2015
Elder L. Whitney Clayton
Nobyembre 2015


Elder L. Whitney Clayton

Senior President ng Pitumpu

Sa murang edad, natutuhang mahalin ni Elder L. Whitney Clayton ang trabaho at pamilya. Tuwing Sabado, maagang umaalis ang kanyang ama, na isang doktor, upang gawin ang kanyang mga tungkuling medikal. Bago siya umalis, inililista niya sa pisara ang lahat ng gawaing-bahay na kailangang tapusin sa araw na iyon. Pag-uwi niya, kasama siya ng kanyang mga anak at nagtutulung-tulong sila sa gawain. Mula sa kanyang ama, natuto si Elder Clayton ng wastong pag-uugali sa pagtatrabaho na nagpala sa kanyang buhay.

Alam din ng pamilya ni Elder Clayton na ang hapunan ay oras para sa pamilya. “Pinag-usapan namin ang pulitika, ang mga nangyayari sa paaralan, ang mga kapitbahay, ang ebanghelyo, at ang Simbahan. … Ito ay isang napakagandang bahagi ng aking paglaki.” Ang pag-uusap-usap habang kumakain ay nakasanayan na nilang gawing mag-asawa kasama ang kanilang mga anak.

Si Elder Clayton ay tinawag na Senior President ng Pitumpu noong Oktubre 6, 2015. Hinalinhan niya si Elder Ronald A. Rasband, na tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol.

Si Elder Clayton ay sinang-ayunan bilang General Authority Seventy noong Marso 31, 2001. Naglingkod siya bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu mula noong Pebrero 2008 at naging responsibilidad niyang mangasiwa sa mga area sa Utah. Tumulong siya kay Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pangangasiwa sa Africa Southeast at Africa West Areas. Naglilingkod din siya bilang miyembro ng Public Affairs Committee. Naglingkod siya bilang tagapayo sa South America South Area Presidency noong 2002–2003, at bilang pangulo noong 2003–2006.

Isinilang sa Salt Lake City, Utah, USA, noong 1950, pinakasalan niya si Kathy Ann Kipp noong 1973 sa Salt Lake Temple. Sila ay may 7 anak at 20 apo.

Si Elder Clayton ay nagtapos ng bachelor’s degree sa finance sa University of Utah at ng abugasya sa University of the Pacific. Naging abogado siya sa California, USA, mula 1981 hanggang 2001.

Naglingkod siya bilang Area Seventy, regional representative, tagapayo sa mission president, high councilor, bishop, stake mission president, at Gospel Doctrine teacher. Naglingkod siya bilang full-time missionary sa Peru mula 1970 hanggang 1971.