinihimok tayo ng Diyos na magtipon upang mapagpala Niya tayo. Nais Niya tayong magtipon sa mga pamilya. Nagtatag Siya ng mga klase, ward, at branch at inutusan tayong magkita-kita nang madalas. Nasa mga pagtitipong iyon, na nilayon ng Diyos para sa atin, ang ating malaking oportunidad. Magagawa nating ipagdasal at pagsikapan ang pagkakaisang magpapasaya sa atin at magpapaibayo sa kapangyarihan nating maglingkod.
“Sa Tatlong Nephita nangako ang Tagapagligtas ng galak sa pakikiisa sa Kanya bilang huling gantimpala nila matapos ang tapat nilang paglilingkod. Sabi Niya, “Kayo ay magkakaroon ng kaganapan ng kagalakan; at kayo ay uupo sa kaharian ng aking Ama; oo, ang inyong kagalakan ay malulubos, maging katulad ng ganap na kagalakang ibinigay sa akin ng Ama; at kayo ay magiging katulad ko, at maging ako ay katulad ng Ama; at ang Ama at ako ay iisa’ [3 Nephi 28:10].”19
Patuloy na maghanap ng mga pagkakataon na sama-samang magsanggunian sa mga pamilya, ward, at iba pang mga unit. At isipin ang mga alituntunin na maaaring humantong sa epektibong sama-samang pagsasanggunian sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 4.4.
12. Lumikha
Maghanap ng isang bagay na lilikhain, isang ngiti man iyan, gawang-sining, isang pirasong muwebles, o isang malinis na lugar. Isipin ang mga salitang ito ni Elder Uchtdorf: “Ano sa palagay ninyo ang pinakadakilang uri ng kaligayahang maaaring makamtan? Para sa akin, ang sagot sa tanong na iyan ay, kaligayahan ng Diyos. Humahantong iyan sa isa pang tanong: Ano ang kaligayahan ng ating Ama sa Langit? … Ang paglikha at pagkamahabagin ay dalawang layuning nakakatulong sa ganap na kaligayahan ng ating Ama sa Langit. … Ang paglikha ay nagdudulot ng malaking kasiyahan at katuparan.”20
13. Anyayahan ang Espiritu Santo sa Inyong Buhay
Ang Espiritu Santo ay naghahatid ng kagalakan sa ating buhay, kaya anumang gawin natin para anyayahan Siya sa ating maghapon ay magpapadama sa atin ng kagalakang iyon. Itinuturo sa mga banal na kasulatan: “Ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan” (Galacia 5:22). At sa Doktrina at mga Tipan 11:13, pinangakuan tayo ng Tagapagligtas, “Ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan.”
14. Maging Masunurin
Ang kagalakan ay “isang kalagayan ng malaking kaligayahan na nagmumula sa mabuting pamumuhay. Ang layunin ng buhay na ito ay upang magkaroon ng kagalakan ang lahat ng tao (2 Ne. 2:22–25). Ang lubos na kagalakan ay darating lamang sa pamamagitan ni Jesucristo (Juan 15:[10–]11; D&T 93:33–34; 101:36).”21
Bagama’t ang pagsunod ay hindi nangangako sa atin ng isang mundong malaya sa mga hamon at paghihirap, matutulungan tayo nitong magkaroon ng lakas at kagalakan para malagpasan ang mga iyon. Tulad ng itinuro ni Elder Benjamín De Hoyos ng Pitumpu: “Ang kaligayahan ay kalagayan ng kaluluwa. Ang maligayang kalagayang ito [ay] nagmumula sa mabuting pamumuhay.”22
At mayroon tayong paanyaya mula sa Mosias 2:41 na “ isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal.”
15. Manalangin
Mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin bilang Kanyang mga anak. Nais Niyang madama natin ang kagalakan ng pagiging Pinakamamahal Niyang mga anak. Lagi Siyang nariyan para sa atin, at maaari tayo palaging bumaling sa Kanya. Tulad ng itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 136:29, “Kung kayo ay malungkot, manawagan sa Panginoon ninyong Diyos nang may pagsusumamo, upang ang inyong mga kaluluwa ay mangagalak.”
Tulad ng ipinaalala sa atin ni Elder Rasband: “Mahal na mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Tayo ay mga anak ng Diyos. Dapat nating ibahagi ang mahalagang katotohanang ito sa lahat ng kakilala natin. Hindi tayo talaga nag-iisa kailanman. Sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, palagi tayong may kaibigan at suporta.”23
Sa Lahat ng Bagay: Sundin si Jesucristo
Higit sa lahat, ang ating pinakamahalaga at walang-hanggang kagalakan ay dumarating sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas sa lahat ng bagay! Tulad ng itinuro ni Pangulong Ballard: “Nagpapasalamat ako sa ating Diyos Ama sa pagsusugo sa Kanyang Anak na si Jesucristo sa lupa. Dinaig ng Tagapagligtas ang kamatayan at kasalanan. Kung susundin natin Siya, makadarama tayo ng walang-hanggang kagalakan.”24
Ganito rin ang pahayag ni Elder Cook: “Pinagninilayan at ikinagagalak natin ang lahat ng nagawa ng Tagapagligtas para sa atin. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay bilang Pagbabayad-sala para sa iba, na dumaig sa kamatayan at tumubos sa buong sangkatauhan. Ipinapangako ko na ang pagsunod sa Kanyang liwanag at halimbawa ay maghahatid sa atin ng higit na kagalakan, kaligayahan, at kapayapaan sa buhay na ito kaysa anupaman.”25
At sa huli, napakalinaw na sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang pag-asa, kapayapaan, at kagalakang nagmumula sa pagsunod kay Jesucristo ay napakahalaga. Nangangahulugan ito ng lahat-lahat.”26
Tulad ng sinabi ni Pangulong Nelson, tunay na “si Jesucristo ang kagalakan.”27 At nagpatuloy siya na may pambihirang pangako na “Kayang magsaya ng mga banal sa lahat ng sitwasyon. Maaari tayong magalak kahit hindi maganda ang araw natin, o ang linggo natin, o ang buong taon! Mahal kong mga kapatid, ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay. Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan. Nadarama natin ito tuwing Kapaskuhan kapag inaawit natin ang, “O magsaya, ‘sinilang na’ [O Magsaya, Mga Himno, blg. 121]. At buong taon natin itong nadarama.”28