Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae
Kailangan namin ang inyong lakas, katatagan, pananalig, kakayahang mamuno, karunungan, at mga tinig.
Mahal naming Elder Rasband, Elder Stevenson, at Elder Renlund, kami, na inyong mga Kapatid, ay malugod kayong tinatanggap sa Korum ng Labindalawang Apostol. Salamat sa Diyos sa mga paghahayag na ibinigay Niya sa Kanyang propetang si Pangulong Thomas S. Monson.
Mga kapatid, nang magtipon tayo sa pangkalahatang kumperensya anim na buwan na ang nakalipas, hindi natin inasahan ang dumating na mga pagbabagong aantig sa damdamin ng mga miyembro ng Simbahan. Nagbigay si Elder L. Tom Perry ng napakagandang mensahe tungkol sa walang-katumbas na tungkulin ng kasal at pamilya sa plano ng Panginoon. Nagulat tayo nang ilang araw kalaunan, nalaman natin na may kanser siya na magiging dahilan ng kanyang pagpanaw.
Bagama’t patuloy ang paghina ng kalusugan ni Pangulong Boyd K. Packer, “buong tapang” siyang nagpatuloy sa gawain ng Panginoon. Mahina na siya noong Abril, subalit determinado siyang ipahayag ang kanyang patotoo hangga’t mayroon siyang hininga. Pagkatapos, 34 na araw pa lamang pumanaw si Elder Perry, sumakabilang-buhay na rin si Pangulong Packer.
Hindi natin nakasama si Elder Richard G. Scott sa huli nating pangkalahatang kumperensya, ngunit nadama natin ang kanyang malakas na patotoo tungkol sa Tagapagligtas na ipinahayag niya sa maraming kumperensyang nagdaan. At 12 araw pa raw ang nakalipas, pumanaw si Elder Scott at muling nakasama ang mahal niyang si Jeanene.
Nagkaroon ako ng pribilehiyong makasama lahat ang mga Kapatid na ito sa mga huling araw nila, pati na ang mga pamilya nina Pangulong Packer at Elder Scott ilang sandali bago sila pumanaw. Hindi ako makapaniwala na ang tatlong minamahal kong kaibigang ito, ang kahanga-hangang mga lingkod na ito ng Panginoon, ay wala na. Hindi ko masambit ang pangungulila ko sa kanila.
Nang pag-isipan ko ang di-inaasahang mga pangyayaring ito, ang isa sa mga bagay na nakintal sa aking isipan ay ang nakita ko sa kanilang mga naulilang asawa. Hindi ko malilimutan ang kapayapaang nakita ko kina Sister Donna Smith Packer at Sister Barbara Dayton Perry habang nakaupo sila sa gilid ng kama ng kanilang asawa, na kapwa puspos ng pagmamahal, katotohanan, at dalisay na pananampalataya.
Habang nakaupo si Sister Packer sa tabi ng kanyang asawa sa mga huling oras nito, nabanaagan siya ng kapayapaang di-masayod ng pag-iisip.1 Bagama’t natanto niya na papanaw na ang kanyang pinakamamahal na asawa na halos 70 taon niyang nakasama, ipinakita niya ang kapanatagan ng isang babaeng puspos ng pananampalataya. Para siyang anghel, tulad sa retrato nilang ito sa paglalaan ng Brigham City Utah Temple.
Nakita ko rin ang ganitong uri ng pagmamahal at pananampalataya kay Sister Perry. Kitang-kita ang kanyang katapatan kapwa sa kanyang asawa at sa Panginoon, at labis akong naantig nito.
Sa huling sandali ng buhay ng kanilang asawa hanggang sa ngayon, ang matatag na kababaihang ito ay nagpakita ng lakas at katapangan na sa tuwina ay mamamalas sa kababaihang tumutupad ng tipan.2 Hindi masusukat ang impluwensya ng ganitong kababaihan, hindi lamang sa mga pamilya kundi sa Simbahan ng Panginoon, bilang asawa, ina, at lola; bilang mga kapatid at tiya; bilang mga guro at lider; at lalo na bilang mga uliran at tapat na tagapagtanggol ng pananampalataya.3
Nakita na ito sa bawat dispensasyon ng ebanghelyo mula pa noong panahon nina Adan at Eva. Subalit ang kababaihan ng dispensasyong ito ay naiiba sa kababaihan ng iba pang dispensasyon dahil ang dispensasyong ito ay naiiba sa lahat.4 Ang kaibhang ito ay nagdudulot kapwa ng mga pribilehiyo at ng mga responsibilidad.
Tatlumpung anim na taon na ang nakararaan, noong 1979, si Pangulong Spencer W. Kimball ay nagpropesiya tungkol sa magiging impluwensya ng kababaihang tumutupad ng mga tipan sa kinabukasan ng Simbahan ng Panginoon. Ipinropesiya niya: “Ang karamihan sa malaking pag-unlad na mangyayari sa Simbahan sa mga huling araw ay darating sapagkat marami sa mabubuting kababaihan ng mundo … ang mapupunta sa Simbahan nang maramihan. Mangyayari ito dahil magpapakita ng kabutihan at kahusayan sa pananalita ang kababaihan ng Simbahan sa kanilang buhay at makikitang natatangi at kakaiba—sa masayang paraan—mula sa kababaihan ng sanlibutan.”5
Mahal kong mga kapatid na babae, kayo na napakahalagang katuwang namin sa mga huling araw na ito, ang panahong nakinita noon ni Pangulong Kimball ay ang ngayon. Kayo ang kababaihang nakinita niya! Ang inyong kabutihan, liwanag, pagmamahal, kaalaman, katapangan, pagkatao, pananampalataya, at matwid na buhay ang magdadala ng iba pang mabubuting kababaihan ng mundo sa Simbahan, kasama ang kanilang mga pamilya, sa mas maraming bilang kaysa noon!6
Kailangan naming mga kapatid ninyong lalaki ang inyong lakas, katatagan, pananalig, kakayahang mamuno, karunungan, at mga tinig. Hindi kumpleto ang kaharian ng Diyos at hindi makukumpleto kung walang kababaihang gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito, kababaihang nangungusap nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos!7
Ipinahayag ni Pangulong Packer:
“Kailangan namin ng kababaihang organisado at marunong mag-organisa. Kailangan namin ng kababaihang may kakayahang mamuno na kayang magplano at mamahala at mangasiwa; kababaihang makapagtuturo, kababaihang maninindigan. …
“Kailangan namin ng kababaihang nakakahiwatig at nakikita ang mga kalakaran ng mundo at nakakapansin sa mga yaong bagama’t popular ay mababaw o mapanganib.”8
Ngayon, idaragdag ko na kailangan namin ng kababaihang alam kung paano magagawa ang mahahalagang bagay sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at matatapang na tagapagtanggol ng moralidad at mga pamilya sa mundong ito na puno ng kasalanan. Kailangan namin ng kababaihang tapat na gumagabay sa mga anak ng Diyos sa pagtahak sa landas ng tipan tungo sa kadakilaan; kababaihang nakakaalam kung paano tumanggap ng personal na paghahayag, na nauunawaan ang kapangyarihan at kapayapaang nagmumula sa endowment sa templo; kababaihang nakakaalam kung paano manawagan sa mga kapangyarihan ng langit na pangalagaan at palakasin ang mga anak at pamilya; kababaihang hindi takot magturo.
Buong buhay akong napagpala ng ganitong kababaihan. Gayon ang pumanaw kong asawang si Dantzel. Lagi kong pasasalamatan ang impluwensya niyang nagpabago sa lahat ng aspeto ng buhay ko, pati na sa mga pagsisikap kong makagawa ng bagong paraan sa pag-oopera sa puso.
Limampu’t walong taon na ang nakaraan nahilingan akong operahan ang isang batang babae, na may malubhang congenital heart disease. Iyon din ang ikinamatay ng kuya niya noon. Humingi ng tulong ang kanyang mga magulang. Hindi ako umasa na makakatulong ang operasyon sa kanya ngunit sumumpa ako na gagawin ko ang lahat para iligtas ang buhay niya. Sa kabila ng pinakamatindi kong mga pagsisikap, namatay ang bata. Kalaunan, dinala sa akin ng mga magulang ding iyon ang isa pa nilang anak na babae, na noon ay 16 na buwan pa lang, na isinilang din na may sakit sa puso. Muli, sa kanilang kahilingan, isinagawa ko ang operasyon. Namatay rin ang batang ito. Talagang nanghina ako sa ikatlong masakit na pagkamatay na ito sa isang pamilya.
Umuwi akong malungkot. Sumalampak ako sa sahig ng aming salas at magdamag na umiyak. Nanatili sa tabi ko si Dantzel, na nakikinig habang paulit-ulit kong sinasabi na hindi na ako kailanman mag-oopera sa puso. Pagkatapos, bandang alas-5:00 ng umaga, tumingin sa akin si Dantzel at magiliw na nagtanong, “Tapos ka na bang umiyak? Kung gayo’y magbihis ka na. Bumalik ka sa ospital. Magtrabaho ka! Marami ka pang kailangang matutuhan. Kung susuko ka ngayon, daranasin din ng iba ang naranasan mo.”
Ah, talagang kailangan ko ang pag-unawa, determinasyon, at pagmamahal ng asawa ko! Bumalik ako sa trabaho at marami pa akong natutuhan. Kung hindi dahil sa inspiradong panghihikayat ni Dantzel, hindi sana ako nag-aral ng open-heart surgery at naging handang mag-opera noong 1972 na nagligtas sa buhay ni Pangulong Spencer W. Kimball.9
Kababaihan, alam ba ninyo kung gaano katindi ang inyong impluwensya kapag sinambit ninyo ang mga bagay na iyon mula sa inyong puso’t isipan ayon sa patnubay ng Espiritu? Nagkuwento sa akin ang isang napakahusay na stake president tungkol sa isang stake council meeting kung saan nila pinag-usapan ang isang mabigat na problema. Minsan, napansin niya na hindi pa nagsasalita ang stake Primary president, kaya nagtanong siya kung may mga ideya ito. “Oo, mayroon nga,” sabi niya at ibinahagi ang isang ideyang nagpabago sa takbo ng buong miting. Sinabi pa ng stake president, “Nang magsalita siya, pinatotohanan ng Espiritu sa akin na inilahad niya ang paghahayag na siyang hinahanap namin bilang isang council.”
Mahal kong kababaihan, anuman ang inyong tungkulin, anuman ang inyong kalagayan, kailangan namin ang inyong mga impresyon, ideya, at inspirasyon. Kailangan namin kayong tuwiran at hayagang magsalita sa mga ward at stake council. Kailangan namin ang bawat kababaihang may asawa na magsalita bilang “isang tumutulong at ganap na katuwang”10 sa pakikiisa ninyo sa inyong asawa sa pamumuno sa inyong pamilya. May asawa man o wala, taglay ninyong kababaihan ang naiibang mga kakayahan at natatanging intuwisyon na ipinagkaloob sa inyo ng Diyos. Hindi namin matutularang mga kalalakihan ang inyong kakaibang impluwensya.
Alam namin na ang huli at pinakadakila sa buong paglikha ay ang paglikha sa babae!11 Kailangan namin ang inyong lakas!
Ang pagtuligsa sa Simbahan, sa doktrina nito, at sa paraan ng ating pamumuhay ay lalo pang titindi. Dahil dito, kailangan natin ng kababaihang may matibay na pagkaunawa sa doktrina ni Cristo at na gagamitin ang pagkaunawang iyan sa pagtuturo at pagtulong sa pagpapalaki ng isang henerasyong kayang labanan ang mga kasalanan.12 Kailangan namin ng kababaihang nakahihiwatig sa lahat ng anyo ng panlilinlang. Kailangan namin ng kababaihang nakakaalam kung paano magtamo ng lakas na handang ibigay ng Diyos sa mga tumutupad ng tipan at nagpapahayag ng kanilang paniniwala nang may tiwala at pag-ibig sa kapwa. Kailangan namin ng kababaihang may tapang at pag-unawa ng ating Inang si Eva.
Mahal kong mga kapatid, walang nang mas mahalaga pa sa inyong buhay na walang hanggan kaysa sarili ninyong pagbabalik-loob. Ang kababaihang nananalig at tumutupad sa tipan—at kasama na riyan ang mahal kong kabiyak na si Wendy—na ang matwid na pamumuhay ay lalong mamumukod-tangi sa mundong pasama nang pasama at na maituturing na naiiba at kakaiba sa pinakamasayang paraan.
Kaya ngayon, hinihiling ko sa aking mga kapatid na babae sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na kayo ay kumilos at sumulong! Gawin ang inyong responsibilidad sa inyong tahanan, komunidad, at kaharian ng Diyos—nang mas mahusay kaysa rati. Nakikiusap ako sa inyo na isakatuparan ang propesiya ni Pangulong Kimball. At ipinapangako ko sa inyo sa pangalan ni Jesucristo na kapag ginawa ninyo ito, pag-iibayuhin ng Espiritu Santo ang inyong impluwensya nang higit pa kaysa noon!
Pinatototohanan ko ang katotohanan ng Panginoong Jesucristo at ng Kanyang nakatutubos, nagbabayad-sala, at nagpapabanal na kapangyarihan. At bilang isa sa Kanyang mga Apostol, pinasasalamatan ko kayo, mahal kong mga kapatid na babae, at binabasbasan ko kayo na maabot ninyo ang inyong buong potensyal, na ganap ninyong magampanan ang layunin ng paglikha sa inyo, habang nagtutulungan tayo sa sagradong gawaing ito. Magkakasama nating tutulungan ang mundo na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Ito ay pinatototohanan ko, bilang kapatid ninyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.