“Pangangalaga sa mga Nangangailangan,” Liahona, Set. 2023.
Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo
Pangangalaga sa mga Nangangailangan
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sinusunod natin ang turo ng Panginoon na pangalagaan ang mga nangangailangan. Pinangangalagaan natin ang ating kapwa sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila, pagtulong sa kanila na maging self-reliant, at pagbabahagi ng kung anong mayroon tayo.
Halimbawa ni Jesucristo
Minahal, inalo, at ipinagdasal ni Jesucristo ang mga nakapaligid sa Kanya. “Naglibot Siya na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38). Matutularan natin ang Kanyang halimbawa sa pamamagitan ng pagmamahal, pag-alo, paglilingkod, at pagdarasal para sa mga nasa paligid natin. Maaari tayong palaging maghanap ng mga paraan para matulungan ang iba.
Ministering
Ang salitang ministering ay ginagamit sa mga banal na kasulatan at sa Simbahan ng Panginoon upang ilarawan kung paano natin pinangangalagaan ang isa’t isa. Ang mga mayhawak ng priesthood ay inaatasan bilang mga ministering brother sa bawat indibiduwal o pamilya sa ward o branch. Ang mga ministering sister ay naka-assign sa bawat adult na babae. Sinisiguro ng mga ministering brother at sister na lahat ng miyembro ng Simbahan ay naaalala at pinangangalagaan.
Pagtulong sa Iba na Maging Self-Reliant
Matutulungan natin ang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan na maging self-reliant sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na maghanap ng mga pangmatagalang solusyon sa kanilang mga problema. Pagkatapos ay masusuportahan natin sila habang nagsisikap silang kamtin ang kanilang mga mithiin. Maghanap ng iba pang impormasyon tungkol sa self-reliance sa Liahona na artikulo na Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo sa Agosto 2023.
Paglilingkod sa Kapwa
Maraming paraan para mapaglingkuran natin ang mga nasa paligid natin at matugunan ang kanilang temporal, espirituwal, at emosyonal na mga pangangailangan. Ang pagkilala sa iba ay makakatulong sa atin na malaman kung paano natin sila mas mapaglilingkuran. Maaari din tayong manalangin na patnubayan tayo para malaman kung ano ang magagawa natin para makatulong.
Pagbabahagi ng Kung Ano ang Mayroon Tayo
Mapaglilingkuran natin ang iba sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga bagay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Halimbawa, maaari tayong magbigay ng bukas-palad na handog-ayuno o magbigay ng donasyon sa pondo ng Humanitarian Aid ng Simbahan. Maaari din tayong maglingkod sa ating komunidad at sa ating mga tungkulin sa Simbahan.
Mga Tungkulin ng mga Lider ng Simbahan
Ang bishop ang namamahala sa pangangalaga sa mga nangangailangan sa kanyang ward. Magagamit niya ang pera mula sa mga handog-ayuno para tulungan ang mga miyembrong mayroong mga pangangailangan. Ang iba pang mga lider, kabilang na ang kanyang mga tagapayo at ang mga panguluhan ng Relief Society at elders quorum, ay tumutulong sa mga miyembro na makahanap ng resources na magagamit nila para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Mga Humanitarian Effort (Gawaing Pangkawanggawa) ng Simbahan
Tinutulungan ng Simbahan ang mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng pagtugon sa emergency, mga proyekto sa komunidad, at iba pang mga programang tulad ng malinis na tubig at pagbabakuna. Para malaman pa ang tungkol dito, tingnan sa Dallin H. Oaks, “Pagtulong sa mga Maralita at Naghihirap,” Liahona, Nob. 2022, 6–8.