2015
Ano Pa ang Kulang sa Akin?
Nobyembre 2015


Ano Pa ang Kulang sa Akin?

Kung tayo ay mapagpakumbaba at madaling turuan, aakayin tayo ng Espiritu Santo pauwi, ngunit kailangan nating hingin ang direksyon ng Panginoon habang daan.

Noong young adult ako, sinimulan kong siyasatin ang Simbahan. Noong una humanga ako sa ebanghelyo dahil sa halimbawa ng mga kaibigan kong mga Banal sa mga Huling Araw, ngunit sa huli naakit ako sa kakaibang doktrina. Nang malaman ko na kaya ng matatapat na kalalakihan at kababaihan na patuloy na umunlad at sa huli ay maging katulad ng kanilang mga magulang sa langit, talagang namangha ako. Gustung-gusto ko ang konsepto; damang-dama ko ito.

Hindi nagtagal matapos akong binyagan, inaaral ko ang Sermon sa Bundok, at natanto ko na itinuro ni Jesus ang mga katotohanan ding ito tungkol sa walang-hanggang pag-unlad sa Biblia. Sabi niya, “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.”1

Ako ay mahigit 40 taon nang miyembro, at tuwing babasahin ko ang talatang ito, napapaalalahanan ako sa layunin natin dito sa lupa. Naparito tayo upang matuto at magpakabuti hanggang sa unti-unti tayong maging banal o ganap kay Cristo.

Ang paglalakbay sa pagkadisipulo ay hindi madali. Tinatawag itong “tuwid na landas tungo sa pag-unlad.”2 Sa ating paglalakbay sa makipot at makitid na landas, patuloy tayong hinahamon ng Espiritu na maging mas mabuti at patuloy na sumulong. Ang Espiritu Santo ang ulirang makakasama sa paglalakbay. Kung tayo ay mapagpakumbaba at madaling turuan, hahawakan Niya ang ating kamay at aakayin tayo pauwi.

Gayunman, kailangan nating hingin ang direksyon ng Panginoon habang daan. Kailangan nating itanong ang ilang mahihirap na tanong, tulad ng “Ano ang kailangan kong baguhin?” “Paano ko paghuhusayin pa?” “Anong mga kahinaan ang kailangan kong gawing kalakasan?”

Isipin natin ang kuwento ng Bagong Tipan tungkol sa mayamang batang pinuno. Siya ay mabuting binata na sumusunod na sa Sampung Utos, pero gusto niyang maging mas mabuti pa. Mithiin niya’y buhay na walang hanggan.

Nang makilala niya ang Tagapagligtas, itinanong niya, “Ano pa ang kulang sa akin?”3

Agad sumagot si Jesus, na nagbibigay ng payo para mismo sa mayamang binata. “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at … pumarito ka, at sumunod ka sa akin.”4

Nagulat ang binata; hindi niya naisip kailanman ang gayong sakripisyo. Sapat ang pagpapakumbaba niya para magtanong sa Panginoon ngunit hindi sapat ang katapatan para sundin ang banal na payong ibinigay sa kanya. Kailangang handa tayong kumilos kapag tumanggap tayo ng sagot.

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee, “Bawat isa sa atin, kung nais nating marating ang pagiging perpekto, ay kailangang itanong ito minsan sa ating sarili, ‘Ano pa ang kulang sa akin?’”5

May kilala akong isang matapat na ina na nagpakumbaba at nagtanong, “Ano ang humahadlang sa aking pag-unlad?” Sa kaso niya, agad dumating ang sagot mula sa Espiritu: “Tumigil ka sa pagrereklamo.” Nagulat siya sa sagot na ito; hindi niya naisip na mareklamo siya. Gayunman, ang mensahe mula sa Espiritu Santo ay napakalinaw. Nang sumunod na mga araw at linggo, naging maingat na siya sa pagiging mareklamo. Nagpapasalamat sa pahiwatig na pagbutihin pa, nagpasiya siyang bilangin ang mga pagpapala sa halip na bilangin ang mga hamon. Sa loob ng ilang araw, nadama niya ang mainit na pagsang-ayon ng Espiritu.

Isang hamak na binata na tila hindi mahanap ang tamang babae ang lumapit sa Panginoon para humingi ng tulong: “Ano po ang humahadlang sa akin para maging ang tamang lalaki?” tanong niya. Dumating ang sagot sa kanyang puso at isipan: “Linisin mo ang pananalita mo.” Sa sandaling iyon, natanto niya na may ilang magagaspang na salitang naging bahagi ng kanyang bokabularyo, at nangako siyang magbago.

Isang dalaga ang matapang na nagtanong: “Ano po ang kailangan kong baguhin?” at bumulong sa kanya ang Espiritu, “Huwag kang sumabad kapag may nag-uusap.” Ang Espiritu Santo ay talagang nagbibigay ng payo para sa bawat isa. Siya ay lubos na matapat na kasama at sasabihin sa atin ang mga bagay na hindi alam ng iba o hindi kayang sabihin ng iba.

Isang returned missionary ang na-stress dahil sa napakaraming gagawin. Sinisikap sana niyang mag-ukol ng oras sa trabaho, pag-aaral, pamilya, at sa tungkulin sa Simbahan. Humingi siya ng payo sa Panginoon: “Paano ko madarama ang kapayapaan sa lahat ng kailangan kong gawin?” Ang sagot ay hindi niya inaasahan; tumanggap siya ng impresyon na dapat mas sundin pa niya ang araw ng Sabbath at panatilihin itong banal. Nagpasiya siyang ilaan ang araw ng Linggo sa paglilingkod sa Diyos—na isantabi ang mga bagay ukol sa pag-aaral niya at sa halip ay pag-aralan ang ebanghelyo. Ang munting pag-aadjust na ito ay nagdulot ng kapayapaan at balanse na hinahanap niya.

Ilang taon na ang nakalipas, nabasa ko sa magasin ng Simbahan ang kuwento ng isang dalagang nakatira malayo sa tahanan at nag-aaral sa kolehiyo. Huli na siya sa kanyang mga klase, ang kanyang social life ay hindi tulad ng inasahan niya, at siya ay karaniwang malungkot. Sa huli, lumuhod siya isang araw at sumamo, “Ano po ang magagawa ko para mapagbuti ang buhay ko?” Ibinulong ng Espiritu Santo, “Magbangon ka at linisin mo ang kuwarto mo.” Talagang nakakagulat ang paramdam na ito, pero ito ang kailangan niya para makapagsimula. Pagkatapos ayusin ang mga bagay-bagay, nadama niyang napuno ng Espiritu ang kanyang silid at nasiyahan ang puso niya.

Hindi sinasabi sa atin ng Espiritu Santo na pagandahin lahat nang minsanan. Kung ganito ang gagawin Niya, panghihinaan tayo ng loob at susuko. Ang Espiritu ay kumikilos sa atin ayon sa sarili nating bilis, sa paisa-isang hakbang, o gaya ng itinuro ng Panginoon, “taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, … at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, … sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan.”6 Halimbawa, kung ipinadarama sa iyo ng Espiritu Santo na sabihin ang “salamat” nang mas madalas, at tumugon ka sa paramdam na iyon, maaaring madama Niya na dapat ka nang bigyan ng mas malaking hamon—tulad ng pag-aaral na sabihing, “Sori; kasalanan ko po.”

Pamilyang nakikibahagi ng sakramento

Ang napakagandang sandali para itanong sa Panginoon ang “Ano pa ang kulang sa akin?” ay kapag tumatanggap tayo ng sakramento. Itinuro ni Apostol Pablo na ito ay panahon para suriin ang ating sarili.7 Sa mapitagang kapaligiran na ito, habang ang ating isipan ay nakatuon sa langit, marahang masasabi sa atin ng Panginoon ang susunod nating gagawin.

Tulad ninyo, nakatanggap ako ng maraming mensahe mula sa Espiritu sa paglipas ng mga taon na nagpapakita sa akin kung paano ko pa mapagbubuti ang sarili ko. Ibabahagi ko ang ilang personal na halimbawa ng mga mensaheng pinaniniwalaan ko. Kabilang sa mga pahiwatig na ito ang:

  • Huwag kang magtaas ng boses.

  • Isaayos ang iyong sarili; gumawa ng listahan ng mga bagay na gagawin araw-araw.

  • Mas pangalagaan ang iyong katawan sa pamamagitan ng pagkain ng mas maraming prutas at gulay.

  • Dalasan ang iyong pagdalo sa templo.

  • Mag-ukol ng oras para magnilay bago ka manalangin.

  • Hingin ang payo ng iyong asawa.

  • At maging mapasensya kapag nagmamaneho; huwag lampasan ang speed limit. (Sinisikap ko pang gawin ang isang ito.)

Dahil sa Pagbabayad-sala posible ang maging perpekto o mapabanal. Hindi natin ito magagawang mag-isa, ngunit sapat ang biyaya ng Diyos para matulungan tayo. Tulad ng napuna ni Elder David A. Bednar minsan: “Malinaw na nauunawaan ng marami sa atin na ang Pagbabayad-sala ay para sa mga makasalanan. Gayuman, hindi ako gaanong nakatitiyak na alam at nauunawaan natin na ang Pagbabayad-sala ay para din sa mga banal—para sa mabubuting kalalakihan at kababaihan na masunurin, karapat-dapat, at lubos na nag-iingat at nagsisikap na maging mas mabuti.”8

Babaing nagdarasal

Gusto kong imungkahi na bawat isa sa inyo ay makibahagi kaagad sa isang espirituwal na ehersisyo, siguro mamayang gabi habang nagdarasal kayo. Mapagpakumbabang itanong ito sa Panginoon: “Ano po ang humahadlang sa pag-unlad ko?” Sa madaling salita: “Ano pa po ang kulang sa akin?” Pagkatapos ay tahimik na maghintay sa sagot. Kung ikaw ay matapat, ang sagot ay magiging malinaw. Ito ay magiging paghahayag para sa iyo.

Marahil sasabihin ng Espiritu na kailangan mong patawarin ang isang tao. O makakatanggap ka ng mensahe na maging mas mapili tungkol sa pelikulang pinanonood mo o sa musikang pinakikinggan mo. Maaaring maramdaman mo na dapat kang maging mas tapat sa pakikitungo mo sa negosyo o magbigay ng mas malaki sa iyong handog-ayuno. Maraming posibleng gawin.

Maipapakita sa atin ng Espiritu ang ating mga kahinaan, ngunit maipapakita rin Niya sa atin ang ating mga kalakasan. Kung minsan kailangan nating itanong kung ano ang ginagawa nating tama para mapasigla at mahikayat tayo ng Panginoon. Kapag binabasa natin ang ating patriarchal blessing, napapaalalahanan tayo na alam ng ating Ama sa Langit ang ating banal na potensyal. Natutuwa siya sa tuwing humahakbang tayo nang pasulong. Sa Kanya, ang ating patutunguhan ay mas mahalaga kaysa sa ating tulin o bilis.

Maging masigasig, mga kapatid, ngunit huwag panghinaan ng loob. Kailangan nating sumakabilang-buhay bago natin marating ang pagiging perpekto, ngunit dito sa mortalidad natin ilalatag ang pundasyon. “Tungkulin nating maging mas mabuti ngayon kaysa kahapon, at mas mabuti bukas kaysa ngayon.”9

Kung ang espirituwal na pag-unlad ay hindi priyoridad sa ating buhay, kung wala tayo sa tuwid na landas tungo sa pag-unlad, lalampas sa atin ang mahahalagang karanasan na nais ibigay sa atin ng Diyos.

Taon na ang nakalilipas nabasa ko ang mga salitang ito ni Pangulong Spencer W. Kimball, na nagkaroon ng epekto sa akin. Sabi Niya: “Nalaman ko na kung saan may pusong madasalin, ng pagkagutom sa kabutihan, pagtalikod sa kasalanan, at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, ay lalong ibinubuhos ng Panginoon ang liwanag hanggang sa magkaroon ng kapangyarihang tatagos sa tabing ng langit. … Ang taong gayon kabuti ay may napakahalagang pangako na balang-araw ay makikita niya ang mukha ng Panginoon at makikilala niya Siya.”10

Dalangin ko na mapasaatin ang pinakamagandang karanasang ito balang-araw sa pagpayag nating akayin tayo ng Espiritu Santo pauwi. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mateo 5:48.

  2. Neal A. Maxwell, “Pagpapatotoo sa Dakila at Maluwalhating Pagbabayad-sala,” Liahona, Abr. 2002, 9.

  3. Mateo 7:20.

  4. Mateo 7:21.

  5. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee (2000), 230.

  6. 2 Nephi 28:30.

  7. Tingnan sa I Corinto 11:28.

  8. David A. Bednar, “Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, Abr. 2012, 14.

  9. Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 2:18.

  10. Spencer W. Kimball, “Give the Lord Your Loyalty,” Tambuli, Peb. 1981, 47.