2015
Napakaganda ng Nagagawa Nito!
Nobyembre 2015


Napakaganda ng Nagagawa Nito!

Dalangin ko na tayo ay magtuon ng pansin sa “kasimplihan [na] na kay Cristo” at hayaang pasiglahin at tulungan tayo ng Kanyang biyaya.

Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, ikinagagalak kong makasama kayo ngayon. Nakakalungkot makita ang tatlong bakanteng upuan dito sa pulpito. Namimis namin sina Pangulong Packer, Elder Perry, at Elder Scott. Mahal namin sila, at ipinagdarasal ang kapakanan ng kanilang mga pamilya.

Kalaunan sa kumperensyang ito, pribilehiyo nating sang-ayunan ang tatlong tinawag ng Panginoon na mapabilang sa Korum ng Labindalawang Apostol.

Ang inyong mga panalangin para sa kanila ay magpapatatag sa kanila sa pagtataglay nila ng sagradong balabal ng pagka-apostol.

May Nagagawa Ba ang Ebanghelyo para sa Inyo?

Kailan lang may nakita akong quote o sipi na naging dahilan para huminto ako at mag-isip. Ganito ang sinasabi: “Sabihin mo sa isang tao na may trilyun-trilyong bituin sa sansinukob, at maniniwala siya sa iyo. Sabihin mo sa kanyang basa ang pintura ng dingding, at hahawakan niya ito para makasiguro.”

Di ba’t tayong lahat ay parang ganito? Matapos ang prosesong medikal kamakailan, ipinaliwanag ng mahuhusay kong doktor kung ano ang kailangan kong gawin para maayos na gumaling. Ngunit may dapat muna akong malamang muli tungkol sa aking sarili na dapat sana ay alam ko na: bilang pasyente, hindi ako masyadong mapasensya.

Dahil dito nagpasiya ako na para mapabilis ang paggaling ay magsasaliksik ako sa Internet. Palagay ko umasa akong matutuklasan ko ang katotohanang hindi alam ng mga doktor ko o sinikap nilang itago sa akin.

Medyo matagal din bago ko natanto ang kakatwang ginagawa ko. Siyempre, ang sariling pagsasaliksik tungkol sa mga bagay ay hindi naman masama. Pero binabalewala ko pala ang katotohanang maaari kong asahan at sa halip ay bumaling ang interes ko sa kadalasan ay mga kakatwang kaalamang nakikita sa Internet.

Kung minsan, ang katotohanan ay tila masyadong tuwiran, malinaw, at simple para lubos natin itong mapahalagahan. Kaya isinasantabi natin ang naranasan natin at alam nating totoo sa paghahangad ng mas mahiwaga o kumplikadong mga impormasyon. Sana nga malaman natin na kapag naghahanap tayo ng mga sagot na hindi batay sa katotohanan, ang nakukuha natin ay mga bagay na walang kabuluhan.

Pagdating sa espirituwal na katotohanan, paano natin malalaman na tayo ay nasa tamang landas?

Isang paraan ay sa tamang pagtatanong—na tumutulong sa atin na pag-isipan ang ating pag-unlad at suriin kung ano ang epekto sa atin ng mga bagay. Mga tanong na gaya ng:

“May kabuluhan ba ang buhay ko?”

“Naniniwala ba ako sa Diyos?”

“Naniniwala ba ako na kilala at mahal ako ng Diyos?”

“Naniniwala ba ako na dinirinig at sinasagot ng Diyos ang mga dasal ko?”

“Talaga bang maligaya ako?”

“Inaakay ba ako ng pagsisikap ko tungo sa pinakamataas na mga mithiin at pinahahalagahan sa buhay?”

Ang malalalim na tanong na tulad nito ay umakay sa maraming tao at mga pamilya sa iba‘t ibang panig ng mundo na hanapin ang katotohanan. Madalas ay inaakay sila ng paghahanap na iyon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

Iniisip ko kung tayo, bilang mga miyembro ng Simbahan, ay makikinabang din sa paulit-ulit na pagtatanong sa ating sarili: “May nagagawa ba para sa akin ang karanasan ko sa Simbahan? Mas inilalapit ba ako nito kay Cristo? Nagdudulot ba ito sa akin at sa aking pamilya ng kapayapaan at kagalakang ipinangako sa ebanghelyo?”

Ganito rin ang tanong ni Alma sa mga miyembro ng Simbahan sa Zarahemla nang itanong niya: “Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso? … [At] nadarama ba ninyo [ito] ngayon?”1 Ang gayong pag-iisip ay makatutulong sa atin na muling magpokus o iayon ang ating pagsisikap sa banal na plano ng kaligtasan.

Magiliw na sasagot ang maraming miyembro na ang kanilang karanasan bilang miyembro ng Simbahan ay napakainam para sa kanila. Magpapatotoo sila na sa oras ng kahirapan o kaunlaran, maganda man o mapait ang nangyayari sa buhay, natatagpuan nila ang kahulugan, kapayapaan, at kagalakan sa buhay dahil sa tapat na pangako nila sa Panginoon at sa paglilingkod nila sa Simbahan. Araw-araw ay may nakikilala akong mga miyembro ng Simbahan na puno ng kagalakan at ipinapakita sa salita at gawa na ang kanilang buhay ay pinayamang mabuti ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Ngunit nauunawaan ko rin na may ilan na hindi gaanong maganda ang karanasan—na nadarama na kung minsan ang pagiging miyembro nila sa Simbahan ay hindi tulad ng kanilang inasahan.

Nakakalungkot ito para sa akin, dahil alam ko mismo kung paano mapasisigla ng ebanghelyo at mapaninibago ang espiritu ng tao—kung paano nito pupunuin ng pag-asa ang ating puso at ng liwanag ang ating isipan. Alam ko mismo kung paano mapagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo ang buhay na karaniwan at mapanglaw tungo sa pagiging kahanga-hanga at napakaganda.

Pero bakit tila mas akma ito sa ilan kaysa sa iba? Ano ang kaibhan ng mga taong ang karanasan sa Simbahan ay pumupuspos sa kanilang kaluluwa ng mga awit ng mapagtubos na pag-ibig2 at ng mga taong nakadarama ng kakulangan?

Habang pinagninilayan ko ang mga tanong na ito, dumagsa ang mga ideya sa aking isipan. Ngayon, gusto kong ibahagi ang dalawa sa mga ito.

Simplihan

Una: ginagawa ba nating kumplikado ang ating pagkadisipulo?

Ang magandang ebanghelyong ito ay napakasimple kaya mauunawaan ito kahit ng isang bata, ngunit malalim at kumplikado kaya habambuhay ang kailangan—maging ng kawalang-hanggan—na pag-aaral at pagtuklas para lubos na maunawaan ito.

Ngunit minsan hawak natin ang magandang liryo ng katotohanan ng Diyos at binabalutan ito ng patung-patong na mabubuting ideya, mga programa, at inaasahan ng tao. Bawat isa, sa kanyang sarili mismo, ay makatutulong at angkop para sa ilang pagkakataon at kalagayan, ngunit kapag pinagpatung-patong ang mga ito, maaari itong lumikha ng ga-bundok na latak na nagiging sobrang kapal at bigat kaya hindi na natin makita pa ang magandang bulaklak na minsan nating minahal.

Dahil dito, bilang mga lider dapat mahigpit nating ipagtanggol ang Simbahan at ebanghelyo sa kadalisayan at kasimplihan nito at iwasang mabigatan ang ating mga miyembro.

At tayong lahat, bilang mga miyembro ay kailangang pakasikapin nating ituon ang ating lakas at panahon sa mga bagay na talagang mahalaga, habang pinatatatag natin ang ating kapwa at itinatayo ang kaharian ng Diyos.

Isang sister, na Relief Society instructor, ay kilala sa paghahanda ng perpektong mga aralin. Minsan ay nagpasiya siyang gumawa ng magandang quilt na magiging perpektong backdrop sa tema ng kanyang aralin. Ngunit nariyan ang araw-araw na gawain—may mga anak na susunduin sa paaralan, isang kapitbahay na kailangan ng tulong sa paglipat, asawang may lagnat, at kaibigang nalulungkot. Sumapit na ang araw ng aralin, at hindi natapos ang quilt. Sa huli, noong gabi bago ang kanyang aralin, hindi siya gaanong nakatulog dahil magdamag niyang ginawa ang quilt.

Kinabukasan pagod-na-pagod siya at halos hindi makapag-isip nang maayos, ngunit buong tapang siyang tumayo para ituro ang kanyang aralin.

At napakaganda ng quilt—perpekto ang tahi, masigla ang mga kulay, ang disenyo ay napakaganda. At sa gitna nito ay ang isang salita na matagumpay na nagsaad sa tema ng kanyang aralin: “Simplihan.”

Mga kapatid, ang pamumuhay ng ebanghelyo ay di kailangang kumplikado.

Tuwiran ito. Maaari itong ilarawan nang ganito:

  • Ang pakikinig nang taimtim sa salita ng Diyos ay aakay sa atin na maniwala sa Diyos at magtiwala sa Kanyang mga pangako.3

  • Kapag lalo tayong nagtiwala sa Diyos, lalong napupuno ang ating puso ng pagmamahal sa Kanya at sa isa‘t isa.

  • Dahil sa ating pagmamahal sa Diyos, hangad nating sundin Siya at iniaayon natin ang ating mga kilos sa Kanyang salita.

  • Dahil mahal natin ang Diyos, gusto nating maglingkod sa Kanya; gusto nating pagpalain ang buhay ng iba at tulungan ang mga maralita at nangangailangan.

  • Kapag lalo tayong lumalakad sa landas ng pagkadisipulo, lalo nating hinahangad na malaman ang salita ng Diyos.

At gayon nga ito, bawat hakbang ay patungo sa kinabukasan at pinupuno tayo ng dagdag na pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa.

Napakasimple nito, at maganda ang nagagawa nito.

Mga kapatid, kung inaakala ninyo na walang gaanong nagagawa ang ebanghelyo para sa inyo, inaanyayahan ko kayong umatras, tingnan ang inyong buhay, at simplihan ang inyong pamamaraan sa pagiging disipulo. Magpokus sa mga pangunahing doktrina, alituntunin, at aplikasyon ng ebanghelyo. Ipinapangako ko na gagabayan at pagpapalain ng Diyos ang inyong landas tungo sa kasiya-siyang buhay, at talagang malaki ang magagawa ng ebanghelyo para sa inyo.

Magsimula sa Inyong Kinaroroonan

Ang ikalawang mungkahi ko ay: magsimula sa inyong kinaroroonan.

Kung minsan pinanghihinaan tayo ng loob dahil hindi tayo “iba pa” sa isang bagay—mas espirituwal, iginagalang, matalino, malusog, mayaman, magiliw, o may kakayahan. Wala namang masama sa kagustuhang pagbutihin pa. Nilikha tayo ng Diyos para umunlad at lumago. At tandaan, ang ating mga kahinaan ay makakatulong para tayo ay magpakumbaba at bumaling kay Cristo, na magagawa “ang mahihinang bagay na malalakas.”4 Si Satanas, sa kabilang banda, ay ginagamit ang ating mga kahinaan hanggang sa panghinaan tayo ng loob na sumubok.

Natutuhan ko sa buhay ko hindi tayo kailangang “lumabis” sa anumang bagay para magsimulang maging ang taong nais ng Diyos.

Tatanggapin ka ng Diyos kung sino ka sa sandaling ito at sisimulan ka Niyang hubugin. Ang kailangan mo lang ay pusong handa, hangaring maniwala, at magtiwala sa Panginoon.

Nakita ni Gedeon ang kanyang sarili bilang kaawa-awang magsasaka, ang pinakamaliit sa bahay ng kanyang ama. Ngunit nakita siya ng Diyos bilang makapangyarihan at magiting na tao.5

Nang piliin ni Samuel si Saulo na maging hari, sinubukan siyang kumbinsihin ni Saulo na huwag gawin ito. Si Saulo ay mula sa isa sa mga pinakamaliit na lipi ng sambahayan ni Israel. Paano siya magiging hari?6 Ngunit nakita siya ng Diyos bilang “isang piling kabataan.”7

Kahit ang dakilang propetang si Moises ay nabigla at pinanghinaan ng loob kaya gusto na niyang sumuko at mamatay.8 Ngunit hindi pinabayaan ng Diyos si Moises.

Mahal kong mga kapatid, kung titingnan natin ang ating sarili gamit ang ating mortal na mata, maaaring makita nating kulang pa ang ating kabutihan. Ngunit nakikita ng ating Ama sa Langit kung sino tayo talaga at ang maaari nating marating. Nakikita Niya tayo bilang Kanyang mga anak, bilang mga nilalang na nagliliwanag na may walang hanggang potensiyal at banal na tadhana.9

Ang sakripisyo ng Tagapagligtas ang nagbukas ng pinto ng kaligtasan para makabalik ang lahat sa Diyos. Ang Kanyang “biyaya ay sapat para sa lahat ng magpapakumbaba sa harapan [ng Diyos].”10 Ang kanyang biyaya ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan upang makapasok sa mga kaharian ng Diyos para sa kaligtasan. Dahil sa Kanyang biyaya, lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli at maliligtas sa isang kaharian ng kaluwalhatian.

Maging ang pinakamababang kaharian ng kaluwalhatian, ang kahariang telestiyal, ay “walang maaaring makaunawa,”11 at di mabilang ang mga taong magmamana ng kaligtasang ito.12

Ngunit marami pang magagawa ang biyaya ng Tagapagligtas sa atin. Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, higit pa rito ang hangad natin. Ito ay ang kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ito ay ang buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit. Ito ang pinakadakilang kaloob ng Diyos.13 Sa kahariang selestiyal, tatanggapin natin ang “Kanyang kaganapan, at [ang] Kanyang kaluwalhatian.”14 Tunay na lahat ng mayroon ang Ama ay ibibigay sa atin.15

Kadakilaan ang ating mithiin; pagkadisipulo ang ating paglalakbay.

Sa pagpapakita ninyo ng kaunting pananampalataya at sa pagiging mapayapang tagasunod ng ating Panginoong Jesucristo, magbabago ang puso ninyo.16 Ang inyong buong katauhan ay mapupuno ng liwanag.17

Tutulungan kayo ng Diyos na maabot ang higit pa sa inakala ninyong kaya ninyong abutin. At matutuklasan ninyo na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay tunay na kumikilos sa inyong buhay. May nagagawa ito.

May Nagagawa Ito!

Mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, dalangin ko na magtuon tayo ng pansin sa “kasimplihan na na kay Cristo”18 at hayaan ang Kanyang biyaya na pasiglahin at itaguyod tayo sa ating paglalakbay mula sa kinaroroonan natin tungo sa ating maluwalhating tadhana sa piling ng ating Ama.

Kapag ginawa natin ito, kapag may nagtanong sa atin, “Ano ang nagagawa sa iyo ng pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?” ay masasabi natin nang may pagmamalaki at malaking kagalakan na, “Napakaganda ng nagagawa nito! Salamat sa pagtatanong! Gusto mo bang malaman pa ang iba?”

Ito ang pag-asa ko, dalangin ko, aking patotoo, at basbas ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.