2014
Huwag Nating Tahakin ang Maling Landas
Mayo 2014


Huwag Nating Tahakin ang Maling Landas

Dalangin ko na hindi tayo malihis ng landas nang sa gayon ay lagi tayong makaugnay sa kalangitan.

Elder Claudio D. Zivic

Isang batang lalaki ang nagpapraktis ng piyano, at tinanong siya ng isang salesman, nang masilip siya sa bintana, “Nariyan ba ang nanay mo?”

Na tinugon ng bata ng, “E … ano po sa palagay n’yo?”

Tumutugtog ng piano ang limang mahal naming anak, salamat sa panghihikayat ng aking asawa! Kapag dumarating ang titser sa bahay namin, tumatakbo at nagtatago ang anak naming si Adrián para hindi siya maturuan. Ngunit isang araw may kamangha-manghang nangyari! Nagustuhan na niya nang husto ang musika kaya’t patuloy siyang nagpraktis mag-isa.

Kung makarating tayo sa puntong iyon sa ating pagbabagumbuhay, kahanga-hangha iyon. Napakainam magkaroon ng matinding hangarin sa ating puso na sundin ang mga utos nang hindi na pinapaalalahanan pa at ng matibay na pananalig na kung tatahakin natin ang tamang landas, mapapasaatin ang mga pagpapalang ipinangako sa mga banal na kasulatan.

Ilang taon na ang nakalipas nagpunta ako sa Arches National Park kasama ang asawa ko, ang anak naming si Evelin, at isang kaibigan ng pamilya. Ang isa sa mga pinakatanyag na arko roon ay tinatawag na Delicate Arch. Ipinasiya naming maglakad nang mga 1.5 milya (2 km), at umakyat ng bundok para marating ang arko.

Masigla kaming nagsimulang maglakad, ngunit matapos lakarin ang maikling distansya, kinailangan nang magpahinga ng iba. Dahil sa hangarin kong makarating doon, nagpasiya akong magpatuloy nang mag-isa. Hindi pansin ang landas na dapat kong tahakin, sinundan ko ang lalaki sa unahan ko na tila nakatitiyak sa kanyang pupuntahan. Pahirap nang pahirap ang daanan, at kinailangan kong magpalundag-lundag sa malalaking bato. Dahil mahirap, sigurado ako na hindi ito kakayanin ng mga kasama kong babae. Pagdaka’y nakita ko ang Delicate Arch, ngunit laking gulat ko nang makita ko na nasa isang lugar ito na hindi ko mararating.

Sa malaking kabiguan, ipinasiya kong bumalik. Nainip ako sa paghihintay hanggang sa magkita-kita kaming muli. Ang itinanong ko kaagad ay “Narating ba ninyo ang Delicate Arch?” Masaya nilang sinabi sa akin na narating nila iyon. Ipinaliwanag nila na sinundan nila ang mga karatulang nagtuturo ng daan, at maingat at masigasig nilang narating ang kanilang patutunguhan.

Sa kasamaang-palad, maling landas pala ang tinahak ko. Napakagandang aral ang natutuhan ko sa araw na iyon!

Gaano kadalas ba tayong nagkakamali tungkol sa tamang daan, at nagpapatangay tayo sa mga kalakaran ng mundo? Kailangan nating patuloy na tanungin ang ating sarili kung mga tagatupad tayo ng mga salita ni Jesucristo.

Isang kagila-gilalas na turo ang makikita sa aklat ni Juan:

“Kayo’y manatili sa akin, at ako’y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo’y manatili sa akin.

“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa” (Juan 15:4–5).

Sa paggamit ng analohiyang ito, nakikita natin ang napakalapit at napakalaking kaugnayan natin kay Jesucristo at ang pagpapahalaga Niya sa bawat isa sa atin. Siya ang ugat at katawan ng puno na naghahatid ng tubig na buhay sa atin, ang katas na mangangalaga sa atin para magkaroon tayo ng maraming bunga. Tinuruan tayo ni Jesucristo sa paraan na bilang mga sanga—o mga nilalang na umaasa sa Kanya—hindi natin mamaliitin kailanman ang kahalagahan ng Kanyang mga turo.

May ilang pagkakamali na maaaring malubha, at kung hindi natin ito itatama kaagad, maaaring permanente tayong ilayo nito sa tamang daan. Kung magsisisi tayo at tatanggap ng pagtatama, ang mga karanasang ito ay tutulutan tayong magpakumbaba, baguhin ang ating mga kilos, at mas mapalapit na muli sa ating Ama sa Langit.

Gusto kong magbigay ng halimbawa ng konseptong ito sa pagbanggit sa isa sa pinakamatitinding sandaling naranasan ni Propetang Joseph Smith. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nabigyan tayo ng Tagapagligtas ng napakahalagang mga turo hinggil sa mga alituntuning dapat nating isaisip habambuhay. Nangyari iyon nang maiwala ni Martin Harris ang naisaling 116 na pahina ng unang bahagi ng Aklat ni Mormon.

Pagkatapos magsisi sa pagsuway sa payo ng Diyos, natanggap ng Propeta ang paghahayag na matatagpuan sa bahagi 3 ng Doktrina at mga Tipan (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 81–84). Mula sa nakasulat sa mga talata 1 hanggang 10, nais kong bigyang-diin ang tatlong alituntunin na dapat nating laging tandaan:

  1. Ang mga gawain at layunin ng Diyos ay hindi mabibigo.

  2. Hindi natin dapat katakutan ang tao nang higit sa Diyos.

  3. Kailangang patuloy na magsisi.

Sa talata 13, itinuro sa atin ng Panginoon ang apat na bagay na hindi natin dapat gawin kailanman:

  1. Balewalain ang mga payo ng Diyos.

  2. Suwayin ang pinakabanal na mga pangakong ginawa sa harapan ng Diyos.

  3. Umasa sa sarili nating paghatol.

  4. Ipagyabang ang sarili nating karunungan.

Dalangin ko na hindi tayo malihis ng landas nang sa gayon ay lagi tayong makaugnay sa kalangitan, upang hindi tayo matangay ng mga kalakaran ng mundo.

Kung umabot ang sinuman sa inyo sa puntong tatalikuran na ninyo ang landas ng Panginoon—saanmang bahagi ng daang iyan—madarama ninyo nang may malaking pagsisisi ang pait ng pagbabalewala ninyo sa mga payo ng Diyos, ng pagsuway sa pinakabanal na mga pangakong ginawa ninyo sa harapan ng Diyos, ng magtiwala sa sarili ninyong paghatol, o ng pagyayabang sa sarili ninyong karunungan.

Kung ganito ang sitwasyon, hinihikayat ko kayong magsisi at bumalik sa tamang daan.

Minsan ay tinawagan ng isang apo ang kanyang lolo para batiin ito ng maligayang kaarawan. Tinanong niya ito kung ilang taon na siya. Sinabi nito na 70 taong gulang na siya. Nag-isip sandali ang kanyang apo at pagkatapos ay nagtanong, “Lolo, nag-umpisa po ba kayo sa 1?”

Habang bata pa at kapag tinedyer na, iniisip ng mga tao na hindi na sila tatanda kailanman; ang ideya ng kamatayan ay parang hindi naman totoo—para sa mga tao na napakatatanda na—at napakatagal pa bago iyon mangyari. Sa paglipas ng panahon, lumilipas ang mga buwan at taon hanggang sa magsimulang lumabas ang mga kulubot, manghina ang katawan, dumalas ang pagpunta sa doktor, at marami pang iba.

Darating ang araw na makikipagkita tayong muli sa ating Manunubos at Tagapagligtas na si Jesucristo. Nakikiusap ako na sa sagrado at dakilang okasyong iyon ay makilala natin Siya dahil sa kaalaman natin tungkol sa Kanya at dahil sinunod natin ang Kanyang mga turo. Ipapakita Niya sa atin ang mga marka sa Kanyang mga kamay at paa, at magyayakap tayo nang walang hanggan, at lumuluha sa kagalakan na nasundan natin ang Kanyang landas.

Pinatototohanan ko sa apat na sulok ng mundo na si Jesucristo ay buhay. Pinapayuhan Niya tayo, “Makinig, O kayong mga bansa sa mundo, at pakinggan ang mga salita ng yaong Diyos na lumikha sa inyo” (D at T 43:23). Nawa’y magkaroon tayo ng kakayahang mahiwatigan, dinggin, maunawaan, at maipaliwanag nang tama ang mensahe ng “yaong Diyos na lumikha sa [atin]” upang hindi tayo malihis mula sa Kanyang landas, ang pakiusap ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.