Bishop Gérald Caussé
Presiding Bishop
Pinatatatag pa lamang ni Gérald Caussé ang kanyang propesyon sa industriya ng pamamahagi ng pagkain sa France sa edad na 33 nang kausapin siya nang sarilinan ng pangulo ng kanyang kumpanya. Napansin nito ang espirituwal na pananalig ni Gérald at ang kakayahan niyang gumawa ng mabubuting paghatol at pagkaisahin ang mga empleyado—mga katangiang nahubog sa pamamagitan ng aktibidad, paglilingkod, at pamumuno sa Simbahan. Napagtibay ng pangulo na mapagkakatiwalaan niya si Gérald.
Nagulat si Gérald nang hindi nagtagal ay ibigay sa kanya ang responsibilidad na pangasiwaan ang 1,800 empleyado. Nang tawagin siyang maglingkod bilang isang General Authority Seventy isang dekada kalaunan, noong Abril 2008, pinangangasiwaan niya ang ilang kumpanya sa pamamahagi ng pagkain.
Ang mga kasanayan ni Bishop Caussé sa negosyo at pangangasiwa, lakip ang kanyang paglilingkod sa simbahan at karanasan sa pamumuno, ay magagamit niya nang husto bilang bagong Presiding Bishop ng Simbahan. Tinanggap ni Bishop Caussé, na naglingkod noon bilang Unang Tagapayo sa Presiding Bishopric simula noong Marso 2012, ang kanyang bagong tungkulin ilang araw lang matapos ang pangkalahatang kumperensya ng Oktubre. Siya ang humalili kay Elder Gary E. Stevenson na sinang-ayunan sa Korum ng Labindalawang Apostol noong Oktubre 3, 2015.
Si Bishop Gérald Jean Caussé, ang ika-15 Presiding Bishop ng Simbahan, ay isinilang sa Bordeaux, France, noong 1963. Pinakasalan niya si Valérie Lucienne Babin noong 1986 sa Bern Switzerland Temple. Sila ay may limang anak at limang apo.
Bukod pa sa kanyang karanasan sa Presiding Bishopric at bilang miyembro ng Pitumpu, naglingkod siya bilang tagapayo sa Europe Area Presidency at bilang isang Area Seventy, stake president, tagapayo sa stake president, tagapayo sa bishop, high priests group leader, at elders quorum president.
Noong binata pa siya, nakasumpong ng kaligayahan at pananampalataya si Bishop Caussé sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod sa Simbahan. Naglingkod siya bilang piyanista sa Primary sa edad na 12 at bilang Sunday School president sa edad na 16. Naging abala rin siya sa mga tungkulin sa Aaronic Priesthood.
“Ang paglilingkod sa Simbahan,” kabilang na ang pagsama sa kanyang ama sa kanyang tungkulin bilang bishop at branch president, “ay nakatulong sa akin na magkaroon ng patotoo,” wika niya.
Nagkamit siya ng master’s degree sa business mula sa ESSEC Business School sa France noong 1987. Bago siya nagsimula sa kanyang propesyon, naglingkod siya sa French Air Force, kung saan siya nadestino sa isang NATO agency.