Elder Chi Hong (Sam) Wong
Unang Korum ng Pitumpu
Bilang bagong binyag at estudyante sa Brigham Young University-Hawaii, si Elder Chi Hong (Sam) Wong ay nagtamo ng higit pa sa edukasyon—nagtamo siya ng tiyak na kaalaman na may isang Diyos na nakakaalam sa “mga detalye ng ating buhay.”
Isinilang noong Mayo 25, 1962, sa Hong Kong, China, kina Ngan Kan at Fat Wong, si Elder Wong ay isa sa pitong anak na lumaki sa isang maliit na apartment.
Nakilala niya sa trabaho si Carol Lu, na siyang nagpakilala sa kanya sa ebanghelyo. Nabinyagan ang binatang investigator noong Pebrero 14, 1982.
Pagkaraan ng isang taon, noong Hulyo 9, 1983, pinakasalan niya si Carol. Lumipat sila sa Laie, Hawaii, USA, para makapag-aral siya. Dahil student visa ang hawak niya, nakapagtrabaho lamang si Elder Wong nang 20 oras sa isang linggo. “Kailangan talaga naming manampalataya at manalangin,” sabi niya tungkol sa ginawa niya para matustusan ang kanyang pamilya.
Nagsipag siya para magkaroon ng scholarship, pagkatapos ay sinamantala niya ang maraming oras na maibibigay ng unibersidad. “Hindi iyon madali,” paggunita niya. “Nang maranasan namin iyon nalaman namin na lagi kaming makakaasa sa kapangyarihan ng langit.”
Ang mga Wong ay ibinuklod sa Laie Hawaii Temple noong Agosto 9, 1984, at isinilang ang una nilang anak; kalaunan ay tatlo pang anak ang nadagdag sa pamilya. “Ang mga taong iyon ay napaka-espesyal, napakasagrado,” sabi ni Elder Wong.
Si Elder Wong ay nagtapos ng bachelor of science degree sa accounting at associate of science degree sa computer science; pagkatapos ay nadama niya ang pangangailangang “bumalik sa Hong Kong para maglingkod.”
Kalaunan ay natanggap niya ang MBA mula sa Hong Kong Open University. Si Elder Wong ang nagtatag at kasosyo ng isang negosyo at consulting company at nagtrabaho rin siya sa isang materials testing and inspection group kung saan siya nagsimula bilang senior accountant at nilisan niya ang kumpanya noong siya ang deputy managing director.
Bago sinang-ayunan noong Abril 5, 2014, bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu, naglingkod siya bilang bishop, stake president, at Area Seventy.