Ang Espiritu Santo Bilang Inyong Patnubay
Kung mamumuhay tayo nang marapat para dito, maaaring mapasaatin ang Espiritu hindi lamang paminsan-minsan kundi palagi.
Nagpapasalamat akong makasama kayo sa araw ng Sabbath na ito sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan ng Panginoon. Nadama ko ang Espiritu, tulad ninyo, na nagpapatotoo sa katotohanan ng mga salitang narinig natin.
Ang layunin ko ngayon ay dagdagan ang pagnanais at determinasyon ninyong kamtin ang kaloob na ipinangako sa bawat isa sa atin matapos tayong binyagan. Nang kumpirmahan tayo, narinig natin ang mga salitang ito: “Tanggapin mo ang Espiritu Santo.”1 Mula sa sandaling iyan, nagbago ang ating buhay magpakailanman.
Kung mamumuhay tayo nang marapat para dito, maaaring mapasaatin ang Espiritu, hindi lamang paminsan-minsan, na tulad ng naranasan natin ngayon, kundi sa tuwina. Alam ninyo mula sa mga salita ng panalangin sa sakramento kung paano natutupad ang pangakong iyan: “O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang tinapay na ito sa mga kaluluwa ng lahat nila na kakain nito, nang sila ay makakain bilang pag-alaala sa katawan ng inyong Anak, at patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila.”
At sinundan ito ng maluwalhating pangako: “Nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila” (D at T 20:77; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang ibig sabihin ng mapasaatin ang Espiritu sa tuwina ay mapatnubayan at magabayan tayo ng Espiritu Santo sa ating pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, maaari tayong paalalahanan ng Espiritu na labanan ang tuksong gumawa ng masama.
Sa kadahilanang iyan lamang, madaling maunawaan kung bakit sinisikap ng mga lingkod ng Panginoon na pag-ibayuhin ang pagnanais nating sambahin ang Diyos sa ating mga sacrament meeting. Kung makikibahagi tayo sa sakramento nang may pananampalataya, tayo at ang ating mga minamahal ay mapoprotektahan ng Espiritu Santo mula sa mga tuksong dumarating nang mas matindi at madalas.
Ang patnubay ng Espiritu Santo ay ginagawang mas kaakit-akit ang mabuti at hindi tayo madaling matukso. Dapat ay sapat na ang dahilang iyan para maging determinado tayong maging karapat-dapat na makasama ang Espiritu sa tuwina.
Tulad sa pagpapalakas sa atin ng Espiritu laban sa kasamaan, binibigyan Niya rin tayo ng kakayahang makahiwatig sa pagitan ng katotohanan at kabulaanan. Ang katotohanang pinakamahalaga sa lahat ay napapatunayan lamang sa paghahayahag ng Diyos. Ang ating katalinuhan at paggamit ng mga pandama ay hindi sasapat. Nabubuhay tayo sa panahon na maging ang pinakamatalino ay nahihirapang makita ang kaibhan ng katotohanan sa tusong panlilinlang.
Itinuro ng Panginoon sa Kanyang Apostol na si Tomas, na naghangad ng pisikal na katibayan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa paghipo sa Kanyang mga sugat, na ang paghahayag ay mas tiyak na katibayan: “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Sapagka’t ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya” (Juan 20:29).
Ang mga katotohanan na nagpapakita ng daan pauwi sa Diyos ay pinatutunayan ng Espiritu Santo. Hindi tayo maaaring pumunta sa kakahuyan at makita na kinakausap ng Ama at ng Anak ang batang si Joseph Smith. Walang pisikal na katibayan ni anumang makatwirang argumento ang makapagpapakita na dumating si Elijah tulad ng ipinangako upang ipagkaloob ang mga susi ng priesthood na hawak at ginagamit ngayon ng isang buhay na propeta, si Thomas S. Monson.
Ang katibayan ng katotohanan ay dumarating sa isang anak ng Diyos na natamo ang karapatang matanggap ang Espiritu Santo. Dahil ang mga kabulaanan at kasinungalingan ay maaaring malahad sa atin anumang oras, kailangan natin palagi ang impluwensya ng Espiritu ng Katotohanan upang hindi tayo mag-alinlangan.
Noong si George Q. Cannon ay miyembro ng Labindalawang Apostol, hinikayat niya tayo na palaging sikaping mapasaatin ang Espiritu. Ipinangako niya, at ipinapangako ko rin, na kung gagawin natin ito, tayo “kailanman ay hindi magkukulang ng kaalaman” tungkol sa katotohanan, “hindi kailanman mag-aalinlangan o nasa kadiliman,” at ang ating “pananampalataya ay magiging malakas, ang [ating] kagalakan ay … mapupuspos.”2
Kailangan natin palagi ng tulong na iyon mula sa patnubay ng Espiritu Santo para sa isa pang kadahilanan. Ang pagpanaw ng isang mahal sa buhay ay maaaring dumating nang di-inaasahan. Ang patotoo mula sa Espiritu Santo tungkol sa realidad ng isang mapagmahal na Ama sa Langit at isang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang nagbibigay sa atin ng pag-asa at kapanatagan sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay. Ang patotoong iyan ay kailangan nating taglayin kapag namatay tayo.
Kaya, sa maraming kadahilanan, kailangan natin palagi ang patnubay ng Espiritu Santo. Hinahangad natin ito, ngunit alam natin mula sa karanasan na hindi madaling mapanatili ito. Bawat isa sa atin ay nakakaisip, nakakapagsalita, at nakakagawa ng mga bagay sa ating buhay araw-araw na nagpapalayo sa Espiritu. Itinuro sa atin ng Panginoon na ang Espiritu Santo ay makakasama natin sa tuwina kapag ang ating puso ay puspos ng pag-ibig sa kapwa-tao at “[puspos] ng kabanalan ang [ating] mga iniisip nang walang humpay” (tingnan sa D at T 121:45).
Para sa mga nahihirapang sundin ang mataas na pamantayang kailangan upang maging marapat sa patnubay ng Espiritu, iminumungkahi ko ito. Nagkaroon na kayo ng mga pagkakataon na nadama ninyo ang impluwensya ng Espiritu Santo. Maaaring nangyari ito sa inyo ngayon.
Maaari ninyong ituring ang mga sandaling iyon ng inspirasyon na parang binhi ng pananampalataya na inilarawan ni Alma (tingnan sa Alma 32:28). Itanim ang bawat isa. Magagawa ninyo iyan sa pagkilos ayon sa paramdam na nadama ninyo. Ang pinakamahalagang inspirasyon ay ang malaman ninyo kung ano ang gustong ipagawa ng Diyos sa inyo. Kung iyon ay magbayad ng ikapu, o bumisita sa isang nagdadalamhating kaibigan, dapat ninyong gawin iyon. Anuman iyon, gawin iyon. Kapag ipinakita ninyo ang inyong kahandaang sumunod, mas maraming impresyong ibibigay sa inyo ang Espiritu tungkol sa nais ipagawa sa inyo ng Diyos.
Kapag sumunod kayo, lalong dadalas ang mga paramdam ng Espiritu, na palapit nang palapit sa patuloy na patnubay Niya. Ang kapangyarihan ninyong pumili ng tama ay mag-iibayo.
Malalaman ninyo kapag ang mga paramdam na iyon na kumilos para sa Kanya ay nagmula sa Espiritu sa halip na sa sarili ninyong mga hangarin. Kapag ang mga paramdam ay tumugma sa sinabi ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga buhay na propeta at apostol, mapipili ninyong sumunod nang may tiwala. Pagkatapos ay isusugo ng Panginoon ang Kanyang Espiritu para tulungan kayo.
Halimbawa, kung nakatanggap kayo ng espirituwal na paramdam na igalang ang araw ng Sabbath, lalo na kung tila mahirap ito, isusugo ng Diyos ang Kanyang Espiritu para tumulong.
Dumating ang tulong na iyan sa aking ama maraming taon na ang nakalipas nang magpunta siya sa Australia para magtrabaho. Nag-iisa siya sa araw ng Linggo, at gusto niyang makibahagi ng sakramento. Wala siyang mahanap na impormasyon tungkol sa mga pulong ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kaya nagsimula siyang maglakad. Nagdasal siya sa bawat sangandaan para malaman kung saan siya liliko. Matapos maglakad at lumiku-liko nang isang oras, huminto siya para muling magdasal. Nakadama siya ng paramdam na lumiko siya sa isang kalye. Di-naglaon ay may narinig siyang kumakanta mula sa silong ng isang apartment sa malapit. Sumilip siya sa bintana at nakakita ng ilang taong nakaupo malapit sa isang mesa na may saping puting tela at may mga sacrament tray.
Ngayon, maaaring para sa inyo ay hindi mahalaga iyon, pero sa kanya ay napakahalaga niyon. Alam niya na natupad ang pangako sa panalangin sa sakramento: “Lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila; nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila” (D at T 20:77).
Isang halimbawa lang iyan na nanalangin siya at saka sumunod sa sinabi sa kanya ng Espiritu na ipinagagawa sa kanya ng Diyos. Patuloy niya iyong ginawa sa loob ng maraming taon, tulad ng gagawin natin. Hindi siya nagsalita kailanman tungkol sa kanyang espirituwalidad. Patuloy lang siyang gumawa ng maliliit na bagay para sa Panginoon na napakiramdam niyang gawin.
Kapag may ilang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw na humiling sa kanya na magsalita sa kanila, ginagawa niya ito. Hindi mahalaga kung 10 o 50 katao sila o kung gaano siya kapagod. Nagpatotoo siya tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo at sa mga propeta kapag hinikayat siya ng Espiritu na gawin ito.
Ang pinakamataas na tungkulin niya sa Simbahan ay sa Bonneville Utah Stake high council, kung saan nagbunot siya ng damo sa bukid ng stake, at nagturo sa Sunday School class. Sa paglipas ng mga taon, kapag kailangan niya, naroon ang Espiritu Santo para patnubayan siya.
Nakatayo ako noon sa tabi ni Itay sa isang silid sa ospital. Nakahiga sa kama ang aking ina, na kanyang asawa sa loob ng 41 taon. Binantayan namin siya nang maraming oras. Nakita naming maglaho ang paghihirap sa kanyang mukha. Ang mga daliri sa kamay niya, na nakatikom, ay napanatag na. Nakababa ang kanyang mga bisig sa kanyang tagiliran.
Ang sakit na dulot ng kanser sa loob ng maraming taon ay patapos na. Nakita ko sa kanyang mukha ang kapayapaan. Naghabol siya ng hininga, pagkatapos ay kinapos, at saka napayapa. Nakatayo kami roon at naghintay kung hihinga ulit siya.
Sa huli, mahinang sinabi ni Itay, “Nakauwi na ang isang batang musmos.”
Hindi siya umiyak. Iyan ay dahil malinaw nang naipaunawa ng Espiritu Santo kay Itay kung sino si Inay, saan siya nanggaling, ano ang kinahinatnan niya, at saan siya pupunta. Maraming beses nagpatotoo ang Espiritu sa kanya tungkol sa mapagmahal na Ama sa Langit, sa Tagapagligtas na dinaig ang kamatayan, at sa realidad ng pagkabuklod niya sa kanyang asawa at pamilya sa templo.
Noon pa man ay tiniyak na ng Espiritu kay Itay na ang kabutihan at katapatan ni Inay ay nagpamarapat dito na makabalik sa tahanan sa langit kung saan maaalala siya bilang isang mabuting anak ng pangako at malugod na tatanggapin nang may karangalan.
Para kay Itay, higit pa iyan sa pag-asa. Ginawa ng Espiritu Santo na magkatotoo ito para sa kanya.
Ngayon, maaaring sabihin ng ilan na ang kanyang mga salita at iniisip tungkol sa tahanan sa langit ay pangarap lamang, pag-aakala ng isang asawa sa oras ng kanyang kawalan. Ngunit alam niya na walang-hanggang katotohanan lamang ang tanging paraan para malaman ito.
Isa siyang siyentipikong naghanap ng katotohanan tungkol sa pisikal na mundo mula nang maghustong gulang siya. Mahusay niyang ginamit ang mga kasangkapan ng siyensya upang ikarangal ng mga katulad niya sa iba’t ibang dako ng mundo. Karamihan sa nagawa niya sa chemistry ay mula sa mga molecule na nailarawan niya sa kanyang isipan na gumagalaw at pagkatapos ay pinagtibay ito sa pamamagitan ng mga eksperimento sa laboratoryo.
Ngunit iba ang paraang ginamit niya sa pagtuklas ng mga katotohanang pinakamahalaga sa kanya at sa bawat isa sa atin. Sa pamamagitan lamang ng Espiritu Santo natin makikita ang mga tao at pangyayari tulad ng pagkakita ng Diyos sa mga ito.
Ang kaloob na iyan ay nagpatuloy sa ospital matapos pumanaw ang kanyang asawa. Iniligpit namin ang mga gamit ni Inay para iuwi. Pinasalamatan ni Itay ang lahat ng narses at doktor na nakasalubong namin palabas papunta sa kotse. Naalala ko na nadama ko noon, nang may kaunting pagkainis, na dapat kaming umalis para mapag-isa sa aming pagdadalamhati.
Naunawaan ko na ngayon na nakita niya ang mga bagay na tanging Espiritu Santo lamang ang makapagpapakita sa kanya. Nakita niya ang mga taong iyon bilang mga anghel na isinugo ng Diyos para alagaan ang kanyang mahal. Maaaring itinuring nila ang kanilang sarili na mga propesyonal na tagapag-alaga at manggagamot, ngunit pinasalamatan sila ni Itay sa ngalan ng Tagapaligtas.
Ang impluwensya ng Espiritu Santo ay nagpatuloy sa kanya pagdating namin sa bahay ng mga magulang ko. Nag-usap kami nang ilang minuto sa salas. Nagpaalam si Itay na pupunta sa kanyang silid sa malapit.
Pagkaraan ng ilang minuto, bumalik siya sa salas. Masaya siyang nakangiti. Lumapit siya sa amin at mahinang sinabi, “Nag-alala ako na mag-isang darating si Mildred sa daigdig ng mga espiritu. Naisip ko na baka mawala siya sa dami ng tao.”
Pagkatapos ay masaya niyang sinabi, “Nagdasal ako ngayon lang. Alam kong maayos na si Mildred. Naroon si Inay para salubungin siya.”
Naalala ko na ngumiti ako nang sabihin niya iyon, na iniisip ang lola ko, ang maiikli niyang binting tumatakbo, nagmamadaling dumaan sa maraming tao upang tiyakin na naroon siya para salubungin at yakapin ang kanyang manugang sa pagdating nito.
Ngayon, ang isa sa mga dahilan kaya hiniling at tinanggap ng aking ama ang kapanatagang iyan ay dahil lagi siyang nagdarasal nang may pananampalataya simula pa sa kanyang pagkabata. Lagi siyang nakakatanggap ng mga sagot sa kanyang puso upang magbigay ng kapanatagan at patnubay. Bukod pa sa nakagawiang pagdarasal, alam niya ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga buhay na propeta. Kaya nakilala niya ang pamilyar na mga bulong ng Espiritu, na maaaring nadama ninyo ngayon.
Ang pagsama ng Espiritu ay hindi lamang pumanatag at gumabay sa kanya. Binago siya nito sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kapag tinanggap natin ang pangakong iyon na makakasama natin ang Espiritu sa tuwina, ipagkakaloob sa atin ng Tagapagligtas ang pagdalisay na kailangan para sa buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng kaloob (tingnan sa D at T 14:7).
Alalahanin ang mga salita ng Tagapagligtas: “Ngayon, ito ang kautusan: Magsisi, lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay pabanalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw” (3 Nephi 27:20).
Lakip ng mga kautusang iyon ang pangakong ito mula sa Panginoon:
“At ngayon, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti—oo, ang gumawa ng makatarungan, lumakad nang may pagpapakumbaba, maghatol nang matwid; at ito ang aking Espiritu.
“Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan” (D at T 11:12–13).
Pinatototohanan ko sa inyo na ang Diyos Ama ay buhay, na ang nabuhay na mag-uling si Jesucristo ang namumuno sa Kanyang Simbahan, na hawak ni Pangulong Thomas S. Monson ang lahat ng susi ng priesthood, at na ang paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay gumagabay at tumutulong sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa mapagkumbabang mga miyembro nito.
Pinatototohanan ko rin sa inyo na ang kahanga-hangang mga lalaking ito na nagsalita sa atin ngayon bilang mga saksi ng Panginoong Jesucristo, bilang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay tinawag ng Diyos. Alam ko na inakay ng Espiritu si Pangulong Monson para tawagin sila. At nang mapakinggan ninyo sila at ang kanilang patotoo, pinatibayan sa inyo ng Banal na Espiritu ang sinasabi ko sa inyo ngayon. Sila ay tinawag ng Diyos. Sinasang-ayunan at minamahal ko sila at alam ko na mahal sila ng Panginoon at tutulungan sila sa kanilang paglilingkod. At ginagawa ko ito sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.