2014
Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos
Mayo 2014


“Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos”

Ang ibig sabihin ng gamitin ang ating kalayaang sumunod ay piliing “tama’y gawin [at hayaang] bunga’y makita.”

Elder Robert D. Hales

Mga kapatid, sa lahat ng aral na natututuhan natin mula sa buhay ng Tagapagligtas, wala nang mas malinaw at makapangyarihan pa kaysa sa aral tungkol sa pagsunod.

Ang Halimbawa ng Tagapagligtas

Sa Kapulungan sa Langit bago tayo isinilang, naghimagsik si Lucifer laban sa plano ng Ama sa Langit. Yaong mga sumunod kay Lucifer ay tinapos ang kanilang walang-hanggang pag-unlad—mag-ingat kung sino ang inyong susundin!

Sa gayo’y ipinahayag ni Jesus ang kanyang katapatan sa pagsunod, na sinasabing, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang[-]hanggan.”1 Sa Kanyang buong ministeryo, “Siya ay nagdanas ng mga tukso subalit hindi siya nagpadaig sa [mga ito].”2 Tunay ngang “siya’y [natuto] ng pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis.”3

Dahil masunurin ang ating Tagapagligtas, nagbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan, kaya naging posible ang ating pagkabuhay na mag-uli at naihanda ang daan para tayo makabalik sa ating Ama sa Langit, na nakakaalam na magkakamali tayo habang natututo tayong sumunod sa mortalidad. Kapag sumunod tayo, tinatanggap natin ang Kanyang sakripisyo, dahil naniniwala tayo na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas, ordenansa at kautusan na nakapaloob sa ebanghelyo.4

Tinuruan tayo ni Jesus na sumunod sa simpleng salitang madaling maunawaan: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos”5 at “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”6

Kapag nabinyagan tayo, “tinataglay [natin] ang pangalan ni Cristo” at “nakikipagtipan tayo sa Diyos na [tayo ay magiging] masunurin hanggang sa wakas ng [ating] mga buhay.”7 Bawat Linggo pinaninibago natin ang tipang iyon sa binyag sa pakikibahagi ng sakramento at pagsaksi na handa tayong sundin ang mga kautusan. Humihingi tayo ng tawad sa anumang iniisip, nadarama, o ginagawa natin na hindi umaayon sa kalooban ng ating Ama sa Langit. Kapag nagsisisi tayo sa pamamagitan ng pagtigil sa pagsuway at pagsisimulang muli na sumunod, ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Kanya.

Mga Uri ng Pagsunod

Habang ipinamumuhay natin ang ebanghelyo, umuunlad ang pag-unawa natin sa pagsunod. Kung minsan maaaring matukso tayong gawin ang tinatawag kong “pagsunod ayon sa karunungan ng tao,” kung saan sadya nating sinusuway ang batas ng Diyos para masunod natin ang ayon sa sarili nating karunungan o mga hangarin o para maging popular. Dahil napakaraming gumagawa nito, ang baluktot na pagsunod na ito ay nagpapababa sa mga pamantayan ng Diyos sa ating kultura at mga batas.

Kung minsan maaaring may mga miyembro na “pumipili ng susundin,” na nagsasabing mahal at iginagalang nila ang Diyos samantalang pinipili nila kung alin sa Kanyang mga utos at turo—at mga turo at payo ng Kanyang mga propeta—ang lubos nilang susundin.

Ang ilan ay namimili ng susundin dahil hindi nila maunawaan ang lahat ng dahilan para sa isang utos, tulad ng mga bata na hindi laging nauunawaan ang payo at mga patakaran ng kanilang mga magulang. Ngunit alam natin palagi kung bakit natin sinusunod ang mga propeta, dahil ito ang Simbahan ni Jesucristo, at ang Tagapagligtas ang pumapatnubay sa Kanyang mga propeta sa lahat ng dispensasyon.

Habang lumalalim ang pag-unawa natin sa pagsunod, kinikilala natin ang mahalagang papel ng kalayaan. Noong nasa Halamanan ng Getsemani si Jesus, tatlong beses Siyang nanalangin sa Kanyang Ama sa Langit, ng “Ama ko, kung baga maaari ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”8 Ayaw.alisin ng Diyos ang kalayaan ng Tagapagligtas, subalit buong awa Siyang nagsugo ng anghel para palakasin ang Pinakamamahal Niyang Anak.

Tinugunan ng Tagapagligtas ang isa pang pagsubok sa Golgota, kung saan nakatawag sana Siya ng pulutong ng mga anghel para ibaba Siya mula sa krus, ngunit pinili Niya na masunuring magtiis hanggang wakas at tapusin ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, kahit nangahulugan ito ng malaking pagdurusa, maging ng kamatayan.

Ang pagsunod na husto sa espirituwalidad ay ang “pagsunod ng Tagapagligtas.” Hinihikayat ito ng tunay na pagmamahal sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak. Kapag handa tayong sumunod, tulad ng ginawa ng ating Tagapagligtas, itatangi natin ang mga salita ng ating Ama sa Langit: “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.”9 At inaasam nating marinig, pagpasok natin sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: … pumasok ka … sa kagalakan ng iyong panginoon.”10

Ang ibig sabihin ng gamitin ang ating kalayaang sumunod ay piliing “tama’y gawin [at hayaang] bunga’y makita.”11 Nangangailangan ito ng pagpipigil sa sarili at nagdudulot ng tiwala sa sarili, walang-hanggang kaligayahan, at tagumpay sa atin at, sa pamamagitan ng halimbawa, sa mga nasa paligid natin; at laging kasama rito ang taimtim na pangakong suportahan ang mga lider ng priesthood at sundin ang kanilang mga turo at payo.

Mga Bunga

Sa pagpapasiya kung susunod tayo, laging nakakatulong na alalahanin ang mga bunga ng ating mga pagpili. Naunawaan ba ni Lucifer at ng kanyang mga alagad ang mga ibubunga ng pagpiling tanggihan ang plano ng Ama sa Langit? Kung gayon, bakit nila piniling gawin ang kasamaang iyon? Maitatanong din natin ito sa ating sarili: bakit pinipili ng sinuman sa atin na sumuway samantalang alam natin ang mga walang-hanggang bunga ng kasalanan? May sagot sa mga banal na kasulatan: kaya piniling sumuway ni Cain at ng ilang anak nina Adan at Eva ay dahil “kanilang minahal si Satanas nang higit pa sa Diyos.”12

Ang pagmamahal natin sa Tagapagligtas ang susi sa pagsunod na tulad ng Tagapagligtas. Sa pagsisikap nating maging masunurin sa mundo ngayon, ipinapahayag natin ang ating pagmamahal at paggalang sa lahat ng anak ng Ama sa Langit. Subalit imposibleng mabago ng pagmamahal na ito sa iba ang mga utos ng Diyos, na ibinigay para sa ating kabutihan! Halimbawa, ang utos na “huwag kayong … pumatay, ni gumawa ng anumang bagay tulad nito”13 ay nakasalig sa espirituwal na batas na nagpoprotekta sa lahat ng anak ng Diyos, kahit sa mga hindi pa ipinanganganak. Ipinahihiwatig ng mahabang karanasan na kapag binalewala natin ang batas na ito, darating ang di-masukat na kalungkutan. Subalit maraming naniniwala na katanggap-tanggap na wakasan ang buhay ng isang batang hindi pa ipinanganganak kung gusto ninyo o maginhawa sa inyo.

Hindi mababago ng pangangatwiran sa pagsuway ang espirituwal na batas o mga bunga nito kundi humahantong ito sa pagkalito, karupukan, paggala sa di-kilalang mga landas, pagkaligaw, at dalamhati. Bilang mga disipulo ni Cristo, may sagradong obligasyon tayong sundin ang Kanyang mga batas at utos at tipan na taglay natin sa ating sarili.

Noong Disyembre 1831 ilan sa kalalakihan ang pinatulong na sugpuin ang pagkamuhi ng mga tao sa Simbahan. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, inutusan sila ng Panginoon sa di-pangkaraniwan at nakakagulat pang paraan:

“Lituhin ang inyong mga kaaway; tawagin sila upang harapin kayo maging sa madla at nang sarilinan …

“Kaya nga sila ay magdala ng kanilang matitibay na dahilan laban sa Panginoon.

“… Walang sandata na ginawa laban sa inyo ang mananaig;

“At kung sinumang tao ang magtataas ng kanyang tinig laban sa inyo siya ay lilituhin sa aking sariling panahon.

“Kaya nga, sundin ang aking mga kautusan; ang mga ito ay tunay at tapat.”14

Mga Aral sa Banal na Kasulatan

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng mga propetang natuto ng mga aral tungkol sa pagsunod sa sarili nilang karanasan.

Itinuro kay Joseph Smith ang mga bunga ng pagsuko sa mga pamimilit ng kanyang tagasuporta, kaibigan, at tagasulat na si Martin Harris. Bilang tugon sa mga pagsamo ni Martin, humingi ng pahintulot si Joseph sa Panginoon na ipahiram ang unang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon para maipakita ito ni Martin sa kanyang pamilya, ngunit sinabi ng Panginoon kay Joseph na huwag pumayag. Nagsumamo si Martin kay Joseph na muling tanungin ang Panginoon. Matapos ang pangatlong hiling ni Joseph pumayag ang Panginoon na marepaso ng limang natatanging tao ang manuskrito. “Sa napakataimtim na tipan nangako si Martin na susunod siya sa kasunduang ito. Nang dumating siya sa bahay, at pilitin siyang ipakita ang manuskrito, nalimutan niya ang kanyang taimtim na sumpa at pumayag na makita ng iba ang manuskrito, kaya nawala ito sa kanyang mga kamay,”15 at tuluyan nang nawala Dahil dito, pinagalitan ng Panginoon si Joseph at pinatigil siya sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Nagdusa si Joseph at nagsisi sa kanyang paglabag na sumuko sa mga pamimilit ng iba. Pagkaraan ng maikling panahon, pinatuloy na si Joseph sa kanyang pagsasalin. Natuto ng mahalagang aral si Joseph tungkol sa pagsunod na buong buhay niyang napakinabangan!

Naglaan ng isa pang halimbawa ang propetang si Moises. Nang masunuring pakasalan ni Moises ang isang babaeng taga-Ethiopia, pinagsalitaan siya nina Miriam at Aaron. Ngunit pinagalitan sila ng Panginoon, na sinasabing, “Sa kanya [kay Moises ay] makikipagusap ako [na]ng bibig sa bibig.”16 Ginamit ng Panginoon ang di-kapani-paniwalang pangyayaring ito para turuan ang mga miyembro ng Simbahan sa ating dispensasyon. Noong 1830 sinabi ni Hiram Page na nakatanggap siya ng paghahayag para sa Simbahan. Itinama siya ng Panginoon at itinuro sa mga Banal na, “Ikaw ay maging masunurin sa mga bagay na ipagkakaloob ko [kay Joseph], maging katulad ni Aaron,”17 “sapagkat tinanggap niya ang mga yaon maging tulad ni Moises.”18

Ang pagsunod ay nagdudulot ng mga pagpapala, “at kapag tayo ay nagtatamo ng anumang pagpapala mula sa Diyos ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito nakasalalay.”19

Ang pagsunod ay itinuturo sa pamamagitan ng halimbawa. Sa paraan ng ating pamumuhay, tinuturuan natin ang ating mga anak na, “Matuto ng karunungan sa iyong kabataan; oo, matuto sa iyong kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos.”20

Sa pagsunod ay lalo tayong tumatatag, na may kakayahang tapat na tiisin ang mga pagsubok sa hinaharap. Ang pagsunod sa Getsemani ay naghanda sa Tagapagligtas na sumunod at magtiis hanggang wakas sa Golgota.

Mahal kong mga kapatid, ipinapahayag ng mga salita ni Alma ang nararamdaman ng aking puso:

“At ngayon mga minamahal kong kapatid, sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang kayo ay magising ko sa pagpapahalaga ng inyong tungkulin sa Diyos, upang kayo ay makalakad nang walang kasalanan sa kanyang harapan. …

“At ngayon nais ko na kayo ay maging mapagpakumbaba, at maging masunurin at maamo; … masikap na sumusunod sa mga kautusan ng Diyos sa lahat ng panahon.”21

Pinatototohanan ko na ang ating Tagapagligtas ay buhay Dahil sumunod Siya, “ang bawat tuhod ay magsisiluhod, at ang bawat dila ay magtatapat … na siya ang [ating Tagapagligtas].”22 Nawa’y mahalin natin Siya nang husto at lubos tayong maniwala sa Kanya upang tayo man ay sumunod sa Kanyang mga utos, at makabalik tayo sa piling Niya magpakailanman sa kaharian ng ating Diyos ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.