2014
Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan
Mayo 2014


Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan

Ang kakaibang mga pasanin sa buhay ng bawat isa sa atin ay tumutulong sa atin na umasa sa kabutihan, awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas.

Elder David A. Bednar

May matalik akong kaibigan na nagpasiya, sa mga unang taon ng kanyang pag-aasawa, na kailangan niya at ng kanyang pamilya ng four-wheel-drive pickup truck. Tiyak ng kanyang asawa na hindi niya ito kailangan kundi gusto lang niya ng bagong sasakyan. Ang masayang pag-uusap ng mag-asawa ay nagpasimula ng pag-uusap nila kung makakabuti ba o makakasama ang pagbili ng nasabing sasakyan.

“Mahal, kailangan natin ng four-wheel-drive truck.”

Tanong ng kanyang asawa, “Bakit mo iniisip na kailangan natin ng bagong trak?”

Itinugon niya sa tanong nito ang sa paniwala niya ay pinakamainam na sagot: “Paano kung kailangan natin ng gatas para sa mga anak natin at malakas ang bagyo, at ang tanging paraan para makapunta ako sa tindahan ay gumamit ng trak?”

Nakangiting tumugon ang kanyang asawa, “Kung bibili tayo ng bagong trak, wala na tayong pambili ng gatas—kaya bakit mo inaalala ang pagpunta sa tindahan!”

Sa paglipas ng mga araw patuloy nilang pinag-usapan ito at sa huli ay nagpasiya silang bilhin ang trak. Di naglaon pagkabili ng bagong trak, gustong ipakita ng kaibigan ko ang pakinabang ng trak at patunayan na may katwiran siya sa pagbili nito. Kaya’t ipinasiya niyang magputol at maghatak ng mga panggatong para sa bahay nila. Taglagas noon, at may niyebe na sa kabundukan kung saan siya maghahanap ng mga panggatong. Habang nagmamaneho siya paakyat sa gilid ng bundok, pakapal nang pakapal ang niyebe. Alam ng kaibigan ko na mapanganib magmaneho sa madulas na daan, ngunit dahil tiwala siya sa bagong trak, nagpatuloy siya.

Ang malungkot, napalayo nang husto ang kaibigan ko sa maniyebeng kalsadang iyon. Nang iliko niya ang trak papunta sa lugar na pangangahuyan niya, hindi na siya makaalis. Lahat ng apat na gulong ng bagong trak ay dumulas nang paikut-ikot sa niyebe. Agad niyang natanto na hindi niya alam ang gagawin para makaalis sa mapanganib na sitwasyong ito. Nadismaya siya at nag-alala.

Nagpasiya ang kaibigan ko, “Hindi ako basta mauupo na lang dito.” Bumaba siya sa sasakyan at nagsimulang mangahoy. Pinuno niya ng mabibigat na pasan ang likod ng trak. At pagkatapos ay nagpasiya ang kaibigan ko na subukang paandarin itong muli paalis ng niyebe. Nang paandarin niya ang pickup at simulan niya iyong manehuhin, nakausad siya nang kaunti. Unti-unting nakaalis ang trak sa niyebe pabalik sa daan. Sa wakas ay ligtas na siyang makakauwi, na isang masaya at napakumbabang tao.

Ang Pasan ng Bawat Isa sa Atin

Dalangin ko na tulungan ako ng Espiritu Santo sa pagbibigay-diin sa mahahalagang aral na matututuhan sa kuwentong ito tungkol sa aking kaibigan, sa trak, at sa panggatong. Iyon ang pasan. Ang pasan na panggatong ang nagbigay ng buwelo na kailangan para makaalis siya sa niyebe, makabalik sa daan, at makasulong. Ang pasan ang nagpabalik sa kanya sa pamilya at sa kanyang tahanan.

Bawat isa sa atin ay may pasan-pasan din. Ang pasan ng bawat isa sa atin ay binubuo ng mga ipinagagawa sa atin at mga oportunidad, mga obligasyon at pribilehiyo, mga paghihirap at biyaya, at mga opsiyon at limitasyon. Makakatulong ang dalawang gabay na katanungan kapag sinuri natin paminsan-minsan at nang may panalangin ang ating pasan: “Ang pasan ko ba ay nagbibigay ng espirituwal na buwelo na magpapasulong sa akin nang may pananampalataya kay Cristo sa makipot at makitid na landas at hindi pipigil sa aking espirituwal na pag-unlad? Ang pasan ko ba ay lumilikha ng sapat na espirituwal na buwelo upang sa huli ay makabalik ako sa piling ng Ama sa Langit?”

Kung minsan mali ang paniniwala natin na ang kaligayahan ay ang mawalan ng pasan. Ngunit ang pagkakaroon ng pasan ay kailangan at mahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan. Dahil ang pasan ng bawat isa sa atin ay kailangang magbigay ng espirituwal na buwelo, dapat tayong mag-ingat na huwag maghatak sa ating buhay ng napakaraming maganda ngunit hindi kailangang mga bagay na gumagambala at naglilihis sa atin mula sa mga bagay na tunay na pinakamahalaga.

Ang Nagpapalakas na Kapangyarihan ng Pagbabayad-sala

Sabi ng Tagapagligtas:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30).

Ang pamatok ay isang barakilan (beam) na yari sa kahoy, na karaniwang ginagamit sa pagitan ng dalawang baka o iba pang mga hayop para sabay nilang hatakin ang isang pasan. Pinagtatabi ng pamatok ang mga hayop upang sabay silang makagalaw para matapos ang isang gawain.

Isipin ang kakaibang paanyaya ng Tagapagligtas sa bawat isa na “pasanin ninyo ang aking pamatok.” Sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, pinapasan natin ang pamatok at nakikiisa tayo sa Panginoong Jesucristo. Ibig sabihin, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na umasa at makipagtulungan sa Kanya, kahit lahat ng pagsisikap natin ay hindi katumbas at hindi maihahambing sa Kanya. Kapag tayo ay nagtiwala at nakipagtulungan sa Kanya sa paghatak sa ating pasan sa paglalakbay natin sa buhay na ito, tunay na ang Kanyang pamatok ay malambot at magaan ang Kanyang pasan.

Hindi tayo nag-iisa at hindi natin kailangang mag-isa kailanman. Makakasulong tayo sa buhay sa araw-araw sa tulong ng langit. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas makatatanggap tayo ng kakayahan at “lakas [nang higit sa sarili nating kakayahan]” (“Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,” Mga Himno, blg. 164). Tulad ng sinabi ng Panginoon, “Samakatwid, ipagpatuloy ang inyong paglalakbay at ang inyong puso ay magsaya; sapagkat masdan, at narito, ako ay kasama ninyo maging hanggang wakas” (D at T 100:12).

Isipin ang halimbawa sa Aklat ni Mormon nang pahirapan ni Amulon si Alma at ang mga tao nito. Ang tinig ng Panginoon ay dumating sa mga disipulong ito sa kanilang mga paghihirap: “Itaas ang inyong mga ulo at maaliw, sapagkat nalalaman ko ang tipang inyong ginawa sa akin; at makikipagtipan ako sa aking mga tao at palalayain sila mula sa pagkaalipin” (Mosias 24:13).

Pansinin ang kahalagahan ng mga tipan sa pangakong kalayaan. Ang mga tipang tinanggap at tinupad nang may integridad at mga ordenansang isinagawa sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood ay kinakailangan upang matanggap ang lahat ng pagpapala na matatamo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sapagkat sa mga ordenansa ng priesthood, ang kapangyarihan ng kabanalan ay ipapakita sa kalalakihan at kababaihan sa laman, kabilang na ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala (tingnan sa D at T 84:20–21).

Alalahanin ang sinabi ng Tagapagligtas, “Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:30) sa pagtalakay natin sa kasunod na talata tungkol kay Alma at sa kanyang mga tao.

“At pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod” (Mosias 24:14).

Maaaring akalain ng marami sa atin na sinasabi sa talatang ito na bigla at lubusang aalisin ang isang pasanin. Gayunman, inilalarawan sa kasunod na talata kung paano pinagaan ang pasanin.

“At ito ay nangyari na, na ang mga pasaning ipinataw kay Alma at sa kanyang mga kapatid ay pinagaan; oo, pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon” (Mosias 24:15; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang mga hamon at paghihirap ay hindi inalis kaagad sa mga tao. Ngunit si Alma at ang kanyang mga alagad ay pinalakas, at ang nag-ibayong kakayahan nila ay nagpagaan sa kanilang mga pasanin. Ang mabubuting taong ito ay pinalakas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala na kumilos bilang mga kinatawan ng kanilang sarili (tingnan sa D at T 58:26–29) at nakaapekto ito sa kanilang mga sitwasyon. At “sa lakas ng Panginoon” (Mga Salita ni Mormon 1:14; Mosias 9:17; 10:10; Alma 20:4), si Alma at ang kanyang mga tao ay inakay nang ligtas patungo sa lupain ng Zarahemla.

Hindi lamang dinaraig ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang mga epekto ng Pagkahulog ni Adan at ginagawang posibleng mapatawad ang mga kasalanan at paglabag ng bawat isa sa atin, kundi dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala ay nakakagawa rin tayo ng mabuti at nagiging mas mabuti tayo sa paraang higit pa sa ating mortal na kakayahan. Alam ng marami sa atin na kapag mali ang ginagawa natin at kailangan natin ng tulong na madaig ang mga epekto ng kasalanan sa ating buhay, ginawa nang posible ng Tagapagligtas na maging malinis tayo sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihang tumubos. Ngunit nauunawaan din ba natin na ang Pagbabayad-sala ay para sa matatapat na kalalakihan at kababaihang masunurin, karapat-dapat, at maingat at nagsisikap na maging mas mabuti at naglilingkod nang mas tapat? Iniisip ko kung hindi natin lubos na kinikilala ang nagpapalakas na aspetong ito ng Pagbabayad-sala sa ating buhay at nagkakamali tayo sa paniniwalang kailangan nating dalhin ang ating pasan nang mag-isa—sa pamamagitan ng determinasyon, kasigasigan, at disiplina, at sa ating malinaw na limitadong mga kakayahan.

Mahalagang malaman na pumarito si Jesucristo sa lupa upang mamatay para sa atin. Ngunit kailangan din nating pasalamatan na hangad ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, na pasiglahin tayo—hindi lamang gabayan kundi palakasin at pagalingin din tayo.

Tinutulungan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Tao

Ipinaliwanag ni Alma kung bakit at paano tayo mabibigyang-kakayahan ng Tagapagligtas:

“At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.

At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12).

Sa gayon, ang Tagapagligtas ay nagdusa hindi lamang para sa ating mga kasalanan at kasamaan—kundi para din sa ating mga pisikal na sakit at pighati, mga kahinaan at pagkukulang, mga takot at kabiguan, mga kalungkutan at panghihina ng loob, mga panghihinayang at pagsisisi, kawalan ng pag-asa at pag-aalala, mga kawalan ng katarungan at hindi pagkakapantay-pantay na ating nararanasan, at mga paghihirap ng damdamin na bumabagabag sa atin.

Walang sakit ng katawan, walang espirituwal na sugat, walang paghihirap ng kaluluwa o sakit ng kalooban, walang karamdaman o kahinaan na nararanasan natin sa buhay na ito na hindi muna naranasan ng Tagapagligtas. Sa sandali ng kahinaan maaari nating ibulalas, “Walang nakakaalam ng pinagdaraanan ko. Walang nakakaunawa.” Ngunit lubos itong nalalaman at nauunawaan ng Anak ng Diyos, dahil naranasan at pinasan na Niya ang mga pasanin ng bawat isa sa atin. At dahil sa Kanyang walang-katapusan at walang-hanggang sakripisyo (tingnan sa Alma 34:14), ganap ang Kanyang pagdamay at maiuunat Niya sa atin ang Kanyang bisig ng awa. Maaabot, maaantig, matutulungan, mapapagaling, at mapapalakas Niya tayo nang higit kaysa makakaya natin at matutulungan Niya tayong gawin ang hinding-hindi natin makakayang gawing mag-isa. Tunay ngang malambot ang Kanyang pamatok at magaan ang Kanyang pasan.

Isang Paanyaya, Isang Pangako, at Isang Patotoo

Inaanyayahan ko kayong pag-aralan, ipagdasal, pagbulayan, at pagsikapan na malaman ang iba pa tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa pagsusuri ninyo ng inyong sariling pasan. Maraming bagay tungkol sa Pagbabayad-sala ang hindi talaga maunawaan ng ating mortal na isipan. Ngunit maraming bagay rin tungkol sa Pagbabayad-sala ang maaari at kailangan nating maunawaan.

Para sa aking kaibigan, ang pasan na panggatong ang nagbigay ng buwelong nagligtas sa kanyang buhay. Ang walang-lamang trak ay hindi makakaahon sa niyebe, kahit four-wheel drive pa ito. Kinailangan ang mabigat na pasan para makabuwelo.

Ang pasan ang mahalaga. Ang pasan na iyon ang nagbigay ng buwelo para makaalis ang kaibigan ko sa pagkalubog sa niyebe, makabalik sa daan, at makasulong, at makauwi sa kanyang pamilya.

Ang kakaibang mga pasanin sa buhay ng bawat isa sa atin ay tumutulong sa atin na umasa sa kabutihan, awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas (tingnan sa 2 Nephi 2:8). Pinatototohanan at ipinapangako ko na tutulungan tayo ng Tagapagligtas na mabata ang ating mga pasanin nang may kagaanan (tingnan sa Mosias 24:15). Kapag pinasan natin ang Kanyang pamatok sa pamamagitan ng mga sagradong tipan at tinanggap ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa ating buhay, mag-iibayo ang hangarin nating makaunawa at mamuhay ayon sa Kanyang kalooban. Ipagdarasal din natin na magkaroon tayo ng lakas na matuto mula sa, baguhin, o tanggapin ang ating sitwasyon sa halip na patuloy na ipagdasal na baguhin ng Diyos ang ating sitwasyon ayon sa ating kalooban. Tayo ay magiging mga kinatawan na kumikilos sa halip na pinakikilos (tingnan sa 2 Nephi 2:14). Bibiyayaan tayo ng espirituwal na buwelo.

Nawa’y gumawa ng mabuti at maging mas mabuti ang bawat isa sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ngayon ay Abril 6. Alam natin sa pamamagitan ng paghahayag na ngayon ang aktuwal at tumpak na petsa ng pagsilang ng Tagapagligtas. Abril 6 din ang araw na inorganisa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. (Tingnan sa D at T 20:1; Harold B. Lee, “Strengthen the Stakes of Zion,” Ensign, Hulyo 1973, 2; Spencer W. Kimball, “Why Call Me Lord, Lord, and Do Not the Things Which I Say?” Ensign, Mayo 1975, 4; Spencer W. Kimball, “Remarks and Dedication of the Fayette, New York, Buildings,” Ensign, Mayo 1980, 54; Discourses of President Gordon B. Hinckley, Tomo 1: 1995–1999 [2005], 409.) Sa espesyal at sagradong araw na ito ng Sabbath, ipinapahayag ko ang aking patotoo na si Jesucristo ay ating Manunubos. Siya ay buhay at lilinisin, pagagalingin, gagabayan, poprotektahan, at palalakasin Niya tayo. Masaya kong pinatototohanan ang mga bagay na ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.