2015
Bumaling sa Kanya at Darating ang mga Sagot
Nobyembre 2015


Bumaling sa Kanya at Darating ang mga Sagot

Maging masunurin, alalahanin ang mga pagkakataon na nadama ninyo ang Espiritu noong araw, at manalangin nang may pananampalataya. Darating ang sagot sa iyo.

Noong binatilyo pa ako, sumapi ang mga magulang ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Alam namin na matagal na silang tinuturuan ng mga missionary, pero mga magulang ko lang ang nagpaturo sa mga missionary.

Matapos ang nakakagulat na balitang ito, nakinig na rin kaming magkakapatid sa mga missionary, at masayang tinanggap ng bawat isa sa aking mga kapatid ang mensahe ng Panunumbalik. Bagaman naging interesado ako, hindi taos sa loob ko na baguhin ang buhay ko. Gayunman, tinanggap ko ang hamon na ipagdasal kung ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, ngunit wala akong natanggap na sagot.

Maitatanong ninyo kung bakit hindi sinagot ng Ama sa Langit ang panalanging iyon; talagang nagtaka ako. Nalaman ko mula noon na ang pangakong ginawa ni Moroni ay tumpak. Sinasagot nga ng Diyos ang ating mga dalangin tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo, ngunit sinasagot Niya ang mga ito kapag tayo ay may “matapat na puso” at “tunay na layunin.”1 Hindi Siya sumasagot para tumugon lamang sa ating pag-uusisa.

Marahil may gusto kayong itanong tungkol sa buhay ninyo. Marahil may problemang hindi ninyo alam kung paano sagutin. Ngayon gusto kong magbahagi ng ilang ideya na maaaring makatulong sa inyo na matamo ang mga sagot o tulong na hinahanap ninyo. Nagsisimula ito sa pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang Pagtanggap ng Paghahayag ay Nakasalalay sa Kalooban at Layunin ng Ating mga Puso

Naisip ko ang mga kuwento ng ilang tao sa mga banal na kasulatan. Halimbawa na lang, sina Laman at Lemuel. Tulad ni Nephi, sila ay “isinilang sa butihing mga magulang” at naturuan “ng lahat halos ng karunungan ng [kanilang] ama.”2 Subalit bumulung-bulong sila dahil mapangitain ang kanilang ama. Sa kanilang pananaw, walang katuturan ang mga desisyon nito, dahil hindi nila alam ang mga bagay ng Diyos, kaya ayaw nilang maniwala.3

Mahalagang isipin na ang kanilang mga pagpili ay nagtulot sa kanila na magkaroon ng mga karanasang magpapatibay ng pananampalataya. Nilisan nila ang kanilang tahanan at kayamanan. Nagdusa sila sa paggala-gala sa ilang. Kalaunan ay tumulong silang buuin ang barko, at pumayag na maglakbay patungo sa isang di-kilalang lupain.

Dinanas din ni Nephi ang mga ito. Ngunit pinalakas ba nito ang kanilang pananampalataya? Napalakas ang pananampalataya ni Nephi, ngunit lalong naghinala at nagalit sina Laman at Lemuel. Nakita at narinig pa ng magkapatid na ito ang isang anghel, ngunit sa huli, patuloy silang nag-alinlangan.4

Hindi madaling mabuhay sa mundo para sa sinuman sa atin. Inilagay tayo sa lupa upang subukin at patunayan. Ang tugon natin sa mga karanasan sa buhay ay kadalasang lubhang nakakaapekto sa ating patotoo. Isipin ang ilan sa mga reaksyon nina Laman at Lemuel: Bumulung-bulong sila nang pagawin sila ng kanilang ama ng mahihirap na bagay.5 Tinangka nilang kunin ang mga laminang tanso, ngunit nang hindi sila magtagumpay, sumuko sila. Ang saloobin nila ay “Sinubukan na namin; ano pa ang magagawa namin?”6

May pagkakataon pa na nalungkot sila sa paggawa ng mali at humingi ng tawad.7 Nanalangin sila at pinatawad. Ngunit nakatala sa mga banal na kasulatan na kalaunan ay nagreklamo na naman sila at tumangging manalangin. Lumapit sila kay Nephi at nagsabing hindi nila “maunawaan ang mga salita ng [kanilang] ama.”8 Tinanong sila ni Nephi kung “nagtanong ba [sila] sa Panginoon.”9 Pansinin ang kanilang tugon: “Hindi; sapagkat walang ipinaaalam na gayong bagay ang Panginoon sa amin.”10

Ang Patuloy na Pagsunod ay Tinutulutan Tayong Makatanggap ng mga Sagot

Ang sagot ni Nephi sa kanyang mga kapatid ay mahalaga para patuloy tayong makatanggap ng mga sagot sa dalangin:

“Ano’t hindi ninyo sinusunod ang mga kautusan ng Panginoon? [Paano kung] kayo ay [masawi], dahil sa katigasan ng inyong mga puso?

“Hindi ba ninyo natatandaan ang mga bagay na sinabi ng Panginoon?—Kung hindi ninyo patitigasin ang inyong mga puso, at magtatanong sa akin nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, nang may pagsusumigasig sa pagsunod sa aking mga kautusan, tiyak na ipaaalam sa inyo ang mga bagay na ito.”11

May kilala akong ilang returned missionary na nagkaroon ng di-maikakailang mga espirituwal na karanasan, ngunit ang kawalan ng ilang espirituwal na gawi ay tila naging dahilan para malimutan nila ang mga pagkakataon na nagsalita ang Diyos sa kanila. Sa mga returned missionary na iyon at sa ating lahat, kung “inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?”12 Kung hindi ninyo ito nadarama ngayon, madarama ninyo itong muli, ngunit isipin ang payo ni Nephi. Maging masunurin, alalahanin ang mga pagkakataon na nadama ninyo ang Espiritu noong araw, at manalangin nang may pananampalataya. Darating ang sagot sa inyo, at madarama ninyo ang pagmamahal at kapayapaan ng Tagapagligtas. Maaaring hindi ito dumating nang kasimbilis o sa paraang gusto ninyo, ngunit darating ang sagot. Huwag sumuko! Huwag sumuko kailanman!

Ihambing natin sina Laman at Lemuel sa mga anak ni Mosias. Ang dalawang grupong ito ng kalalakihan ay lumaki sa mabubuting pamilya, subalit kapwa naligaw ng landas. Kapwa sila pinagsisi ng isang anghel, ngunit ano ang kaibhan ng karanasan ng mga anak ni Mosias?

Palalakasin ng mga Pagsubok ang Ating Pananampalataya

Hindi malilimutan ang kanilang tagumpay sa misyon. Libu-libo ang nagbalik-loob sa mga landasin ng Panginoon. Gayunman, madalas nating malimutan na nang simulan nila ang kanilang misyon, ang kanilang “mga puso ay [n]anghina, at [sila] sana ay magbabalik na, [ngunit] inaliw [sila] ng Panginoon.” Pinayuhan sila ng Panginoon na “batahin nang buong pagtitiyaga ang [kanilang] mga paghihirap.”13

Ang Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ay Ipinaaalam sa Atin ang Kalooban ng Diyos

Bakit ang mga pagsubok ng mga anak ni Mosias ay nagpalakas ng kanilang pananampalataya at katapatan sa halip na maging dahilan para sila ay bumubulung-bulong o mag-alinlangan? Ang susi ay dahil “sila ay naging malakas sa kaalaman ng katotohanan; sapagkat sila’y mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.”14 Lahat tayo ay daranas ng mga pagsubok at magkakaroon ng mga tanong, ngunit alalahanin na tayo ay kailangang “patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal.”15 “Ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa [atin] ng lahat ng bagay na dapat [nating] gawin.”16 Kailangan nating gawing bahagi ng ating buhay ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, dahil magbibigay-daan ito sa paghahayag.

Panalangin, na Nilakipan ng Pag-aayuno, ay Nagbibigay-daan sa Paghahayag

Para sa mga anak ni Mosias, “hindi lamang ito; itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag.”17 Ihahanda tayo ng pagdarasal at pag-aayuno na tumanggap ng mga espirituwal na pahiwatig. Ang pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit habang sadyang umiiwas na kumain at uminom ay nagtutulot sa atin na “kalagin ang mga [gapos] ng kasamaan [at] pagaanin ang mga pasan.”18 Ang panalangin, na nilakipan ng pag-aayuno, ay maglalaan para kapag “tatawag [tayo], … ang Panginoon ay sasagot; … [at kapag tayo] ay dadaing, … siya’y magsasabi, Narito ako.”19

Bumaling sa Kanya

Ang mga personal na gawing relihiyoso—pagsunod, pag-aaral ng banal na kasulatan, panalangin, at pag-aayuno—ay nagpalakas sa mga anak ni Mosias. Ang kawalan ng personal na gawing relihiyoso ay isang malaking dahilan kaya hindi nalabanan nina Laman at Lemuel ang tukso na bumubulung-bulong at mag-alinlangan.

Kung natukso na kayong bumulung-bulong, kung nagkaroon na kayo ng mga pag-aalinlangang humahantong sa kawalang-paniniwala, kung ang mga pagsubok ay tila higit pa sa makakayanan ninyo, bumaling sa Kanya. Kung kayo ang tumalikod o nangatwiran sa inyong pag-uugali, bumaling sa Kanya. Naaalala ba ninyo kung kailan Siya “nangusap ng kapayapaan sa i[n]yong isipan … ? Ano pang mas higit na katibayan ang i[n]yong matatamo kundi ang mula sa Diyos?”20 Itanong sa sarili, “Mas malapit na ba akong maging katulad ni Cristo ngayon na katulad noon?” Pakiusap, bumaling sa Kanya.

Babalik ako sa aking personal na kasaysayan. Kalaunan ay nagsimula akong maging tapat. Naaalala ko nang tanungin ng missionary na nagtuturo sa akin kung handa na akong magpabinyag. Sumagot ako na may ilang tanong pa ako. Sinabi sa akin ng matalinong missionary na ito na masasagot niya iyon pero kailangan ko muna siyang sagutin. Tinanong niya ako kung totoo ang Aklat ni Mormon at kung propeta si Joseph Smith. Sinabi ko sa kanya na hindi ko alam, pero gusto kong malaman.

Ang mga tanong ko ay humantong sa ibayong pananampalataya. Para sa akin, dumating ang sagot hindi bilang isang kaganapan kundi bilang isang proseso. Napansin ko na noong talagang “[subukin ko ang] … mga salita” at simulan kong “[gumamit] ng kahit bahagyang pananampalataya,” ang Aklat ni Mormon ay naging “masarap para sa akin” at “[naliwanagan] ang aking pang-unawa” at talagang “[pinalaki] ang aking kaluluwa.” Kalaunan naranasan ko ang inilarawan ng mga banal na kasulatan na isang paglaki sa loob ng inyong mga dibdib.21 Sa puntong ito ay ninais ko nang magpabinyag at ilaan ang aking buhay kay Jesucristo.

Talagang alam ko na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. Alam ko na si Joseph Smith ay isang propeta. Ah, may mga bagay pa akong hindi nauunawaan, ngunit ang aking patotoo sa katotohanan ay mas inilalapit ako sa Tagapagligtas at pinalalakas ang aking pananampalataya.

Mga kapatid, tandaan si Nephi at ang mga anak ni Mosias, na nagkaroon ng mga espirituwal na karanasan at saka kumilos nang may pananampalataya kaya dumating ang mga sagot at tumindi ang kanilang katapatan. Ihambing ito kina Laman at Lemuel, na nag-alinlangan at bumulung-bulong. Kahit kung minsan ay kumilos sila sa mga makabuluhang paraan, ang gawain kung walang pananampalataya ay patay. Kailangan tayong manampalataya na nilakipan ng paggawa para makatanggap ng mga sagot.

Yamang nakinig kayo ngayong umaga nawa’y naikintal ng Espiritu sa inyong puso’t isipan ang isang bagay na maaari ninyong gawin para masagot ang inyong mga tanong o matagpuan ang isang inspiradong solusyon sa problemang kinakaharap ninyo. Taimtim kong pinatototohanan na si Jesus ang Cristo. Bumaling sa Kanya at masasagot ang inyong mga dalangin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.