2015
Piliin ang Liwanag
Nobyembre 2015


Piliin ang Liwanag

Kailangan nating piliing sundin ang payo ng propeta, madama ang mga espirituwal na pahiwatig at kumilos ayon dito, sundin ang mga utos ng Diyos, at maghangad ng personal na paghahayag.

Kailan lang, ipinasiya naming mag-asawa na dapat ay mas lubos naming maranasan ang kagandahan ng isang lugar malapit sa aming tahanan sa northwest Montana. Ipinasiya naming dalhin ang aming bisikleta sa Hiawatha Trail, isang dating riles patawid ng magandang Rocky Mountains sa pagitan ng Montana at Idaho. Inasahan naming maging masaya sa piling ng mabubuting kaibigan sa araw na iyon, at sa likas na kagandahan ng lugar.

Alam namin na may daraanan kaming mga tulay sa pagtahak namin sa 15-milyang (24-km) daanan na abot hanggang matatarik na dalisdis at mahahabang lagusang tumatagos sa kabundukan. Kaya naghanda kami at nagtali ng mga ilaw sa aming helmet at bisikleta.

Sa Labas ng Taft Tunnel

Binalaan kami ng mga taong nauna sa amin na madilim ang mga lagusan at kailangan namin ng talagang maliliwanag na ilaw. Habang nakatipon kami sa harap ng malaking bato sa bukana ng Taft Tunnel, ipinaliwanag ng tagapag-alaga ang ilan sa mga panganib sa daanan, kabilang na ang malalalim na kanal sa mga gilid, magagaspang na pader, at matinding dilim. Inip na pumasok kami sa lagusan. Ilang minuto pa lang kaming naglalakbay, binalot na kami ng kadiliman. Kinulang ang mga ilaw na dala ko, at agad itong nadaig ng kadiliman. Bigla akong nabalisa, nalito, at nataranta.

Mga bisikleta sa loob ng lagusan
Bisikletang sira ang ilaw sa loob ng tunnel

Nahiya akong aminin sa aking mga kaibigan at pamilya ang aking pag-aalala. Bagama’t isa akong bihasang siklista, parang noon lang ako nakapagbisikleta. Sinikap kong manatiling tuwid habang tumitindi ang aking pagkalito. Sa huli, matapos ipaabot ang aking pagkabalisa sa mga nasa paligid ko, nakalapit ako sa mas maliwanag na ilaw ng isang kaibigan. Katunayan, nagsimulang pumaligid ang buong grupo sa kanya. Sa pananatiling malapit sa kanya at sa pag-asa sa kanyang liwanag at sama-samang ilaw ng grupo, lalo naming pinasok ang kadiliman ng lagusan.

Liwanag sa dulo ng lagusan

Makalipas ang tila maraming oras, nakakita ako ng gatuldok na liwanag. Halos agad kong nadamang muli ang katiyakan na magiging maayos ang lahat. Patuloy akong umabante, na umaasa sa ilaw ng aking mga kaibigan at sa lumalaking gatuldok na liwanag. Unti-unting nagbalik ang tiwala ko nang lumaki at tumindi ang liwanag. Kahit matagal pa bago marating ang dulo ng lagusan, hindi ko na kinailangan ang tulong ng aking mga kaibigan. Nawalang lahat ang pag-aalala habang mabilis kaming pumadyak patungo sa liwanag. Napanatag ako at muling nakatiyak bago pa man namin namalas ang maaliwalas na umaga sa dulo ng lagusan.

Nabubuhay tayo sa isang mundo kung saan daranas tayo ng mga hamon sa ating pananampalataya. Maaari tayong magtiwala na handa tayong harapin ang mga hamong ito—para lamang matuklasan na hindi sapat ang ating mga paghahanda. At tulad noong balaan ako ng aking kaibigan tungkol sa kadiliman, binabalaan tayo ngayon. Ang mga tinig ng mga apostol ay hinihimok tayong ihanda ang ating sarili na may matinding liwanag ng espirituwal na lakas.

Gayundin, maaari tayong mahiya, mabalisa, o malito kapag naharap tayo sa hamon sa ating pananampalataya. Karaniwan, ang tindi at tagal ng damdaming ito ay nakasalalay sa reaksyon natin sa mga ito. Kung wala tayong gagawin, kalaunan ay ilalayo tayo ng pagdududa, kayabangan, at apostasiya mula sa liwanag.

Natuto ako ng ilang mahahalagang aral sa karanasan ko sa lagusan. Ibabahagi ko ang ilan lang sa mga ito.

Una, gaano man katindi ang kadiliman ng pagdududa, pinipili natin kung gaano katagal at kalawak natin ito tutulutang impluwensyahan tayo. Kailangan nating tandaan kung gaano tayo kamahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak. Hindi Nila tayo pababayaan, ni tutulutang madaig kung hihingin natin ang Kanilang tulong. Tandaan ang karanasan ni Pedro sa nagngangalit na mga alon sa Dagat ng Galilea. Nang madama ni Pedro ang malamig na kadiliman sa kanyang paligid, agad niyang natalos ang kanyang sitwasyon at pinili sa sandaling iyon na humingi ng tulong. Hindi niya pinagdudahan na ililigtas siya ng kapangyarihan ng Tagapagligtas; sumigaw lang siya ng, “Panginoon, iligtas mo ako.”1

Sa ating buhay, ang tulong ng Tagapagligtas ay maaaring matamo sa tulong ng isang pinagkakatiwalaang kaibigan, lider, o mapagmahal na magulang. Habang nahihirapan tayo sa kadiliman, hindi mali na pansamantalang umasa sa liwanag ng mga taong nagmamahal sa atin at gusto tayo talagang tulungan.

Kapag inisip nating mabuti, bakit natin pakikinggan ang mga mapanlait na tinig ng mga taong walang mukha na nasa malaki at maluwang na gusali sa ating panahon at babalewalain ang mga pagsamo ng mga taong totoong nagmamahal sa atin? Mas gusto ng mapag-alinlangang mga taong ito sa paligid na manira kaysa pumuri at manlibak kaysa tumulong. Ang kanilang mga pangungutya ay makakaapekto sa ating buhay, kadalasa’y sa maiikling pansamantalang pagbabaluktot ng katotohanan na maingat at sadyang binuo para sirain ang ating pananampalataya. Matalino bang ilagay ang ating walang-hanggang kapakanan sa mga kamay ng mga estranghero? Matalino bang mag-angkin ng kaliwanagan mula sa mga taong walang maibigay na liwanag o maaaring may mga layuning inililihim sa atin? Ang mga taong ito na hindi nagpakilala, kung tapat na ipinakilala sa atin, ay hinding-hindi natin bibigyan ni isang sandali, ngunit dahil kinakasangkapan nila ang social media, nakatago mula sa mga pagsisiyasat, nagkakaroon sila ng kredibilidad na hindi nararapat sa kanila.

Ang ating pasiyang sundin ang mga nangungutya sa mga sagradong bagay ay ilalayo tayo sa nakapagliligtas at nagbibigay-buhay na liwanag ng Tagapagligtas. Itinala ni Juan: “Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.”2 Tandaan, yaong mga tunay na nagmamahal sa atin ay mapapalakas ang ating pananampalataya.

Tulad noong mahiya ako sa lagusan, maaaring labis tayong mahiyang humingi ng tulong kapag nagdududa tayo. Marahil tayo ang inaasahan ng iba para sa lakas, at ngayo’y kailangan natin ng tulong. Kapag natanto natin na ang liwanag at kapanatagang maibibigay sa atin ng Tagapagligtas ay napakahalaga para mawala dahil sa kapalaluan, makakatulong ang inspiradong mga lider ng Simbahan, magulang, at kaibigang pinagkakatiwalaan. Handa silang tulungan tayo na magtamo ng espirituwal na katiyakan na palalakasin tayo laban sa mga hamon sa pananampalataya.

Ikalawa, kailangan nating magtiwala sa Panginoon para magkaroon tayo ng espirituwal na lakas. Hindi tayo maaaring umasa sa liwanag ng iba magpakailanman. Alam ko na ang kadiliman sa lagusan ay hindi magtatagal kung patuloy akong papadyak sa tabi ng aking kaibigan at ligtas na kasama ng grupo. Ngunit ang inaasam ko ay makapagpatuloy mag-isa kapag nakita ko na ang liwanag. Itinuro sa atin ng Panginoon, “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; magsituktok kayo, at kayo ay pagbubuksan.”3 Kailangan tayong kumilos, na umaasang tutuparin ng Panginoon ang Kanyang pangako na aalisin tayo mula sa kadiliman kung magsisilapit tayo sa Kanya. Gayunman, sisikapin tayong kumbinsihin ng kaaway na hindi natin nadama ang impluwensya ng Espiritu kahit kailan at na mas madaling tumigil na lang sa pagsisikap.

Pinayuhan tayo ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “pagdudahan muna ang inyong mga pagdududa bago ninyo pagdudahan ang inyong pananampalataya.”4 Sa aking home ward, sinabi ng isang binata kamakailan, “May mga bagay akong nadama na hindi maipapaliwanag sa anupamang ibang paraan maliban sa ito ay sa Diyos.” Ito ay espirituwal na integridad.

Kapag nag-alinlangan tayo o natuksong magduda, dapat nating tandaan ang mga espirituwal na pagpapala at damdaming tumimo sa ating puso at buhay noong araw at manampalataya tayo sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Naaalala ko ang payong ibinigay sa isang pamilyar na himno: “Sa Diyos ay walang alinlangan; subok ang Kanyang kabutihan.”5 Ang hindi pansinin at balewalain ang nakaraang mga espirituwal na karanasan ay maglalayo sa atin sa Diyos.

Ang paghahanap natin ng liwanag ay titindi sa kahandaan nating kilalanin ito kapag nagliwanag ito sa ating buhay. Binigyang-kahulugan ng makabagong banal na kasulatan ang liwanag at nagbigay ng pangako sa mga tatanggap nito: “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw.”6 Tulad nang patuloy naming pagpadyak patungo sa liwanag, kapag nagpumilit tayo, mas lumiliwanag ang Kanyang impluwensya sa ating buhay. Gaya ng liwanag sa dulo ng lagusan, ang Kanyang impluwensya ay maghahatid sa atin ng tiwala, determinasyon, kapanatagan, at—ang pinakamahalaga—ng kapangyarihang malaman na Siya ay buhay.

Ikatlo, walang kadilimang napakakapal, napakamapanira o napakahirap na hindi ito kakayaning daigin ng liwanag. Itinuro ni Elder Neil L. Andersen kamakailan na: “Habang tumitindi ang kasamaan sa mundo, magtatamo ng espirituwal na kapangyarihan ang mabubuti. Kapag hinayaan ng mundo na mawala ang espirituwal na pundasyon nito, maghahanda ng paraan ang Panginoon para sa mga naghahanap sa Kanya, aalayan sila ng higit na katiyakan, pagpapatibay, at tiwala sa espirituwal na landas na tinatahak nila. Ang kaloob na Espiritu Santo ay mas lumiliwanag sa paglubog ng araw.”7

Mga kapatid, hindi tayo naiwang mag-isa para impluwensyahan ng bawat kapritso at pagbabago sa saloobin ng mundo, ngunit may kapangyarihan tayong piliing maniwala kaysa magduda. Para matamo ang ipinangakong espirituwal na lakas, kailangan nating piliing sundin ang payo ng propeta, madama ang espirituwal na mga pahiwatig at kumilos ayon dito, sundin ang mga utos ng Diyos, at maghangad ng personal na paghahayag. Kailangan tayong pumili. Nawa’y piliin natin ang liwanag ng Tagapagligtas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.