2015
Bishop Dean M. Davies
Nobyembre 2015


Bishop Dean M. Davies

Unang Tagapayo sa Presiding Bishopric

“Noong tinedyer ako,” sabi ni Bishop Dean M. Davies, “ang pagkakaroon ng pinakamagandang damuhan sa aming sambayanan ay nagdulot ng kagalakan sa akin, at natuto ako ng isang mahalagang aral: na malaki ang magagawa ng kaunti pang pagsisikap sa halos lahat ng bagay.” Ang kaunti pang dagdag ay naging isang pamantayan na patuloy niyang pakikinabangan bilang bagong Unang Tagapayo sa Presiding Bishopric.

Si Bishop Davies ay naglilingkod bilang Pangalawang Tagapayo kay Elder Gary E. Stevenson, na sinang-ayunan bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Oktubre 3, 2015.

Si Dean Myron Davies ay ipinanganak sa Salt Lake City, Utah, USA, noong 1951. Isa siya sa walong magkakapatid. Nagpapasalamat siya sa mga magulang na hindi lamang minahal at inalagaan ang kanilang mga anak kundi tinulungan din silang pahalagahan ang mga pagpapala ng pagtatrabaho. Pinakasalan niya si Darla James noong 1973, sa Salt Lake Temple. Sila ay may 5 anak at 14 na apo.

Natuto rin ng isang mahalagang aral si Bishop Davies habang naninirahan sa San Francisco, California, USA, noong 1989. Sa isang lindol, nasaksihan niya ang matinding pinsala sa mga apartment na itinayo nang walang matibay na pundasyon. “Sa pagninilay sa mga nangyari noong araw na iyon ay napagtibay sa puso’t isipan ko na upang matagumpay na makayanan ang mga unos, lindol, at kalamidad ng buhay, kailangang nakatayo tayo sa isang tunay na saligan” (“Isang Tunay na Saligan,” Liahona, Mayo 2013, 9).

Si Bishop Davies ay nagtatrabaho sa Simbahan simula pa noong Hulyo 1995. Nitong huli siya ang managing director ng Special Projects Department, na may responsibilidad sa mga special-purpose real estate, disenyo ng templo, at pagtatayo ng templo.

Bago siya nagtrabaho sa Simbahan, nagtrabaho si Bishop Davies sa High Industries, Inc., sa Lancaster, Pennsylvania, at Bechtel Investment, Inc., ng San Francisco, California. Natamo ni Bishop Davies ang kanyang bachelor’s degree sa agricultural economics sa Brigham Young University at nakatapos ng advanced executive programs sa Stanford University at sa Northwestern University.

Si Bishop Davies ay naglingkod bilang pangulo ng Puerto Rico San Juan Mission, tagapayo sa mission president, stake president, tagapayo sa stake president, stake executive secretary, high councilor, sa ilang bishopric, at bilang full-time missionary sa Uruguay/Paraguay Mission.