2015
Ang Aking Puso ay Patuloy na Pinagbubulayan ang mga Ito
Nobyembre 2015


Ang Aking Puso ay Patuloy na Pinagbubulayan ang mga Ito

Taimtim kong idinadalangin na ipapasiya ninyong pagbulayan ang mga salita ng Diyos nang mas matagal at mas matindi.

Sa propesyon, ako ay isang mamumuhunan. Sa relihiyon, ako ay disipulo ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos.1 Sa negosyo, sinusunod ko ang epektibong mga panuntunan sa pananalapi. Sa pamumuhay sa aking relihiyon, sinisikap kong sundin ang mga espirituwal na alituntunin na tutulong sa akin na higit na makatulad ng Tagapagligtas.

Ang mga Paanyaya ay Naghahatid ng mga Biyaya

Karamihan sa mga gantimpala ko sa buhay ay natanggap ko dahil may nag-anyaya sa akin na gawin ang isang mahirap na gawain. Dahil diyan, gusto kong bigyan kayo ng dalawang paanyaya. Ang una ay may pinansyal na implikasyon. Ang pangalawa naman ay may espirituwal na implikasyon. Ang dalawang paanyaya, kung tatanggapin, ay mangangailangan ng disiplina para magawa at bibilang ng mahabang panahon bago magkaresulta.

Ang Unang Paanyaya

Ang unang paanyaya ay simple lamang: Inaanyayahan ko kayong mag-impok ng pera linggu-linggo. Hindi mahalaga kung magkano; kayo ang bahala sa halagang gusto ninyo. Kapag nakagawian ninyong mag-impok, kayo mismo ang makikinabang. At baka makatulong pa kayo sa iba na may problema sa pera dahil sa pagsisikap ninyo. Isipin ninyo ang magandang ibubunga ng pag-iimpok linggu-linggo sa loob ng anim na buwan, isang taon, 10 taon, o mahigit pa. Ang maliliit na pagsisikap sa paglipas ng panahon ay nagdudulot ng malalaking resulta.2

Ang Pangalawang Paanyaya

Ang aking pangalawang paanyaya ay medyo kakaiba at mas mahalaga kaysa sa una. Heto iyon: Inaanyayahan ko kayong “magbulaysaulo”3 ng isang talata sa banal na kasulatan bawat linggo. Ang salitang magbulaysaulo ay hindi nakikita sa diksyunaryo, pero nagustuhan ko ito. Ano ang ibig sabihin ng magbulaysaulo? Ito ay kumbinasyon ng 80 porsyentong pagbubulay-bulay at 20 porsyentong pagsasaulo.

May dalawang simpleng hakbang:

Una, pumili ng isang talata sa banal na kasulatan kada linggo at ilagay sa lugar na makikita ninyo ito araw-araw.

Pangalawa, basahin o isipin ang talata nang maraming beses bawat araw at pagbulayan ang kahulugan ng mga salita at mahahalagang kataga sa buong linggo.

Isipin ang magandang ibubunga kung gagawin ito linggu-linggo sa loob ng anim na buwan, isang taon, 10 taon, o mahigit pa.

Sa paggawa ninyo nito, makadarama kayo ng dagdag na espirituwalidad. Inyo ring matuturuan at mapapasigla ang mga mahal ninyo sa buhay sa mas makabuluhang paraan.

Snorkeling

Kung pipiliin ninyong magbulay-bulay at magsaulo, parang katulad ninyo ang isang taong nasiyahan sa snorkeling at gusto namang subukan ang scuba diving. Sa desisyong iyan, magkakaroon kayo ng mas malalim na pang-unawa sa mga alituntunin ng ebanghelyo at ng bagong espirituwal na pananaw na magpapala sa inyong buhay.

Scuba diving

Habang pinagbubulayan ninyo ang napili ninyong talata bawat linggo, ang mga salita at kataga ay mananatili sa inyong puso.4 Ang mga salita at kataga ay mananatili din sa inyong isipan. Sa madaling salita, magiging madali at natural na sa inyo ang pagsasaulo. Ngunit ang pangunahing layunin ng pagbubulay at pagsasaulo ay magkaroon ng mabuting kaisipan—kaisipan na maglalapit sa inyo sa Espiritu ng Panginoon.

Sinabi ng Tagapagligtas, “Papagyamanin sa inyong isipan tuwina ang mga salita ng buhay.”5 Ang pagbubulay at pagsasaulo ay simple at magandang paraan para magawa iyan.

Naniniwala ako na nagbulay-bulay at nagsaulo si Nephi. Sinabi niya, “Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga banal na kasulatan, at ang aking puso ay [patuloy na] nagbubulay sa mga yaon, at isinulat ang mga yaon para sa ikatututo at kapakinabangan ng aking mga anak.”6 Inisip niya ang kanyang mga anak nang pagbulayan at isulat niya ang mga banal na kasulatan. Anong kapakinabangan ang maidudulot sa inyong pamilya kung patuloy ninyong sisikaping punuin ang inyong isipan ng mga salita ng Diyos?

Ang Aking Talata

Kamakailan ay pinagbulayan at isinaulo ko ang Alma 5:16. Sabi rito, “Sinasabi ko sa inyo, naiisip ba ninyo sa inyong sarili na naririnig ninyo ang tinig ng Panginoon, na sinasabi sa inyo sa araw na yaon: Lumapit sa akin kayong mga pinagpala, sapagkat masdan, ang inyong mga gawa ay mga gawa ng kabutihan sa balat ng lupa?”

Sa pagtatapos ng linggong iyon, ito ang naalala ko tungkol sa banal na kasulatang iyan: Isiping narinig ninyo ang tinig ng Panginoon na nagsasabing, “Lumapit sa akin kayong mga pinagpala, sapagkat masdan, ang inyong mga gawa ay mga gawa ng kabutihan” (Alma 5:16).

Hindi ko isinaulo ang buong talata nang eksakto ang bawat salita. Gayunman, maraming beses kong pinagbulayan ang mahahalagang nilalaman ng talata at kung saan ito matatagpuan. At ang pinakamaganda sa paraang ito ay mas mabuti ang naiisip ko. Sa buong linggo ay naisip ko na hinihikayat ako ng Tagapagligtas. Ang bagay na iyan ay nakaantig sa aking puso at nagbigay ng inspirasyon sa akin na gawin ang “mga gawa ng kabutihan.” Iyan ang maaaring mangyari kapag ating “i[sa]saalang-alang [si Cristo] sa bawat pag-iisip.”7

Kailangan Nating Lumaban

Maaaring itanong ninyo, “Bakit dapat kong gawin ito?” Ang isasagot ko ay dahil nabubuhay tayo sa panahon na mabilis ang paglaganap ng kasamaan. Hindi pupwedeng basta na lang natin tatanggapin ang mga nangyayari ngayon at hayaang paringgan tayo ng masasamang salita at pakitaan ng kahalayan sa halos lahat ng dako nang wala tayong ginagawa. Kailangan nating lumaban. Kapag mabubuting ideya at imahe ang nasa isipan natin, kapag “lagi [natin] siyang [a]alalahanin,”8 wala tayong maiisip na masama.

Sa Aklat ni Mormon, inanyayahan ni Jesucristo ang lahat na “pagbulay-bulayin ang mga bagay na [Kanyang] sinabi.”9 Kapag nag-aaral kayo ng mga banal na kasulatan nang mag-isa o kasama ang pamilya, magbulay-bulay at magsaulo, hindi para palitan ang dati na ninyong pamamaraan sa pag-aaral kundi para dagdagan ito. Ang pagbubulay-bulay at pagsasaulo ay parang pagdaragdag ng bitamina sa inyong espirituwal na pagkain.

Napakahirap Naman

Siguro sasabihin ninyo, “Parang ang hirap namang magbulay-bulay at magsaulo.” Huwag ninyong isipin na hindi ninyo kaya ito. Ang paggawa ng mahihirap na bagay ay maaaring makabuti sa inyo. Hinihikayat tayo ni Cristo na gawin ang maraming mahihirap na bagay dahil alam Niya na pagpapalain tayo dahil sa ating mga pagsisikap.10

Banal na kasulatan na nasa phone

May bata kaming kapitbahay na nakahanap ng simpleng paraan na magbulay at magsaulo. Inilalagay niya sa home screen ng kanyang phone ang napili niyang banal na kasulatan para sa buong linggo. Isa pang puwede ninyong gawin ay ibahagi ang talata ninyo sa inyong kapatid, anak, o kaibigan. Kami ng asawa kong si Julie ay nagtutulungang gawin ito. Pumipili kami ng mga talata sa banal na kasulatan tuwing araw ng Linggo. Ididikit niya sa refrigerator ang mga talata niya. Ididikit ko naman sa trak ko ang napili ko. Magbabahaginan kami ng mga naisip namin tungkol sa mga talatang napili namin sa buong linggo. Tinatalakay din namin ang mga talatang ito sa aming mga anak. Nang gawin namin ito, parang mas komportable silang sabihin sa amin ang naiisip nila tungkol sa salita ng Diyos.

Si Sister Durrant na nagdidikit ng talata ng banal na kasulatan sa refrigerator
Si Brother Durrant na nagdidikit ng talata ng banal na kasulatan sa trak

Kasali rin kami ni Julie sa isang online group kung saan ang magkakapamilya, magkakaibigan, at mga missionary ay nagbabahagi ng mga talata ng banal na kasulatan linggu-linggo at kung minsan ay nagdaragdag ng ideya o patotoo tungkol dito. Mas magagawa ninyo ito nang tuluy-tuloy kapag may kagrupo kayo. Ginagamit ng anak kong babae na nasa high school at ng mga kaibigan niya ang social media at text messaging para magbahaginan ng mga banal na kasulatan.

Isang dalagita na nagbabahagi ng banal na kasulatan sa social media

Huwag kayong mag-atubiling isama ang mga miyembro ng ibang relihiyon sa inyong grupo. Naghahanap din sila ng paraan na mas mapabuti ang iniisip nila at mas mapalapit sa Diyos.

Ano ang mga Kapakinabangan Nito?

Si Sister Durrant na nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Kung gayon, ano ang mga kapakinabangan nito? Mahigit tatlong taon na naming ginagawa ni Julie na magbulay at magsaulo ng isang talata linggu-linggo. Bilang panimula, plano naming gawin ito sa loob ng 20 taon. Sinabi niya sa akin kamakailan: “Nang una mo akong yayain na magbulay at magsaulo ng talata linggu-linggo sa loob ng 20 taon, naisip ko kung kaya kong gawin ito nang isang buwan. Hindi na ako nagdududa ngayon. Nakakatuwa pala na magdikit ng talata mula sa banal na kasulatan sa refrigerator kada linggo at pagbulayan at isaulo ito sa tuwing makikita ko ito; ang sarap sa pakiramdam.”

Matapos magbulay-bulay at magsaulo nang anim na buwan, heto ang sabi ng isang sister mula sa Texas: “Napalakas ang aking patotoo, … at mas napalapit ako sa aking Ama sa Langit. … Gustung-gusto ko ang ginagawang pagbago sa akin ng salita ng Diyos para sa ikabubuti ko.”

Isinulat ng isang kaibigang tinedyer: “Talagang tuwang-tuwa ako na [magbulay at magsaulo] dahil natulungan ako nitong pagtuunan ang mga bagay na talagang mahalaga.”

Sinabi ng isa sa ating mga missionary: “Nagsimula akong magbulay-bulay at magsaulo ng isang talata kada linggo mula noong Hunyo 2014, at gustung-gusto ko ito. … Naging kaibigang masasandalan ko sa oras ng pangangailangan ang mga banal na kasulatang ito.”

Para sa akin, mas nararamdaman ko nang lubos ang Espiritu kapag nagbubulay at nagsasaulo ako tuwing linggo. Ang pagkahilig ko sa mga banal na kasulatan ay nag-ibayo rin bunga ng pagsisikap na “puspusin ng kabanalan ang [aking] mga iniisip nang walang humpay.11

Pag-isipan ang paanyayang ito at ang dakilang pangakong inihayag ni Nephi: “Kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”12 Sa “[p]agpapakabusog sa salita ni Cristo,” ang pagbubulay at pagsasaulo ay parang pagtikim sa masarap na pagkain at unti-unting pagnguya rito upang namnamin nang husto ang lasa at sarap nito.

Isang babae na kumakain ng salad

Ano ang Talata Ninyo?

Pagbubulayan at isasaulo ba ninyo ang isang talata ng banal na kasulatan kada linggo sa buwang ito? sa buong taong ito? O mas matagal pa? Inanyayahan namin ni Julie ang lahat ng magigiting na missionary namin sa Texas Dallas Mission na samahan kami sa pagbubulay at pagsasaulo sa loob ng 20 taon. Sabay-sabay kaming matatapos pagkalipas ng 17 taon. Pagkatapos ay magtatakda kami ng bagong mithiin na pagbutihin pa ang aming iniisip at mas mapalapit pa kay Cristo.

Maaari ninyo kaming kumustahin at tanungin ng, “Ano ang talata mo?” At kung gagawin ninyo ito, maghanda rin kayo ng ibabahaging talata bilang kapalit. Bawat isa sa atin ay mabibigyan ng inspirasyon sa pagpapalitan natin.

Nakikinita ba ninyo kung paano mababago ang buhay ninyo at ng inyong pamilya kung isasapuso at iisipin ninyo ang isa pang bagong talata ng banal na kasulatan sa susunod na ilang buwan o ilang taon o mahigit pa?

Si Jesucristo ang Ating Halimbawa

Tiyak na bata pa lang ay minahal na ni Jesucristo ang mga banal na kasulatan. Tiyak na bata pa lang binabasa at pinagbubulayan na Niya ang mga banal na kasulatan upang makipagtalakayang mabuti sa matatalinong guro sa templo sa edad na 12.13 Sinimulan Niya ang Kanyang misyon sa edad na 30,14 at kaagad at madalas Niyang binabanggit ang mga banal na kasulatan sa Kanyang buong ministeryo.15 Hindi ba’t walang alinlangang masasabi natin na gumugol si Jesus nang di bababa sa 20 taon sa pag-aaral at pagbubulay ng mga banal na kasulatan bilang bahagi ng Kanyang paghahanda sa misyon? Mayroon ba kayong dapat gawin ngayon upang espirituwal na maihanda ang inyong sarili upang sa mga darating na panahon ay maturuan at mapagpala ninyo ang inyong pamilya at ang iba?

Manampalataya at Gawin Ito

Uulitin ko, umaasa ako na ipapasiya ninyong mag-impok ng pera linggu-linggo. Manampalataya, disiplinahin ang sarili, at gawin ito. Taimtim ko ring idinadalangin na ipapasiya ninyong pagbulayan ang mga salita ng Diyos nang mas matagal at mas matindi linggu-linggo. Manampalataya, disiplinahin ang sarili, at gawin ito.

Hindi katulad ng aking unang paanyaya na mag-impok ng pera, lahat ng kapakinabangan ng aking pangalawang paanyaya na nakapagliligtas ng kaluluwa ay mapapasainyo magpakailanman—hindi masisira ng amag at kalawang ng mundong ito.16

Ibinigay ni Elder D. Todd Christofferson ang malinaw na payo at mga pangakong ito: “Maingat at masusing pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Pagnilayan at ipanalangin ang mga ito. Ang mga banal na kasulatan ay paghahayag, at magdudulot ang mga ito ng dagdag na paghahayag.”17

Katapusan

Ipinapangako ko na hindi ninyo pagsisisihan ang pagsasaisip at pagsasapuso ng isang talata ng banal na kasulatan bawat linggo. Makadarama kayo ng espirituwal at pang-walang hanggan na layunin, proteksyon, at lakas.

Alalahanin ang mga salita ni Jesucristo nang sabihin Niyang, “Gawin ang mga bagay na nakita ninyong ginawa ko.”18 Nawa ay lubos nating ipamuhay ang Kanyang mga salita, ang siyang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.