2014
Ikaw ay Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti
Mayo 2014


Ikaw ay Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti

Nawa’y magkaroon tayo—lahat tayo—ng tapang na salungatin ang gusto ng nakakarami, ng tapang na manindigan para sa prinsipyo.

Pangulong Thomas S. Monson

Minamahal kong mga kapatid, napakasaya ko na makasama kayong muli. Dalangin kong tulungan ako ng langit sa oportunidad na ito na magsalita sa inyo.

Bukod sa narito sa Conference Center ay libu-libo pa ang nakatipon sa mga kapilya at iba pang lugar sa iba’t ibang panig ng mundo. May isang bagay na nag-uugnay sa atin, dahil pinagkatiwalaan tayong lahat na magtaglay ng priesthood ng Diyos.

Narito tayo sa mundo sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan nito. Ang ating mga oportunidad ay halos walang katapusan, subalit nahaharap din tayo sa maraming hamon sa buhay, ang ilan doon ay ngayon pa lang natin naranasan.

Naninirahan tayo sa mundo na lubhang walang pagpapahalaga sa mabuting moralidad, kung saan ipinaglalantaran ang kasalanan, at napapalibutan ng mga tuksong lumihis sa makipot at makitid na landas. Dumaranas tayo ng patuloy na panunukso ng mapanlinlang na impluwensya na sumisira sa mararangal na bagay at tinatangkang palitan ito ng mababaw na pilosopiya at gawain ng sekular na lipunan.

Dahil dito at sa iba pang mga hamon, lagi nating kailangang magpasiya na siyang nagtatakda ng ating tadhana. Upang tayo ay makapagpasiya nang tama, kailangan ang katapangan—ng tapang na magsabi ng “Hindi” kapag kailangan, ng tapang na magsabi ng “Oo” kapag nararapat, ng tapang na gawin ang tama dahil ito ay tama.

Yamang ang kalakaran sa lipunan ngayon ay mabilis na nalalayo sa kabutihang-asal at alituntunin na ibinigay sa atin ng Panginoon, tiyak na hihilingin sa ating panindigan ang ating paniniwala. May tapang ba tayong gawin iyon?

Sinabi ni Pangulong J. Reuben Clark Jr., na matagal na naging miyembro ng Unang Panguluhan: “May mga nagsasabi na sila ay nananampalataya ngunit sa takot na kutyain sila ng kanilang mga kaibigang di naniniwala sa sandaling patotohanan nila ito, kanilang binabago o ipinaliliwanag ito sa puntong halos sirain na nila ito, o kaya’y magkunwaring tinatalikuran nila ito. Ang gayong mga tao ay mapagkunwari.”1 Hindi gugustuhin ng sinuman sa atin na mabansagan nang ganyan, ngunit atubili pa rin ba tayong ipahayag ang ating pananampalataya sa ilang sitwasyon?

Matutulungan natin ang ating sarili sa hangaring gawin ang tama kung magtutuon at makikibahagi tayo sa mga aktibidad na makaiimpluwensya sa kabutihan at kung saan masisiyahan ang Espiritu ng Panginoon.

Naaalala ko ang nabasa kong payo na ibinigay ng ama sa kanyang anak nang umalis ito para mag-aral: “Kung matagpuan mo ang iyong sarili sa sitwasyong di mo dapat kalagyan, lumabas ka!” Ipinapayo ko rin iyan sa inyo: “Kung matagpuan ninyo ang sarili sa sitwasyong di ninyo dapat kalagyan, lumabas kayo!”

Ang panawagang magpakatapang ay palaging ibinibigay sa atin. Bawat araw ng ating buhay ay kailangan ng tapang—hindi lang sa mahahalagang sandali, kundi madalas sa pagpapasiya o pagtugon natin sa mga sitwasyon sa ating paligid. Sabi ng makata at nobelistang Scottish na si Robert Louis Stevenson: “Ang katapangan sa araw-araw ay kaunti lang ang saksi. Ngunit hindi nababawasan ang karangalan ng iyong gawain kahit walang naghihikayat sa iyong magpakatapang o pumupuri sa iyong katapangan.”2

Maraming uri ng katapangan. Ito ang isinulat ng Kristiyanong awtor na si Charles Swindoll: “Ang katapangan ay hindi lamang nakikita sa digmaan … o sa matapang na paghuli ng magnanakaw sa inyong tahanan. Ang tunay na pagsubok ng katapangan ay di napapansin. Ito ay mga pagsubok sa kalooban, tulad ng pananatiling tapat kahit walang nakatingin, … tulad ng paninindigan kapag hindi ka pinaniniwalaan.”3 Idaragdag ko na kabilang din sa katapangan ng kalooban ang paggawa ng tama kahit natatakot tayo, pagtatanggol sa ating paniniwala kahit kutyain tayo, at pananatiling tapat sa ating mga paniniwala kahit pa mawala ang ating mga kaibigan o katayuan sa lipunan. Siya na tapat na naninindigan sa tama ay malamang na ayawan at di tanggapin ng karamihan.

Noong nasa serbisyo pa ako ng United States Navy noong World War II, nalaman ko ang tungkol sa katapangan, kagitingan, at mga halimbawa ng katapangan. Ang tandang-tanda ko ay ang lakas ng loob na taglay ng 18 taong gulang na marino—hindi siya miyembro—na hindi nahiyang magdasal. Sa 250 katao sa pulutong, siya lang ang gabi-gabing lumuluhod sa tabi ng kanyang kama, kung minsa’y sa gitna ng pangungutya ng mga usisero at pagbibiro ng mga di mananampalataya. Nakayuko ang ulo, nagdarasal siya sa Diyos. Hindi siya natakot. Hindi siya nag-alinlangan. Siya’y matapang.

Napakinggan ko kailan lang ang halimbawa ng isang tila hindi nagtataglay ng matapang na kalooban. Isang kaibigan ang nagkuwento sa akin ng napakaespirituwal na sacrament meeting na dinaluhan nilang mag-asawa sa kanilang ward. Isang binatilyo na may katungkulang priest sa Aaronic Priesthood ang nakaantig sa puso ng buong kongregasyon nang magsalita siya tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo at sa kagalakan sa pagsunod sa mga utos. Nagbahagi siya ng taimtim na patotoo sa pulpito, at malinis at maayos tingnan sa kanyang suot na puting polo at kurbata.

Nang araw ding iyon, nang papalabas na sakay ng kotse ang mag-asawang ito sa kanilang lugar, nakita nila ang binatilyo ring iyon na nagpahanga sa kanila ilang oras pa lang ang nakalipas. Ngunit, ngayon, ibang-iba na ang hitsura niya nang lumakad siya sa bangketa na gusut-gusot ang damit—at nagsisigarilyo. Ang kaibigan ko at kanyang asawa ay hindi lamang nalungkot, kundi nagtaka sila kung bakit nagawa ng binatilyong ito na magpakita nang ganoon kabilis na pagbabago ng pagkatao mula sa kanyang ipinakita sa sacrament meeting.

Mga kapatid, iisa lang ba ang inyong pagkatao saan man kayo naroon at anuman ang inyong ginagawa—ang uri ng taong nais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan ninyo at alam ninyong dapat na kahinatnan ninyo?

Sa isang panayam na nalathala sa isang magasin, ang kilalang Amerikanong manlalaro ng basketbol sa NCAA na si Jabari Parker, na miyembro ng Simbahan, ay nahilingang ibahagi ang pinakamagandang payong natanggap niya sa kanyang ama. Sagot ni Jabari, “Sabi [ni itay], kung ano ang pagkatao mo kapag walang nakakakita, dapat ganoon ka pa rin kapag may nakatingin.”4 Mahalagang payo, mga kapatid, para sa ating lahat.

Ang ating mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng katapangang kailangan ng bawat isa sa atin ngayon. Ipinakita ng propetang si Daniel ang tunay na kagitingan nang panindigan niya ang alam niyang tama at nang ipakita niya ang katapangan na magdasal, kahit binantaan siyang papatayin sa paggawa nito.5

Namuhay nang may katapangang taglay si Abinadi, na naipakita sa kanyang kahandaang ialay ang kanyang buhay sa halip na itatwa ang katotohanan.6

Sino ba ang hindi maaantig sa naging buhay ng 2,000 kabataang mandirigma ni Helaman, na itinuro at ipinakita ang tapang na kailangan para masunod ang mga turo ng mga magulang, na maging malinis at dalisay?7

Marahil ang bawat isa sa talang ito sa mga banal na kasulatan ay lalo pang pinaigting ng halimbawa ni Moroni, na matapang na nanatiling mabuti hanggang sa katapusan ng kanyang buhay.8

Sa buong buhay niya, si Propetang Joseph Smith ay nagbigay ng napakaraming halimbawa ng katapangan. Isa sa pinakamatinding mga halimbawa nito ay naganap nang siya at ang ibang mga kapatid ay kinadena at ikinulong sa isang dampa malapit sa hukuman sa Richmond, Missouri. Si Parley P. Pratt, na isa sa mga bihag, ay isinulat ang nangyari doon isang gabi: “Nakahiga kami ngunit hindi makatulog hanggang sa magmadaling-araw, at labis ang panlulumo habang nariringgan sa mahabang oras ang mahalay, kasindak-sindak, at nakapanghihilakbot na pagmumura at walang pakundangang pananalita ng mga nagbabantay sa amin.”

Patuloy ni Elder Pratt:

“Nakinig ako hanggang sa makaramdam ako ng pagkasuklam, sindak, takot, at dama ang poot sa di makatarungang pagtratong iyon kung kaya’t di ko halos mapigilang tumayo at pagsalitaan ang mga bantay; ngunit wala akong sinabi kay Joseph, ni kaninuman, gayong katabi ko siya at alam kong siya ay gising. Maya-maya’y bigla siyang bumangon, at nagsalita sa tinig na parang kulog, o ng isang umaatungal na leon, at nagsalita, sa alaala ko, ng mga salitang ito:

“‘TUMAHIMIK KAYO. … Sa pangalan ni Jesucristo ay pinagsasabihan ko kayo, at inuutusang manahimik; Hindi ko na hahayaan pang makarinig ng ganyang pananalita. Tumahimik kayo, o isa sa atin ang mamamatay SA ORAS NA ITO!’”

Si Joseph ay “nakatayo nang tuwid nang buong tapang at karingalan,” ayon sa paglalarawan ni Elder Pratt. Siya ay nakakadena, walang sandata, ngunit siya ay payapa at kapita-pitagan. Tiningnan niya ang nahintakutang mga bantay na nagsisiksikan sa isang sulok o nakayukyok sa kanyang paanan. Ang kalalakihang ito na tila mga haragan ay humingi sa kanya ng paumanhin at nanahimik.9

Hindi lahat ng katapangan ay nagbubunga ng ganoon katindi, ngunit lahat ng ito ay nagdudulot ng kapanatagan ng isip at kaalaman na ang tama at totoo ay napanindigan.

Imposibleng manatiling matatag kung isasalig ng isang tao ang kanyang pamantayan sa pabagu-bagong opinyon at pagsang-ayon ng tao. Kailangan dito ang katapangan ni Daniel, ni Abinadi, ni Moroni, o ni Joseph Smith upang manatili tayong matibay na nakakapit sa alam nating tama. Nasa kanila ang katapangan na hindi madaling gawin ngunit tamang gawin.

Lahat tayo ay daranas ng takot, pangungutya, at pagsalungat. Nawa’y magkaroon tayo—lahat tayo—ng tapang na salungatin ang gusto ng nakakarami, ng tapang na manindigan para sa prinsipyo. Katapangan, hindi kompromiso, ang kinalulugdan ng Diyos. Ang katapangan ay nagiging isang tunay at kasiya-siyang katangian kapag ito ay itinuring hindi lamang bilang kahandaang mamatay kundi ng determinasyong mamuhay nang marangal. Sa ating pag-unlad, sa pagsisikap na mamuhay gaya ng nararapat, tiyak na tatanggap tayo ng tulong sa Panginoon at mapapanatag sa Kanyang mga salita. Gustung-gusto ko ang Kanyang pangako na nakatala sa aklat ni Josue:

“Hindi kita iiwan ni pababayaan kita. …

“…Magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo saan ka man pumaroon.”10

Mahal kong mga kapatid, taglay ang kagitingan ng ating pananalig, nawa’y ipahayag natin, tulad ni Apostol Pablo, “Hindi ko ikinahihiya ang evangelio [ni Cristo].”11 At taglay ang katapangan ding iyan, nawa’y sundin natin ang payo ni Pablo: “Maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.”12

Ang mapaminsalang kaguluhan ay dumarating at lumilipas, ngunit ang digmaan para supilin ang kaluluwa ng tao ay hindi tumitigil. Maliwanag na sinasabi ng Panginoon sa inyo, sa akin, at sa mga mayhawak ng priesthood saan man: “Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig.”13 At, gaya ng sinabi ni Apostol Pedro, tayo ay magiging “isang makaharing pagkasaserdote,”14 na iisa ang layunin at tumatanggap ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.15

Nawa ang bawat isa sa ating naririto ay aalis nang may determinasyon at katapangang sabihin, tulad ni Job ng sinauna, “Ang aking buhay ay buo pa sa akin, … Hindi ko aalisin sa akin ang aking pagtatapat.”16 Na mangyari nawa ito ay ang aking dalangin sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, amen.