2015
Pagpapasakop ng Ating Puso sa Diyos
Nobyembre 2015


Pagpapasakop ng Ating Puso sa Diyos

Kapag nagpasakop tayo sa Espiritu, malalaman natin ang paraan ng Diyos at madarama ang Kanyang kalooban.

Binanggit ni Elder Dallin H. Oaks, sa pangkalahatang kumperensya noong Abril, ang pangangailangan “na baguhin ang ating sariling buhay.”1 Para sa akin ang personal na pagbabago ay nagsisimula sa pagbabago ng puso—anuman ang inyong karanasan sa buhay o saan man kayo isinilang.

Ako ay nagmula sa Katimugan ng Estados Unidos, at noong kabataan ko ang mga titik ng sinaunang mga himnong Protestante ang nagturo sa akin ng tunay na puso ng disipulo—isang pusong nagbago. Pag-isipan ang mga titik na ito, na napakahalaga sa akin:

Ikaw po ang bahala, Panginoon!

Ikaw po ang bahala!

Ikaw ang Magpapalayok.

Ako ang putik.

Hulmahin at gawin ako.

Ayon sa Iyong kalooban,

Habang ako ay naghihintay,

Nagpasakop at payapa.2

Paano tayo, na makabago, abala, mahilig makipagtagisang mga tao, nagpapasakop sa Kanyang kalooban? Paano natin gagawing paraan natin ang paraan ng Panginoon? Naniniwala ako na nagsisimula tayo sa pag-aaral tungkol sa Kanya at pagdarasal para makaunawa. Habang lumalago ang tiwala natin sa Kanya, binubuksan natin ang ating puso, hinahangad nating gawin ang Kanyang kalooban, at hinihintay natin ang mga sagot na tutulong sa atin na makaunawa.

Nagsimulang magbago ang puso ko nang magsimula ako, sa edad na 12 taon, na hanapin ang Diyos. Bukod sa pagbigkas sa Panalangin ng Panginoon,3 hindi ko talaga alam kung paano magdasal. Naaalala kong lumuhod ako, umasang madama ang Kanyang pagmamahal, at nagtanong, “Nasaan po Kayo, Ama sa Langit? Alam kong nariyan lang po Kayo, pero saan po?” Iyon ang tanong ko noong tinedyer ako. Nasilayan ko ang katunayan ni Jesucristo, ngunit hinayaan ako ng Ama sa Langit, sa Kanyang karunungan, na maghanap at maghintay nang 10 taon.

Noong 1970, nang ituro sa akin ng mga missionary ang plano ng kaligtasan ng Ama at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, natapos ang aking paghihintay. Tinanggap ko ang mga katotohanang ito at nabinyagan ako.

Batay sa kaalamang ito tungkol sa awa at kapangyarihan ng Panginoon, pinili ko, ng asawa ko, at ng mga anak ko, ang sawikaing ito ng pamilya: “Magiging maayos ang lahat.” Gayunman, paano natin masasambit ang mga salitang iyon sa bawat isa kapag dumating ang mabibigat na problema at hindi dumating kaagad ang sagot?

Nang maospital ang kalugud-lugod at karapat-dapat na 21-taong-gulang na anak naming si Georgia dahil sa malubhang kalagayan matapos maaksidente sa bisikleta, sinabi ng aming pamilya, “Magiging maayos ang lahat.” Nang agad akong lumipad mula sa aming mission sa Brazil papunta sa Indianapolis, Indiana, upang makasama siya, pinanghawakan ko ang sawikain ng aming pamilya. Gayunman, pumanaw ang maganda naming anak ilang oras lang bago lumapag ang eroplanong sinasakyan ko. Sa kalungkutan at pagkabiglang bumalot sa aming pamilya, paano namin titingnan ang isa’t isa at sasabihin pa na, “Magiging maayos ang lahat”?

Kasunod ng pagpanaw ni Georgia, naroon pa rin ang sakit, nahirapan kami, at hanggang sa ngayon may mga sandali ng matinding kalungkutan, ngunit nauunawaan namin na wala naman talagang namamatay. Sa kabila ng aming pagdadalamhati nang tumigil sa pagkilos ang pisikal na katawan ni Georgia, nanalig kami na nagpatuloy ang kanyang buhay bilang espiritu, at naniniwala kami na makakapiling namin siya nang walang hanggan kung susundin namin ang aming mga tipan sa templo. Dahil sa pananalig sa ating Manunubos at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, pananalig sa kapangyarihan ng Kanyang priesthood, at pananalig sa mga walang-hanggang pagbubuklod, nasambit namin ang aming sawikain nang buong tatag.

Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Kung gagawin ninyo ang lahat ng makakaya ninyo, magiging maayos ang lahat. Magtiwala sa Diyos. … Hindi tayo pababayaan ng Panginoon.”4

Hindi sinabi sa sawikain ng aming pamilya na, “Magiging maayos ang lahat ngayon.” Tungkol ito sa pag-asa namin sa magiging resulta sa kawalang-hanggan—hindi sa mga resulta ngayon. Sinasabi sa banal na kasulatan na, “Masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti.”5 Hindi nito ibig sabihin na lahat ng bagay ay mabuti, kundi para sa mababa ang loob at matapat, ang mga bagay—kapwa positibo at negatibo—ay magkakalakip na gagawa para sa ikabubuti, at sa takdang oras ng Panginoon. Hinihintay natin Siya, kung minsan katulad ni Job sa kanyang pagdurusa, batid na ang Diyos ang “sumusugat, at nagtatapal: Siya’y sumusugat, at pinagagaling ng kaniyang mga kamay.”6 Ang mapagpakumbabang puso ay tinatanggap ang pagsubok at ang paghihintay sa panahon ng paggaling at kabuuang darating.

Kapag nagpasakop tayo sa Espiritu, malalaman natin ang paraan ng Diyos at madarama ang Kanyang kalooban. Sa oras ng sakramento, na tinatawag kong sentro ng Sabbath, nalaman ko na matapos manalangin para sa kapatawaran ng mga kasalanan, mainam itanong sa Ama sa Langit na, “Ama, may magagawa pa po ba ako?” Kapag tayo ay maamo, ang ating isipan ay matutuon sa iba pang kailangan nating baguhin—sa bagay na naglilimita sa kakayahan nating tumanggap ng espirituwal na patnubay o ng paggaling at tulong.

Halimbawa, marahil ay may nakatago pa rin akong galit sa isang tao. Kapag itinatanong ko kung may dapat pang ipagtapat, ang “lihim” na iyon ay malinaw kong naaalala. Sa kabuuan, bumulong ang Espiritu Santo na, “Tapat kang nagtanong kung may magagawa pa, at narito. Nababawasan ng iyong hinanakit ang iyong pag-unlad at sinisira ang kakayahan mong magkaroon ng magandang pag-uugnayan. Kalimutan mo na ito.” Ah, mahirap itong gawin—maaari nating madama na parang makatwiran ang ating galit—pero ang pagpapasakop sa paraan ng Panginoon ang tanging daan tungo sa kaligayahan.

Sa unti-unting paglipas ng panahon, natatanggap natin ang Kanyang mapagmahal na lakas at patnubay—marahil para akayin tayo sa madalas na pagpunta sa templo o pag-aralan pa nating lalo ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas o kausapin ang isang kaibigan, bishop, professional counselor, o kahit doktor. Ang paggaling ng ating puso ay nagsisimula kapag nagpasakop at sumamba tayo sa Diyos.

Ang tunay na pagsamba ay nagsisimula kapag matuwid ang ating puso sa harap ng Ama at ng Anak. Ano ang kalagayan ng ating puso ngayon? Nakakatuwa na para gumaling at magkaroon ng tapat na puso, kailangan muna nating gawin itong bagbag sa harapan ng Panginoon. “Mag-aalay kayo bilang pinaka-hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu,”7 sabi ng Panginoon. Ang resulta ng paghahain ng ating puso, o kalooban, sa Panginoon ay na tinatanggap natin ang espirituwal na patnubay na kailangan natin.

Sa lumalagong pag-unawa sa biyaya at awa ng Panginoon, makikita natin na kusang nagiging bagbag ang ating puso at nababagbag sa pasasalamat. Pagkatapos ay lumalapit tayo sa Kanya, naghahangad na makipamatok sa Bugtong na Anak ng Diyos. Sa ating paghahanap taglay ang bagbag na puso at pakikipamatok, nagkakaroon tayo ng bagong pag-asa at sariwang patnubay ng Espiritu Santo.

Nahirapan akong pawiin ang mortal na hangaring gawin ang mga bagay sa aking paraan, na natatanto kalaunan na ang aking paraan ay kulang, limitado, at mas mababa sa paraan ni Jesucristo. “Siya ang daan na naghahatid ng kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”8 Maaari ba nating mahalin si Jesucristo at ang Kanyang paraan nang higit sa pagmamahal natin sa ating sarili at sa sarili nating adyenda?

Maaaring isipin ng ilan na sila ay nabigo rin nang maraming beses at napakahina para baguhin ang mga makasalanang gawa o mga makamundong hangarin ng puso. Gayunman, bilang pinagtipanang Israel, hindi lang natin paulit-ulit na sinusubukang magbago. Kung masigasig tayong makikiusap sa Diyos, tatanggapin Niya tayo kung sino tayo—at ginagawa tayong higit kaysa iniisip natin. Isinulat ng bantog na theologian na si Robert L. Millet ang tungkol sa “mainam na pananabik na magpakabuti,” na binalanse ng espirituwal na “katiyakan na nasa at sa pamamagitan ni Jesucristo magagawa natin ito.”9 Sa ganitong pagkaunawa, talagang masasabi natin sa Ama sa Langit:

Tiwala’y lubos sa Panginoon

Na iniibig ako,

Tapat ang puso na magsisikap:

Susundin ko ang utos N’yo.10

Kapag inialay natin ang ating bagbag na puso kay Jesucristo, tatanggapin Niya ang ating alay. Muli Niya tayong tinatanggap. Anuman ang mga nawala, naging sugat, at pagtangging dinanas natin, ang Kanyang biyaya at pagpapagaling ay higit na makapangyarihan sa lahat. Habang tunay na nakapamatok sa Tagapagligtas, masasambit natin nang may tiwala na, “Magiging maayos ang lahat.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Dallin H. Oaks, “Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Liahona, Mayo 2015, 32.

  2. “Have Thine Own Way, Lord,” The Cokesbury Worship Hymnal, blg. 72.

  3. Tingnan sa Mateo 6:9–13.

  4. Gordon B. Hinckley, Jordan Utah South regional conference, priesthood session, Mar. 1, 1997; tingnan din sa “Excerpts from Addresses of President Gordon B. Hinckley,” Ensign, Okt. 2000, 73.

  5. Doktrina at mga Tipan 90:24.

  6. Job 5:18.

  7. 3 Nephi 9:20.

  8. “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,“ Liahona, Abr. 2000, 3; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  9. Robert L. Millet, After All We Can Do: Grace Works (2003), 133.

  10. “Tutungo Ako Saanman,” Mga Himno, blg. 171.