2015
Maayos at Organisadong tulad sa Bristol Maging Karapat-dapat sa Templo—Madali Man o Mahirap ang Panahon
Nobyembre 2015


Maayos at Organisadong Tulad sa Bristol: Maging Karapat-dapat sa Templo—Madali Man o Mahirap ang Panahon

Ang pagsunod sa mga sagradong alituntunin ng ebanghelyo ay nagtutulot sa atin na maging karapat-dapat sa templo, makadama ng kaligayahan sa buhay na ito, at maakay pabalik sa ating tahanan sa langit.

Sinabi ni propetang Lehi, “Kung walang katwiran [o kabutihan] ay walang kaligayahan.”1

Matagumpay na napaniwala ng kaaway ang maraming tao sa mga haka-haka. Inihayag niya at ng kanyang mga kampon na ang tunay na pagpipilian natin ay sa pagitan ng kaligayahan at kasiyahan ngayon sa buhay na ito at kaligayahan sa buhay na darating (na iginigiit ng kaaway na maaaring hindi totoo). Maling piliin ang haka-hakang ito, ngunit lubha itong kaakit-akit.2

Ang pinakadakilang layunin ng plano ng kaligayahan ng Diyos ay para magkaisa ang matwid na mga disipulo at mga pamilyang nakipagtipan sa pagmamahal, pagkakasundo, at kapayapaan sa buhay na ito3 at magtamo ng kaluwalhatiang selestiyal sa mga kawalang-hanggan sa piling ng Diyos Ama, ang ating Lumikha; at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas.4

Noong ako ay binatang missionary sa British Mission, ang unang area na pinaglingkuran ko ay ang dating Bristol District noon. Binigyang-diin ng isa sa mga lider ng Simbahan doon na kailangan ay “maayos at organisadong tulad sa Bristol” ang mga missionary na naglilingkod sa area na iyon.

Mga barko sa daungan ng Bristol

Noong una hindi ko naunawaan ang ibig niyang sabihin. Di-nagtagal at nalaman ko ang kasaysayan at kahulugan ng mga katagang “maayos at organisadong tulad sa Bristol.” Minsa’y naging pangalawang pinakaabalang daungan sa United Kingdom ang Bristol. Napakataas ng tubig dito na 43 talampakan (13 m), ang pangalawang pinakamataas sa mundo. Kapag kati ang tubig, sumasadsad ang mga lumang barko sa ilalim at tumatagilid, at kung hindi matibay ang pagkagawa sa mga barko, masisira ang mga ito. Bukod pa rito, lahat ng hindi nailigpit nang maayos o naitali nang mahigpit ay titilapon at mawawasak o masisira.5 Nang maunawaan ko na ang ibig sabihin ng mga katagang iyon, malinaw na sinasabi ng lider na ito sa amin na, bilang mga missionary, kailangan naming maging matwid, sundin ang mga tuntunin, at maging handa sa mahihirap na sitwasyon.

Ang hamong ito ay angkop sa bawat isa sa atin. Nais kong ilarawan ang pagiging “maayos at organisadong tulad sa Bristol” bilang pagiging karapat-dapat sa templo—madali man o mahirap ang panahon.

Bagama’t medyo madaling mahulaan at maaaring paghandaan ang pagtaas at pagkati ng tubig sa Bristol Channel, ang mga unos at tukso sa buhay na ito ay kadalasang hindi madaling hulaan kung kailan darating. Ngunit ito ang tiyak na alam natin: darating ang mga ito! Upang makayanan ang mga pagsubok at tukso na tiyak na mararanasan ng bawat isa sa atin, mangangailangan ito ng mabuting paghahanda at proteksyong laan ng langit. Kailangan ay determinado tayong maging karapat-dapat sa templo anumang pagsubok at tukso ang dumating sa atin. Kung tayo ay handa, hindi tayo matatakot.6

Ang kaligayahan sa buhay na ito at sa buhay na darating ay pinagdurugtong ng kabutihan. Maging ang panahon sa pagitan ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, “ang mga espiritu ng yaong mabubuti ay tatanggapin sa kalagayan ng kaligayahan, na tinatawag na paraiso, isang kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan.”7

Sa pagsisimula ng ministeryo ng Tagapagligtas sa Israel at kalaunan ay sa mga Nephita, nagsalita ang Tagapagligtas tungkol sa kaligayahan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Binigyang-diin niya ang mga ordenansa, ngunit binigyang-diin din Niya nang husto ang kagandahang-asal. Halimbawa, pagpapalain ang mga disipulo kung sila ay magugutom at mauuhaw sa katuwiran, maawain, dalisay ang puso, mapagpayapa, at sumusunod sa iba pang mahahalagang alituntunin ng moralidad. Malinaw na binigyang-diin ng ating Panginoong Jesucristo, bilang isang saligang doktrinang mensahe, kapwa ang matwid na pag-uugali at pagkilos sa araw-araw na pamumuhay. Hindi lamang pinalitan at hinigitan ng Kanyang mga turo ang mga batas ni Moises8 kundi iwinaksi rin nito ang mga maling pilosopiya ng tao.

Sa loob ng maraming siglo ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagpalakas ng pananalig at nagtatag ng mga pamantayan ng pag-uugali tungkol sa kung ano ang mabuti, kasiya-siya, at marangal at nagbubunga ng kaligayahan, katuwaan, at kagalakan. Gayunman, ang mga alituntunin at moralidad na itinuro ng Tagapagligtas ay labis na tinutuligsa sa mundo ngayon. Ang Kristiyanismo ay tinutuligsa. Maraming naniniwala na talagang nagbago na ang kahulugan ng moralidad.9

Nabubuhay tayo sa mahihirap na panahon. Lalo pang dumarami ang mga “tumatawag sa masama na mabuti, at sa mabuti na masama.”10 Ang isang mundong nagbibigay-diin sa pagpapalakas ng sariling kapangyarihan at sekularismo ay dahilan ng matinding pag-aalala. Ganito ang sabi ng isang kilalang manunulat, na hindi natin kasapi, tungkol dito: “Nakakalungkot na kakaunti ang katibayang nakikita ko na mas magiging masaya ang mga tao sa darating na panahon, o mas giginhawa ang kanilang mga anak, o mas mabibigyang-katarungan ang tao, o ang bumababang bilang ng nagpapakasal at maliit na pamilya … ay walang ipinapangakong anuman maliban sa mas matinding kalungkutan para sa nakararami, at pagtigil ng pag-unlad para sa lahat ng tao.”11

Bilang mga disipulo ng Tagapagligtas, inaasahan tayong magplano at maghanda. Sa plano ng kaligayahan, ang kalayaang moral ay isang mahalagang alituntunin sa pag-oorganisa at mahalaga ang ating mga pagpili.12 Binigyang-diin ito ng Tagapagligtas sa Kanyang buong ministeryo, kabilang na ang Kanyang mga talinghaga tungkol sa mga mangmang na dalaga at sa mga talento.13 Sa bawat isa sa mga ito, iminungkahi ng Panginoon na maghanda at kumilos at isumpa ang pagpapaliban at katamaran.

Napapansin ko, sa kabila ng napakalaking kaligayahang matatagpuan sa banal na plano ng Diyos, na kung minsan pakiramdam natin ay napakalayo nito at walang kinalaman sa ating kasalukuyang sitwasyon. Sa pakiramdam ay parang hindi natin ito kayang abutin bilang nagpupunyaging mga disipulo. Sa ating limitadong pananaw, tila kaakit-akit ang mga tukso at gambalang nasa paligid natin ngayon. Ang mga gantimpala sa pagdaig sa mga tuksong iyon, sa kabilang banda, ay parang hindi maaabot at makakamtan. Ngunit kapag naunawaan natin ang plano ng Ama makikita natin na ang mga gantimpala sa ginawang kabutihan ay makakamtan ngayon mismo. Ang kasamaan, tulad ng imoralidad, ay hindi kailanman magdudulot ng kaligayahan. Malinaw itong sinabi ni Alma sa kanyang anak na si Corianton: “Masdan, sinasabi ko sa iyo, ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.”14

Ang ating doktrina ay malinaw na ipinahayag ni Amulek sa Alma 34:32: “Masdan, ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain.”

Kung gayon, paano tayo maghahanda sa ganito kahirap na panahon? Bukod pa sa pagiging karapat-dapat sa templo, maraming alituntunin na makapag-aambag sa kabutihan. Bibigyang-diin ko ang tatlo.

Una: Matwid na Pagpipigil sa Sarili at Pagkilos

Naniniwala ako na kung minsa’y minamasdan tayo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit nang may kasiyahan na nadarama natin kapag minamasdan natin ang ating musmos na mga anak habang sila ay natututo at umuunlad. Lahat tayo ay nadarapa at nagkakamali habang natututo tayo.

Eksperimento sa marshmallow

Pinasasalamatan ko ang mensaheng ibinigay ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa kumperensya noong 201015 tungkol sa tanyag na eksperimento sa marshmallow na isinagawa sa Stanford University noong 1960s. Maaalala ninyo na binigyan ng tig-iisang marshmallow ang mga batang apat na taong gulang. Kung makapaghihintay sila ng 15 o 20 minuto nang hindi ito kinakain, bibigyan sila ng isa pang marshmallow. Gumawa ng mga video na ipinapakita ang mga ginawa ng maraming bata para hindi nila makain ang marshmallow. Ang ilan sa kanila ay hindi nagtagumpay.16

Noong nakaraang taon ang propesor na nagsagawa ng orihinal na eksperimento, na si Dr. Walter Mischel, ay sumulat ng isang aklat kung saan sinabi niya na isinagawa niya ang pag-aaral dahil sa pag-aalala niya tungkol sa pagpipigil sa sarili at sa sarili niyang adiksyon sa paninigarilyo. Nag-alala siya lalo na matapos maglabas ng report ang US Surgeon General noong 1964 na nagsabing nagsanhi ng kanser sa baga ang paninigarilyo.17 Pagkaraan ng maraming taon ng pag-aaral, inireport ng isa sa mga kasamahan niya na ang “pagpipigil sa sarili ay parang isang kalamnan: habang lalo mo itong ginagamit, lalo itong lumalakas. Ang minsang pag-iwas sa isang bagay na nakatutukso ay tutulong sa inyo na mapaglabanan ang iba pang mga tuksong darating.”18

Ang isang alituntunin ng walang-hanggang pag-unlad ay na ang pagpipigil sa sarili at pamumuhay nang matwid ay nagpapalakas sa kakayahan nating labanan ang tukso. Totoo ito sa mga bagay na espirituwal at temporal.

Ang ating mga missionary ay napakagandang halimbawa nito. Nagkakaroon sila ng katangiang tulad ng kay Cristo at binibigyang-diin nila ang pagsunod at espirituwalidad. Inaasahan silang sundin nang mahigpit ang kanilang iskedyul at gugulin ang kanilang mga araw sa paglilingkod sa iba. Simple at konserbatibo ang kanilang pananamit sa halip na kaswal o masagwa na karaniwan sa panahong ito. Ang kanilang pagkilos at kaanyuan ay nagpapakita ng mabuti at mahalagang mensahe.19

Mayroon tayong mga 230,000 kabataan na kasalukuyang nasa misyon o nakauwi na mula sa misyon nitong nakaraang limang taon. Nagkaroon na sila ng kahanga-hangang espirituwal na lakas at disiplina sa sarili na kailangang patuloy na gamitin, o hihina ang mga katangiang ito tulad ng mga kalamnan na hindi ginagamit. Lahat tayo ay kailangang magkaroon at magpakita ng pag-uugali at kaanyuan na nagpapahayag na tayo ay tunay na mga alagad ni Cristo. Yaong mga tumatalikod sa mabuting asal o sa kasiya-siya at disenteng kaanyuan ay inilalantad ang kanilang sarili sa mga uri ng pamumuhay na hindi nagdudulot ng kagalakan ni ng kaligayahan.

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay nagbibigay sa atin ng direksyon sa plano ng kaligayahan at naghihikayat sa atin na maunawaan at mapigilan ang ating sarili at makaiwas sa tukso. Itinuturo din nito sa atin kung paano magsisi kapag nagkasala tayo.

Pangalawa: Ang Paggalang sa Araw ng Sabbath ay Magdaragdag sa Kabutihan at Magiging Proteksyon sa Pamilya

Ginawang Linggo ng sinaunang Simbahang Kristiyano ang araw ng Sabbath sa halip na Sabado para ipagdiwang ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoon. Hindi nila binago ang iba pang pangunahing sagradong mga layunin ng Sabbath. Para sa mga Judio at Kristiyano, ang Sabbath ay simbolo ng makapangyarihang mga gawa ng Diyos.20

Kaming mag-asawa, at dalawa sa mga kasamahan ko at kanilang mga asawa, ay nakibahagi kamakailan sa isang Jewish Shabbat (Sabbath) sa paanyaya ng mahal naming kaibigang si Robert Abrams at kanyang asawang si Diane sa kanilang tahanan sa New York.21 Nagsimula ito sa pagsisimula ng Jewish Sabbath sa Biyernes ng gabi. Ang pinagtuunan dito ay ang paggalang sa Diyos na Lumikha. Nagsimula ito sa pagbabasbas sa pamilya at pagkanta ng isang himnong pang-Sabbath.22 Nakibahagi kami sa seremonya ng paghuhugas ng mga kamay, pagbabasbas sa tinapay, mga panalangin, kosher meal, pagbabasa ng banal na kasulatan, at masayang pagkanta ng mga awiting pang-Sabbath. Nakinig kami sa salitang Hebreo, na sinundan ng mga pagsasalin sa wikang Ingles. Ang pinaka-nakaaantig na mga talata sa banal na kasulatan mula sa Lumang Tipan, na gustung-gusto rin natin, ay mula sa Isaias, na nagsasabing ang Sabbath ay kaluguran,23 at mula sa Ezekiel, na ang Sabbath “ay magiging tanda sa akin at sa inyo, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios.”24

Ang ipinararating ng napakagandang gabing ito ay ang pagmamahal sa pamilya, katapatan, at pananagutan sa Diyos. Nang pagnilayan ko ang kaganapang ito, pinagnilayan ko ang matinding pag-uusig na naranasan ng mga Judio sa nakalipas na mga siglo. Malinaw na ang paggalang sa araw ng Sabbath ay “isang panghabambuhay na tipan,” na pinangangalagaan at pinagpapala ang mga Judio bilang katuparan sa nakasaad sa banal na kasulatan.25 Ito rin ang dahilan kaya kahanga-hanga at maligaya ang buhay ng mga pamilya ng maraming Judio.26

Para sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang paggalang sa araw ng Sabbath ay isang klase ng kabutihan na magpapala at magpapatatag sa mga pamilya, mag-uugnay sa atin sa ating Lumikha, at magpapaibayo ng kaligayahan. Makakatulong ang araw ng Sabbath na maihiwalay tayo sa mga bagay na hindi mahalaga, hindi angkop, o imoral. Tinutulutan tayo nitong manirahan sa mundo ngunit hindi maging makamundo.

Nitong huling anim na buwan, nagkaroon ng napakalaking pagbabago sa Simbahan. Ito ay sa pagtugon ng mga miyembro sa muling pagbibigay-diin ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa sa araw ng Sabbath at sa hamon ni Pangulong Russell M. Nelson na gawing kaluguran ang araw ng Sabbath.27 Naunawaan ng maraming miyembro na ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath ay isang kanlungan mula sa mga unos ng buhay na ito. Tanda rin ito ng ating katapatan sa ating Ama sa Langit at ng mas malalim na pagkaunawa sa kasagraduhan ng sacrament meeting. Gayunpaman, marami pa tayong gagawin, ngunit maganda na ang nasimulan natin. Inaanyayahan ko tayong lahat na patuloy nating sundin ang payong ito at pagbutihin pa ang pagsamba natin sa araw ng Sabbath.

Pangatlo: Pinoprotektahan Tayo ng Langit Kapag Tayo ay Matwid

Bilang bahagi ng plano ng Diyos, ibinigay sa atin ang kaloob na Espiritu Santo. Ang kaloob na ito “ay ang karapatang magkaroon ng palagiang pagsama ng Espiritu Santo, kapag ang isang [tao] ay karapat-dapat.”28 Ang miyembrong ito ng Panguluhang Diyos ay nagsisilbing pampadalisay kung uunahin natin ang ebanghelyo sa ating buhay. Isa rin Siyang tinig na nagbabala laban sa kasamaan at isang tinig na nagpoprotekta laban sa panganib. Sa paglalayag natin sa karagatan ng buhay, mahalagang sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Tutulungan tayo ng Espiritu na umiwas sa mga tukso at panganib, at papanatagin at tutulungan tayo sa mga oras ng pagsubok. “Ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat.”29

Ang pagsunod sa mga sagradong alituntunin ng ebanghelyo ay nagtutulot sa atin na maging karapat-dapat sa templo, makadama ng kaligayahan sa buhay na ito, at maakay pabalik sa ating tahanan sa langit.

Mahal kong mga kapatid, hindi madaling mabuhay, ni hindi ito nilayong maging gayon. Ito ay panahon ng pagpapatunay at pagsubok. Tulad ng mga lumang barko sa Bristol Harbor, may mga panahon na kakati ang tubig at tila lahat ng bagay sa mundong ito na nagpapanatili sa ating nakalutang ay naglalaho. Maaari tayong sumadsad sa ilalim at tumagilid. Sa gitna ng ganitong mga pagsubok, ipinapangako ko sa inyo na ang pamumuhay na nananatiling karapat-dapat sa templo ay sama-samang paglalakipin ang lahat ng tunay na mahalaga. Ang kasiya-siyang mga pagpapala ng kapayapaan, kaligayahan, at kagalakan, pati na ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan at selestiyal na kaluwalhatian sa piling ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo ay matutupad. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. 2 Nephi 2:13. Ang banal na kasulatang ito ay bahagi ng pararelismo sa Aklat ni Mormon. Kapansin-pansin na ginamit ng marami sa mga propeta na ang mga isinulat at sermon ay nasa Aklat ni Mormon ang ganitong paraan ng pagsulat upang bigyang-diin ang mahahalagang konsepto ng doktrina. Tingnan, halimbawa, sa, 2 Nephi 9:25 (Jacob) at 2 Nephi 11:7 (Nephi).

  2. Tingnan sa 2 Nephi 28.

  3. Tingnan sa 4 Nephi 1:15–17.

  4. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:23.

  5. Tingnan sa Wiktionary, “shipshape and Bristol fashion,” wiktionary.org.

  6. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:30.

  7. Alma 40:12; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  8. Tingnan sa Mateo 5, buod ng kabanata.

  9. Tingnan sa Carl Cederstrom, “The Dangers of Happiness,” New York Times, Hulyo 19, 2015, Sunday Review section, 8.

  10. 2 Nephi 15:20.

  11. Ross Douthat, “Gay Conservatism and Straight Liberation,” New York Times, Hunyo 28, 2015, Sunday Review section, 11.

  12. Tingnan sa 2 Nephi 2.

  13. Tingnan sa Mateo 25:1–30.

  14. Alma 41:10.

  15. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Patuloy na Magtiyaga,” Liahona, Mayo 2010, 56.

  16. Tingnan sa Walter Mischel, The Marshmallow Test: Mastering Self-Control (2014), 136–38; tingnan din sa Jacoba Urist, “What the Marshmallow Test Really Teaches about Self-Control,” Atlantic, Set. 24, 2014, theatlantic.com.

  17. Tingnan sa Mischel, The Marshmallow Test, 136–38.

  18. Maria Konnikova, “The Struggles of a Psychologist Studying Self-Control,” New Yorker, Okt. 9, 2014, newyorker.com, binanggit ang sinabi ni Roy Baumeister, isang propesor ng psychology sa Florida State University na nag-aaral tungkol sa kakayahang kontrolin ang kagustuhan at pigilan ang sarili.

  19. Tingnan sa Malia Wollan, “How to Proselytize,” New York Times Magazine, Hulyo 19, 2015, 21. Binanggit niya ang sinabi ni Mario Dias ng Brazil Missionary Training Center.

  20. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Araw ng Sabbath.”

  21. Si Elder Von G. Keetch at kanyang asawang si Bernice at si John Taylor at kanyang asawang si Jan ay sumama sa aming mag-asawa para sa isang kasiya-siyang Shabbat kasama si Robert Abrams at ang kanyang asawang si Diane noong Mayo 8, 2015. Si Mr. Abrams ay naglingkod nang apat na termino bilang attorney general para sa estado ng New York at naging kaibigan ng Simbahan sa loob ng maraming taon. Inanyayahan din ni Mr. Abrams ang dalawa sa kanyang mga kasamahang Judio at kanilang mga asawa.

  22. Inawit ang Sabbath table hymn na Shalom Aleichem (“Ang Kapayapaan ay Sumainyo”).

  23. Tingnan sa Isaias 58:13–14.

  24. Ezekiel 20:20.

  25. Tingnan sa Exodo 31:16–17.

  26. Tingnan sa Joe Lieberman, The Gift of Rest: Rediscovering the Beauty of the Sabbath (2011). Inilarawan sa magandang aklat ni Senator Lieberman ang Jewish Shabbat at nagbahagi siya ng mga espirituwal na kaalaman.

  27. Tingnan sa Isaias 58:13–14; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 129–32.

  28. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Espiritu Santo.”

  29. Mga Taga Galacia 5:22.