2015
Sa Paningin ng Diyos
Nobyembre 2015


Sa Paningin ng Diyos

Natanto ko ngayon na para mabisang maglingkod sa iba, kailangan natin silang tingnan ayon sa paningin ng isang magulang, ayon sa paningin ng Ama sa Langit.

Mahal kong mga kapatid, salamat sa pagsang-ayon ninyo sa akin kahapon bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Mahirap ilarawan kung gaano kahalaga iyan sa akin. Nagpapasalamat ako lalo na sa pagsang-ayon ng dalawang pambihirang babae sa buhay ko: ang asawa kong si Ruth, at ang pinakamamahal naming anak na si Ashley.

Ang pagtawag sa akin ay sapat na katibayan sa katotohanan ng pahayag ng Panginoon sa dispensasyong ito: “Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng mundo.”1 Isa ako sa mga taong iyon na mahihina at simple. Nang tawagin akong maging bishop ng ward sa silangang Estados Unidos, ang kuya ko, na mas matanda at mas matalino sa akin, ay tinawagan ako sa telepono. Sabi niya, “Kailangan mong malaman na tinawag ka ng Panginoon hindi dahil sa anumang nagawa mo. Sa sitwasyon mo, malamang na dahil iyan sa kabila ng mga nagawa mo. Tinawag ka ng Panginoon dahil sa kailangan Niyang gawin sa pamamagitan mo, at mangyayari lang iyan kung gagawin mo ito sa Kanyang paraan.” Alam ko na ngayon na ang karunungang ito mula sa isang kuya ay mas angkop lalo ngayon.

May magandang nangyayari sa paglilingkod ng isang missionary kapag natanto niya na ang tungkulin ay hindi para sa kanya; sa halip, ito ay para sa Panginoon, sa Kanyang gawain, at sa mga anak ng Ama sa Langit. Pakiramdam ko totoo rin ito sa isang Apostol. Ang pagtawag na ito ay hindi para sa akin. Ito ay para sa Panginoon, sa Kanyang gawain, at sa mga anak ng Ama sa Langit. Anuman ang tungkulin o katungkulan sa Simbahan, na maglingkod nang buong kakayahan, kailangang maglingkod ang isang tao na batid na lahat ng pinaglilingkuran natin “ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang sa langit, at bilang gayon … ay may banal na katangian at tadhana.”2

Sa huli kong propesyon, isa akong cardiologist na dalubhasa sa sakit sa puso at heart transplant, at marami akong pasyenteng malubha ang sakit. Pabirong sinabi ng asawa ko na masamang senyales ang maging isa sa mga pasyente ko. Walang biro, nakita kong mamatay ang maraming tao, at nagawa kong ilayo ang aking damdamin kapag hindi maganda ang lagay ng pasyente. Sa gayong paraan, pigil ang lungkot at kabiguang nadarama ko.

Noong 1986 isang binatang nagngangalang Chad ang inatake sa puso at nangailangan ng heart transplant. Naging maayos naman siya sa loob ng isa at kalahating dekada. Ginawa ni Chad ang lahat ng makakaya niya para manatiling malusog at mamuhay nang normal hangga’t maaari. Siya ay nagmisyon, nagtrabaho, at naging matapat na anak sa kanyang mga magulang. Ang huling ilang taon ng kanyang buhay, gayunman, ay mahirap, at madalas ay labas-pasok siya sa ospital.

Isang gabi, dinala siya sa emergency room ng ospital dahil sa matinding atake sa puso. Matagal naming pinagtulung-tulungan ng mga katrabaho ko na ibalik ang sirkulasyon ng kanyang dugo. Sa huli, naging malinaw na hindi na maibabalik ang buhay ni Chad. Tumigil kami sa aming walang-saysay na pagsisikap, at ipinahayag kong patay na siya. Bagama’t malungkot at bigo ang pakiramdam, nanatili akong propesyonal. Naisip ko sa aking sarili, “Naalagaang mabuti si Chad. Naging mas mahaba ang buhay niya kaysa inaasahan.” Naputol ang pagpipigil na iyon ng damdamin nang pumasok ang kanyang mga magulang sa emergency room bay at makita ang kanilang pumanaw na anak na nakahiga sa stretcher. Sa unang pagkakataon, nakita ko si Chad ayon sa paningin ng kanyang ama’t ina. Nakita ko ang malaking pag-asa at inaasahan nila para sa kanya, ang hangarin nilang humaba pa nang kaunti ang kanyang buhay at bumuti ang kalagayan niya. Sa pagkatantong ito, nagsimula akong umiyak. Sa pagkakapalit ng papel na ginagampanan at sa pagpapakita ng kabaitang hinding-hindi ko malilimutan, inalo ako ng mga magulang ni Chad.

Alam ko na ngayon na sa Simbahan, para mabisang mapaglingkuran ang iba kailangan natin silang tingnan ayon sa paningin ng isang magulang, ayon sa paningin ng Ama sa Langit. Noon lamang natin mauunawaan ang tunay na kahalagahan ng isang kaluluwa. Noon lamang natin madarama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa lahat ng Kanyang anak. Noon lamang natin madarama ang pagmamalasakit ng Tagapagligtas para sa kanila. Hindi natin lubos na magagampanan ang ating obligasyon sa tipan na makidalamhati sa mga taong nagdadalamhati at aliwin ang mga nangangailangan ng aliw maliban kung titingnan natin sila ayon sa paningin ng Diyos.3 Ang pinalawak na pananaw na ito ay ipaparamdam sa ating puso ang mga kabiguan, pangamba, at dalamhati ng iba. Ngunit tutulungan at aaluin tayo ng Ama sa Langit, tulad ng pag-alo sa akin ng mga magulang ni Chad ilang taon na ang nakalipas. Kailangan nating magkaroon ng mga matang nakakakita, mga taingang nakakarinig, at mga pusong nakakaalam at nakadarama kung nais nating isakatuparan ang pagsagip na madalas hikayatin ni Pangulong Thomas S. Monson.4

Mapupuspos lang tayo ng “dalisay na pag-ibig ni Cristo” kapag tumingin tayo ayon sa paningin ng Ama sa Langit.5 Araw-araw dapat tayong sumamo sa Diyos na mapuspos tayo ng pag-ibig na ito sa kapwa-tao. Sabi ni Mormon, “Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo.”6

Buong puso kong nais na maging tunay na alagad ni Jesucristo.7 Mahal ko Siya. Sinasamba ko Siya. Pinatototohanan ko na Siya ay tunay na buhay. Pinatototohanan ko na Siya ang Hinirang, ang Mesiyas. Saksi ako sa Kanyang walang-kapantay na awa, habag, at pagmamahal. Idinaragdag ko ang aking patotoo sa patotoo ng mga Apostol na nagsabi, noong taong 2000, na “Si Jesus ang Buhay na Cristo, ang walang kamatayang Anak ng Diyos. … Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo.”8

Pinatototohanan ko na isang araw noong 1820 sa isang kakayuhan sa upstate New York, nagpakita ang nagbangong Panginoon, kasama ang ating Diyos Ama sa Langit, kay Propetang Joseph Smith, tulad ng sinabi ni Joseph Smith na ginawa Nila. Ang mga susi ng priesthood ay nasa mundo ngayon para maisagawa ang nakapagliligtas at nagpapadakilang mga ordenansa. Alam ko ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 1:23.

  2. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,“ Liahona, Nob. 2010, 129; binasa ni Pangulong Gordon B. Hinckley bilang bahagi ng kanyang mensahe sa pangkalahatang pulong ng Relief Society na idinaos noong Setyembre 23, 1995, sa Salt Lake City, Utah.

  3. Tingnan sa Mosias 18:8–10.

  4. Tingnan, halimbawa, sa Thomas S. Monson, “Sa Pagsaklolo,” Liahona, Hulyo 2001, 57–60; “Ang Pananagutan Nating Sumagip,” Liahona, Okt. 2013, 4–5. Inulit ni Pangulong Monson ang mga konseptong ito sa kanyang mensahe sa mga General Authority noong Setyembre 30, 2015, na ipinapaalala sa mga nakatipon na muli niyang binibigyang-diin ang mensaheng ibinigay niya sa mga General Authority at Area Seventy sa mga pulong sa pagsasanay sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2009.

  5. Moroni 7:47.

  6. Moroni 7:48.

  7. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:27–28.

    “At ang Labindalawa ang aking magiging mga disipulo, at kanilang tataglayin sa kanilang sarili ang aking pangalan; at ang Labindalawa ay silang magnanais na taglayin sa kanilang sarili ang aking pangalan nang may buong layunin ng puso.

    “At kung nanaisin nilang taglayin sa kanilang sarili ang aking pangalan nang may buong layunin ng puso, sila ay tinatawag na humayo sa buong daigdig upang ipangaral ang aking ebanghelyo sa bawat nilikha.”

  8. “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Liahona, Abr. 2000, 3. Sa pagbanggit nito rito, masimbolo kong idinaragdag ang aking lagda sa dokumento, na sumasaksi sa patotoong ito na ibinigay ng mga Apostol na iyon.