Narito Upang Itaguyod ang Mabuting Adhikain
Nawa’y piliin nating itaguyod ang mabuting adhikain bilang magigiting na emisaryo ng ating Panginoong Jesucristo.
Nagpapasalamat ako na maaari tayong magtipun-tipon kasama ang matatapat na kababaihan, gaya ni Lisa, na may dalisay na puso, na nagmamahal sa Panginoon at naglilingkod sa Kanya, maging sa gitna ng kanilang mga pagsubok. Ang kuwento ni Lisa ay nagpapaalala sa akin na dapat nating mahalin ang isa’t isa at tingnan ang kagandahan sa kaluluwa ng bawat isa. Itinuro ng Tagapagligtas, “Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.”1 Tayo man ay edad 8 o 108, bawat isa sa atin ay “mahalaga sa [Kanyang] paningin.”2 Mahal Niya tayo. Tayo ay mga anak ng Diyos. Tayo ay magkakapatid sa Sion. Tayo ay may banal na katangian, at bawat isa sa atin ay may dakilang gawain.
Noong nakaraang tag-init nakausap ko ang isang maganda at bata pang ina na may mga anak na babae. Ibinahagi niya sa akin ang damdamin niya na kinakailangang may adhikain ang mga kabataang babae, isang bagay na tutulong sa kanila na maramdamang sila ay pinahahalagahan. Alam niya na maaari nating matuklasan ang ating indibiduwal at walang-hanggang kahalagahan sa pamamagitan ng pagkilos ayon sa ating banal na layunin sa buhay na ito. Katatapos lang awitin ng kahanga-hangang choir na ito ang mga salitang nagtuturo ng ating layunin. Sa kabila ng mga pagsubok, maging sa kabila ng takot at kawalan ng pag-asa, matatag ang ating mga puso. Determinado tayong gawin ang ating responsibilidad. Narito tayo upang itaguyod ang mabuting adhikain.3 Mga kapatid, sa adhikaing ito tayo ay napahahalagahan. Kailangan tayo.
Ang mabuting adhikain na itinataguyod natin ay ang adhikain ni Cristo. Ito ang gawain ng kaligtasan.4 Itinuro ng Tagapagligtas, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”5 Tayo ang dahilan kung kaya si Jesucristo ay nagdusa, nilabasan ng dugo sa bawat butas ng balat, at sa sakdal na pag-ibig ay ibinigay ang Kanyang buhay. Ang kanyang adhikain ang balita ng kagalakan, “ang mabubuting balita, … na siya ay pumarito sa daigdig, maging si Jesus, upang ipako sa krus dahil sa sanlibutan, upang dalhin ang mga kasalanan ng sanlibutan, at upang pabanalin ang sanlibutan at linisin ito mula sa lahat ng kasamaan; na sa pamamagitan niya ang lahat ay maliligtas.”6 Ang ating Tagapagligtas ay “namuno … at landas ay [i]tinuro.”7 Pinatototohanan ko na kapag tinularan natin ang Kanyang halimbawa, minahal ang Diyos, at pinaglingkuran ang isa’t isa nang may kabaitan at pagkahabag, tayo ay makatatayo nang dalisay, “walang-sala sa harapan ng Diyos sa huling araw.”8 Pinipili nating paglingkuran ang Panginoon sa Kanyang mabuting adhikain nang tayo ay maging kaisa ng Ama at ng Anak.9
Tahasang ipinahayag ni Propetang Mormon, “Sapagkat tayo ay may gawaing nararapat gampanan habang nasa katawang-lupa, upang ating magapi ang kaaway ng lahat ng kabutihan, at ipahinga ang ating mga kaluluwa sa kaharian ng Diyos.”10 Ang mga naunang lider at pioneer ng Simbahan ay nagpatuloy sa pagsulong nang may magiting na katapangan at di-natitinag na katapatan para itatag ang ipinanumbalik na ebanghelyo at itayo ang mga templo kung saan isinasagawa ang mga ordenansa ng kadakilaan. Ang mga pioneer sa kasalukuyan, ibig sabihin kayo at ako, ay patuloy sa pagsulong nang may pananampalataya, “upang gumawa sa ubasan [ng Panginoon] para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao.”11 At, tulad ng itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Kamangha-mangha ang mangyayari sa hinaharap kapag ipinalaganap ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang maluwalhating gawain … sa pamamagitan ng taos-pusong [paglilingkod] ng mga yaong ang puso ay puno ng pagmamahal para sa Manunubos ng sanlibutan.”12 Nakikiisa kami sa matatapat na kababaihan ng nakaraan, ng kasalukuyan, at ng susunod na henerasyon sa gawain ng kaligtasan!
Bago tayo isinilang, tinanggap natin ang plano ng ating Ama sa Langit na naglaan sa “Kanyang mga anak na magkaroon ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad tungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang kanilang banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang hanggan.”13 Tungkol sa tipang ito na ginawa natin sa premortal na buhay, ipinaliwanag ni Elder John A. Widtsoe: “Kaagad tayong sumang-ayon doon na maging mga tagapagligtas hindi lamang para sa ating mga sarili kundi … tagapagligtas ng sangkatauhan. Nakipagtulungan tayo sa Panginoon. Ang pagsasakatuparan ng plano ay hindi lamang naging gawain ng Ama, at gawain ng Tagapagligtas, kundi naging gawain din natin. Ang pinakamaliit sa atin, ang pinaka-mapagpakumbaba, ay nakipagtulungan sa makapangyarihang Diyos upang makamit ang layunin ng walang hanggang plano ng kaligtasan.”14
Dito sa buhay na ito muli tayong nakipagtipan na maglilingkod sa Tagapagligtas sa gawain ng kaligtasan. Sa pakikibahagi sa mga sagradong ordenansa ng priesthood, nangangako tayo na maglilingkod sa Diyos, nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas.15 Natatanggap natin ang Espiritu Santo at hangad natin ang kanyang paghimok bilang gabay sa ating pagsisikap.
Ang kabutihan ay lumalaganap sa buong mundo kapag naunawaan natin kung ano ang nais ipagawa sa atin ng Diyos at pagkatapos ay ginagawa natin ito. May kilala akong bata sa Primary na nagsabi sa isang kaibigan habang nakatayo sa hintayan ng bus, “Dapat sumama ka sa akin sa simbahan para matuto ka tungkol kay Jesus!”
Nakakita ako ng mga dalagita sa Young Women class na nagkapit-bisig at nangakong maglilingkod sa isa’t isa at pagkatapos ay nagplano ng angkop na paraan para matulungan ang isang dalagita na nahihirapan sa adiksyon.
Nakakita ako ng mga bata pang ina na ibinibigay ang lahat ng kanilang oras, mga talento, at lakas upang magturo at maging halimbawa ng mga alituntunin ng ebanghelyo upang ang kanilang mga anak, tulad ng mga anak ni Helaman, ay makatayong may tapang at katapatan sa harap ng pagsubok, tukso at paghihirap.
Marahil ang pinaka-nakapagpakumbaba sa akin ay ang sinabi ng isang dalaga sa maalab at dalisay na patotoo na ang pinakamahalagang gawain natin ay ang maghanda para sa pag-aasawa at pagpapamilya. Bagama’t hindi pa ito nangyari sa kanya, alam niya na ang pamilya ang sentro ng gawain ng kaligtasan. “Ang plano ng kaligayahan ng Diyos ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang-buhay.”16 Iginagalang natin ang plano ng Ama at niluluwalhati ang Diyos kapag napalakas at napadakila natin ang mga ugnayang iyon sa bago at walang hanggang tipan ng kasal. Pinipili nating mamuhay nang dalisay at mabuti upang kapag dumating ang pagkakataon, handa tayong gumawa at tumupad ng sagradong tipang iyon sa bahay ng Panginoon.
Lahat tayo ay nakararanas ng paglipas ng oras at pagdaloy ng panahon sa ating buhay. Ngunit nasa eskwelahan man tayo, sa trabaho, sa komunidad, at lalung-lalo na sa tahanan, tayo ay mga kinatawan ng Panginoon at tayo ay nasa Kanyang paglilingkod.
Sa gawain ng kaligtasan, walang puwang ang pagkukumpara ng sarili sa iba, pamimintas, o panghuhusga. Hindi ito tungkol sa edad, karanasan, o katanyagan. Ang sagradong gawaing ito ay tungkol sa pagkakaroon ng bagbag na puso, nagsisising espiritu, at kahandaang gamitin ang ating banal na mga kaloob at natatanging mga talento upang tuparin ang gawain ng Panginoon ayon sa Kanyang paraan. Ito ang pagpapakumbaba na lumuhod at sabihing, “Ama ko, … huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”17
Sa lakas ng Panginoon maaari nating “magawa ang lahat ng bagay.”18 Palagi nating hinahangad ang Kanyang patnubay sa panalangin, sa mga banal na kasulatan, at sa mga bulong ng Espiritu Santo. Isinulat ng isang sister, na naharap sa mahirap na tungkulin, “Kung minsan iniisip ko kung ang kababaihan sa naunang kasaysayan ng Simbahan, tulad natin, bago matulog sa gabi ay nagdarasal na, ‘Anuman po ang mangyari bukas, tutulungan Ninyo po ba akong makayanan ito?’” Pagkatapos ay isinulat niya na, “Isa sa mga pagpapala ay magkakasama tayo at sinusuportahan natin ang isa’t isa sa bagay na ito!”19 Anuman ang sitwasyon natin, saanman tayo naroon sa landas tungo sa kaligtasan, nagkakaisa tayo sa ating katapatan sa Tagapagligtas. Sinasuportahan natin ang isa’t isa sa paglilingkod sa Kanya.
Kamakailan lang ay maaaring nabasa ninyo ang tungkol kay Sister Ella Hoskins, na sa edad na 100 ay tinawag na tumulong sa mga kabataang babae sa kanyang ward para sa kanilang Pansariling Pag-unlad.20 Makalipas ang mga dalawang taon, sa edad na 102, nakamit ni Sister Hoskins ang kanyang Young Womanhood Recognition award. Magkakasamang nagtipon ang mga kabataang babae, ang ward at stake Young Women at Relief Society presidency, at mga miyembro ng pamilya upang ipagdiwang ang kanyang tagumpay. Ang edad, organisasyon, at marital status ay hindi mahalaga sa tapat na paglilingkod. Nagpasalamat ang mga kabataang babae kay Sister Hoskins, para sa kanyang pagtuturo, at sa kanyang mabuting halimbawa. Gusto nilang maging katulad niya. Pagkatapos, tinanong ko si Sister Hoskins, “Paano po ninyo nagawa iyon?”
Kaagad siyang sumagot, “Nagsisisi ako araw-araw.”
Mula sa isang mabuting babae, na puspos ng Espiritu ng Panginoon na lalo pang pinaningning ng kanyang kadalisayan, ako ay napaalalahanan na upang magningning sa kagandahan ng kabanalan, upang makatayo kasama ng Tagapagligtas at mapagpala ang iba, tayo ay dapat maging malinis. Ang kadalisayan ay posible sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo kapag tinalikuran natin ang kasamaan at piniling mahalin ang Diyos nang buong kakayahan, pag-iisip, at lakas.21 Itinuro ni Apostol Pablo, “Layuan … ang masasamang pita ng kabinataan: … sundin mo ang kabanalan, ang pananampalataya, ang pagibig, ang kapayapaan, kasama ng mga nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis.”22 Walang perpekto sa atin. Lahat tayo ay nagkakamali. Gayunman tayo ay nagsisisi upang maging mas mabuti at “[mapanatiling] laging nakasulat ang pangalan [ni Cristo] sa [ating] mga puso.”23 Kapag naglilingkod tayo sa pangalan ng Panginoon, nang may dalisay na puso, naipapakita natin ang pagmamahal ng Tagapagligtas at naituturo sa iba ang mga bagay tungkol sa langit.
Nawa’y piliin nating itaguyod ang mabuting adhikain bilang magigiting na emisaryo ng ating Panginoong Jesucristo. Tayo ay magsitayong magkakasama na “may awitin sa [ating mga] puso at sumulong tayo, mamuhay sa ebanghelyo, mahalin ang Panginoon, at itayo ang [Kanyang] kaharian.”24 Pinatototohanan ko na sa dakilang gawaing ito, madarama natin ang dalisay na pag-ibig ng Diyos. Nawa’y matanggap natin ang tunay na kaligayahan at matamo ang lahat ng kaluwalhatian ng kawalang-hanggan. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.