2014
Ang Masayang Pasanin ng Pagkadisipulo
Mayo 2014


Ang Masayang Pasanin ng Pagkadisipulo

Ang sang-ayunan ang ating mga lider ay isang pribilehiyo; may kasama itong personal na responsibilidad na makibahagi sa kanilang pasanin at maging mga disipulo ng Panginoon.

Elder Ronald A. Rasband

Noong Mayo 20 ng nakaraang taon, winasak ng malaking buhawi ang mga lugar sa labas ng Oklahoma City, sa gitnang Amerika, at mahigit isang milya (1.6 km) ang lawak at 17 milya (27 km) ang haba ng sinalanta nito. Ang bagyong ito, ng napakaraming mapanirang mga buhawi, ay binago ang tanawin at buhay ng mga tao sa lugar na iyon.

Isang linggo lang matapos dumaan ang malaking buhawi, inatasan akong bisitahin ang lugar kung saan nagkalat ang mga bahay at ari-arian sa napatag at wasak na mga kapitbahayan.

Bago ako umalis, kinausap ko ang ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Thomas S. Monson, na lubhang nagagalak sa gayong mga paglilingkod sa Panginoon. Dama ang paggalang hindi lamang sa kanyang katungkulan kundi maging ng kanyang kabutihan, itinanong ko, “Ano po ang gusto ninyong gawin ko? Ano po ang gusto ninyong sabihin ko?”

Magiliw niyang inabot ang kamay ko, tulad ng gagawin niya sa bawat isa sa mga biktima at tumutulong sa napinsala kung naroon siya, at sinabing:

“Una, sabihin mong mahal ko sila.

“Ikalawa, sabihin mong ipinagdarasal ko sila.

“Ikatlo, pakipasalamatan ang lahat ng tumutulong.”

Bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu, nadarama ko ang bigat ng sinabi ng Panginoon kay Moises:

“Pisanin mo sa akin ang pitong pung lalake sa mga matanda sa Israel, sa iyong mga nalalaman na mga matanda sa bayan at mga nangungulo sa kanila; …

“At ako’y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako’y kukuha sa Espiritung sumasaiyo [Moises] at aking isasalin sa kanila; at kanilang dadalhin ang pasan ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing magisa.”1

Mga salita ito noong unang panahon, subalit hindi pa nagbabago ang mga paraan ng Panginoon.

Sa Simbahan ngayon, tumawag ang Panginoon ng 317 Pitumpu, na naglilingkod sa 8 korum, upang tulungan ang Labindalawang Apostol sa pagdadala ng pasanin ng Unang Panguluhan. Masaya kong nadarama ang responsibilidad na iyon sa kaibuturan ng aking kaluluwa, tulad ng aking mga Kapatid. Gayunman, hindi lang kami ang tumutulong sa maluwalhating gawaing ito. Bilang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo, lahat tayo ay may magandang pagkakataong pagpalain ang buhay ng iba.

Nalaman ko sa mahal nating propeta kung ano ang kailangan ng mga taong napinsala ng bagyo—pagmamahal, mga panalangin, at pasasalamat sa mga tumutulong.

Ngayong hapon bawat isa sa atin ay magtataas ng kanang kamay at sasang-ayunan ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ay hindi lang pormalidad, ni nakareserba sa mga tinawag sa pangkalahatang paglilingkod. Ang sang-ayunan ang ating mga lider ay isang pribilehiyo; may kasama itong personal na responsibilidad na makibahagi sa kanilang pasanin at maging mga disipulo ng Panginoong Jesucristo.

Sabi ni Pangulong Monson:

“Napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, ating paghikayat, ating suporta, pag-alo, kabaitan—sila man ay mga kapamilya, kaibigan, kakilala, o dayuhan. Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin. …

“‘… Yamang inyong ginawa sa isa dito … , kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa’ [Mateo 25:40].”2

Tutugon ba tayo nang may pagmamahal kapag nagkaroon tayo ng pagkakataong bumisita o tumawag, sumulat, o gumugol ng isang araw para tugunan ang mga pangangailangan ng iba? O gagayahin ba natin ang binatang nagpahayag na sinusunod niya ang lahat ng utos ng Diyos:

“Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko: ano pa ang kulang sa akin?

“Sinabi ni Jesus sa kanya, Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.”3

Ang binata ay tinawag sa mas dakilang paglilingkod sa tabi ng Panginoon na gawin ang gawain ng kaharian ng Diyos sa lupa, subalit tumalikod ito, “sapagka’t siya’y isang may maraming pagaari.”4

Paano na ang ating mga ari-arian sa lupa? Nakikita natin ang nagagawa ng isang buhawi sa mga ito sa loob lang ng ilang minuto. Napakahalagang magsikap ang bawat isa sa atin na magtipon ng mga espirituwal na kayamanan sa langit—gamit ang ating oras, mga talento, at kalayaan sa paglilingkod sa Diyos.

Patuloy na nananawagan si Jesucristo na “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”5 Nilibot Niya ang Kanyang bayang tinubuan kasama ang Kanyang mga alagad sa di-makasariling paraan. Katabi pa rin natin Siya sa ating paglakad, sinusuportahan tayo, at inaakay tayo. Ang pagsunod sa Kanyang sakdal na halimbawa ay pagkilala at paggalang sa Tagapagligtas, na nagdala ng lahat ng ating pasanin sa pamamagitan ng Kanyang sagrado at nakapagliligtas na Pagbabayad-sala, ang pinakadakilang paglilingkod. Hinihiling Niya sa bawat isa sa atin na maging handa tayong dalhin ang masayang “pasanin” ng pagkadisipulo.

Habang nasa Oklahoma, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap ang ilan sa mga pamilyang pininsala ng malulupit na buhawi. Nang makausap ko ang pamilya Sorrels, lubos akong naantig sa karanasan ng kanilang anak na si Tori, na noon ay nasa ikalimang baitang sa Plaza Towers Elementary school. Kasama natin sila ng kanyang ina ngayon.

Si Tori at ilang kaibigan niya ay nagtago at nagsiksikan sa isang banyo nang magdaan ang buhawi sa paaralan. Makinig kayo habang binabasa ko, sa sariling mga salita ni Tori, ang nangyari noong araw na iyon:

“Narinig kong may tumama sa bubong. Akala ko umuulan lang ng yelo. Naging napakalakas ng tunog. Ipinagdasal ko na protektahan kaming lahat ng Ama sa Langit at panatilihin kaming ligtas. Bigla kaming nakarinig ng malakas na parang tunog ng vacuum cleaner, at nawala ang bubong sa ulunan namin. Masyadong mahangin at nagliparan ang kung anu-ano sa paligid at tumama sa lahat ng bahagi ng katawan ko. Mas madilim sa labas at mukhang madilim ang langit, pero hindi naman—loob pala iyon ng buhawi. Pumikit na lang ako, at umasa at nagdasal na matapos na iyon kaagad.

“Biglang tumahimik.

“Nang magmulat ako, nakita ko ang isang stop sign sa harap mismo ng mga mata ko! Halos nakadikit na ito sa ilong ko.”6

Si Tori, ang kanyang ina, tatlo sa kanyang mga kapatid, at ilang kaibigan na kasama niya sa eskuwela ay himalang nakaligtas sa buhawing iyon; pito sa kanilang mga kaeskuwela ang namatay.

Sa pagtatapos ng linggong iyon maraming basbas ang ibinigay ng kalalakihan ng priesthood sa mga miyembrong napinsala ng bagyo. Nakadama ako ng pagpapakumbaba nang bigyan ko ng basbas si Tori. Nang ipatong ko ang aking mga kamay sa kanyang ulo, sumaisip ko ang isang paboritong talata: “Ako ay magpapauna sa inyo. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”7

Pinayuhan ko si Tori na tandaan ang araw nang ipinatong ng isang alagad ng Panginoon ang kanyang mga kamay sa kanyang ulo at ipinahayag na pinrotektahan siya ng mga anghel sa bagyo.

Ang pagtulong na sagipin ang isa’t isa, anuman ang kalagayan, ay pagpapakita ng walang-hanggang pagmamahal. Ito ang paglilingkod na nasaksihan ko sa Oklahoma sa linggong iyon.

Kadalasan binibigyan tayo ng pagkakataong tulungan ang iba sa oras ng kanilang pangangailangan. Bilang mga miyembro ng Simbahan, bawat isa sa atin ay may sagradong responsibilidad na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan,”8 “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati,”9 “itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.”10

Mga kapatid, lubos na nagpapasalamat ang Panginoon sa bawat isa sa inyo, para sa napakaraming oras ng inyong paglilingkod, malaki man o maliit, na bukas-palad at magiliw ninyong ibinibigay bawat araw.

Itinuro ni Haring Benjamin sa Aklat ni Mormon, “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.”11

Ang pagtutuon sa paglilingkod sa ating mga kapatid ay gagabay sa atin sa paggawa ng mga banal na desisyon sa ating buhay araw-araw at ihahanda tayo upang pahalagahan at mahalin ang minamahal ng Panginoon. Sa paggawa nito, ipinapakita natin sa ating buhay mismo na tayo ay Kanyang mga disipulo. Kapag tayo ay abala sa Kanyang gawain, nadarama natin ang Kanyang Espiritu. Lumalago ang ating patotoo, pananampalataya, tiwala, at pagmamahal.

Alam ko na ang aking Manunubos ay buhay, maging si Jesucristo, at nangungusap Siya sa at sa pamamagitan ng Kanyang propeta, ang mahal nating si Pangulong Thomas S. Monson, sa panahon natin ngayon.

Nawa’y magalak tayong lahat sa sagradong paglilingkod na dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa, maging ang mga simple at maliliit na pasanin, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.