Elder Gary E. Stevenson
Korum ng Labindalawang Apostol
Habang pinagninilayan ang pagkatawag sa kanya sa Korum ng Labindalawang Apostol, naisip ni Elder Gary E. Stevenson na ang kanyang paglilingkod sa kaharian ng Panginoon at lalo na bilang Apostol ay mas tungkol sa pamumuno sa pamamagitan ng paglilingkod kaysa tungkol sa paglilingkod sa pamamagitan ng pamumuno.
“Itinuring ni Jesucristo ang Kanyang Sarili na isang tagapaglingkod,” sabi ni Elder Stevenson sa isang press conference matapos siyang sang-ayunan. “Itinuturing din namin ang aming sarili na mga tagapaglingkod” (tingnan sa Marcos 10:44).
Hindi inasahan ang pagkatawag kay Elder Stevenson sa Korum ng Labindalawang Apostol. Gayunman, nadarama niya na ang kanyang paglilingkod sa Simbahan—lalo na bilang General Authority Seventy mula 2008 hanggang 2012 at bilang Presiding Bishop simula noong Marso 2012—ay nakatulong na maihanda siya para sa mga bago niyang responsibilidad.
Isa sa pinakamahahalagang bagay na natutuhan niya sa paglilingkod sa Panginoon ay ang malaking kahalagahan ng mga anak ng Ama sa Langit. Inaasam ni Elder Stevenson ang pagkakaroon ng maraming pagkakataon bilang Apostol na makisalamuha at makapagpatotoo sa mga anak ng Diyos sa buong mundo.
Inaasam niya rin na patuloy na makasalamuha ang mga namumuno sa Simbahan ng Panginoon. “Ang isiping kasama ka sa kapulungan at matuto mula sa [kanila], maturuan [nila], at madama ang kanilang lakas at mga patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala,” sabi niya, “ay isang bagay na naniniwala ako na magiging magandang karanasan.”
Si Gary E. Stevenson ay isinilang noong Agosto 6, 1955, kina Evan N. at Vera Jean Stevenson. Ang kanyang angkan ay nagmula sa unang mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw sa Utah. Lumaki siya sa hilagang Cache Valley sa Utah sa isang pamilyang nakasentro sa ebanghelyo kung saan niya natutuhan ang kahalagahan ng kasipagan at paglilingkod. Madalas siyang yayain ng kanyang ama, “ang bishop ng aking kabataan,” sa pagbisita sa maraming balo sa kanilang ward. Hindi malilimutan ni Gary ang mga aral na natutuhan niya sa kanyang ama noong bata pa siya tungkol sa pagmamalasakit at paglilingkod na katulad ni Cristo na makakatulong sa kanya bilang Presiding Bishop.
“Ang mga bishop ng Simbahan,” sabi niya, “ay talagang mga bayani ko.”
Ang masigasig na paglilingkod ni Elder Stevenson sa Simbahan ay nagsimula nang tawagin siyang full-time missionary sa Japan Fukuoka Mission, kung saan siya nagkaroon ng walang-hanggang pagmamahal para sa mga Hapones at sa kanilang wika, na matatas pa rin niyang sinasalita. Pagkatapos ng kanyang mission nag-aral siya sa Utah State University, kung saan niya nakilala si Lesa Jean Higley. Ikinasal sila sa Idaho Falls Idaho Temple noong 1979 at may apat na anak na lalaki. Si Elder Stevenson ay nagtamo ng degree sa business administration, major in marketing. Kalaunan ay kasama siyang nagtayo at nagsilbing president at chief operating officer ng isa sa nangungunang mga manufacturer at marketer ng mga kagamitang pang-ehersisyo.
Nanirahan ang pamilya Stevenson sa Japan nang ilang taon. Noong 2004 tinawag si Elder Stevenson bilang pangulo ng Japan Nagoya Mission. Kasunod ng tawag sa kanya sa Pitumpu noong 2008, naglingkod siya bilang counselor at pangulo sa Asia North Area. Naglilingkod siya bilang Area President noong 2011 nang tumama ang malakas na lindol sa baybayin ng hilagang Japan, na lumikha ng malaking tsunami na kumitil sa buhay ng libu-libong tao. Ang karanasang iyan ay naging isang mahalagang sandali sa kanyang buhay.
Tumulong si Elder Stevenson na maisaayos ang pagtugon ng Simbahan, na naglaan ng pagkain, mga suplay, suporta, at pangmatagalang tulong.
“Iyan ay nagpapakita ng pagtupad ng Simbahan ni Jesucristo sa isa sa mga banal at itinalagang responsibilidad nito sa pagkalinga sa mga maralita at nangangailangan,” paggunita niya. Sinabi niya na isang sagradong pribilehiyo ang “maglingkod, at magpala, at mag-organisa ng pagtulong.”