2015
Inilaan ang Lugar na Pinangyarihan ng Pagpapanumbalik ng Priesthood
Nobyembre 2015


Inilaan ang Lugar na Pinangyarihan ng Pagpapanumbalik ng Priesthood

Noong Setyembre 19, 2015, nangulo si Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa paglalaan ng lugar sa Pennsylvania, USA, kung saan natanggap nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang Aaronic Priesthood mula kay Juan Bautista. Noong 1820s ang lugar ay kilala bilang Harmony, Pennsylvania, at maraming kaganapan sa naunang kasaysayan ng ipinanumbalik na Simbahan ang nangyari doon:

  • Ang pagkikilala nina Joseph Smith at Emma Hale, ang kanilang pagliligawan, at ang mga unang taon ng kanilang pagsasama.

  • Ang pagdating ni Oliver Cowdery para tumulong bilang tagasulat sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

  • Ang pagsasalin ng halos buong Aklat ni Mormon.

  • Ang pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood at (bagama’t hindi alam ang eksaktong lokasyon) ng Melchizedek Priesthood.

  • Ang mga unang pagbibinyag na isinagawa ng may awtoridad ng priesthood sa makabagong panahon.

  • Natanggap na mga paghahayag na naging 15 bahagi sa Doktrina at mga Tipan at isang bahagi ng Mahalagang Perlas.

Ang lugar na katatapos sumailalim sa renobasyon ay kinabibilangan ng isang visitors’ center, na nagsisilbi ring meetinghouse para sa isang local branch; ang muling itinayong mga bahay nina Joseph at Emma at ng mga magulang ni Emma na sina Isaac at Elizabeth Hale; at pagkakataong makapunta sa Ilog ng Susquehanna kung saan pinaniniwalaang naganap ang pagbibinyag kina Joseph at Oliver.

“Sa Harmony nagkaroon ng pagkakataon si Joseph na espirituwal na magnilay-nilay at maprotektahan, kaya siya nakapagtuon sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon,” sabi ni Pangulong Nelson. “Sa buong panahong ito, tinuruan ng Panginoon si Joseph sa kanyang banal na tungkulin bilang propeta, tagakita at tagapaghayag.”

Nililibot ni Pangulong Russell M. Nelson at ng kanyang asawang si Wendy ang replika ng bahay nina Joseph at Emma Smith, kung saan isinalin ang maraming bahagi ng Aklat ni Mormon.