Ang mga Utos sa Tuwina’y Sundin
Siya na lumikha at nagmamahal sa atin ang tunay na nakakaalam kung paano tayo dapat mamuhay upang matamo natin ang pinakadakilang kaligayahan.
Mahal kong mga kapatid, napakasaya ko na makasama kayong muli. Napukaw tayo ngayong gabi ng mga salitang narinig natin. Dalangin ko na mapatnubayan din ako sa sasabihin ko.
Ang mensahe ko sa inyo ngayong gabi ay tuwiran. Ito iyon: sundin ang mga kautusan.
Ang mga kautusan ng Diyos ay hindi ibinibigay upang biguin tayo o maging mga hadlang sa ating kasiyahan. Kabaligtaran pa nga nito ang katotohanan. Siya na lumikha at nagmamahal sa atin ang tunay na nakakaalam kung paano tayo dapat mamuhay upang matamo natin ang pinakadakilang kaligayahan. Naglaan Siya ng mga patnubay na, kung susundin natin, ay gagabayan tayo nang ligtas sa kadalasan ay mapanganib na paglalakbay sa buhay na ito. Nagugunita natin ang mga salita ng pamilyar na himno: “Ang mga utos sa t’wina’y sundin! Dito ay ligtas tayo at payapa.”1
Ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit ay sapat upang sabihin Niyang: Huwag kayong magsisinungaling; huwag kang magnanakaw; huwag kang mangangalunya; ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili; at iba pa.2 Alam natin ang mga kautusan. Nauunawaan Niya na kapag sinusunod natin ang mga kautusan, ang buhay natin ay magiging mas masaya, mas ganap, at hindi gaanong kumplikado. Ang mga hamon at problema natin ay mas madaling kayanin, at matatanggap natin ang mga ipinangako Niyang pagpapala. Ngunit sa pagbibigay Niya sa atin ng mga batas at kautusan, pinapayagan Niya rin tayong pumili kung tatanggapin o tatanggihan natin ang mga ito. Ang mga desisyon natin tungkol dito ang magpapasiya ng ating tadhana.
Nananalig akong hinahangad ng bawat isa sa atin ang buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo Kung gayon, mahalaga para sa atin ang gumawa ng mga pagpili na maghahatid sa atin sa mga hangaring ito. Gayunman, alam natin na ang kaaway ay nakatuon sa ating kabiguan. Siya at ang kanyang mga hukbo ay hindi tumitigil sa kanilang pagsisikap na hadlangan ang ating mabubuting hangarin. Kumakatawan sila sa malubha at patuloy na banta sa ating walang hanggang kaligtasan maliban na lang kung tayo rin ay walang humpay sa ating determinasyon at pagsisikap na kamtin ang mithiin natin. Binantaan tayo ni Apostol Pedro na, “Kayo’y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya.”3
Bagaman walang panahon sa buhay natin na ligtas tayo mula sa tukso, kayong mga kabataang lalaki ay nasa edad na mas maaari kayong matukso. Ang panahon ng kabataan ay kadalasang mga taon ng pag-aagam-agam, ng pakiramdam na tila hindi sapat ang inyong kakayahan, ng pagsisikap na makibagay sa inyong mga kaibigan, at pagsisikap na tanggapin ng iba. Maaaring tuksuhin kayo na ibaba ang inyong pamantayan at sumunod sa nakararami upang tanggapin ng mga ninanais ninyong maging mga kaibigan. Pakiusap ko’y maging matatag, at maging alisto kayo sa anumang bagay na aagaw sa inyong mga walang-hanggang pagpapala. Ang mga pagpiling ginagawa ninyo dito at ngayon ay mahalaga magpakailanman.
Mababasa natin sa I Corinto: “Mayroon ngang iba’t ibang mga tinig sa sanglibutan.”4 Napapalibutan tayo ng nanghihikayat na mga tinig, ng mapanlinlang na mga tinig, ng makamundong mga tinig, at nanlilitong mga tinig. Maaari ko ring idagdag na ang mga ito ay malalakas na tinig. Pinapayuhan ko kayo na hinaan ang tunog ng mga ito at sa halip ay maimpluwensyahan ng marahan at banayad na tinig na gagabay sa inyo tungo sa kaligtasan. Alalahanin na isang may awtoridad ang nagpatong ng kanyang mga kamay sa inyong ulunan nang mabinyagan kayo, at pinagtibay kayong miyembro ng Simbahan at sinabing, “Tanggapin ang Espiritu Santo.”5 Buksan ang inyong puso, maging ang inyong kaluluwa mismo, sa espesyal na tinig na sumasaksi sa katotohanan. Tulad ng ipinangako ni propetang Isaias, “Ang iyong mga pakinig ay makakarinig ng salita … , na nagsasabi, Ito ang daan, lakaran ninyo.”6 Nawa’y lagi tayong makinig, upang maaari nating mapakinggan ang nakakapanatag na pumapatnubay na tinig na magpapanatili sa ating ligtas.
Ang pagwawalang-bahala sa mga kautusan ang nakapagbukas ng daan para sa itinuturing kong mga salot ng ating panahon. Kasama dito ang salot ng sobrang kaluwagan, ang salot ng pornograpiya, ang salot ng mga droga, ang salot ng imoralidad, at ang salot ng aborsiyon, bilang mga halimbawa. Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na ang kaaway ang “nagtatag ng lahat ng bagay na ito.”7 Alam natin na siya “ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao.”8
Nakikiusap ako sa inyo na iwasan ang anumang bagay na magkakait sa inyo ng kaligayahan sa buhay na ito at sa buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Kung papayagan ninyo, gagamitin ng kaaway ang kanyang mga panlilinlang at kasinungalingan upang ihatid kayo pababa sa madulas na dalisdis patungo sa inyong pagkalipol. Maaaring nasa madulas na dalisdis na kayo bago pa ninyo malaman na wala nang paraan para makaligtas. Narinig na ninyo ang mga mensahe ng kaaway. Buong katusuhan siyang nananawagan: Isang beses lang naman; ginagawa ito ng lahat; huwag kang makaluma; nagbago na ang panahon; hindi naman ito nakakasakit sa iba; ikaw ang masusunod sa buhay mo. Kilala tayo ng kaaway, at alam niya ang mga tukso na mahihirapan tayong balewalain. Napakahalaga na tayo ay laging maingat upang maiwasan nating bumigay sa ganoong mga kasinungalingan at tukso.
Dakilang katapangan ang kakailanganin habang tayo ay nananatiling tapat at totoo sa gitna ng mga lalong-tumitinding pamimilit at mga mapanirang impluwensya na nakapaligid sa atin at bumabaluktot sa katotohanan, sinisira ang mabuti at marangal, at tinatangkang ipalit ang mga pilosopiya ng mundo na gawa ng tao. Kung ang mga kautusan ay isinulat ng tao, karapatan ng tao na baguhin ang mga ito ayon sa kagustuhan o pagsasabatas o sa iba pang pamamaraan. Ngunit ang mga kautusan ay ibinigay ng Diyos. Gamit ang ating kalayaang pumili, maaari nating isantabi ang mga ito. Ngunit hindi natin ito mababago, tulad ng hindi natin mababago ang mga bunga ng ating di-pagsunod at pagsuway sa mga ito.
Nawa’y maunawaan natin na ang pinakamalaking kaligayahan sa buhay na ito ay darating habang sumusunod tayo sa mga utos ng Diyos at sa Kanyang mga batas! Gustung-gusto ko ang mga salita sa Isaias kabanata 32, talata 17: “Ang gawain ng katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng katuwiran ay katahimikan at katiyakan kailan man.” Ang gayong kapayapaan at katiyakan ay darating lamang sa pamamagitan ng kabutihan.
Hindi natin maaaring hayaan ang sarili natin na makagawa ng kahit pinakamaliit na kasalanan. Hindi natin maaaring hayaan ang sarili natin na maniwalang pwede tayo makisali “nang kaunti” sa pagsuway sa mga kautusan ng Diyos, dahil kaya tayong sunggaban ng kasalanan gamit ang kamay na bakal kung saan ay napakasakit kumawala. Ang mga adiksyon na maaaring dulot ng droga, alak, pornograpiya, at imoralidad ay totoo at tila imposibleng pigilan kung walang matinding pagsisikap at tulong.
Kung mayroon man sa inyo na nagkamali sa inyong paglalakbay, tinitiyak ko sa inyo na may daan pabalik. Ang prosesong ito ay tinatawag na pagsisisi. Bagamat mahirap ang landas na tatahakin, ang inyong walang hanggang kaligtasan ay nakasalalay dito. Ano pa ang mas karapat-dapat na pagsikapan ninyo? Nakikiusap ako na magpasiya kayo ngayon din na gawin ang mga hakbang na kailangan upang makapagsisi nang husto. Kung mas maaga ninyong gagawin ito, mas maaga ninyong madarama ang kapayapaan at katahimikan at ang katiyakang sinabi ni Isaias.
Kailan lang ay narinig ko ang patotoo ng isang babae na, kasama ang kanyang asawa, ay lumihis sa landas ng kaligtasan, sumuway sa mga kautusan at, dahil dito, ay muntik nang masira ang kanilang pamilya. Nang sa wakas ay nakita ng bawat isa sa kanila sa kabila ng makapal na usok ng adiksyon kung gaano kalungkot ang kinahinatnan ng kanilang buhay, at kung gaano nila nasasaktan ang kanilang mga mahal sa buhay, nagsimula silang magbago. Ang proseso ng pagsisisi ay tila mabagal at, kung minsan, masakit, ngunit sa tulong ng mga pinuno sa priesthood, pati na rin sa tulong mula sa pamilya at matatapat na kaibigan ay nahanap nila ang daan pabalik.
Ihahayag ko sa inyo ang isang bahagi ng patotoo ng babae tungkol sa nakapagpapagaling na kapangyarihan ng pagsisisi: “Paano mapupunta ang sinuman mula sa pagiging isa sa mga nawawalang tupa na nababalot ng [kasalanan], sa ganitong kapayapaan at kaligayahan na nadarama namin ngayon? Paano ito nangyari? Ang sagot … ay dahil sa perpektong ebanghelyo, sa perpektong Anak at sa Kanyang sakripisyo para sa akin. … Kung saan dati ay may kadiliman, ngayon ay may liwanag. Kung saan dati ay may kabiguan at pasakit, ngayon ay may kagalakan at pag-asa. Pinagpala kami nang walang hanggan dahil sa pagbabago na maaari lamang mangyari sa pamamagitan ng pagsisisi na ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”
Ang ating Tagapagligtas ay namatay upang ibigay sa iyo at sa akin ang pinagpalang kaloob na iyon. Sa kabila ng katotohanan na mahirap ang landas, ang pangako ay totoo. Sinabi ng Panginoon sa mga nagsisisi:
“Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe.”9
“At ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin.”10
Buong buhay nating kakailanganing alagaan ang matitibay na patotoo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pananalangin at pagninilay sa mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kapag matibay ang pagkakatanim, ang ating mga patotoo sa ebanghelyo, kay Jesucristo, at sa ating Ama sa Langit ay makaiimpluwensya sa lahat ng ginagawa natin.
Pinatototohanan ko na lahat tayo ay minamahal na mga anak ng ating Ama sa Langit, sadyang ipinadala sa mundo sa panahon at oras na ito, at binigyan ng priesthood ng Diyos upang makapaglingkod sa iba at gampanan ang gawain ng Diyos dito sa lupa. Inutusan tayo na mamuhay upang manatiling karapat-dapat na taglayin ang priesthood.
Mga kapatid, nawa’y sundin natin ang mga kautusan! Mga bagay na kahanga-hanga at maluwalhati ang naghihintay sa atin kung gagawin natin ito. Nawa’y ito ang ating maging pagpapala, ipinagdarasal ko sa pangalan ni Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, amen.