Bishop W. Christopher Waddell
Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric
Noong siya ay isang college athlete, si Christopher Waddell ay tumanggap ng volleyball scholarship sa San Diego State University sa California, USA. Ngunit natutuhan niyang magpasalamat sa isang bishop na nagtanong sa kanya tungkol sa iba pang mga bagay kapag nasa bahay siya tuwing walang pasok.
“Hindi niya sinabing, ‘Kumusta ang volleyball?’ kundi ‘Kumusta ka na? Nagdarasal ka ba, palaging malakas, at nananatiling aktibo sa Simbahan?’ Talagang pinasasalamatan ko ang mga tanong [tungkol] … sa mga bagay na pinakamahalaga,” paggunita ni Bishop Waddell.
Ang pagtutuon sa kung ano ang pinakamahalaga ay nakatulong kay Bishop Waddell na ipamuhay ang dalawang sawikain ng pamilya, “Bumalik nang may dangal” at “Magtiwala sa Panginoon.” Tinulungan siya ng tiwalang iyon na makayanang isantabi muna ang volleyball at magmisyon. Nang makauwi na siya mula sa misyon, ang tiwala ring iyon ang nakatulong sa kanya na maipagpatuloy ang malayuang pag-iibigan nila ng isang dalagang nag-aaral sa ibang unibersidad. Kalaunan, matapos silang makasal, pagtitiwala sa Panginoon ang tumulong sa kanila na makinig sa Espiritu kapag gumagawa sila ng mga desisyon tungkol sa paglipat.
“Gawin mo ang mga bagay sa paraan ng Panginoon,” sabi niya, “at magiging maayos ang lahat.”
Patuloy na pagpapalain ng kanyang pagtitiwala sa Panginoon si Bishop Waddell, na nakapaglingkod bilang General Authority Seventy simula pa noong Abril 2011, ngayong Pangalawang Tagapayo na siya sa Presiding Bishopric.
Si Wayne Christopher Waddell ay ipinanganak sa Los Angeles, California, USA, noong 1959. Pinakasalan niya si Carol Stansel noong Hulyo 1984 sa Los Angeles California Temple. Sila ay may apat na anak at tatlong apo. Naglingkod siya bilang tagapayo sa South America Northwest Area Presidency at mananatili sa Peru sa loob ng maikling panahon.
Si Bishop Waddel ay tumanggap ng bachelor’s degree sa San Diego State University noong 1984. Nakatapos din siya ng postgraduate work sa Executive MBA program sa BYU. Simula noong 1984 nagtrabaho siya sa Merrill Lynch, kung saan siya ang naging unang vice president of investments.
Si Bishop Waddell ay naglingkod bilang Area Seventy, pangulo ng Spain Barcelona Mission (kung saan siya naglingkod bilang binatang full-time missionary), stake president, tagapayo sa mission presidency, bishop, at bilang tagapayo sa bishopric.