Pagtulong sa mga Refugee
Ang LDS Charities, ang organisasyong pangkawanggawa ng Simbahan, ay patuloy na tumutulong sa mga lugar kung saan maraming tao ang nakapanlulumo ang kalagayan bunga ng iba’t ibang krisis na kanilang nararanasan. Narito ang tatlong halimbawa:
-
Dahil sa labanan sa Ukraine, isang milyong katao na ang nawalan ng tirahan simula noong 2014. Animnapung porsiyento nito ay matatanda. Nakipag-ugnayan ang LDS Charities sa United Nations Development Program para makipagtulungan sa lokal na mga non-governmental organization sa pagkalinga sa mga maralita at matatanda na nawalan ng tirahan. Nagbigay ang LDS Charities ng mga hygiene supply, sanitation kit, at 3 buwang suplay ng pagkain sa 37 pasilidad na maglilingkod sa 13,000 katao.
-
Simula noong Enero, mahigit 350,000 refugee na tumakas sa giyera sibil sa Syria ang naghanap ng makakanlungan sa Europa, na inaasahang dodoble ang dami sa katapusan ng taon. Ang LDS Charities ay nakikipagtulungan sa mga international non-governmental organization, lokal na munisipalidad, at ahensya ng pamahalaan para matugunan ang mga pangangailangan ng mga refugee at nagbibigay ng resources na magagamit ng mga kongregasyon ng Simbahan sa lugar sa kanilang pagtulong.
-
Upang makapagbigay ng mas maayos na kanlungan sa mga refugee camp sa buong mundo, nakikibahagi ang LDS Charities sa isang proyekto ng United Nations High Commission for Refugees. Isang international furniture retailer ang nagdisenyo ng isang istruktura na mas maayos kaysa mga tolda. Ang istruktura ay may mga pintuan at bintana para sa dagdag na seguridad at mas matibay na bubong para maproteksyunan sa mga elemento ang mga nakatira. Sinimulan na ang pagtatayo ng 333 tirahang inilaan ng LDS Charities sa isang refugee camp sa Iraqi Kurdistan.