2014
Pagdami ng mga Templo Ipinahayag, mga Bagong Pinuno Sinang-ayunan sa Pangkalahatang Kumperensya
Mayo 2014


Pagdami ng mga Templo Ipinahayag, mga Bagong Pinuno Sinang-ayunan sa Pangkalahatang Kumperensya

Nitong nakalipas na anim na buwan, “sumusulong nang walang balakid ang gawain ng Simbahan,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson sa kanyang pambungad na pananalita sa Ika-184 na Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Simbahan.

Sa paggunita sa paglalaan ng Gilbert Arizona Temple noong Marso 2, 2014, inaasam ang parating na paglalaan ng Fort Lauderdale Florida Temple, pati na ang pagtatapos at paglalaan ng mga templo sa maraming bahagi ng mundo sa taong 2014 at 2015, sinabi ni Pangulong Monson na kapag natapos ang lahat ng dating ibinalitang mga templo, 170 templo na ang magagamit ng Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo.

“Bagama’t nakatuon ngayon ang ating mga pagsisikap sa pagtapos sa mga dating ibinalita nang templo at hindi na muna magbabalita ng anumang bagong templo sa malapit na hinaharap,” wika niya, “patuloy pa rin tayo sa proseso ng pag-alam sa mga pangangailangan at paghahanap ng mga lugar para sa mga templo na itatayo pa natin. Magbabalita tayo ng iba pa sa mga darating na pangkalahatang kumperensya. Tayo ay mga taong laging nagtatayo ng templo at mga taong mapagdalo sa templo.”

Sa kumperensya, isang bagong miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu, apat na bagong General Authority, isang bagong Sunday School general presidency, at 42 Area Seventy ang sinang-ayunan.

Si Elder Lynn G. Robbins ay tinawag sa Panguluhan ng Pitumpu.

Sina Elder Jörg Klebingat ng Kyiv, Ukraine, at Elder Chi Hong (Sam) Wong ng Hong Kong, China, ay sinang-ayunan na maglingkod sa Unang Korum ng Pitumpu. Sina Elder Larry S. Kacher ng Midway, Utah, at Elder Hugo E. Martinez ng Arecibo, Puerto Rico, ay sinang-ayunan bilang mga miyembro ng Pangalawang Korum ng Pitumpu.

Si Elder Tad R. Callister, na matagal nang naglilingkod sa Panguluhan ng Pitumpu at bilang miyembro ng Pangalawang Korum ng Pitumpu, ay sinang-ayunan bilang Sunday School general president, kasama sina John S. Tanner at Devin G. Durrant bilang una at pangalawang tagapayo.

Tingnan ang kumpletong listahan ng mga sinang-ayunan at ini-release sa mga pahina 26–27, at makikita ninyo ang talambuhay ni Elder Robbins, ng bagong tawag na mga Seventy, at ng Sunday School general presidency simula sa pahina 141.

Isang linggo bago ang pangkalahatang kumperensya, ang unang pangkalahatang kumperensya ng kababaihan—para sa lahat ng babae, kabataang babae, at batang walong taong gulang pataas—ay ginanap sa Conference Center. Ang pulong na ito ang pumalit sa dating mga pangkalahatang pulong ng Relief Society at ng Young Women. Lahat ng mensahe mula sa pulong ng kababaihan ay matatagpuan sa mga pahina 116–28.

Bago ginanap ang kumperensya, ang Young Women general board ay muling inorganisa, na ang kababaihan ay tinawag sa unang pagkakataon mula sa mga lugar bukod pa sa Salt Lake City, kabilang na ang Peru; South Africa; Japan; Brazil; at Brooklyn, New York, USA. Basahin ang mga talambuhay at tingnan ang mga larawan sa lds.org/callings/young-women.

“Nagdala ang Tagapagligtas sa daigdig na ito ng mensahe ng pagmamahal at kabutihang-loob sa lahat ng lalaki at babae,” sabi ni Pangulong Monson sa pagtatapos ng pangkalahatang kumperensya. “Nawa’y [tularan] natin ang Kanyang halimbawa.” Tiniyak niya sa mga miyembro ng Simbahan at sa iba pang nakikinig na “iniisip tayo ng ating Ama sa Langit. Gagabayan at bibiyayaan Niya tayo kapag sumampalataya at nagtiwala tayo sa Kanya.”