“Magkakapatid sa Panginoon,” Liahona, Set. 2023.
Magkakapatid sa Panginoon
“Gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak”—at ibinigay Niya sa atin ang isa’t isa.
Naglakbay mula sa Capernaum, ang ating Tagapagligtas ay nagpunta sa isang lungsod na tinatawag na Nain. Malapit sa pasukan ng lungsod, nakita Niya ang isang prosisyon ng libing. Dahil sa wala-sa-panahong pagkamatay ng nag-iisang anak ay naiwang mag-isa ang kawawang balo.
“Nang makita siya ng Panginoon, siya’y nahabag sa balo at sinabi rito, Huwag kang umiyak.
“Siya’y lumapit at hinipo ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil. At sinabi niya, Binata, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka.”
Nang maupo ang binata at nagsimulang magsalita, “ibinigay siya ni Jesus sa kaniyang ina” (tingnan sa Lucas 7:11–15; idinagdag ang diin).
Sa Kanyang buong ministeryo, sa 1 man o sa 99,1 ang ating Tagapagligtas ay lubos na nagpakita ng habag, pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa, pagmamahal, pagpapatawad, awa, at paglilingkod.2 Inaanyayahan Niya ang bawat isa sa atin na “pumarito ka, sumunod ka sa akin” (Lucas 18:22) at maging “katulad ko” (3 Nephi 27:27).3
“Maging Katulad Ko”
Upang masunod ang perpektong halimbawa ng ating Tagapagligtas at maging katulad Niya, tinatanggap natin ang Kanyang paanyaya na lumakad na kasama Niya sa Kanyang landas ng tipan (tingnan sa Moises 6:34). Tinutukoy natin kung minsan ang landas ng tipan sa pamamagitan ng mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan na siyang tanda nito—binyag at kumpirmasyon upang matanggap ang kaloob na Espiritu Santo at maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw; ordinasyon sa Melchizedek Priesthood (para sa mga lalaki); endowment sa bahay ng Panginoon (para sa bawat isa sa atin bilang mga indibiduwal); at pagbubuklod sa templo.
Ang ordenansa na kailangan para sa kaligtasan at kadakilaan ay sagradong gawaing isinasagawa ng awtorisadong awtoridad ng priesthood na nagtuturo sa atin ng tipan kung saan nauugnay ang ordenansa. Sa ilang paraan, maiisip natin ang isang ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan bilang panlabas na gawain na nagbibigkis sa atin sa Diyos at sa Kanyang banal na Anak sa ating buhay sa pamamagitan ng tipan.
Bawat isa sa atin, bilang minamahal na anak ng Diyos, ay gumagawa ng sarili nating mga sagradong tipan sa Diyos. Ginagawa natin ito bilang isang indibiduwal, sa ating sariling pangalan, nang isa-isa. Ang kaugnayang ito sa tipan sa Diyos ay nagbibigay sa bawat isa sa atin ng kapangyarihan, pag-asa, at pangako. Maaaring baguhin ng mga tipang ito ang ang ating likas na pagkatao, pabanalin ang ating mga hangarin at kilos, at tulungan tayong hubarin ang likas na tao kapag nagbibigay-daan tayo sa mga panghihikayat ng Banal na Espiritu. Ayon sa tipan, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, bawat isa sa atin ay maaaring maging tulad ng isang anak ng Diyos—“masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig” (Mosias 3:19).
Paglilingkod nang Magkakasama sa Pamamagitan ng Tipan
“Gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak” (Juan 3:16)—at ibinigay Niya sa atin ang isa’t isa. Ang pagiging kabilang sa tipan—upang maging konektado sa Diyos at sa isa’t isa sa pamamagitan ng tipan—ay nag-aanyaya sa atin na tuparin ang ating banal na identidad at layunin sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa langit at pagkonekta at paglikha ng komunidad ng mga Banal habang minamahal at pinaglilingkuran natin ang isa’t isa at ang mga nasa paligid natin. Sa pagbibigay ng pagkakataon para sa katapatan sa tipan at pagiging kabilang sa tipan, ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao. Inaanyayahan Niya ang bawat isa sa atin, kababaihan at kalalakihan, may-asawa o walang asawa, anuman ang ating pinagmulan at sitwasyon, na lumapit sa Kanya at sa isa’t isa sa pamamagitan ng tipan.
Kapag napabilang tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng tipan, nagiging kabilang din tayo sa isa’t isa sa pamamagitan ng tipan. Nangyayari ang pambihirang mga bagay kapag mahal natin ang Panginoon at tayo ay nagtutulungan, nag-uusap-usap, at naglilingkod sa isa’t isa. Ang paglilingkod sa tipan ay nagpapalakas sa ating ugnayan sa Panginoon at sa isa’t isa. Kabilang dito ang ating personal na kaugnayan sa ating Ama sa Langit, pamilya, kongregasyon sa Simbahan, komunidad, at mga henerasyon ng pamilya. Kapag ipinamumuhay natin ang ating mga tipan, nawawala ang pagsentro natin sa ating sarili at natatagpuan natin ang ating pinakamainam na sarili na nakasentro kay Cristo.
Ang Banal na Plano ng Diyos para sa Kaligayahan
Tungkol sa banal na plano ng Diyos para sa kaligayahan, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “ang kalangitan ay bukas din sa kababaihan na pinagkalooban ng kapangyarihan ng Diyos na dumadaloy mula sa kanilang mga tipan sa priesthood tulad ng sa kalalakihang maytaglay ng priesthood.”4
Binanggit ni Pangulong Camille N. Johnson, Relief Society General President, “May karapatan tayong magamit ang kapangyarihan ng priesthood sa pamamagitan ng personal na pagkamarapat.”5 Binabanggit ang sinabi ni Pangulong Nelson, sinabi niya, “Kailangan namin ng kababaihang nakakaalam kung paano ma-access ang lakas na handang ibigay ng Diyos sa mga tumutupad ng tipan.”6 Itinuro ni Pangulong Johnson na ang mga tumutupad ng tipan na naghahangad at namumuhay nang may pananampalataya, pagpapakumbaba, at kasigasigan ay makatatanggap ng patnubay, inspirasyon, mga kaloob ng Espiritu, paghahayag, at “tulong at lakas na maging higit na katulad ni Jesucristo at ng Ama sa Langit.”7 Sa pagbibigay ng bawat isa sa atin ng ating natatanging mga kaloob bilang katuwang ng Panginoon at ng isa’t isa, lumilikha tayo ng “iisang katawan” (1 Corinto 12:13).
Sa plano ng Diyos, ang mga ina at ama ay mga magkasama at magkatuwang. Nagtutulungan tayo bilang magkasama na may pantay na pagmamahal at kabutihan upang pangalagaan at tustusan ang kailangan ng isa’t isa at ng ating pamilya. Ang kadalisayan ng pag-iisip at pag-uugali ay kailangan sa paghahayag at inspirasyong kailangan ng kababaihan at kalalakihan. Sa kanilang mga tahanan, ang mga ama at asawang lalaki ay dapat mamuno nang may kahinahunan, kaamuan, at hindi pakunwaring pag-ibig—mabubuting katangiang kailangan ng kalalakihan at kababaihan sa lahat ng ating ugnayan.8
Nananangis ang langit kapag, sa alinmang relasyon, ay mayroong anumang uri ng pang-aabuso, pangingibabaw, o pamimilit ng kalalakihan o kababaihan. Ang paghikayat, mahabang pagtitiis, kabaitan, at dalisay na kaalaman ay mga katangiang katulad ng kay Cristo na hangad ng bawat isa sa atin—may-asawa man tayo, walang asawa, balo, o diborsyado (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:41–42). Ito ay dahil sa ang katayuan natin sa harapan ng Panginoon at sa Kanyang Simbahan ay nakasalalay sa ating personal na pagkatao at kabutihan sa pagtupad ng tipan.
Pagsasanggunian sa Council
Sa diwa ring ito, sa Simbahan ng Panginoon ay nagsasanggunian tayo sa council habang sama-sama tayong naglilingkod. Sa ating mga council, ang mga lider ay naghahangad ng mga kabatiran at ideya mula sa lahat. Nagpapasalamat ako sa bawat isa sa mga pambihirang kababaihan at kalalakihan na nagkaroon ako ng pribilehiyong paglingkuran, at makasama, sa mga executive council ng Simbahan. Ang mararangal na kapatid na ito ay tumutulong na tipunin ang Israel sa pamamagitan ng paglilingkod bilang missionary, paghahanda sa atin sa pagharap sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa priesthood at sa pamilya, pagbubuklod sa mga pamilya sa kawalang-hanggan sa pamamagitan ng paglilingkod sa templo at family history, at pag-minister sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng paglilingkod sa welfare at self-reliance.
Sa bawat sitwasyon, naaabot natin ang mas mabubuting desisyon at mas nagtatagumpay tayo sa paglilingkod sa Panginoon habang pinahahalagahan natin ang mga kontribusyon ng iba at magkakasamang gumagawa, magkakapatid sa Kanyang gawain.
Gayundin, nagpapasalamat ako na, sa ating mga stake at ward, ang mga kapatid na lider at miyembro ay nagkakaisa sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan. Sa buong Simbahan, sa ilalim ng pamamahala ng matatapat na mission leader, kabilang sa mga mission leadership council ang mga elder at sister training leader na namumuno sa ating mga missionary, bawat isa sa kanila na ang gawain at responsibilidad ay mahalaga at kailangan. Sa militar ng Estados Unidos, ang mga chaplain na Banal sa mga Huling Araw, mga lalaki at babaing pinuno na inendorso ng Simbahan, ay nagpapala sa mga naglilingkod sa iba’t ibang sangay ng paglilingkod.9 Sa ministering, ang ating mga kabataang lalaki at babae ay may pagkakataon at kailangang maglingkod. Sa ating paglilingkod, magkakasama tayong lahat.
Ang isang paraan na nagsisilbi tayo bilang mga saksi ng Diyos ay sa paglilingkod bilang mga saksi ng ipinanumbalik na mga ordenansa ng ebanghelyo. Ang mga kapatid ay nagsisilbing mga saksi para sa mga binyag, kapwa para sa mga buhay at sa mga patay. Ang mga kapatid ay nagsisilbing mga saksi para sa karagdagang mga ordenansa sa bahay ng Panginoon. Doon, sa ilalim ng mga susi ng temple president, ang mga babae ay nagsasagawa ng mga sagradong ordenansa para sa kababaihan at ang mga lalaki ay nagsasagawa ng mga sagradong ordenansa para sa kalalakihan.
Sa banal na plano ng Diyos para sa kaligayahan, sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “pinagpapala tayong lahat ng kapangyarihan ng priesthood. Ang mga susi ng priesthood ay gumagabay sa kababaihan gayundin sa kalalakihan, at ang mga ordenansa ng priesthood at awtoridad ng priesthood ay nauukol kapwa sa kababaihan at kalalakihan. … Sinumang gumaganap sa katungkulan o tungkulin na natanggap mula sa taong mayhawak ng mga susi ng priesthood ay ginagamit ang awtoridad ng priesthood sa pagtupad sa mga gawaing itinalaga sa kanya.”10
Huwag Hayaang Madungisan ng Daigdig
Sa pagsisikap nating “maging isa,” tulad ni Jesucristo na kaisa ng Ama (Juan 17:21), dapat nating “isuot … ang … Panginoong Jesucristo” (Mga Taga Roma 13:14).
Tayo ay mapapabanal habang, sa pamamagitan ng biyaya sa biyaya ay natututuhan at ginagaya natin ang mga katangian ni Jesucristo—nagmamahal nang mas lubusan, mas madaling magpatawad, hindi kaagad nanghuhusga, mas handang maglingkod at magsakripisyo, mas mahabagin at mas madalas na ipinapakita ito.
Magtiwala tayo sa doktrina at halimbawa ni Cristo, na nalulugod sa katotohanan at maging Kanyang mapagpakumbabang mga alagad (tingnan sa 2 Nephi 28:14)—bawat isa sa atin at bilang magkakapatid sa Panginoon.11