Elder Ronald A. Rasband
Korum ng Labindalawang Apostol
Matapos matanggap ni Elder Ronald A. Rasband ang kanyang tawag sa Korum ng Labindalawang Apostol, binasa niya ang Juan 15:16: “Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal.”
Sabi ni Elder Rasband, “Nagkaroon ako ng espirituwal na paramdam na walang anuman sa [tawag] na ito ang … hinangad ko. Ito ay desisyon ng Panginoon.”
Sa edad na 19 may natutuhan nang aral si Elder Rasband na kahalintulad nito tungkol sa pagsunod sa mga desisyon ng Panginoon. Umasa siyang makapagmisyon sa Germany, tulad ng kanyang ama at kuya, ngunit sa halip ay tinawag siya sa Eastern States Mission (USA). Bumaling siya sa kanyang mga banal na kasulatan at nagbasa sa ika-100 bahagi ng Doktrina at mga Tipan:
“Samakatwid, sumunod sa akin, at makinig sa mga payo na ibibigay ko sa inyo.
“… Isang pintuan ang bubuksan sa mga lugar sa paligid dito sa silangang lupain. …
“Samakatwid, katotohanang sinasabi ko sa inyo, itaas ang inyong mga tinig sa mga taong ito” (mga talata 2, 3, 5).
Nagkaroon siya ng patotoo na nais ng Panginoon na maglingkod siya sa Eastern States Mission.
Si Elder Rasband, na isinilang noong Pebrero 6, 1951, ay nagmula sa abang kalagayan. “Isinilang ako sa isang ama na drayber ng trak [ng tinapay] at sa isang mapagmahal na ina [na nag-alaga sa amin sa bahay],” wika niya. Siya ay nagmula sa maraming henerasyon na pamilyang LDS, isang pamanang pinahahalagahan niya.
Noong 1973 pinakasalan ni Elder Rasband si Melanie Twitchell. Sila ay may 5 anak at 24 na apo. Pinasasalamatan ni Elder Rasband ang kanyang asawa na sa 42 taon nilang pagsasama ay tinulungan siyang marating ang kinalalagyan niya ngayon. “Tinulungan ako ng asawa ko at hinubog na parang putik ng magpapalayok at naging isang bagay na talagang mahalaga. … Ang kanyang espirituwal na lakas ay hindi lamang naging daan para matawag ako sa maganda at natatanging katungkulang ito kundi sa lahat ng espirituwal na bagay na ginawa ko.”
Noong 1987 si Elder Rasband ay naging pangulo at chief operating officer ng isang pandaigdigang korporasyon ng mga produktong kemikal. Natutuhan niya sa kanyang mga lider kung paano maging mas mahusay sa paglilingkod sa Simbahan. “Nalaman ko sa aking propesyon … na ang mga tao ay mas mahalaga kaysa iba pang bagay na magagawa natin.” Siya rin ay “natuto ng napakaraming kasanayan sa pamumuno … na nakatulong [sa kanya] sa paglilingkod bilang General Authority.”
Nagkaroon ng maraming pagkakataon si Elder Rasband para magamit ang mga kasanayang iyon. Naglingkod siya bilang bishop; mission president; General Authority Seventy mula noong Abril 2000; supervisor ng North America West, Northwest, at ng tatlong Utah Area; tagapayo sa Europe Central Area Presidency; Executive Director ng Temple Department; miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu mula noong 2005; at Senior President ng Pitumpu mula noong Abril 2009.
Natutuhan niyang mahalin ang mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako dahil sa mga tungkulin niya sa Simbahan. Sinabi niya sa mga miyembro, “Napag-ibayo ng inyong pananampalataya ang aming pananampalataya; naragdagan ng inyong patotoo ang aming patotoo.” (pahina 90).
Si Elder Rasband ay napakumbaba na maglingkod bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo. “Noon pa man ay hangad ko nang maglingkod sa Kanya,” sabi niya. “Ilalaan ko ang aking oras, mga talento, at lahat ng mayroon ako ngayon habang ako ay nabubuhay. Nangangako ako na gagawin ko ito. Karangalan kong gawin ito.”