2015
Sabi ng mga Bata, ‘Tayo ang Kanyang mga Kamay’
Nobyembre 2015


Sabi ng mga Bata, “Tayo ang Kanyang mga Kamay”

Masiglang tumugon ang mga bata sa buong mundo sa isang kampanya sa paglilingkod na inilunsad ng mga magasin ng Simbahan. Inanyayahan ng mga magasin ang mga bata na humanap ng mga paraan para makapaglingkod, pagkatapos ay ibakat ang kanilang kamay sa isang pirasong papel, isulat ang paglilingkod na ginawa nila sa binakat na kamay, at ipadala ito sa Liahona.

Tumanggap ng mahigit 30,000 binakat na kamay ang mga magasin mula sa mga batang tumulong na ibahagi ang pag-ibig ng Tagapagligtas, na nagpala sa mga pamilya at sambayanan sa buong mundo.

Dumating ang inspirasyon para sa kampanya mula sa mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2010 na pinamagatang “Kayo ang Aking mga Kamay.” Ikinuwento ni Pangulong Uchtdorf ang isang estatwa ni Jesucristo na napinsala noong World War II. Dahil hindi na maibalik ang mga kamay ng estatwa noong binubuo itong muli, idinagdag ng mga taong-bayan ang mga salitang ito sa patungan ng estatwa: “Kayo ang aking mga kamay.”

Ang mga paglilingkod na ginawa ng mga bata ay naging kakaiba na tulad ng mga binakat na kamay na kanilang isinumite. Halimbawa:

Si Natalie S., edad 5, mula sa Hong Kong ay nagpadala ng dalawang binakat na kamay. Sabi sa isa, “Tinulungan ko si Inay sa mga gawaing-bahay,” at sa isa naman, “Tinulungan ko ang isang tao na itulak ang kanyang wheelchair.”

Ipinaliwanag ni Erik S., edad 11, mula sa Russia na, “Sa lungsod na tinitirhan ko, masyadong maginaw kapag taglamig.” Lumipat ang isang pamilya sa bayan nila, at wala silang damit na pangginaw. “Ibinigay ko ang jacket ko kay Artur,” sabi ni Erik, “at naging magkaibigan kami.”

Isinulat ng sampung-taong-gulang na si Gabriela P. mula sa Venezuela sa kanyang binakat na kamay: “Sa eskuwelahan namin, nasa chess class kami ng mga kaibigan ko. Naghahanap ako ng makakalaro nang makita ko ang isang bagong saltang batang lalaki na tila malungkot. Gusto kong tumulong pero hindi ko alam kung paano. Pagkatapos ay isang tinig ang nagsabi sa akin na kailangan ko lang siyang kaibiganin. Nilapitan ko siya at kinausap. Ngayo’y matalik na magkaibigan na kami.”

Ang mga binakat na kamay ay idinispley sa headquarters ng Simbahan sa Salt Lake City, Utah, USA, nang dalawang linggo noong Setyembre at Oktubre.