2015
Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya
Nobyembre 2015


Nagsalita Sila sa Atin

Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya

Isiping gamitin ang ilan sa mga aktibidad at tanong na ito bilang panimula sa talakayan ng pamilya o personal na pagninilay.

Para sa mga Bata

  • Pahina 86: Pinakiusapan tayo ni Pangulong Thomas S. Monson na maging mabubuting halimbawa sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesucristo. Kapag sinunod natin Siya, maaari tayong maging ilaw sa mundo. Paano ka magiging halimbawa sa iyong pamilya at mga kaibigan? Makapagsisimula ka sa pagtatakda ng mithiin na gumawa ng isang bagay upang maging higit na katulad ni Jesus.

  • Pahina 104: Nagkuwento si Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, tungkol sa paghahanap ng kanyang ama sa simbahan isang araw ng Linggo nang bumisita siya sa Australia. Habang naghahanap siya, nagdasal siya sa bawat kanto sa kalye upang malaman kung saang direksyon siya dapat lumakad. Di-nagtagal nakarinig siya ng kantahan at nabatid niya na tinulungan siya ng Espiritu Santo na makita ang kanyang daan. Mag-isip ng isang pagkakataon na nadama mo ang Espiritu Santo. Ano ang naging pakiramdam mo?

  • Pahina 6: Nagkuwento si Sister Rosemary M. Wixom, Primary general president, tungkol sa isang batang babaeng nagngangalang Amy. Ipinagdasal ni Amy na malaman kung talagang mahal siya ng Diyos at naroon Siya para sa kanya. Basahin o muling isalaysay ang kuwentong ito bilang isang pamilya at pag-usapan ang isang pagkakataon na nadama ninyo ang pagmamahal ng Diyos. Ano ang pakiramdam mo nang malaman mo na ikaw ay anak ng Diyos? Paano mo matutulungan ang iba na malaman na sila ay mga anak ng Diyos?

  • Pahina 121: Ikinuwento ni Elder Allen D. Haynie ng Pitumpu ang isang pagkakataon na naghukay sila ng dalawang kuya niya ng isang malaking hukay na ginawa nilang swimming pool. Naputikan nang husto ang mga bata sa kalalaro doon. Ayaw papasukin ng lola niya sa bahay si Elder Haynie hangga’t hindi siya nakapaghuhugas at nakapaglilinis. Ano ang itinuturo ng kuwento niya tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Bakit mahalagang maging malinis sa harapan ng Diyos?

Para sa mga Kabataan

  • Pahina 83: Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson na ang mga utos ng Diyos ay hindi mga hadlang kundi bagkus ay mga tuntunin para sa kaligayahan. “Siya na lumikha at nagmamahal sa atin,” wika niya, “ang tunay na nakakaalam kung paano tayo dapat mamuhay upang matamo natin ang pinakadakilang kaligayahan.” Subukin ang mga salita ni Pangulong Monson, at sundin ang mga utos ng Panginoon. Huwag kang magulat kung tumanggap ka ng tulong at proteksyon ng langit.

  • Pahina 6: Kapag umaasa tayo sa iba na pahalagahan tayo, madalas tayong mabigo. Sabi ni Sister Rosemary M. Wixom, Primary general president, “Nadarama natin ang ating kahalagahan mula sa [Panginoon], hindi mula sa mga tao sa ating paligid o mula sa Facebook o Instagram.” Sumulat sa journal mo sa linggong ito ng tungkol sa iyong likas na kabanalan at mga pagpapalang nagmumula sa kaalamang iyon.

  • Pahina 20: Sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Kung inaakala ninyo na walang gaanong nagagawa ang ebanghelyo para sa inyo, inaanyayahan ko kayong umatras, tingnan ang inyong buhay, at simplihan ang inyong pamamaraan sa pagiging disipulo. Magpokus sa mga pangunahing doktrina, alituntunin, at aplikasyon ng ebanghelyo.” Kung nahihirapan at nanghihina ka mag-isip ng mga paraan na masisimplihan mo ang iyong buhay at pagsamba sa ebanghelyo.

  • Pahina 65: Nagkuwento si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa isang binata na umasang makapagmisyon ngunit sa halip ay nalaman na kailangan niyang alagaan ang kanyang pamilya. Dahil sa malakas na pananampalataya at mga pagpapala mula sa Panginoon, nakapagmisyon din ang binatang ito. Paano natin siya matutularan at paano tayo makakasulong nang may pananampalataya sa kabila ng mga hadlang sa ating landas?

  • Pahina 33: Nagkuwento si Elder Larry R. Lawrence ng Pitumpu tungkol sa isang returned missionary na nahirapan sa marami niyang obligasyon hanggang sa magpasiya siyang ilaan ang araw ng Linggo sa paglilingkod sa Diyos at sa pag-aaral ng ebanghelyo. “Ang munting pag-aadjust na ito ay nagdulot ng kapayapaan at balanse na hinahanap niya,” sabi ni Elder Lawrence. Ano ang magagawa mo para higit na mailaan ang araw ng Linggo sa Panginoon?

Para sa Matatanda

  • Pahina 86: Ipinaalala sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na maging halimbawa at liwanag sa mundo. “Kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas at namuhay at nagturo tayo na katulad Niya,” sabi ni Pangulong Monson, “ang liwanag na iyan ay mag-aalab sa ating puso at tatanglawan ang daan para sa iba.” Anong mga bagay ang magagawa mo para maging mas malaking liwanag na “magniningning sa mundong lalo pang dumidilim”?

  • Tinalakay nina Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, at Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng kababaihan at pagiging ina. Itinuro ni Elder Holland, “Walang pag-ibig sa mortalidad na halos makakatulad sa dalisay na pag-ibig ni Jesucristo maliban sa di-sakim na pag-ibig ng isang tapat na ina sa kanyang anak” (pahina 47). Itinuro ni Pangulong Nelson na ang nagbalik-loob na kababaihan na tumutupad sa kanilang mga tipan “ay lalong mamumukod-tangi sa mundong pasama nang pasama” (pahina 95). Mapanalanging pag-isipang mabuti ang mga mensaheng ito at talakayin kung paano masusuportahan ng mga miyembro ng pamilya ang kababaihan sa mahahalagang tungkuling bigay sa kanila ng Diyos.

  • Tinalakay ng ilang tagapagsalita ang lakas na malagpasan ang paghihirap. Itinuro ni Elder Hugo Montoya ng Pitumpu na dumarating sa lahat ang mga pagsubok at tukso, “ngunit binibigyan din tayo nito ng lakas at pinauunlad tayo kapag nagtagumpay tayong daigin ito” (pahina 53). Basahin ang kanyang mensahe at ang mga mensahe nina Elder James B. Martino ng Pitumpu (pahina 58); Elder Koichi Aoyagi, emeritus member ng Pitumpu (pahina 126); at Neill F. Marriott, Pangalawang Tagapayo sa Young Women general presidency (pahina 30). Isipin ang mga paraan na mapapalakas mo ang iyong pananampalataya kay Jesucristo at kung paano ka Niya matutulungang malagpasan ang paghihirap.

  • Pahina 33: Sa kanyang mensahe, itinuro ni Elder Larry R. Lawrence ng Pitumpu, “Patuloy tayong hinahamon ng Espiritu na maging mas mabuti at patuloy na sumulong. … Kung tayo ay mapagpakumbaba at madaling turuan, hahawakan Niya ang ating kamay at aakayin tayo pauwi.” Matapos mong basahin ang kanyang mensahe, hangarin ang patnubay ng Espiritu para malaman mo ang mga paraan na maaari kang magpakabuti at magbago.

  • Pahina 104: Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na “ang ibig sabihin ng mapasaatin ang Espiritu sa tuwina ay mapatnubayan at magabayan tayo ng Espiritu Santo sa ating pang-araw-araw na buhay.” Isipin ang mga bagay na maaari mong gawin o tigilang gawin para laging mapasaiyo ang Espiritu.