2014
Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood
Mayo 2014


Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood

Ang mga susi ng priesthood ay gumagabay sa kababaihan gayundin sa kalalakihan, at ang mga ordenansa ng priesthood at awtoridad ng priesthood ay nauukol kapwa sa kababaihan at kalalakihan.

Elder Dallin H. Oaks

I.

Sa kumperensyang ito nakita natin ang pag-release sa ilang matatapat na kapatid, at sinang-ayunan natin ang pagtawag sa iba pa. Sa pag-iiba-iba ng tungkulin—na karaniwan sa Simbahan—hindi tayo “bumababa sa puwesto” kapag ini-release tayo, at hindi tayo “umaakyat sa puwesto” kapag tinawag tayo. Walang “pagtaas o pagbaba” sa paglilingkod sa Panginoon. Mayroon lamang “pasulong o paurong,” at iyan ay depende sa kung paano natin tanggapin at tugunan ang pag-release at pagtawag sa atin. Minsan ay pinamunuan ko ang pag-release sa isang batang stake president na tapat na naglingkod nang siyam na taon at ngayon ay masaya sa pag-release sa kanya at sa bagong tungkulin na natanggap nilang mag-asawa. Tinawag silang maging mga nursery leader sa kanilang ward. Tanging sa Simbahang ito itinuturing na parehong karangalan iyan!

II.

Sa pagsasalita sa kumperensya ng kababaihan, sinabi ng Relief Society general president na si Linda K. Burton, “Umaasa kami na maikintal sa bawat isa sa atin ang higit na pagnanais na mas maunawaan ang priesthood.”1 Kailangan nating lahat na gawin iyan, at palalawigin ko pa ito sa pagtalakay sa mga susi at awtoridad ng priesthood. Yamang ang mga paksang ito ay kapwa mahalaga sa kalalakihan at kababaihan, natutuwa ako na ang mga kaganapan na ito ay ibinobrodkast at inilalathala para sa lahat ng miyembro ng Simbahan. Ang kapangyarihan ng priesthood ay pagpapala sa ating lahat. Ang mga susi ng priesthood ay gumagabay sa kababaihan gayundin sa kalalakihan, at ang mga ordenansa ng priesthood at awtoridad ng priesthood ay nauukol kapwa sa kababaihan at kalalakihan.

III.

Inilarawan ni Pangulong Joseph F. Smith ang priesthood bilang “kapangyarihan ng Diyos na itinalaga sa tao upang ang tao ay makakilos sa mundo para sa kaligtasan ng mag-anak ng tao.”2 Itinuro sa atin ng iba pang mga lider na ang priesthood “ang pinakamalakas na kapangyarihan sa mundong ito. Ang kapangyarihang ito ang ginamit sa paglikha ng mundo.”3 Itinuturo ng mga banal na kasulatan na “ang Pagkasaserdote ring ito, na naroroon na sa simula pa ay siya ring naroroon sa wakas ng daigdig” (Moises 6:7). Samakatwid, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood, tayo ay mabubuhay na muli at sa huli ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Ang pang-unawang hangad natin ay nagsisimula sa pag-unawa sa mga susi ng priesthood. “Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga [mayhawak] ng priesthood upang gabayan, pangasiwaan, at pamahalaan ang paggamit ng Kanyang priesthood sa mundo.”4 Bawat gawain o ordenansang isinasagawa sa Simbahan ay ginagawa sa ilalim ng direkta o hindi direktang awtoridad na ibinigay ng mayhawak ng mga susi para sa gawaing iyon. Gaya ng ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard, “Yaong may mga susi ng priesthood … ay literal na ginagawang posible para sa lahat ng matatapat na naglilingkod sa ilalim ng kanilang pamamahala na gamitin ang awtoridad ng priesthood at magkaroon ng access sa kapangyarihan ng priesthood.”5

Sa pangangasiwa ng awtoridad ng priesthood, ang paggamit sa mga susi ng priesthood ay kapwa nagpapalawak at nagtatakda ng limitasyon. Nagpapalawak ito dahil ginagawa nitong posible na matanggap ng lahat ng mga anak ng Diyos ang awtoridad at mga pagpapala ng priesthood. Nagtatakda ito ng limitasyon dahil pinangangasiwaan nito kung sino ang bibigyan ng awtoridad ng priesthood, sino ang hahawak ng mga katungkulan nito, at paano igagawad ang mga karapatan at kapangyarihan nito. Halimbawa, ang isang mayhawak ng priesthood ay hindi maaaring igawad ang kanyang katungkulan o awtoridad sa iba maliban kung binigyan siya ng karapatan ng mayhawak ng mga susi. Kung wala ang awtorisasyong iyan, walang bisa ang ordinasyon. Iyan ang dahilan kung bakit ang isang mayhawak ng priesthood—anuman ang katungkulan—ay hindi maaaring ordenan ang miyembro ng kanyang pamilya o mangasiwa ng sakramento sa kanyang tahanan nang walang pahintulot mula sa mayhawak ng angkop na mga susi.

Maliban lang sa sagradong gawain ng kababaihan sa templo sa ilalim ng mga susi ng pangulo ng templo, na ilalarawan ko mamaya, tanging ang taong may katungkulan sa priesthood ang makapamumuno sa ordenansa ng priesthood. At lahat ng mga ordenansa ng priesthood na ginawa nang may pahintulot ay nakatala sa mga rekord ng Simbahan.

Sa huli, ang lahat ng susi ng priesthood ay hawak ng Panginoong Jesucristo, na Siyang may-ari ng priesthood. Siya ang nagpapasiya kung anong mga susi ang itatalaga sa mga tao sa mundo at kung paano gagamitin ang mga susing iyon. Iniisip natin na ang lahat ng mga susi ng priesthood ay naigawad na kay Joseph Smith sa Kirtland Temple, ngunit ayon sa banal na kasulatan ang naigawad lamang ay “ang mga susi ng dispensasyong ito” (D at T 110:16). Sa pangkalahatang kumperensya maraming taon na ang nakalipas, ipinaalala sa atin ni Pangulong Spencer W. Kimball na may iba pang mga susi ng priesthood na hindi pa naibigay sa tao sa mundo, kabilang na ang mga susi ng paglikha at pagkabuhay na mag-uli.6

Ang mga itinakda ng Diyos sa paggamit ng mga susi ng priesthood ay nagpapaliwanag sa mahalagang kaibhan ng pagpapasiya sa mga bagay na nauukol sa pangangasiwa ng Simbahan at pagpapasiya sa mga bagay na nauukol sa priesthood. Ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa, na namumuno sa Simbahan, ay binigyan ng karapatang magpasiya ukol sa mga patakaran at pamamaraan ng Simbahan—tulad ng pagtatayuan ng mga gusali ng Simbahan at edad para sa pagmimisyon. Ngunit kahit hawak at ginagamit ng mga namumunong awtoridad na ito ang lahat ng mga susing itinalaga sa kalalakihan sa dispensasyong ito, wala silang karapatang baguhin ang tuntuning itinakda ng Diyos na tanging kalalakihan ang hahawak ng mga katungkulan sa priesthood.

IV.

Tatalakayin ko na ngayon ang awtoridad ng priesthood. Sisimulan ko sa tatlong alituntuning katatalakay lang: (1) ang priesthood ang kapangyarihan ng Diyos na itinalaga sa tao upang makakilos para sa kaligtasan ng mag-anak ng tao, (2) ang awtoridad ng priesthood ay pinamamahalaan ng mga mayhawak ng priesthood na mayhawak ng mga susi, at (3) yamang nakasaad sa mga banal na kasulatan na “lahat ng ibang mga maykapangyarihan [at] tungkulin sa simbahan ay nakaakibat sa [Melchizedek priesthood na] ito” (D at T 107:5), lahat ng ginagawa sa ilalim ng mga susi ng priesthood na iyon ay ginagawa nang may awtoridad ng priesthood.

Paano ito naaangkop sa kababaihan? Sa isang mensahe sa Relief Society, si Pangulong Joseph Fielding Smith, na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay ganito ang sinabi: “Bagama’t ang mga kababaihan ay hindi binigyan ng priesthood at hindi ito iginawad sa kanila, hindi ibig sabihin nito na wala nang awtoridad na ibinigay sa kanila ang Panginoon. … Ang isang lalaki ay maaaring mabigyan ng awtoridad, gayundin ang isang babae, na gawin ang ilang bagay sa Simbahan na may bisa at mahalaga para sa ating kaligtasan, tulad ng ginagawa ng ating kababaihan sa Bahay ng Panginoon. Binigyan sila ng awtoridad na gawin ang ilang dakila at kagila-gilalas na mga bagay, na banal sa Panginoon, at maybisa ito na katulad ng mga pagbabasbas na ibinibigay ng kalalakihang mayhawak ng Priesthood.”7

Sa mahalagang mensaheng iyan, muli’t muling sinabi ni Pangulong Smith na ang kababaihan ay binigyan ng awtoridad. Sinabi niya sa kababaihan, “Makapagsasalita kayo nang may awtoridad, sapagkat binigyan kayo ng awtoridad ng Panginoon.” Sinabi rin niya na ang Relief Society ay “binigyan … ng kapangyarihan at awtoridad na gawin ang maraming dakilang bagay. Ang gawain nila ay ginagawa nang may awtoridad mula sa Diyos.” At, mangyari pa, ang gawain sa Simbahan na ginagawa ng kalalakihan at kababaihan, sa templo man o sa mga ward o branch, ay ginagawa sa ilalim ng pamamahala ng mga mayhawak ng mga susi ng priesthood. Kaya patungkol sa Relief Society, ipinaliwanag ni Pangulong Smith na, “Ibinigay [ng Panginoon] sa kanila … ang napakalaking organisasyong ito kung saan mayroon silang awtoridad na maglingkod sa ilalim ng pamamahala ng mga bishop ng mga ward … , na pinangangalagaan ang kapakanan ng ating mga tao kapwa sa espirituwal at temporal.”8

Tunay na masasabi kung gayon na ang Relief Society ay hindi isang klase lamang na dadaluhan ng kababaihan kundi isang samahan na kinabibilangan nila—na itinatag ng Diyos na kalakip ng priesthood.9

Hindi karaniwan sa atin ang sabihing may awtoridad ng priesthood ang kababaihan sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan, ngunit ano pa bang awtoridad ang maitatawag dito? Kapag ang isang babae—bata man o matanda—ay itinalaga na mangaral ng ebanghelyo bilang full-time missionary, siya ay binibigyan ng awtoridad ng priesthood para isagawa ang tungkulin ng priesthood. Angkop din iyan kapag ang isang babae ay itinalaga na mamuno o magturo sa isang organisasyon ng Simbahan sa pamamahala ng mayhawak ng mga susi ng priesthood. Sinumang gumaganap sa katungkulan o tungkulin na natanggap mula sa taong mayhawak ng mga susi ng priesthood ay ginagamit ang awtoridad ng priesthood sa pagtupad sa mga gawaing itinalaga sa kanya.

Ang sinumang gumagamit ng awtoridad ng priesthood ay dapat isantabi ang kanilang mga karapatan at magtuon sa kanilang mga tungkulin. Iyan ang alituntuning kailangan ng lipunan sa kabuuan. Ang bantog na manunulat na Ruso na si Aleksandr Solzhenitsyn ay nagsabing, “Panahon na … para panindigan ang obligasyon ng tao nang higit sa karapatan ng tao.”10 Tiyak na batid ng mga Banal sa mga Huling Araw na ang pagiging marapat sa kadakilaan ay hindi paggiit ng karapatan kundi pagtupad sa mga responsibilidad.

V.

Iniutos ng Panginoon na tanging kalalakihan ang maoordenan sa mga katungkulan sa priesthood. Ngunit, tulad ng binigyang-diin ng mga lider ng Simbahan, ang kalalakihan ay hindi ang “priesthood.”11 Hawak ng kalalakihan ang priesthood, nang may banal na tungkuling gamitin ito para pagpalain ang lahat ng mga anak ng Diyos.

Ang pinakamalaking kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak na lalaki ay hindi maisasagawa kung wala ang Kanyang mga anak na babae, dahil tanging ang Kanyang mga anak na babae ang binigyan ng Diyos ng kapangyarihang “maging tagalikha ng mga katawan … upang ang layunin ng Diyos at ang Dakilang Plano ay maisagawa.”12 Iyan ang sinabi ni Pangulong J. Reuben Clark.

Pagpapatuloy niya: “Ito ang tungkulin ng ating mga asawa at ating mga ina sa Walang Hanggang Plano. Hindi sila humahawak ng Priesthood; hindi sila inatasang isagawa ang mga tungkulin at gawain ng Priesthood; ni hindi nila pasan ang mga responsibilidad nito; sila ang tagapagtayo at tagapagtatag sa ilalim ng kapangyarihan nito, at kabahagi ng mga pagpapala nito, nagtataglay ng kapupunan ng mga kapangyarihan ng Priesthood at may gawaing mula sa Diyos, na ang kahalagahan ay walang hanggan na tulad ng Priesthood.”13

Sa napakagandang mga salitang iyon, ang pinapatungkulan ni Pangulong Clark ay ang pamilya. Tulad ng nakasaad sa pagpapahayag sa mag-anak, ang ama ang namumuno sa mag-anak, siya at ang ina ay may magkahiwalay na responsibilidad, ngunit sila ay “may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.”14 Ilang taon bago lumabas ang pagpapahayag na ito, ibinigay ni Pangulong Spencer W. Kimball ang magandang paliwanag na ito: “Kapag pinag-uusapan ang mag-asawa bilang pagtutuwang, pag-usapan natin ito bilang ganap na pagtutuwang. Ayaw natin ang mga babaeng LDS na magsawalang-kibo na lang o malimitahan ang kilos sa walang hanggang tungkuling iyon! Mangyaring tumulong kayo at maging ganap na katuwang.”15

Sa mata ng Diyos, sa Simbahan man o sa pamilya, ang kalalakihan at kababaihan ay magkapantay, na may magkaibang mga responsibilidad.

Magtatapos ako sa ilang katotohanan tungkol sa mga pagpapala ng priesthood. Hindi katulad ng mga susi ng priesthood at mga ordinasyon sa priesthood, ang mga pagpapala ng priesthood ay maaaring matanggap ng kababaihan at kalalakihan sa parehong kondisyon. Ang kaloob na Espiritu Santo at ang mga pagpapala ng templo ay karaniwang mga halimbawa ng katotohanang ito.

Sa kanyang magandang mensahe sa BYU Education Week noong nakaraang tag-init, ibinahagi ni Elder M. Russell Ballard ang mga turong ito:

“Sa doktrina ng ating Simbahan ang kababaihan ay kapantay ng ngunit kaiba sa kalalakihan. Hindi itinuturing ng Diyos ang isang kasarian na mas mabuti o mas mahalaga kaysa sa isa. …

“Kapag ang kalalakihan at kababaihan ay nagpunta sa templo, pareho silang pinagkakalooban ng iisang kapangyarihan, ang kapangyarihan ng priesthood. … Ang kapangyarihan at pagpapala ng priesthood ay maaaring matamo ng lahat ng anak ng Diyos.”16

Pinatototohanan ko ang kapangyarihan at pagpapala ng priesthood ng Diyos, na maaaring matamo ng lahat ng Kanyang mga anak. Pinatototohanan ko ang awtoridad ng priesthood, na ginagamit sa lahat ng katungkulan at gawain ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pinatototohanan ko na galing sa Diyos ang layunin ng mga susi ng priesthood, na hawak at ginagamit ang kabuuan nito ng ating propeta at pangulo, si Thomas S. Monson. Ang huli at pinakamahalaga, pinatototohanan ko ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, na ang gayong priesthood ay Kanya at tayo ay mga tagapaglingkod Niya, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Linda K. Burton, “Priesthood: ‘A Sacred Trust to Be Used for the Benefit of Men, Women, and Children’” (Brigham Young University Women’s Conference address, Mayo 3, 2013), 1; ce.byu.edu/cw/womensconference/transcripts.php.

  2. Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 139.

  3. Boyd K. Packer, “Kapangyarihan ng Priesthood sa Tahanan,” (pandaigdigang pulong sa pamumuno, Peb. 2012);  lds.org/broadcasts; tingnan din sa James E. Faust, “Power of the Priesthood,” Ensign, Mayo 1997, 41–43.

  4. Handbook 2: Administering the Church (2010), 2.1.1.

  5. M. Russell Ballard, “Men and Women in the Work of the Lord,” Liahona, Abr. 2014, 48; tingnan din sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 163.

  6. Tingnan sa Spencer W. Kimball, “Our Great Potential,” Ensign, Mayo 1977, 49.

  7. Joseph Fielding Smith, “Relief Society—an Aid to the Priesthood,” Relief Society Magazine, Jan. 1959, 4.

  8. Joseph Fielding Smith, “Relief Society—an Aid to the Priesthood,” 4, 5; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith (2013), 341–42.

  9. Tingnan sa Boyd K. Packer, “The Relief Society,” Ensign, Mayo 1998, 72; tingnan din sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 163.

  10. Aleksandr Solzhenitsyn, “A World Split Apart” (mensaheng ibinigay sa mga nagsipagtapos sa Harvard University, Hunyo 8, 1978); tingnan din sa Patricia T. Holland, “A Woman’s Perspective on the Priesthood,” Ensign, Hulyo 1980, 25; Tambuli, Hunyo 1982, 23; Dallin H. Oaks, “Rights and Responsibilities,” Mercer Law Review, tomo. 36, blg. 2 (taglamig 1985), 427–42.

  11. Tingnan sa James E. Faust, “You Are All Heaven Sent,” Liahona, Nob. 2002, 113; M. Russell Ballard, “Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian,” Liahona, Mayo 2013, 19; Dallin H. Oaks, “Awtoridad ng Priesthood sa Pamilya at sa Simbahan,” Liahona, Nob. 2005, 26. Sinasabi natin kung minsan na ang Relief Society ay “katuwang ng priesthood.” Mas angkop sabihin na sa gawain ng Panginoon ang Relief Society at ang kababaihan ng Simbahan ay “mga katuwang ng mga mayhawak ng priesthood.”

  12. J. Reuben Clark Jr., “Our Wives and Our Mothers in the Eternal Plan,” Relief Society Magazine, Dis. 1946, 800.

  13. J. Reuben Clark Jr., “Our Wives and Our Mothers,” 801.

  14. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  15. Spencer W. Kimball, “Privileges and Responsibilities of Sisters,” Ensign, Nob. 1978, 106.

  16. M. Russell Ballard, Liahona, Abr. 2014, 48; tingnan din sa Sheri L. Dew, Women and the Priesthood (2013), lalo na ang kabanata 6, para sa mas mahalagang pagpapaliwanag ng mga doktrinang nakasaad dito.