2015
Pagtuklas sa Angking Kabanalan
Nobyembre 2015


Pagtuklas sa Angking Kabanalan

Naparito tayo sa mundong ito upang pangalagaan at tuklasin ang mga binhi ng likas na kabanalang angkin natin.

Mga kapatid, mahal ko kayo! Pinatototohanan ko na ang buhay ay isang kaloob. May plano ang Diyos para sa bawat isa sa atin, at nagsimula ang kani-kanya nating layunin bago pa man tayo naparito sa lupa.

Nitong mga huling araw nalaman ko na ang himala ng pagsilang ng isang sanggol sa mundo ay bahagi ng plano ng Panginoon. Bawat isa sa atin ay pisikal na nabuo sa sinapupunan ng ating ina habang umaasa tayo nang maraming buwan sa kanyang katawan para buhayin tayo. Gayunman, kalaunan sa proseso ng pagsilang—na mahalaga kapwa sa ina at sa anak—nagkahiwalay tayo.

Bagong silang na sanggol

Kapag isinilang ang isang sanggol sa mundong ito, ang pagbabago ng temperatura at liwanag at biglang pagluwag ng dibdib ay naghihikayat sa sanggol na huminga sa unang pagkakataon. Ang mga munting baga na iyon ay biglang napupuno ng hangin sa unang pagkakataon, gumagana ang mga organ, at nagsisimulang huminga ang sanggol. Kapag sinipit ang pusod, permanenteng pinuputol ang linya ng buhay sa pagitan ng ina at ng anak, at nagsisimula ang buhay ng sanggol sa mundo.

Sabi ni Job, “Nilalang ako ng Espiritu ng Dios, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay.”1

Pumarito tayo sa mundong ito na “may dalang kaunting kabanalan mula sa langit.”2 “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay nagtuturo na ang bawat isa sa atin “ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit,” at “bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”3 Bukas-palad na ibinahagi sa atin ng Ama sa Langit ang isang bahagi ng Kanyang kabanalan. Dumarating ang banal na katangian bilang kaloob mula sa Kanya kasama ang pagmamahal na tanging isang magulang lamang ang makadarama.

Naparito tayo sa lupa upang pangalagaan at tuklasin ang mga binhi ng likas na kabanalang angkin natin.

Alam Natin ang Dahilan

Ayon kay Elaine Cannon, na dating Young Women general president, “May dalawang mahalagang araw sa buhay ng isang babae: Ang araw ng kanyang pagsilang at ang araw na nalaman niya ang dahilan nito.”4

Alam natin ang dahilan. Naparito tayo sa mundong ito upang tumulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian at maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Sa bawat hininga natin, sinisikap nating sundin Siya. Ang likas na kabanalang angkin ng bawat isa sa atin ay nalilinang at pinalalaki ng pagsisikap nating mas mapalapit sa ating Ama at sa Kanyang Anak.

Ang ating likas na kabanalan ay walang kinalaman sa ating mga personal na tagumpay, sa ating katayuan sa buhay, sa dami ng marathon na tinatakbo natin, o sa ating katanyagan at pagpapahalaga sa sarili. Ang ating likas na kabanalan ay nagmumula sa Diyos. Itinatag ito sa buhay bago tayo isinilang at magpapatuloy hanggang sa kawalang-hanggan.

May Nagmamahal sa Atin

Nakikilala natin ang ating likas na kabanalan kapag nadarama at ibinabahagi natin ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit. May kalayaan tayong pangalagaan ito, hayaan itong lumago, at tulungan itong umunlad. Sinabi ni Pedro na binigyan tayo ng “mahahalagang pangako” upang “makabahagi [tayo] sa kabanalang mula sa Dios.”5 Kapag naunawaan natin kung sino tayo—mga anak ng Diyos—madarama natin ang mahahalagang pangakong iyon.

Ang pagtutuon ng pansin sa iba hindi lang sa ating sarili, ay nagpapaunawa sa atin na tayo ay Kanyang mga anak. Likas tayong bumabaling sa Kanya sa panalangin, at sabik tayong basahin ang Kanyang mga salita at gawin ang Kanyang kalooban. Nadarama natin ang ating kahalagahan mula sa Kanya, hindi mula sa mga tao sa ating paligid o mula sa Facebook o Instagram.

Kung duda kayo na mayroon kayong kaunting kabanalan, lumuhod sa panalangin at itanong sa Ama sa Langit, “Talaga bang anak Ninyo ako, at mahal ba Ninyo ako?” Sinabi ni Elder M. Russell Ballard na, “Isa sa [magagandang] mensahe na ipadarama ng Espiritu ay kung ano ang nadarama ng Panginoon sa iyo.”6

Tayo ay sa Kanya. Sabi ni Pablo, “Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios.”7 Kadalasan ang unang awiting natututuhan natin sa Primary ay “Ako ay Anak ng Diyos.”8 Ngayon ang panahon para idagdag sa magagandang katagang “Ako ay anak ng Diyos” ang mga salitang “Ano ngayon ang dapat kong gawin?” Maitatanong pa nga natin ang ganito: “Ano ang gagawin ko para mamuhay bilang anak ng Diyos?” “Paano ko lilinangin ang likas na kabanalang nasa akin?”

Sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, “Ipinadala kayo rito ng Diyos upang maghanda para sa hinaharap na higit kaysa anumang nakikinita ninyo.”9 Ang hinaharap na iyon, sa bawat araw na lumilipas, ay nagkakatotoo kapag nagsisikap kayo at hindi basta nabubuhay lang; nagkakatotoo ito kapag isinakatuparan ninyo ang inyong layunin sa buhay. Inaanyayahan nito ang Panginoon sa inyong buhay, at nagpapailalim kayo sa Kanyang kalooban.

Natututo Tayo Dahil sa Ating Likas na Kabanalan

Ang likas na kabanalan ang naghihikayat sa atin na hangaring malaman para sa ating sarili ang mga walang-hanggang katotohanang ito.

Itinuro sa akin ng dalagang si Amy ang aral na ito kamakailan nang isulat niya: “Mahirap maging tinedyer sa panahong ito. Tumitindi ang kasamaan. Talagang hinihila tayo ni Satanas. Lahat ay maaaring tama o mali; kailangan nating pumili.”

Pagpapatuloy niya: “Mahirap makakita ng mabubuting kaibigan kung minsan. Kahit iniisip ninyo na may matatalik kayong kaibigan na hindi mang-iiwan kailanman, maaaring magbago iyan sa anumang kadahilanan. Kaya tuwang-tuwa ako na nariyan ang aking pamilya, ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo, na makakasama ko kapag nagkaproblema ako sa mga kaibigan.”

Patuloy pa ni Amy: “Isang gabi ay nabahala ako. Sinabi ko sa kapatid ko na hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.”

Kalaunan nang gabing iyon nag-text ang kapatid niya at sinipi ang sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland na: “Huwag kang susuko. … Huwag kang bibitiw. Magpatuloy ka sa paglalakad. Patuloy kang sumubok. May naghihintay na tulong at kaligayahan. … Magiging maayos ang lahat sa huli. Magtiwala ka sa Diyos at maniwala sa mabubuting bagay na darating.”10

Paliwanag ni Amy: “Naalala ko na nabasa ko iyon at nagdasal lang ako na madama ko ang pagmamahal ng Diyos at kung naroon Siya talaga para sa akin.”

Sabi niya: “Nang magtanong ako at maniwala na naroon Siya, nakadama ako ng napakatinding saya at sigla. Hindi ko ito maipaliwanag. Alam kong naroon Siya at mahal Niya ako.”

Dahil anak Niya kayo, alam Niya kung ano ang maaari ninyong kahinatnan. Alam niya ang inyong mga pangamba at pangarap. Pinapahalagahan Niya ang inyong potensyal. Hinihintay Niya kayong lumapit sa Kanya sa panalangin. Dahil kayo ay Kanyang anak, hindi lang ninyo Siya kailangan, kundi kailangan Niya kayo. Kailangan kayo ng mga nakaupo sa paligid ninyo ngayon mismo sa pulong na ito. Kailangan kayo ng mundo, at dahil sa likas ninyong kabanalan ay maaari kayong maging pinagkakatiwalaan Niyang disipulo sa lahat ng Kanyang anak. Sa sandaling makita natin ang ating angking kabanalan, makikita natin ito sa iba.

Naglilingkod Tayo Dahil sa Ating Likas na Kabanalan

Ang likas na kabanalan ang naghihikayat sa atin na hangaring maglingkod sa iba.

Ina at anak sa taggutom sa Ethiopia

Kamakailan, ikinuwento ni Sharon Eubank, direktor ng Humanitarian Services at LDS Charities, ang isang karanasang ibinahagi ni Elder Glenn L. Pace. Laganap ang tagtuyot at masidhing taggutom sa Ethiopia noong kalagitnaan ng 1980s. Para makatulong, lumikha ng mga feeding station na may inumin at pagkain para sa mga taong makakarating doon. Isang matandang lalaking gutom na gutom ang naglakad nang malayo para makarating sa isang feeding station. Nagdaraan siya sa isang nayon nang marinig niya ang iyak ng isang sanggol. Hinanap niya ang sanggol hanggang sa matagpuan niya itong nakaupo sa tabi ng walang-buhay nitong ina. Binuhat niya ang sanggol, at patuloy na naglakad ng 25 milya (40 km) patungo sa feeding station. Pagdating niya, ang una niyang sinabi ay hindi “Nagugutom ako” o “Tulungan n’yo ako.” Ang sinabi niya ay “Ano ang puwedeng gawin para sa sanggol na ito?”11

Ang ating angking likas na kabanalan ang nagpapasigla sa hangarin nating tumulong sa iba at nag-uudyok sa atin na kumilos. Matutulungan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na magkaroon ng lakas na gawin ito. Tinatanong kaya tayo ng Panginoon ng, “Ano ang puwedeng gawin para sa babaeng ito, sa lalaking ito, sa amang ito, o sa kaibigang ito?”

Sa mga bulong ng Espiritu, ang likas na kabanalan ng isang nagdududa, matapos sikaping magkaroon ng pananampalataya, ay nakasusumpong ng kapayapaan na muling sumampalataya.

Kapag nagsalita ang propeta, naaantig ng kanyang mga salita ang ating likas na kabanalan at nagkakaroon tayo ng lakas na sumunod.

Ang pakikibahagi sa sakramento linggu-linggo ay nagbibigay ng pag-asa sa ating angking kabanalan, at naaalala natin ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ipinapangako ko na kapag hinangad ninyong tuklasin ang lalim ng likas na kabanalang angkin ninyo, sisimulan ninyong linangin ang mahalagang kaloob sa inyo. Hayaang gabayan kayo nito na maging anak Niya, na tumatahak sa landas pabalik sa Kanya—kung saan tayo ay “ibabalik sa yaong Diyos na nagkaloob sa [atin] ng hininga.”12 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Job 33:4.

  2. “Ode: Intimations of Immortality from Recollections of Early Childhood,” The Complete Poetical Works of William Wordsworth (1924), 359.

  3. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  4. Elaine Cannon, sa “‘Let Me Soar,’ Women Counseled,” Church News, Okt. 17, 1981, 3.

  5. II Ni Pedro 1:4.

  6. M. Russell Ballard, “Kababaihan ng Kabutihan,” Liahona, Dis. 2002, 42.

  7. Mga Taga Roma 8:16.

  8. Tingnan sa “Ako ay Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 189.

  9. Dieter F. Uchtdorf, “Masayang Ipinamumuhay ang Ebanghelyo,” Liahona, Nob. 2014, 121.

  10. Jeffrey R. Holland, “Dakilang Saserdote ng Mabubuting Bagay na Darating,” Liahona, Ene. 2000, 45.

  11. Tingnan sa Glenn L. Pace, “Infinite Needs and Finite Resources,” Tambuli, Mar. 1995, 18–19.

  12. 2 Nephi 9:26.