2015
Patunugin nang Malinaw ang Trumpeta
Nobyembre 2015


Patunugin nang Malinaw ang Trumpeta

Kailangan ng mundo ng mga disipulo ni Cristo na magpapahayag ng mensahe ng ebanghelyo nang malinaw at mula sa puso.

Nitong nakaraang tag-init nakatira sa bahay naming mag-asawa ang dalawa sa bata pa naming mga apo habang ang mga magulang nila ay sumali sa isang pioneer trek activity sa stake nila. Sinigurado ng aming anak na babae na makapagpraktis pa rin ng piyano ang kanyang mga anak habang wala sila sa bahay. Alam niya na mas madaling kalimutan ang magpapraktis sa pagtira nang ilang araw sa mga lolo’t lola nila. Isang hapon nagpasiya akong samahan ang aking 13-taong-gulang na apong si Andrew, at makinig sa kanyang pagtugtog.

Ang batang ito ay puno ng sigla at gustung-gustong maglalabas ng bahay. Madali niyang napapalipas ang lahat ng oras niya sa pangangaso at pangingisda. Habang nagpapraktis ng piyano, masasabi kong mas gusto pa niyang mangisda sa kalapit na ilog. Nakinig ako habang tinitipa niya ang bawat nota ng isang pamilyar na awitin. Bawat notang tinugtog niya ay pare-pareho ang diin at ritmo, kaya mahirap matukoy ang himig. Naupo ako sa tabi niya at ipinaliwanag ko ang kahalagahan ng higit na pagdiin sa mga teklado ng himig at di-gaanong pagdiin sa mga notang sumasaliw sa himig. Pinag-usapan namin na ang piyano ay hindi lamang basta isang himalang mekanismo. Maaari itong maging karugtong ng kanyang sariling tinig at damdamin at maging isang magandang instrumento ng komunikasyon. Tulad ng isang tao na nagsasalita at kumikilos nang maayos sa pagbanggit sa bawat salita, gayon din dapat ang daloy ng himig habang tinitipa natin ang bawat nota.

Nagtawanan kami nang subukan niya ito nang paulit-ulit. Lalong lumalim ang biloy sa kanyang pisngi sa pagngiti nang magsimulang lumitaw ang pamilyar na himig mula sa dati niyang pagtugtog nang wala sa tono. Naging malinaw ang mensahe: “Ako ay anak ng Diyos, dito’y isinilang.”1 Tinanong ko si Andrew kung nararamdaman niya ang kaibhan sa mensahe. Sagot niya, “Opo, Lolo, nararamdaman ko po!”

Nagturo sa atin si Apostol Pablo tungkol sa paghahambing ng komunikasyon sa mga instrumentong musikal nang sumulat siya sa mga taga-Corinto:

“Kahit ang mga bagay na walang buhay, na nagsisitunog, maging plauta, o alpa, kundi bigyan ng pagkakaiba ang mga tunog, paanong malalaman kung ano ang tinutugtog sa plauta o sa alpa?

“Sapagka’t kung ang pakakak ay tumunog na walang katiyakan, sino ang hahanda sa pakikibaka?”2

Kung may panahon man na kailangan ng mundo ng mga disipulo ni Cristo na magpapahayag ng mensahe ng ebanghelyo nang malinaw at mula sa puso, ito na ang panahong iyon. Kailangan natin ang malinaw na tunog ng trumpeta.

Si Cristo ang talagang pinakamagandang halimbawa natin. Ipinakita Niya sa tuwina ang tapang na manindigan sa kung ano ang tama. Naririnig ang Kanyang mga salita sa lahat ng siglo habang inaanyayahan tayo na alalahaning mahalin ang Diyos at ang ating kapwa-tao, sundin ang lahat ng utos ng Diyos, at magpakita ng mabuting halimbawa sa mundo. Hindi Siya takot magsalita laban sa mga may kapangyarihan o pinuno noong Kanyang panahon, maging sa mga taong sumasalungat sa misyon na ibinigay sa Kanya ng Ama. Ang Kanyang mga salita ay hindi para lituhin kundi antigin ang puso ng mga tao. Alam na alam Niya ang kalooban ng Ama sa lahat ng Kanyang sinabi at ginawa.

Gusto ko rin ang halimbawa ni Pedro, na hinarap ang mga tao sa mundo nang may tapang at kalinawan sa araw ng Pentecostes. Noong araw na iyon kinutya ng mga taong nagtipon mula sa maraming bayan ang mga naunang Banal dahil narinig nilang magsalita ang mga ito ng iba’t ibang wika at inakalang sila ay mga lasing. Si Pedro, na nahikayat ng Espiritu, ay tumayo upang ipagtanggol ang Simbahan at mga miyembro. Nagpatotoo siya sa mga salitang ito: “Kayong mga lalaking taga Judea, at kayong lahat na nangananahan sa Jerusalem, mangaalaman nawa ninyong lahat ito, at inyong pakinggan ang aking mga salita.”3

Pagkatapos ay binanggit niya ang mga banal na kasulatan na naglalaman ng mga propesiya tungkol kay Cristo at matapang na nagpatotoo: “Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.”4

Maraming nakarinig sa kanyang mga salita at nadama nila ang Espiritu, at 3,000 katao ang sumapi sa Simbahan noon. Malakas na katibayan ito na makakagawa ng kaibhan ang isang lalaki o babae na handang magpatotoo kapag tila tumatahak sa kabilang direksyon ang mundo.

Nang magdesisyon tayo bilang mga miyembro na tumayo at magpatotoo para sa doktrina at Simbahan ng Diyos, may nagbabago sa atin. Tinataglay natin ang Kanyang larawan. Nagiging mas malapit tayo sa Kanyang Espiritu. At Siya naman ay magpapauna sa ating harapan at “[pasasaating] kanang kamay at sa [ating] kaliwa, at ang [Kanyang] Espiritu ay [pasasaating] mga puso, at ang [Kanyang] mga anghel ay nasa paligid [natin], upang dalhin [tayo].”5

Ang mga tunay na disipulo ni Cristo ay hindi hihingi ng paumanhin para sa doktrina, kapag hindi ito umaangkop sa kasalukuyang mga konsepto ng mundo. Si Pablo ay isa pang magiting na disipulo na matapang na nagpahayag na “hindi [niya] ikinahihiya ang evangelio [ni Cristo]: sapagka’t siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa’t sumasampalataya.”6 Ang tunay na mga disipulo ay kumakatawan sa Panginoon sa panahong maaaring hindi ito madaling gawin. Ang tunay na mga disipulo ay nagnanais na bigyang-inspirasyon ang mga puso ng tao, hindi ang pahangain sila.

Madalas na hindi madali o komportable na tumayo at magsalita para kay Cristo. Natitiyak ko na ganito ang nangyari kay Pablo nang humarap siya kay Haring Agripa at sinabihang pangatwiranan ang kanyang sarili at magkuwento ng nangyari sa kanya. Walang pag-aatubiling ipinahayag ni Pablo ang kanyang paniniwala nang may matinding kapangyarihan kaya inamin ng nakakatakot na haring ito na “[muntik]” na siyang mahikayat na maging Kristiyano.

Ang tugon ni Pablo ay nagpakita ng kanyang pagnanais na maunawaan nang lubos ng mga tao ang sasabihin niya. Sinabi niya kay Haring Agripa na nais niya na lahat ng nakarinig sa kanya ay hindi lang “muntik” nang maging Kristiyano kundi “lubos” na maging mga disipulo ni Cristo.7 Ang mga taong nagsasalita nang malinaw ay maisasakatuparan ito.

Sa maraming taon na pinag-aralan ko ang kuwento ng panaginip ni Lehi sa Aklat ni Mormon,8 itinuring ko na ang malaki at maluwang na gusali na isang lugar kung saan tanging mga pinakasuwail lamang ang naninirahan. Ang gusali ay puno ng mga taong nanlalait at nakaturo sa matatapat na nakakapit sa gabay na bakal, na sumasagisag sa salita ng Diyos, at nakarating sa punungkahoy ng buhay, na sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos. Ang ilan ay hindi natiis ang pamimilit ng mga taong nanlalait sa kanila at nagpagala-gala sa daan. Ang iba naman ay nagpasiyang sumama sa mga nanlalait na nasa gusali. Wala ba silang lakas ng loob na matapang na magsalita laban sa mga pamimintas o mensahe ng mundo?

Habang minamasdan ko ang paglayo ng mundo ngayon sa Diyos, palagay ko lumalaki pa ang gusaling ito. Maraming tao ang natatagpuan ang kanilang sarili na pagala-gala sa mga pasilyo ng malaki at maluwang na gusali, na hindi natatanto na nagiging bahagi na sila ng kultura nito. Kadalasan ay nagpapatangay sila sa mga tukso at mensahe. At kalaunan ay nakikita natin sila na nanlalait o nakikiisa sa mga namimintas o nanlalait.

Ilang taon kong inisip na pinagtatawanan ng nangungutyang mga tao ang uri ng pamumuhay ng matatapat, ngunit nagbago na ng tono at pamamaraan ang mga tinig na nagmumula sa gusali sa panahong ito. Yaong mga nangungutya ay madalas magtangkang lituhin ang simpleng mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagtuligsa sa ilang aspeto ng kasaysayan ng Simbahan o matinding pamimintas sa propeta o iba pang mga pinuno ng Simbahan. Tinutuligsa rin nila ang pinakasentro ng ating doktrina at ang mga batas ng Diyos, na ibinigay simula pa sa Paglikha ng mundo. Tayo, bilang mga disipulo ni Jesucristo at mga miyembro ng Kanyang Simbahan, ay hindi dapat bumitiw sa gabay na bakal na iyon kailanman. Kailangan nating patunugin nang malinaw ang trumpeta mula sa ating sariling kaluluwa.

Ang simpleng mensahe ay na ang Diyos ay ating mapagmahal na Ama sa Langit at si Jesucristo ay Kanyang Anak. Ang ebanghelyo ay ipinanumbalik sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ng mga buhay na propeta, at ang katibayan ay ang Aklat ni Mormon. Ang landas ng kaligayahan ay sa pamamagitan ng pamilya tulad ng orihinal na itinatag at inihayag ng ating Ama sa Langit. Ito ang pamilyar na himig ng mensahe na makikilala ng marami dahil narinig na nila ito bago pa sila isinilang sa lupa.

Panahon na para tumindig tayo, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, at magpatotoo. Panahon na para iparinig nang malakas ang mga nota ng himig ng ebanghelyo upang madaig ang ingay ng mundo. Idaragdag ko ang aking patotoo sa mensahe ng Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig na ito. Siya ay buhay! Ang kanyang ebanghelyo ay ipinanumbalik, at ang mga pagpapala ng kaligayahan at kapayapaan ay matatamo sa buhay na ito sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan at pagtahak sa Kanyang landas. Ito ang aking patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.