Elder Hugo E. Martinez
Pangalawang Korum ng Pitumpu
Noong 1982, si Elder Hugo E. Martinez at kanyang asawang si Sister Nuria Alvarez de Martinez, ay kapwa nasa kanilang medical residency training sa Mississippi, USA, nang may di-inaasahang kumatok sa kanilang pintuan.
Naroon at nakatayo ang dalawang Mormon missionary.
“Binuksan namin ang aming tahanan sa kanila, ngunit wala kaming alam tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi rin namin alam ang tungkol sa Mormon Tabernacle Choir,” sabi ni Elder Martinez na nakangiti.
Gayunpaman, ang mga aral ng ebanghelyo na ibinahagi ng mga elder ay agad tumimo sa puso ng mag-asawa. Hindi nagtagal ay tinanggap nila ang paanyaya ng mga missionary na magpabinyag.
“At hindi namin iyon pinagsisihan kailanman.”
Noong Abril 5, 2014, tinawag si Elder Martinez sa Pangalawang Korum ng Pitumpu, at naging unang General Authority mula sa Caribbean. Natural lang na “nag-alala” siya sa kanyang bagong tungkulin.
“Ngunit kapayapaan ang nadama ko at ipinabatid sa akin na ang Panginoon ang bahala,” sabi niya.
Isang taon at isang buwan matapos silang mabinyagan, sina Hugo at Nuria Martinez ay nabuklod sa Salt Lake Temple noong Oktubre 3, 1983. Sila ay may limang anak at limang apong babae.
Si Elder Martinez ay isinilang noong Enero 10, 1957, sa Mayagüez, Puerto Rico, kina Hugo E. Martinez-Sandin at Daly Morales-Alamo de Martinez. Noong binata siya, pinili niyang tularan ang propesyon ng kanyang ama at naging isang doktor. Nakamit niya ang kanyang medical degree mula sa University of Puerto Rico (1981) at natapos ang kanyang residency sa University of Mississippi (1984). Nanggagamot siya hanggang sa magretiro noong 2004.
Hindi nagtagal matapos siyang mabinyagan, tinawag siyang maging youth Sunday School teacher. Kalaunan siya ay maglilingkod bilang bishop, tagapayo sa stake presidency, district president, at tagapayo sa Puerto Rico San Juan Mission presidency. Pinamunuan din niya ang Guatemala Guatemala City Central Mission at naglilingkod bilang Area Seventy nang tawagin siyang maging General Authority.