2015
Inyong Susunod na Hakbang
Nobyembre 2015


Ang Inyong Susunod na Hakbang

Inaanyayahan kayo ng inyong mapagmahal na Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, na humakbang palapit sa Kanila. Huwag nang maghintay pa. Gawin na ito ngayon.

Labis akong nalungkot sa isang miting kamakailan kasama ang mga kahanga-hangang Banal sa mga Huling Araw. May isang nagtanong, “Sino ang gustong muling makapiling ang Ama sa Langit?” Nagtaas ng kamay ang lahat. Ang kasunod na tanong ay “Sino ang may tiwala na magtatagumpay dito?” Ang nakakalungkot at nakakagulat, karamihan sa mga kamay ay bumaba.

Kapag nakikita nating may agwat sa kung sino tayo ngayon at kung sino ang hangad nating maging, natutukso ang marami na piliin na mawalan ng pananampalataya at pag-asa.1

Dahil “walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos,”2 para makapiling Siyang muli, kailangan nating maging malinis mula sa kasalanan3 at maging banal.4 Kung kinailangan nating gawin ito nang mag-isa walang sinuman sa atin ang makagagawa nito. Ngunit hindi tayo nag-iisa. Sa katunayan, tayo ay hindi kailanman nag-iisa.

May tulong tayo mula sa langit dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.5 Sinabi ng Tagapagligtas, “Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin.”6 Kapag nagpapakita ng pananampalataya, nadaragdagan ang pananampalataya.

Sama-sama nating pag-isipan ang tatlong alituntunin na tutulong sa atin sa paglalakbay pabalik sa ating Ama sa Langit.

Maging Tulad sa Isang Bata

Inilalarawan ng aming pinakabatang apong lalaki ang unang alituntunin. Matapos matutong gumapang at pagkatapos ay tumayo, siya ay handa nang sumubok na maglakad. Sa kanyang unang ilang pagtatangka, nadapa siya, umiyak, at tumingin na parang nagsasabing, “Hinding-hindi ko na gagawin ito—kahit kailan—hinding-hindi na!” Gagapang na lang ako.”

Nang madapa siya, hindi nadama ng kanyang mapagmahal na mga magulang na wala na siyang pag-asa o na hindi na siya makapaglalakad pa. Sa halip ibinukas nila ang kanilang mga bisig at tinawag siya, at habang nakatingin siya sa kanila, sinubukan niyang muli na patuloy na abutin ang kanilang mapagmahal na yakap.

Ang mapagmahal na mga magulang ay laging nakaunat ang mga bisig upang tanggapin maging ang ating pinakamaliliit na hakbang sa tamang direksyon. Alam nila na ang kahandaan nating sumubok at sumubok muli ang maghahatid sa progreso at tagumpay.

Itinuro ng Tagapagligtas na upang magmana ng kaharian ng Diyos, kailangan tayong maging katulad ng munting bata.7 Kaya, sa espirituwal, ang unang alituntunin na kailangan nating gawin ay maging tulad ng isang bata.8

Taglay ang pagpapakumbaba at kahandaan ng isang bata na magtuon ng pansin sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas, humahakbang tayo palapit sa Kanila, nang hindi nawawalan ng pag-asa, kahit bumagsak tayo. Nagagalak ang ating mapagmahal na Ama sa Langit sa bawat matapat na hakbang, at kung babagsak tayo, nagagalak Siya sa bawat pagsisikap na bumangon at sumubok muli.

Kumilos nang may Pananampalataya

Ang ikalawang alituntunin ay inilarawan ng dalawang matatapat na Banal, bawat isa ay lubos na nagnanais na makahanap ng makakasama sa walang hanggan. Pareho silang mapanalanging humakbang na puno ng pananampalataya.

Si Yuri, isang Russian na Banal sa mga Huling Araw, ay nagsakripisyong maglakbay nang matagal papunta sa templo. Habang sakay ng tren napansin niya ang isang magandang dalaga na may maaliwalas na mukha at nadama niyang dapat ibahagi dito ang ebanghelyo. Hindi alam kung ano pa ang gagawin, sinimulan niyang magbasa mula sa kanyang Aklat ni Mormon, sa pag-asang mapapansin siya ng babae.

Hindi natanto ni Yuri na ang babae, si Mariya, ay isang Banal sa mga Huling Araw. Hindi batid na si Yuri ay miyembro rin, at kasunod ng inspirasyong ibahagi ang ebanghelyo sa kanya, sinimulan ni Mariya na basahin ang Aklat ni Mormon, sa pag-asang magtatanong si Yuri.

Nang sabay silang magtaas ng ulo, nagulat sina Yuri at Mariya na makita ang Aklat ni Mormon sa kanilang mga kamay—at oo, matapos umibig sa isa’t isa, sila ay ibinuklod sa templo. Ngayon, sina Yuri at Mariya Kutepov ng Voronezh, Russia, bilang mag-asawa sa kawalang-hanggan, ay nag-aambag nang malaki sa paglago ng Simbahan sa Russia.

Ang pagbibigay-diin dito ay hindi lamang sa kahandaan ng mag-asawang ito na kumilos nang may pananampalataya. Tungkol din ito sa ikalawang alituntunin—higit na tinutumbasan ng Panginoon ang kahandaan nating kumilos nang may pananampalataya. Ang kahandaan nating humakbang ay hindi lang natutugunan; lampas pa dito ang ipinangakong mga pagpapala ng Panginoon.

Ang ating Ama sa Langit at Tagapagligtas ay sabik na pagpalain tayo. Tutal, ikasampung bahagi lang ang hiling Nila sa biyayang bigay Nila sa atin at nangangako na bubuksan ang mga dungawan sa langit!9

Kapag kusang-loob tayong kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo at humahakbang, lalo na ng di-komportableng hakbang na nangangailangan ng pagbabago o pagsisisi, nabibiyayaan tayo ng lakas.10

Pinatototohanan ko na gagabayan tayo ng Panginoon—at sa pamamagitan ng—ating susunod na hakbang. Higit pa sa ating pagsisikap ang ibibigay Niya gamit ang Kanyang kapangyarihan kung handa tayong patuloy na sumubok, magsisisi, at susulong nang may pananampalataya sa ating Ama sa Langit at sa kanyang Anak na si Jesucristo.

Ang mga espirituwal na kaloob ay ipinangako hindi lamang sa mga taong nagmamahal sa Diyos at sumusunod sa lahat ng Kanyang mga kautusan kundi nang may pasasalamat din, sa mga taong “naghahangad na gawin [ang gayon].”11 Lakas ang ibinibigay sa mga taong patuloy na naghahangad.

Dalawang mahahalagang signpost linggu-linggo na tanda ng ating paglalakbay tungo sa ating Ama sa Langit ang patuloy na tipan ng ordenansa ng sakramento at ang pagsunod natin sa Sabbath. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson sa huling pangkalahatang kumperensya na ang araw ng Sabbath ay kaloob ng Panginoon sa atin. Ang ating matatapat na lingguhang paggalang sa araw ng Sabbath ay tanda natin sa Panginoon na mahal natin Siya.12

Tuwing araw ng Sabbath sumasaksi tayo na “handa tayong taglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan, lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan.”13 Bilang kapalit ng ating nagsisising puso at ating katapatan, pinapanibago ng Panginoon ang ipinangakong kapatawaran ng kasalanan at napapasaatin sa “tuwina ang Kanyang Espiritu.”14 Ang impluwensya ng Banal na Espiritu ay nag-iibayo, nagpapalakas, nagtuturo, at gumagabay sa atin.

Kung, sa pag-alaala sa Kanya, ibabaling natin ang ating puso sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng dalawang mahahalagang signpost na ito, ang ating mga pagsisikap ay muling tinutumbasan ng higit pa sa Kanyang ipinangakong mga pagpapala. Pinangakuan tayo na, sa matapat na pagsunod sa araw ng Sabbath, ang kabuuan ng mundo ay mapapasaatin.15

Ang landas pabalik sa ating Ama sa Langit ay humahantong sa bahay ng Panginoon, kung saan mapalad nating matatanggap ang nakapagliligtas na mga ordenansa para sa ating sarili at sa pumanaw nating mga mahal sa buhay. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer na “ang mga ordenansa at tipan ay nagiging mga kredensyal natin sa pagpasok sa kinaroroonan ng Diyos.”16 Dalangin ko na lagi tayong maging karapat-dapat at gamitin ang ating temple recommend upang palagiang maglingkod.

Daigin ang Likas na Tao

Ito ang pangatlong alituntunin: kailangan nating labanan ang tendensiya ng likas na tao na magpaliban o sumuko.17

Habang umuunlad tayo sa landas ng tipan, makakagawa tayo ng pagkakamali, ang ilan ay maraming beses nating magagawa. Ang ilan sa atin ay hirap sa paglaban sa pag-uugali o adiksyon na parang hindi natin kayang paglabanan. Ngunit ang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay isang alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan.18 Kung handa tayong kumilos, bibigyan tayo ng lakas na magsisi at ng lakas na magbago.

Bigo lamang tayo kung hindi tayo gagawa ng isang pasulong na hakbang nang may pananampalataya. Hindi tayo mabibigo kung tapat tayong nakikipamatok sa Tagapagligtas—Siya na hindi nabigo kailanman at hindi Niya tayo pababayaan kailanman!

Mga Ipinangakong Pagpapala

Ipinapangako ko na ang bawat hakbang na puno ng pananampalataya ay tatanggap ng tulong ng langit. Ang patnubay ay dumarating kapag tayo ay nananalangin sa ating Ama sa Langit, umaasa sa ating Tagapagligtas at sumusunod sa Kanya, at nakikinig sa Espiritu Santo. Dumarating ang lakas dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.19 Ang paggaling at kapatawaran ay dumarating dahil sa biyaya ng Diyos.20 Ang karunungan at pagtitiyaga ay dumarating sa pamamagitan ng pagtitiwala sa takdang panahon ng Panginoon. Ang proteksyon ay nagmumula sa pagsunod sa buhay na propeta ng Diyos, si Pangulong Thomas S. Monson.

Ikaw ay nilikha “[upang ikaw] ay magkaroon ng kagalakan,”21 kagalakang madarama mo kapag karapat-dapat kang nakabalik sa iyong Ama sa Langit at sa iyong Tagapagligtas at nadama mo ang Kanilang mainit na yakap.

Pinatototohanan ko ang mga lubos na katotohanang ito. Ang inyong Ama sa Langit at Kanyang Anak na si Jesucristo, ay buhay. Kilala Nila kayo. Mahal Nila kayo. Magiliw Nila kayong inaanyayahan na gawin ang susunod na hakbang palapit sa Kanila. Huwag nang maghintay pa. Gawin na ito ngayon. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.