2015
Pagtugon sa mga Hamon ng Mundo Ngayon
Nobyembre 2015


Pagtugon sa mga Hamon ng Mundo Ngayon

Ang mga pagpiling ginagawa ninyo—misyon, edukasyon, pag-aasawa, propesyon, at paglilingkod sa Simbahan—ay huhubugin ang inyong walang-hanggang kapalaran.

Marami nang naisulat at nasabi tungkol sa henerasyon ng mga young single adult ngayon. Ipinapakita sa pagsasaliksik na maraming lumalaban sa organisadong relihiyon. Marami ang may utang at walang trabaho. Gusto ng karamihan ang ideya ng pag-aasawa, ngunit marami ang takot mag-asawa. Dumarami ang ayaw magkaroon ng mga anak. Kung wala ang ebanghelyo at inspiradong patnubay, marami ang gumagala sa di-kilalang daan at naliligaw ng landas.

Mabuti na lang, hindi ganito karami ang mga miyembrong young adult ng Simbahan na sumusunod sa nakababagabag na mga kalakarang ito, dahil nabiyayaan sila ng plano ng ebanghelyo. Kasama sa planong iyan ang paghawak nang mahigpit sa gabay na bakal—ang pagkapit sa salita ng Diyos at ng Kanyang mga propeta. Kailangan nating higpitan ang kapit sa bakal na umaakay sa atin pabalik sa Kanya. Ngayon ang “araw ng pagpili”1 para sa ating lahat.

Noong bata pa ako, kapag pipili na ako nang hindi nag-iisip, kung minsa’y sinasabi ng tatay ko, “Robert, umayos ka at gawin mo ang tama!” Naranasan din ninyo iyan. Sa diwa ng kanyang simpleng mensahe, gusto kong magsalita lalo na sa inyo, mararangal naming young adult, dahil “ang aking kaluluwa ay nalulugod sa kalinawan … upang matuto [tayo].”2

Nabubuhay kayo sa mahalagang panahon ng inyong buhay. Ang mga pagpiling ginagawa ninyo—misyon, edukasyon, pag-aasawa, propesyon, at paglilingkod sa Simbahan—ay huhubugin ang inyong walang-hanggang kapalaran. Ibig sabihin ay kailangan ninyong laging asamin ang mangyayari—na umaasa sa hinaharap.

Bilang piloto sa air force, natutuhan ko ang tuntuning ito: huwag kailanman suunging lumipad sa gitna ng bagyo. (Hindi ko sasabihin sa inyo kung paano ko nalaman.) Sa halip, iwasan ito, umiba ng landas, o hintaying humupa ang bagyo bago lumapag.

Mahal kong mga kapatid na young adult, gusto ko kayong tulungang “lumipad ng tama” sa nagtitipong mga bagyo sa mga huling araw. Kayo ang piloto. Responsibilidad ninyong pag-isipan ang bunga ng bawat pagpili. Itanong sa inyong sarili, “Kung pipiliin kong gawin ito, ano ang pinakamasamang bagay na maaaring mangyari?” Ang inyong mga tamang pagpili ay hindi kayo ililigaw ng landas.

Isipin ninyo: Kung pipiliin ninyong huwag uminom ng alak, hindi kayo magiging lasenggo! Kung pipiliin ninyong huwag mangutang, maiiwasan ninyong mabangkarote!

Isa sa mga layunin ng banal na kasulatan ang ipakita sa atin kung paano tumugon ang mabubuting tao sa tukso at kasamaan. Sa madaling salita, iniwasan nila ito! Tumakbo si Joseph palayo sa asawa ni Potiphar.3 Isinama ni Lehi ang kanyang pamilya at nilisan nila ang Jerusalem.4 Tumakas sina Maria at Jose papuntang Egipto para maiwasan ang masamang plano ni Herodes.5 Sa bawat pagkakataon, binalaan ng Ama sa Langit ang mga nananalig na ito. Gayundin, tutulungan Niya tayong malaman kung lalabanan, tatakasan, o tatanggapin natin ang mga pangyayari. Mangungusap Siya sa atin sa panalangin, at kapag nanalangin tayo, mapapasaatin ang Espiritu Santo, na gagabay sa atin. Nasa atin ang mga banal na kasulatan, ang mga turo ng mga buhay na propeta, ang mga patriarchal blessing, ang payo ng inspiradong mga magulang, mga lider ng priesthood at auxiliary, at higit sa lahat, ang marahan at banayad na tinig ng Espiritu.

Laging tutuparin ng Panginoon ang Kanyang pangako: “Akin kayong aakayin.”6 Ang tanong lang ay, magpapaakay ba tayo? Maririnig ba natin ang Kanyang tinig at ang tinig ng Kanyang mga lingkod?

Pinatototohanan ko na kung nariyan kayo para sa Panginoon, naririyan Siya para sa inyo.7 Kung mahal ninyo Siya at sinusunod ang Kanyang mga kautusan, sasamahan at gagabayan kayo ng Kanyang Espiritu. “Magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti. … Sa pamamagitan nito ay iyong malalaman, ang lahat ng bagay … na nauukol sa mga bagay ng kabutihan.”8

Gamit ang mga tuntuning iyon bilang pundasyon, maaari ko ba kayong bigyan ng ilang praktikal na payo?

Marami sa inyong henerasyon ang lubog sa utang. Noong young adult ako, investment banker sa Wall Street ang stake president ko. Itinuro niya sa akin, “Mayaman ka kung kaya mong mabuhay nang masaya sa kinikita mo.” Paano ninyo gagawin iyon? Magbayad ng ikapu at mag-impok pagkatapos! Kapag lumaki ang kita ninyo, lakihan ang impok ninyo. Huwag kayong makipagkumpitensya sa iba na magkaroon ng mga mamahaling bagay na hindi ninyo kailangan. Huwag bilhin ang hindi ninyo kayang bilhin.

Maraming young adult sa mundo ang nangungutang para makapag-aral, para lamang matuklasan na mas malaki ang matrikula sa eskuwela kaysa kaya nilang bayaran. Maghanap ng mga scholarship at grant. Kumuha ng part-time job, kung maaari, para matustusan ninyo mismo ang inyong pag-aaral. Kailangan dito ang kaunting sakripisyo, ngunit tutulungan kayo nitong magtagumpay.

Inihahanda kayo ng pag-aaral para sa mas magagandang trabaho. Mas malaki ang pagkakataon ninyong mapaglingkuran at mapagpala ang mga nasa paligid ninyo. Ilalagay kayo nito sa landas ng habambuhay na pagkatuto. Palalakasin kayo nitong malabanan ang kamangmangan at kamalian. Tulad ng itinuro ni Joseph Smith: “Ang kaalaman ay pumapawi sa kadiliman, pag-aalala at alinlangan; sapagkat ang mga ito ay hindi iiral kung may kaalaman. … Sa kaalaman ay may kapangyarihan.”…9 “Ang maging marunong ay mabuti kung sila ay makikinig sa mga payo ng Diyos.”10 Ang edukasyon ay ihahanda kayo sa mangyayari, pati na sa pag-aasawa.

Muli, maaari ba akong maging prangka? Ang pag-aasawa ay nagdaraan sa pagdedeyt! Pagdedeyt ang pagkakataong magkausap kayo nang matagal. Kapag nagdeyt kayo, alamin ang lahat ng kaya ninyong alamin tungkol sa isa’t isa. Kilalanin ang pamilya ng isa’t isa hangga’t maaari. Magkatugma ba ang inyong mga mithiin? Pareho ba ang damdamin ninyo tungkol sa mga kautusan, sa Tagapagligtas, sa priesthood, sa templo, sa pagiging magulang, sa mga calling sa Simbahan, at sa paglilingkod sa iba? Namasdan na ba ninyo ang isa’t isa kapag may problema, tumutugon sa tagumpay at kabiguan, nilalabanan ang galit, at hinaharap ang mga dagok sa buhay? Sinisiraan ba ng kadeyt ninyo ang iba o pinupuri sila? Ang kanya bang ugali, pananalita, at kilos ay kaya ninyong pakibagayan araw-araw?

Matapos sabihin iyan, walang nagpapakasal sa atin sa perpekto; nagpapakasal tayo sa may potensyal. Ang tamang pag-aasawa ay hindi lamang tungkol sa kung ano ang gusto ko; tungkol din ito sa kung ano ang gusto at kailangan—ng mapapangasawa ko—na marating ko.

Sa madaling salita, huwag makipagdeyt sa edad na 20s para lang “magsaya,” na ikinaaantala ng pag-aasawa dahil sa iba pang mga interes at aktibidad. Bakit? Dahil hindi pagdedeyt at pag-aasawa ang huli nating destinasyon. Simula lang ang mga ito ng nais ninyong patunguhan sa huli. “Kaya’t iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa.”11

Ang responsibilidad ninyo ngayon ay maging karapat-dapat sa taong nais ninyong pakasalan. Kung nais ninyong makasal sa isang maganda, kaakit-akit, tapat, masaya, masipag, at espirituwal na tao, maging gayong uri ng tao. Kung kayo ang taong iyon at wala pa kayong asawa, magtiyaga. Maghintay sa Panginoon. Pinatototohanan ko na alam ng Panginoon ang inyong mga hangarin at mahal Niya kayo dahil sa inyong tapat na debosyon sa Kanya. May plano Siya para sa inyo, sa buhay mang ito o sa kabilang-buhay. Pakinggan ang Kanyang Espiritu. “Huwag hangaring pagpayuhan ang Panginoon, kundi tumanggap ng payo mula sa Kanyang kamay.”12 Sa buhay na ito o sa kabilang-buhay, ang Kanyang mga pangako ay matutupad.. “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot.”13

Kung kakaunti ang mapagkukunan ninyo, huwag mag-alala. Sinabi sa akin ng isang mabait na miyembro ng Simbahan kamakailan, “Hindi ko pinalaki ang mga anak ko sa yaman; pinalaki ko sila sa pananampalataya.” Mayroong dakilang katotohanan doon. Magsimulang manampalataya sa bawat aspeto ng inyong buhay. Kung hindi, daranas kayo ng tatawagin kong “paghina ng pananampalataya.” Hihina ang mismong lakas na kailangan ninyo para manampalataya. Kaya manampalataya araw-araw, at kayo ay “[titibay] nang [titibay] … at [tatatag] at [tatatag] sa … pananampalataya kay Cristo.”14

Para maging handa sa pag-aasawa, tiyakin na kayo ay karapat-dapat na tumanggap ng sakramento at magkaroon ng temple recommend. Magpunta sa templo nang regular. Maglingkod sa Simbahan. Bukod pa sa mga calling sa Simbahan, sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas, na basta “naglilibot na gumagawa ng mabuti.”15

Ngayon, may mahahalagang tanong kayo siguro tungkol sa mga pagpili sa hinaharap. Noong binata pa ako, humingi ako ng payo sa aking mga magulang at sa tapat at mapagkakatiwalaang mga tagapayo. Ang isa ay lider ng priesthood; ang isa naman ay gurong naniniwala sa akin. Pareho nilang sinabi sa akin, “Kung nais mong payuhan kita, maghanda kang pakinggan ito.” Naunawaan ko ang gusto nilang sabihin. Mapanalanging piliin ang mga tagapagturo na iniisip ang inyong espirituwal na kapakanan. Mag-ingat sa pakikinig sa payo ng inyong mga kabarkada. Kung nais ninyo ng higit pa kaysa mayroon kayo ngayon, magpatulong sa nakatatanda, hindi sa kaedad ninyo!16

Tandaan, walang ibang makakapili para sa inyo. Tanging ang inyong pananampalataya at mga dalangin ang makakatulong sa inyo na magkaroon ng malaking pagbabago ng puso. Tanging ang inyong determinasyong maging masunurin ang magpapabago sa inyong buhay. Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa inyo, ang kapangyarihan ay sumasainyo.17 Malaya kayong pumili, malakas ang inyong patotoo kung kayo ay masunurin, at masusunod ninyo ang Espiritung gumagabay sa inyo.

Kamakailan, sinabi ng isang young adult filmmaker na pakiramdam niya ay bahagi siya ng isang “henerasyon ng mga alibughang anak”—isang henerasyon na “naghahanap ng pag-asa at galak at katuparan, ngunit naghahanap sa lahat ng maling lugar at maling paraan.”18

Sa talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa alibughang anak, maraming pagpapalang naghihintay sa anak, ngunit bago niya ito maangkin, kinailangan niyang suriing mabuti ang kanyang buhay, mga pagpili, at sitwasyon. Ang sumunod na nangyaring himala ay inilarawan sa banal na kasulatan sa simpleng parirala: “Siya’y [nakapag-isip].”19 Maaari ko ba kayong hikayating mag-isip-isip? Sa Simbahan, kapag kailangang gumawa ng mahahalagang desisyon, kadalasan ay nagdaraos tayo ng mga council meeting. Gayundin ang layunin ng mga family council. Maaari kayong magdaos ng tatawagin kong “personal council.” Pagkatapos manalangin, mapag-isa sandali. Pag-isipan ang hinaharap. Itanong sa inyong sarili: “Anong mga aspeto ng buhay ko ang nais kong palakasin para mapalakas ko ang iba? Saan ko gustong makarating isang taon mula ngayon? dalawang taon mula ngayon? Anong mga pasiya ang kailangan kong gawin para makarating doon?” Tandaan ninyo, kayo ang piloto, kayo ang magpapasya. Pinatototohanan ko na kapag nag-isip-isip kayo, tutulungan kayo ng inyong Ama sa Langit. Sa nakapapanatag na tulong ng Kanyang Banal na Espiritu, aakayin Niya kayo.

Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay. Ibinabahagi ko ang aking natatanging patotoo na mahal kayo ng Tagapagligtas. “Hindi ba tayo magpapatuloy sa [Kanyang dakilang] adhikain? Sumulong at huwag umurong.”20 Sa pagsunod sa Kanya, palalakasin at susuportahan Niya kayo. Dadalhin Niya kayo sa inyong pinakadakilang tahanan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.